Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Buhay sa Sirkus

Ang Buhay sa Sirkus

Ang Buhay sa Sirkus

AYON SA SALAYSAY NI JOHN SMALLEY

“Mga mahal naming mánonoód, at lahat ng mga bata, malugod kayong tinatanggap sa pinakadakilang pagtatanghal sa buong lupa!” Para sa karamihan ng mga mánonoód, ang mga salitang iyan ng ringmaster ng sirkus ay hudyat na magsisimula na ang kapana-panabik na palabas na magtatampok sa mga hayop, payaso, at mga sirkero. Ngunit para sa aking pamilya, nangangahulugan ito ng pasimula ng isa pang sesyon ng pagtatrabaho sa ilalim ng malaking tolda ng Ringling Brothers and Barnum & Bailey Circus.

ISINILANG ako noong 1951. Maaaring sabihin na isinilang ako na may “kusot sa aking mga sapatos,” isang pananalita na tumutukoy sa kusot na ikinakalat sa ibabaw ng lupang pinagtayuan ng malalaking tolda ng sirkus. Bago pa kami matutong lumakad ng aking kapatid na lalaki, may bahagi na kami sa ilang aspekto ng buhay sa sirkus.

Ang aking mga magulang, sina Harry at Beatriz, ay kasama na sa Clyde Beatty Circus bago pa ako isilang. Ang aking ina ay mang-aawit at umaawit siya ng mga awiting Kastila habang nakasuot ng tradisyonal na kostiyum ng mga Mexicano. Bilang isang musikero, nakasamang tumugtog ng aking ama ang lider ng banda at kompositor na si John Philip Sousa noong Digmaang Pandaigdig I. Pagkatapos noong dekada ng 1950, inupahan ang aking ama upang tumugtog ng instrumentong tuba sa tanyag na Ringling Brothers Band, marahil dahil nakasama niya si Sousa.

Sa paglipas ng panahon, nagtrabaho kami sa iba’t ibang sirkus, anupat nang dakong huli ay nakapagtrabaho kami sa Al G. Kelly & Miller Brothers Circus, na naging napakatanyag din sa Estados Unidos. May tatlong malalaking tolda ang sirkus na ito. Ang isa sa mga ito ay kinaroroonan ng mga leon, tigre, elepante, hayina, at iba pang kakaibang hayop.

Tinatawag naming karagdagang palabas (side show) ang ikalawang tolda. Karaniwan nang mapapanood sa loob nito ang taong lumululon ng espada, ang taong tinaguriang kalahating lalaki at kalahating babae, ang mga unano, ang isang higante, at ang iba pang tao na may kakaibang pisikal na mga katangian. Isang mabuting edukasyon para sa mga batang tulad namin ang paninirahang kasama ng mga taong kakaiba. Hindi maganda ang ibinabansag sa kanila ng ilan, ngunit para sa amin ay kapamilya namin sila. Magkakasama kaming nagtatrabaho, kumakain, at naninirahan sa kalakhang bahagi ng taon.

Ang ikatlong tolda ang pinakamalaki, na naglalaman ng tatlong pabilog na espasyo kung saan sabay-sabay na ginaganap ang mga pagtatanghal. Karaniwan na, ang pinakamapanganib o pinakakawili-wiling pagtatanghal ay ginaganap sa gitnang espasyo.

Araw-araw na Buhay sa Sirkus

Kami ng aking kapatid na lalaki ay mga sirkero na mula pa sa aming pagkabata. Kasama rin kami sa Wild West Show, kung saan gumaganap kami bilang mga batang Indian. Isang pamilya ng tribong Choctaw na Katutubong Amerikano, na kasali rin sa pagtatanghal, ang nagturo sa amin kung paano magtatanghal ng mga sayaw ng Indian.

Ang araw sa amin ay karaniwan nang nagsisimula ng mga alas-seis ng umaga. Sa oras na iyon ay nagsisipaghanda na kami upang lumipat sa susunod na bayan. Ang lahat ng mga tagapagtanghal ay nakikibahagi sa pagkakalas, paglilipat, at muling pagtatayo ng sirkus. Halimbawa, bukod sa pagiging musikero, minamaneho rin ng aking ama ang isang malaking trak na may lulan na pitong elepante. Kung minsan, kami ng aking ina at ng aking kapatid na lalaki ay sumasakay na kasama ng aking ama sa kaniyang trak.

Karaniwan na, araw-araw kaming naglalakbay patungo sa bagong lugar at nagtatanghal nang dalawang beses sa isang araw. Ngunit tuwing Linggo, nagtatanghal lamang kami sa hapon at pagkatapos ay nagpapahinga na kasama ng aming pamilya kinagabihan. Laging espesyal ang ginagawa ng aking ama kasama ng pamilya sa gayong araw, namamasyal kami sa bayan para bumili ng milk shake o kaya naman ay nanonood ng sine sa gabi sa lugar na hindi na kailangan pang bumaba ng sasakyan.

Malaking trabaho ang pagtatayo ng sirkus. Maging ang mga elepante ay tumutulong. Paano? Nilalagyan sila ng singkaw upang hilahin ang mahahabang poste ng tatlong tolda. Ang isang dulo ng poste ay ipapasok sa isang argolyang nakakabit sa tolda, at pagkatapos ay hihilahin ng elepante ang kabilang dulo nito hanggang sa maitayo nang tuwid ang poste. Kapag naitayo na ang lahat ng poste at naikabit na ang mga dyenereytor ng kuryente para sa mga ilaw, ihahanda na namin ang aming sarili para sa pagtatanghal sa hapon.

Pinag-aaralan ang Bagong mga Kasanayang Itatanghal

Ang panahon sa pagitan ng panghapon at panggabing mga pagtatanghal ay ginugugol ng maraming bata sa sirkus sa pag-aaral kung paano sisirko, manunulay sa alambre, magtatapon-salo ng maraming bagay, at maglalambitin sa trapeze. Ang mga tagapagturo namin ay matatanda nang mga miyembro sa sirkus na karaniwan nang nanggaling sa mga salinlahi ng mga pamilyang matagal nang nagtatrabaho sa sirkus. Naaalaala ko pa ang Italyanong tagapagtanghal na nagturo sa akin na sumirko sa kauna-unahang pagkakataon. Nagsimula ako noong apat na taóng gulang ako. Una, kinabitan niya ako ng sinturong pangkaligtasan upang hindi ako bumagsak at masaktan; pagkatapos ay inalalayan niya ako sa pamamagitan lamang ng kaniyang mga kamay habang tumatakbo siyang kasabay ko. Nang dakong huli, binitiwan na niya ako, at nakasirko akong mag-isa.

Ang tanging aksidenteng naranasan ko ay noong isinasagawa ang malaking parada sa palibot ng istadyum ng sirkus. Kami ng aking kapatid na lalaki ay ipinuwesto sa likuran ng isang payaso na may dalawang unggoy at kasunod namin ang isang kawan ng mga elepante. Samantalang naglalakad at ikinakampay ang aking mga kamay, malamang na nagulat ko ang isa sa mga unggoy, anupat sinunggaban nito ang aking kamay at kinagat ito nang napakadiin. Mabuti na lamang, hindi ito naimpeksiyon, ngunit may kaunting pilat pa rin ako sa aking kaliwang kamay​—isang seryosong paalaala na laging maging maingat kapag nakikitungo sa maiilap na hayop, gaanuman ito kaganda at kaamo sa pakiwari natin.

Natuto Ako ng Mahahalagang Aral

Hindi nakahadlang sa aming buhay pampamilya ang buhay sa sirkus. Laging naglalaan ng panahon ang aming mga magulang upang turuan kami ng mabubuting simulain at moral. Naaalaala ko pa nang kalungin ako ng aking ama at payuhan na huwag makitungo nang may pagtatangi sa mga taong may ibang lahi o pinagmulan. Isa itong mahalagang aral, sapagkat namuhay akong kasama hindi lamang ng mga taong naiiba ang pangangatawan kundi maging ng mga taong may iba’t ibang nasyonalidad.

Mabuti ring impluwensiya sa amin ang aking ina. Kung minsan ay punô ng mánonoód ang malaking tolda; kung minsan naman ay kakaunti lamang. Sinasabi noon sa amin ng aking ina: “Nagtatanghal kayo para sa kasiyahan ng mánonoód (habang ipinapalakpak ang kaniyang mga kamay), at hindi para sa salapi. Daan-daan man o kakaunti ang mánonoód, laging gawin ang inyong pinakamainam na magagawa.” Hindi ko nalimutan ang pananalitang iyan. Iyan ang kaniyang paraan ng pagsasabing dapat kaming magkaroon ng personal na interes sa mga mánonoód, gaanuman sila karami o kaunti.

Bukod sa aming mga pagtatanghal, kailangan kaming tumulong ng aking kapatid na lalaki sa paglilinis pagkatapos ng mga palabas, anupat pinupulot ang basura sa loob ng malaking tolda. Isa itong mabuting pagsasanay sa amin.

Mula Abril hanggang Setyembre, nagpapalipat-lipat ang sirkus sa iba’t ibang lugar, kaya hindi kami makapasok sa paaralan na gaya ng iba. Nagpapalipas kami ng taglamig sa punong-tanggapan sa Hugo, Oklahoma. Sa panahong ito, pumapasok kami sa paaralan sa loob ng mga limang buwan. Nagpapalipas din ng taglamig sa Hugo ang ibang mga sirkus, kaya maraming bata ang may pare-parehong kalagayan. Gumawa ng mga pagbabago sa iskedyul at pantanging mga kaayusan ang sistema ng paaralan ng bayan alang-alang sa aming natatanging situwasyon.

Ang Araw na Nagpabago sa Aming Buhay

Noong umaga ng Setyembre 16, 1960, gumising ang aking ama nang mga alas-singko ng umaga at sinimulan kaming ihanda upang maglakbay. Nang umagang iyon ay ipinasiya ng aking ina na sa halip na sumakay kami sa trak ng elepante kasama ng aking ama, sasakay na lamang kami sa karaniwang transportasyon na inilalaan ng sirkus.

Nang makarating kami sa pagtatayuan ng sirkus, sinimulan naming magkapatid na galugarin ang aming bagong kapaligiran. Pagkatapos ay may narinig kaming sigaw: “May nangyaring malubhang aksidente. Hindi nakaligtas sina Smalley at ang ringmaster.” Sabihin pa, ang unang reaksiyon ko ay, ‘Hindi totoo iyon. Nagkamali lamang sila.’ Di-nagtagal, napansin kong nagtungo na ang aking ina sa pinangyarihan ng aksidente. Nagmamaneho ang aking ama pababa sa isang haywey sa bundok malapit sa Placerville, California, nang mawalan ng preno ang trak. Lumilitaw na dahil sa bigat ng mga elepante, tumiklop sa trak ang nakakabit na treyler. Napipi ang malaking tangke ng gasolina ng trak, at sumabog ito, anupat agad itong ikinamatay ng aking ama at ng ringmaster, na kasama niya sa biyahe. Lumung-lumo ako nang araw na iyon. Napakalapít ko sa aking ama. Talagang magkaibigan kami.

Matapos ilibing si Itay sa kaniyang sinilangang-bayan sa Rich Hill, Missouri, bumalik kami sa aming punong-tanggapan tuwing panahon ng taglamig sa Hugo, Oklahoma, habang patuloy namang naglakbay ang aming sirkus upang tapusin ang mga pagtatanghal. Samantala, kaming magkapatid na lalaki ay pumasok sa paaralan alinsunod sa regular na iskedyul. Iyon ay isang bagong karanasan. Gayunman, sabik kaming naghintay para sa susunod na yugto ng pagtatanghal upang muling makapaglakbay kasama ng Kelly Miller Show. Ngunit nagkaroon ng kawili-wiling pagbabago ang aming buhay.

Naging Bahagi ng Aming Buhay ang Bibliya

Isang araw pag-uwi ko galing sa paaralan, ipinakilala sa akin ng aking ina ang isang babae na nagpunta sa amin upang magdaos ng pag-aaral sa Bibliya. Ang pangalan niya ay Jimmie Brown, at isa siyang Saksi ni Jehova. Wala akong kainte-interes mag-aral ng Bibliya. Matagal ko nang pinagtutuunan ng pansin at pinapangarap ang makabalik sa sirkus at matuto sa trapeze. Gumawa pa nga kami ng aking kapatid ng pansamantalang trapeze sa pagitan ng dalawang punungkahoy upang makapagsanay kami. Gayunman, kaming lahat ay nagsimulang mag-aral ng Bibliya at dumalo sa mga pulong kasama ng isang nakabukod na grupo ng walong Saksi lamang sa Hugo. Nang maglaon, nagpasiya ang aking ina na huminto na sa pagtatrabaho sa sirkus at ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya. Bagaman naluluha, tinanggap ko ang kaniyang pasiya. Lalo itong nagiging mahirap kapag dumadalaw ang mga kasamahan namin sa sirkus at nagtatanong kung bakit hindi na kami sumasama sa kanila.

Wala akong alam na ibang buhay noon kundi ang sirkus. May panahon na nadama kong tila tinatalikuran namin ang alaala ng aking ama. Subalit balintuna naman, ang kamatayan din niya ang dahilan kung bakit ako nag-aaral ng Bibliya, yamang ang isa sa pinakamalakas na pangganyak sa akin ay ang pag-asa ng pagkabuhay-muli. Buháy na buháy pa rin sa akin ang pag-asang ito. Gusto kong maging isa sa mga unang sasalubong sa aking ama habang pumapasok siya sa ipinangakong makalupang Paraiso.​—Apocalipsis 20:12-14.

Tinulungan kami ng mag-asawang Saksi, ang mga Reeder, na maunawaang may malaking pamilya sa organisasyon ni Jehova. At naging totoong-totoo nga ito! Ang maliit na grupo ng mga Saksi ni Jehova ay naging isang kongregasyon, na may maraming pamilya na sumasambang magkakasama. Nariyan din sina Robert at Carol Engelhardt, isang mag-asawa na umampon sa akin bilang kanilang espirituwal na anak. Pinayuhan nila ako at pinatnubayan sa maibigin ngunit matatag na paraan noong mga taon ng aking pagkatin-edyer.

Napunan ng gayong pag-ibig mula sa may-gulang na mga Kristiyano ang malaking kakulangan sa aming buhay. At sa iba’t ibang paraan, patuloy itong naging totoo sa buong buhay ko bilang Kristiyano. Sa paglipas ng mga taon, nanirahan ako kapuwa sa Oklahoma at Texas, at sa bawat kongregasyon, marami akong nakilalang maibiging mga kapatid na Kristiyano. Ang ilang may-edad nang mga kapatid na lalaki ay naglaan sa akin ng makaamang patnubay at pampatibay-loob. Oo, sila ang aking naging espirituwal na mga ama.

Muling Paglalakbay

Ilang taon pa lamang ang nakalilipas nang mamatay ang aking ina. Hanggang sa panahong iyon, nanatili siyang isang taimtim na estudyante ng Bibliya at isang tapat na Kristiyano. Alam ko na magsasaya siya kapag binuhay muli ng Diyos ang kaniyang mga matapat mula sa libingan. Habang hinihintay ko ang araw na iyon, naaaliw ako sa bagay na pinaglalaanan ako ng organisasyon ni Jehova ng isang pamilya sa iba’t ibang paraan.

Lalo kong nadama na pinagpala ako nang masumpungan ko sa gitna ng bayan ng Diyos ang aking asawa, si Edna. Pagkatapos ng kasal, isinaayos namin ang aming mga gawain upang makibahagi nang buong panahon sa gawaing pagtuturo ng Bibliya. Upang tustusan ang aming mga pangangailangan, nagtrabaho ako bilang aprentis na reporter sa telebisyon. Wala akong karanasan o kasanayan sa gayong larangan; gayunman, ang pagsasanay na tinanggap ko bilang guro sa Bibliya sa kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova ang dahilan kung kaya naging kuwalipikado ako para sa gayong trabaho. Nang maglaon, naging direktor ako sa pagbabalita sa isang istasyon ng radyo. Gayunman, hindi ko kailanman naging tunguhin ang magtamo ng katanyagan sa media. Sa halip, inilaan namin ni Edna ang aming sarili upang maglingkod bilang mga guro ng mga katotohanan sa Bibliya saanman may pangangailangan.

Noong 1987, inanyayahan akong maging isang tagapangasiwa ng sirkito, na dumadalaw sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Bilang isang boluntaryong naglalakbay na elder, dinadalaw ko ang iba’t ibang kongregasyon bawat linggo at pinaglalaanan ang aking espirituwal na mga kapatid ng pampatibay-loob at pagsasanay sa ating gawaing pagtuturo ng Bibliya. Sa ngayon, sa espirituwal na paraan, mas lumaki ang aking pamilya. Kahit kaming mag-asawa ay hindi kailanman nagkaroon ng sariling mga anak, nagkaroon naman kami ng maraming espirituwal na mga anak sa organisasyon ni Jehova.

Sa isang banda, waring nakapagtataka na matapos ang napakaraming taon, naglalakbay pa rin ako sa iba’t ibang bayan. Mula sa gawain sa sirkus tungo sa gawaing pansirkito! Paminsan-minsan, naiisip ko kung posible kaya na naging mahusay ako sa trapeze. Maaari kayang nakamit ko ang aking pangarap noong bata pa ako na maging dalubhasa sa pagsirko nang tatlong ulit sa ere? Gayunman, ang mga kaisipang iyon ay agad napapawi kapag naiisip ko ang tungkol sa pangako ng Diyos na isang paraiso rito sa lupa.​—Apocalipsis 21:4.

Totoo, isinilang ako na may “kusot sa aking mga sapatos.” Ngunit pinaaalalahanan ako ng sinasabi sa Bibliya: “Pagkaganda-ganda ng mga paa niyaong mga nagpapahayag ng mabuting balita ng mabubuting bagay!” (Roma 10:15) Ang pribilehiyong tulungan ang mga tao na makilala ang Diyos ay mas dakila kaysa sa anupamang bagay na posibleng natamo ko bilang isang tagapagtanghal sa sirkus. Naging kasiya-siya ang aking buhay dahil sa pagpapala ni Jehova!

[Larawan sa pahina 19]

Ang ilan sa mga “kapamilya” namin sa sirkus, at ang aking ama at ang kaniyang “tuba”

[Larawan sa pahina 21]

Kasama ang aking asawang si Edna sa ngayon