Isang Buháy na Pagtatanghal ng Liwanag sa Ilalim ng Dagat
Isang Buháy na Pagtatanghal ng Liwanag sa Ilalim ng Dagat
Lumalangoy sa paanan ng isang mabatong ungos, nakita ng isang maninisid ang 60-sentimetrong pugita na nakatago sa isang butas, halos hindi mo mahalata sa abuhing-asul na kapaligiran. Nang lumapit pa ang maninisid, nagpalit ng kulay ang pugita tungo sa matingkad at maningning na krimson. Nang umatras ang maninisid, nagbalik ito sa dati nitong kulay. Naisip mo na ba kung paano nagagawa ng kahanga-hangang mga muluskong ito ang pagbabago ng kulay—isang kakayahang karaniwan din sa ilang uri ng oktopus at pusit?
Ang kanilang sekreto ay nasa mga chromatophore, mga selula sa balat na may substansiyang pangkulay. Napauurong ng mga nerbiyo ang mga kalamnan na kumokontrol sa laki ng mga selulang ito, anupat nababago ng nilalang ang kulay nito at gumagawa ng nagbabagu-bagong disenyo ng kulay.
Bukod pa sa pagkontrol sa kulay, maraming uri ng pusit ang gumagawa pa nga ng kanilang sariling liwanag, anupat ginagawa ito sa paraang nahahawig sa karaniwang alitaptap. Ang liwanag na ito, na nakikita sa marami pang nilalang sa dagat—mula sa dikya hanggang sa hipon—ay bunga ng masalimuot na kemikal na mga reaksiyon sa mga selula na tinatawag na mga photocyte o sa mga sangkap na tinatawag na mga photophore. Maaari ring bunga ito ng gawain ng maningning na baktiryang may simbiyotikong kaugnayan sa kanilang pinamamahayang hayop.
Sa kaso ng masalimuot na kemikal na reaksiyon, ang mga selula at mga sangkap na nagliliwanag ay naglalaman ng kemikal na tinatawag na luciferin, na nagkakaroon ng reaksiyon sa oksiheno kapag may enzyme, anupat lumilikha ng liwanag na karaniwang mangasul-ngasul na berde ang kulay. Ang ilang maningning na sangkap, sabi ng babasahing Scientific American, “ay masalimuot na mga aparato na may mga lenteng pampokus, color filter, o bukás-sarang takip na nagsisilbing patay-sinding suwits. Nakokontrol ng pusit na kapuwa may mga photophore at chromatophore sa kanilang balat ang kulay at ang tindi ng liwanag na nagagawa.”
Pinatutuloy ng mga nilalang, na nagliliwanag dahil sa mga baktiryang nagniningning, ang kanilang mga panauhing baktirya sa mga sangkap na pantanging maningning at may saganang suplay ng dugo. Dinadala ng dugo ang pagkain sa mga baktirya, na wari bang bayad sa “singil sa ilaw.”
[Picture Credit Lines sa pahina 31]
Inset: Courtesy Jeffrey Jeffords/www.divegallery.com
© David Nicholson/Lepus/Photo Researchers, Inc.