Ang mga Pagpipilian, ang mga Isyu
Ang mga Pagpipilian, ang mga Isyu
Gunigunihin ang hinagpis ng isang mag-asawa na gustung-gusto nang magkaanak ngunit hindi magkaanak dahil sa pagkabaog. Bumaling sila sa tulong ng siyensiya ng medisina at nasumpungang marami nang pamamaraan at paggamot ang nabuo upang mapagtagumpayan ang pagkabaog. Mahalaga ba kung alin ang kanilang pipiliin, kung mayroon man?
NGAYON ay may mapagpipilian na ang mga mag-asawang baog di-tulad noong nakalipas na mga dekada. Ngunit kaakibat ng mga mapagpipilian ang isang mahalagang tanong, Anong etikal at moral na mga isyu ang nasasangkot sa mga pamamaraan ng pag-aanak sa tulong ng laboratoryo? Subalit bago natin isaalang-alang iyan, tingnan natin kung paano minamalas ng iba’t ibang grupo ng relihiyon ang gayong mga paggamot.
Ano ba ang Sinasabi ng mga Grupo ng Relihiyon?
Noong 1987, nagpalabas ang Simbahang Katoliko ng isang dokumento na tumatalakay sa moral na mga isyu kaugnay ng mga pamamaraan sa pag-aanak. Ang pahayag, na nakilala bilang Donum Vitae (Ang Kaloob na Buhay), ay nanindigan na kung ang isang pamamaraang medikal ay tumutulong sa pagsisiping upang magkaanak ang mag-asawa, ang gayong paggamot ay maaaring malasing katanggap-tanggap sa moral. Sa kabilang banda, sinabi ng dokumento na kung ang isang pamamaraang medikal ay humahalili sa pagsisiping ng mag-asawa, ang gayong paggamot ay imoral. Ayon sa pangmalas na ito, ang operasyon upang alisin ang bara sa mga fallopian tube at ang paggamit ng mga gamot para sa pag-aanak ay maituturing na moral, ngunit ang pertilisasyon sa pamamagitan ng laboratoryo ay imoral.
Nang sumunod na taon, sinurbey ng isang komite sa Kongreso ng Estados Unidos ang mga grupo ng relihiyon hinggil sa kanilang paninindigan sa paggamot may kaugnayan sa pag-aanak. Ipinakita ng pangkatapusang ulat na ang karamihan sa kanila ay sang-ayon sa tradisyonal na mga pamamaraang medikal, artipisyal na pagpupunla na ginagamit ang semilya ng asawang lalaki, at sa in vitro fertilization, sa kondisyon na kapuwa ang itlog at ang semilya ay galing sa mag-asawa. Isa pa, ang karamihan sa mga grupong tinanong ay nagpahayag na ang pagpatay sa mga binhi, artipisyal na pagpupunla sa pamamagitan ng isang donor (nagkaloob), at ang paggamit ng kahaliling ina ay imoral. *
Noong 1997, ipinahiwatig sa isang dokumento ng European Ecumenical Commission for Church and Society (EECCS), isang lupon ng mga simbahang Protestante, Anglikano, at Ortodokso, na sa kanilang mga hanay ay may magkakaibang opinyon tungkol sa pag-aanak sa tulong ng laboratoryo. Upang idiin na nasasangkot ang budhi ng bawat indibiduwal at personal na pananagutan, sinabi ng dokumento: “Ang implikasyon ay na mahirap magsalita tungkol sa ‘napagkaisahang’ paninindigan ng mga simbahang miyembro ng EECCS. Sa halip, maraming iba’t ibang paninindigan.”
Maliwanag na malaki ang pagkakaiba ng mga opinyon tungkol sa pag-aanak sa tulong ng laboratoryo. Inaamin ng UN World Health Organization na ang larangan ng mga pamamaraan sa pag-aanak sa tulong ng laboratoryo “ay palaging nagbabangon ng mga tanong tungkol sa mga simulaing panlipunan, moral at etikal na mga pamantayan at mga sistema sa batas.” Ano ang ilang bagay na dapat isaalang-alang ng mga tao bago magpasiya tungkol sa pag-aanak sa tulong ng laboratoryo?
Ano ang mga Isyung Nasasangkot?
Ang isang pangunahing bagay na dapat isaalang-alang ay ang katayuan ng binhi ng tao. May kaugnayan ito sa napakahalagang tanong, Kailan ba nagsisimula
ang buhay—sa sandali ng paglilihi o sa kalaunan pa sa panahon ng pagbubuntis? Ang sagot ay tiyak na makaaapekto sa pagpapasiya ng maraming mag-asawa tungkol sa pagpapagamot. Halimbawa, kung naniniwala sila na ang buhay ay nagsisimula sa sandali ng paglilihi, kung gayon ay may ilang mahahalagang tanong na dapat isaalang-alang.● Hahayaan ba ng mag-asawa na sundin ng mga doktor ang karaniwang pamamaraan ng pagpepertilisa ng higit pa sa isa o mas maraming itlog na ipinupunla, sa gayo’y nagkakaroon ng karagdagang suplay ng mga binhi para magamit sa hinaharap?
● Ano ang mangyayari sa gayong nakaimbak ng mga binhi kung ang mag-asawa ay hindi na maaari o ayaw nang magkaanak pa?
● Ano ang mangyayari sa anumang nakaimbak na mga binhi kung sakaling magdiborsiyo ang mag-asawa o kung mamatay ang isa sa kanila?
● Sino ang babalikat sa mabigat na pananagutan na pagpatay sa gayong mga binhi?
Hindi maaaring ipagwalang-bahala ang tanong kung ano ang dapat gawin sa di-nagamit o nakaimbak na mga binhi. Hinihiling ng mga alituntunin sa batas ng ilang bansa ngayon na magbigay ang mag-asawa ng nasusulat na pahintulot na nagsasabi kung ano ang gagawin sa sumobrang binhi—samakatuwid nga, kung ang mga ito ay iimbakin, ipamimigay, gagamitin sa pagsasaliksik, o hahayaang mamatay. Dapat matalos ng mga mag-asawa na sa ilang lugar ay sinasang-ayunan ang ginagawa ng mga klinika sa pag-aanak na patayin ang nakaimbak na mga binhi nang walang anumang nasusulat na pahintulot kung ang mga ito ay pinabayaan na sa loob ng mahigit na limang taon. Sa ngayon, daan-daang libong iladong binhi ang nakaimbak sa mga klinika sa buong daigdig.
Isa pang dapat isaalang-alang ay ang bagay na baka mahimok ang mga mag-asawa na ipamigay ang di-nagamit na mga binhi para gamitin sa pagsasaliksik tungkol sa stem cell. Halimbawa, hinihimok ng American Infertility Association ang mga mag-asawa na ibigay ang kanilang di-nagamit at nakaimbak na mga binhi para magamit sa pagsasaliksik. Ang isang layunin ng pagsasaliksik tungkol sa stem cell ay upang makasumpong ng bagong mga paraan ng paggamot sa mga sakit. Ngunit ang larangang ito ng pagsasaliksik ay naging tampulan ng napakaraming kontrobersiya dahil ang proseso sa pagkuha *
ng mga stem cell sa binhi ay talagang pumapatay sa binhi.Nagbangon pa ng ibang etikal na isyu ang mga bagong teknolohiya hinggil sa henetika. Halimbawa, tingnan ang tinatawag na preimplantation genetic diagnosis (PGD). (Tingnan ang kahon na “Paano Naman Kung Pipili ng Ipupunlang Binhi?”) Sa pamamaraang ito ay isinasailalim ang mga binhi sa henetikong pagsusuri at saka pipili ng isa—marahil isa na may ninanais na kasarian o isa na walang gene na nagiging sanhi ng isang karamdaman—na ilalagay sa matris. Nagbabala ang mga kritiko na ang PGD ay maaaring humantong sa pagtatangi ng kasarian o baka sa kalaunan ay magamit ito upang makapili ang mga mag-asawa ng iba pang henetikong mga katangian para sa kanilang mga anak, kasali na ang kulay ng buhok o mata. Nagbabangon ang PGD ng etikal na
tanong, Ano ang nangyayari sa mga binhing hindi napipili?Maaapektuhan ba ang Pagsasama ng Mag-asawa?
Kapag pinag-iisipan ang ilang uri ng paggamot may kaugnayan sa pag-aanak, may iba pang bagay na dapat isaalang-alang. Paano maaapektuhan ng paggamit ng kahaliling ina o donasyong semilya o mga itlog ang pagsasama ng mag-asawa? Maaaring kasangkot sa ilang pamamaraan ang ikatlong tao (isang donor) o maging ang ikaapat na tao (dalawang donor) o ang ikalimang tao (dalawang donor at isang kahaliling ina) sa proseso ng pag-aanak.
Hinggil sa paggamot na may kasangkot na donasyong semilya at itlog, ang mga taong nasasangkot ay may iba pang bagay na dapat ding isaalang-alang.
● Anong pangmatagalang mga epekto sa emosyon ang maaaring idulot ng gayong pagsilang sa mga magulang kapag isa lamang sa kanila—o wala isa man—ang henetikong magulang?
● Ano ang magiging reaksiyon ng anak na lalaki o anak na babae kapag natuklasan niya na siya ay isinilang bilang resulta ng gayong di-pangkaraniwang anyo ng paglilihi?
● Dapat bang ipaalam sa bata ang tungkol sa kaniyang mga magulang at hayaan siyang hanapin ang kaniyang likas na ama o ina?
● Ano ang mga karapatan at obligasyong moral at legal ng isa o higit pang mga indibiduwal na nagkaloob ng mga semilya, itlog, at binhi?
Paano Naman ang Hindi Pagpapakilala sa mga Donor?
Patakaran sa maraming bansa na hindi ipakilala ang mga donor. Ganito ang paliwanag ng Human Fertilisation and Embryology Authority, na sumusubaybay sa paggamit ng mga semilya, itlog, o binhi ng tao sa Britanya: “Maliban na kung ang donasyon ay sadyang sa pagitan ng mga taong magkakakilala, ang kasalukuyan o dati nang mga donor ay mananatiling hindi kilala ng mga mag-asawang tumanggap ng kanilang mga itlog o semilya, at ng mga anak na isisilang bunga ng gayong paggamot.”
Gayunman, ang patakarang ito ng hindi pagpapakilala ng donor ay paksa ng mainit na pagtatalo sa ilang lugar. May ilang bansa na nagbago ng kanilang mga patakaran o mga batas dahil dito. Idiniriin niyaong mga salungat sa patakaran ng hindi pagpapakilala ng donor na dapat makilala nang lubusan ng mga anak ang kanilang pagkatao. Sabi ng isang ulat: “Mahigit sa 80 porsiyento ng mga taong inampon ang naghahanap ng tunay na mga kamag-anak, upang masapatan ng marami sa kanila ang matagal nang paghahangad na matalunton ang kanilang pinagmulan, na likas namang hangarin ng halos lahat ng tao. Halos 70 porsiyento ang nagnanais na makaalam ng mahalagang impormasyon tungkol sa kanilang pinagmulan na may kaugnayan sa mga sakit na posibleng manahin mula sa likas na mga magulang.”
Isa pang ulat, batay sa mga panayam sa 16 na adultong ipinaglihi sa pamamagitan ng pagpupunla mula sa donor, ang nagsiwalat na “marami ang nagitla nang matuklasan ang kanilang likas na pinagmulan.” Idinagdag ng ulat: “Marami sa mga bata ang nasiphayo sa hindi pagkaalam ng kanilang tunay na pagkatao at sa pagkadama na sila ay pinabayaan. May nakadama na sila ay dinaya at nawalan ng tiwala sa kanilang mga pamilya.”
Paano Ka Magpapasiya?
Tiyak na ipagpapatuloy pa ng siyensiya ng medisina ang pagpapasulong sa larangan ng pag-aanak sa tulong ng laboratoryo. Sinasabi ng ilan na sa hinaharap, ang 30 porsiyento ng mga sanggol na isisilang ay resulta ng teknolohiyang ito. Magpapatuloy pa ang pagtatalo tungkol sa etikal at moral na mga isyung nasasangkot.
Ang tunay na mga Kristiyano ay ginagabayan ng lalo pang mahalagang kaisipan—ang pangmalas ng ating Maylalang, ang isa na nagsaayos ng pag-aanak. (Awit 36:9) Sabihin pa, ang Bibliya ay hindi tuwirang nagkokomento tungkol sa modernong pamamaraan sa pag-aanak sa tulong ng laboratoryo, sapagkat ang gayong mga pamamaraan ay hindi pa umiiral noong panahon ng Bibliya. Gayunman, naglalaan ang Bibliya ng malinaw na mga simulain na nagpapakita ng kaisipan at pangmalas ng Diyos. (Tingnan ang kahon na “Ano ba ang Sinasabi ng Bibliya?”) Tinutulungan tayo ng gayong mga simulain sa paggawa ng mga pasiyang etikal at moral at na magpapahintulot sa atin na magtaglay ng malinis na budhi sa harap ng Diyos.—1 Timoteo 1:5.
[Mga talababa]
^ par. 6 Binibigyang-kahulugan ng diksiyunaryo ang isang kahaliling ina bilang “isang babae na nagdalang-tao karaniwan na sa pamamagitan ng artipisyal na pagpupunla o paglalagay ng pertilisadong itlog sa pamamagitan ng operasyon sa layuning ipagbuntis ang sanggol para sa ibang babae.”
^ par. 16 Tingnan ang serye na “Mga Stem Cell—Lumalampas Na ba ang Siyensiya sa Makatuwirang Hangganan Nito?” sa Nobyembre 22, 2002, isyu ng Gumising!
[Kahon/Larawan sa pahina 8]
Kailan Ba Nagsisimula Ang Buhay?
Ang salitang “preembryo” ay tumutukoy sa kalagayan ng binhi sa unang 14 na araw pagkatapos ng pertilisasyon. Pagkatapos, ito ay tinatawag na embryo (o binhi) hanggang sa katapusan ng ikawalong sanlinggo. Pasimula nito, ito ay tinatawag nang fetus. Bakit ba ginagamit ang salitang “preembryo”?
Ayon sa International Journal of Sociology and Social Policy, ang katawagan ay “ginagamit na dahilan upang pahintulutan ang pagsasaliksik tungkol sa binhi ng tao” sa loob ng unang 14 na araw pagkatapos ng paglilihi. Sabi ng isang reperensiyang akda: “Kung bibigyang-kahulugan ng isa ang binhi bilang ang kayarian na nakatakdang maging sanggol, ang pinakaunang mga sangkap nito ay nagsisimula pa lamang mabuo pagkalipas ng mga dalawang sanlinggo matapos magtagpo ang semilya at ang itlog.” Ngunit ang preembryo bang ito ay maituturing na isa lamang kumpol ng mga selula, na angkop lamang para sa pagsasaliksik? Tingnan kung ano talaga ang nangyayari sa yugtong ito ng dalawang sanlinggo.
Pagkatapos mapasok ng semilya ang itlog, kailangang palipasin ang mga 24 na oras bago maghalo ang mga chromosome ng lalaki at ng babae. Sa sumusunod na ilang araw, ang selula ay nahahati-hati. Sa loob ng apat o limang araw pagkatapos ng pertilisasyon, ang kumpol ng mga selula ay nagiging isang hungkag na bilog (mas maliit pa rin sa ulo ng aspile) na may panlabas na suson ng selula at panloob na kumpol ng selula. Kilala na ito ngayon bilang isang blastocyst. Marami sa mga selula sa panlabas na suson ay magiging mga himaymay na hindi naman magiging bahagi ng binhi. Subalit mula sa panloob na kumpol ng selula ay mabubuo ang sanggol mismo.
Mga isang linggo pagkatapos ng pertilisasyon, nagaganap ang pagpupunla sa bahay-bata. Ang blastocyst ay dumidikit sa bahay-bata at nagsisimulang mabuo ang inunan, na magsisilbing daanan ng oksiheno at pagkain mula sa daluyan ng dugo ng ina at labasan ng dumi. Ayon sa aklat na Incredible Voyage—Exploring the Human Body, pagsapit ng humigit-kumulang ikasiyam na araw, sinisimulan ng panloob na kumpol ng selula “ang trabaho ng pagbuo sa bagong tao.” Idinagdag nito: “Ang 20 o higit pang selulang ito ay kailangang gumanap ng sunud-sunod na mga pagbuo at pagbabago upang maging espesipikong mga sangkap sa loob ng lima o anim na araw pa para mabuo ang unang kayariang sangkap ng aktuwal na binhi.” Kaya sa dulo ng ikalawang sanlinggo, nagsisimulang lumitaw ang “unang kayariang sangkap” na ito na sa kalaunan ay magiging ang central nervous system.
Dahil sa baytang-baytang na prosesong ito ng paghahanda na nagaganap sa bagong binhi ng tao, ikinakatuwiran ng ilan na “walang nag-iisang likas na pangyayari o sandali na maituturing na siyang pasimula ng isang bagong binhi ng tao.”
Gayunman, naniniwala ang tunay na mga Kristiyano na ang buhay ay nagsisimula sa panahon ng paglilihi. Yamang taglay ng orihinal na pertilisadong selula ang programa para sa pagbuo ng inunan, pagpunla, at ang mga koneksiyon sa mga daluyan ng dugo ng ina, at marami pa, pinatitindi nito ang kanilang paghanga sa banal na Disenyador, ang Diyos na Jehova.
[Larawan]
Ang binhi ng tao sa ikatlong araw (pinalaki nang mga 400 ulit)
[Credit Line]
Sa kagandahang loob ng University of Utah Andrology and IVF Laboratories
[Kahon/Larawan sa pahina 9]
PAANO NAMAN KUNG PIPILI NG IPUPUNLANG BINHI?
Isang bagong pagsulong sa pertilisasyon sa pamamagitan ng laboratoryo ang henetikong pagsusuri ng mga binhi bago ipunla at saka ang pagpili kung alin ang ipapasok sa matris. Bilang komento sa mga implikasyon ng pamamaraang ito, nagpaliwanag ang aklat na Choosing Assisted Reproduction—Social, Emotional and Ethical Consideration:
“Malapit nang matiyak [ng mga siyentipiko] ang pisikal, intelektuwal, at marahil emosyonal at sosyal na mga katangian na nasa isang binhi. Kaya hindi na magtatagal at posible nang piliin ng mga magulang ang ilan sa mga katangian ng kanilang magiging anak. At bagaman maraming tao ang sasang-ayon sa paggamit ng ganitong pamamaraan para sa mga mag-asawa na nagtataglay ng gene ng isang kinatatakutang sakit, marami naman ang hindi sasang-ayon sa teknolohiyang ito para sa mga mag-asawang nagnanais na pumili ng kasarian ng kanilang magiging anak—o sa hinaharap, ng isang bata na may asul na mga mata, o talento sa musika, o kaya’y ng isa na magiging matangkad.
“Ang pamamaraang ito, gaya ng maraming iba pang teknolohiya, ay nagbabangon ng tanong kung dapat itong gawin dahil sa may magagawa naman. . . . Ang problema ay kung saan ilalagay ang hangganan—kung mayroon man—tungkol sa napakamasalimuot na teknolohiyang ito.”
[Kahon/Larawan sa pahina 10]
ANO BA ANG SINASABI NG BIBLIYA?
Sabihin pa, ang Bibliya ay walang tuwirang komento tungkol sa modernong-panahong mga pamamaraan ng pag-aanak sa tulong ng laboratoryo. Gayunman, ipinaaalam nito sa atin kung ano ang pangmalas ng Diyos sa ilang mahahalagang isyu. At ang pag-alam sa mga sagot sa dalawang saligang tanong ay gagabay sa tunay na mga Kristiyano upang makagawa ng mga pasiyang nakalulugod sa Diyos.
Kailan ba nagsisimula ang buhay ng tao? Ipinakikita ng Bibliya na ang buhay ay nagsisimula sa sandali ng paglilihi. Pansinin ang mga salita ng salmistang si David, na kinasihang magsabi tungkol sa Diyos: “Nakita ng iyong mga mata maging ang aking pagkabinhi, at sa iyong aklat ay nakatala ang lahat ng bahagi nito.” (Awit 139:16) Isaalang-alang din ang Exodo 21:22, 23, kung saan ipinakikita ng teksto sa orihinal na wika na ang isang tao ay mananagot sa pinsalang idudulot niya sa isang hindi pa naisisilang na sanggol. Ang aral na matutuhan ay na itinuturing ng ating Maylalang na napakahalaga ng buhay kahit na sa pinakamaaagang yugto ng paglaki nito sa bahay-bata. Sa paningin ng Diyos, ang sinasadyang pagpatay sa isang binhi ay itinuturing na aborsiyon. *
Mayroon bang mga hangganan sa kung paano maaaring gamitin ang kakayahan ng isa sa pag-aanak? Ang pangmalas ng Diyos ay masusumpungan sa Levitico 18:20, na nagsasabi: “Huwag mong ibibigay ang iyong inilabas na semilya sa asawang babae ng iyong kasamahan upang maging marumi sa pamamagitan niyaon.” Ang nakapaloob na simulain sa utos na iyan ng Kasulatan ay ito: Ang semilya ng isang lalaki ay hindi dapat ipunla sa kaninuman maliban sa kaniyang asawa, at ang isang babae ay hindi dapat magdalang-tao para sa kaninuman maliban sa kaniyang asawa. Sa ibang pananalita, hindi dapat gamitin para sa kaninuman ang kakayahang mag-anak maliban sa sariling kabiyak. Kaya naman, iniiwasan ng tunay na mga Kristiyano ang kahaliling pagka-ina gayundin ang anumang pamamaraan na nagsasangkot ng paggamit ng semilya, itlog, o binhi na galing sa ibang tao. *
Kapag nagpapasiya tungkol sa pag-aanak sa tulong ng laboratoryo, dapat pag-isipang mabuti ng tunay na mga Kristiyano kung ano ang isinisiwalat ng Bibliya tungkol sa kaisipan ng Diyos. * Tutal, siya ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa at buhay pampamilya.—Efeso 3:14, 15.
[Mga talababa]
^ par. 55 Tingnan ang artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Kailan Nagsisimula ang Buhay ng Tao?” sa Oktubre 8, 1990, isyu ng Gumising!
^ par. 56 Tingnan ang mga artikulong “Ang Pangmalas ng Bibliya: Kahaliling Pagka-Ina—Ito ba’y Para sa mga Kristiyano?” sa Marso 8, 1993, isyu ng Gumising! at “Ano ang Pangmalas ng Bibliya?—Sinasang-ayunan ba ng Diyos ang Artificial Insemination?” sa isyu na Enero 8, 1975.
^ par. 57 Para sa pagtalakay sa in vitro fertilization kung saan ang semilya ay galing sa asawang lalaki at ang selulang itlog ay mula sa kaniyang asawa, tingnan ang “Questions From Readers,” sa The Watchtower ng Hunyo 1, 1981.
[Larawan sa pahina 7]
Nakaimbak na iladong mga binhi
[Credit Line]
© Firefly Productions/CORBIS