Mga Bundok na Gawa sa Marmol
Mga Bundok na Gawa sa Marmol
Mula sa manunulat ng Gumising! sa Italya
ANG nagtataasang kabundukan sa Carrara at Pietrasanta ay waring may mga batik na niyebe. Subalit isang ilusyon lamang ito. Sa katunayan, ang mapuputing batik na iyon ay malalawak na lugar na may pira-pirasong labí ng marmol na galing sa pagtitibag ng bato. Ang mga bundok na ito sa Apuan Alps sa Tuscany, na matatagpuan sa hilagang-sentral ng Italya, ay may pambihirang pisikal na kayarian. Gawa sa marmol ang mga bundok dito. Hindi makikita saanmang panig ng daigdig ang gayon karaming imbakan ng kalugud-lugod na materyales na ito.
Mula pa noong sinaunang panahon, nakapagtibag na ng bato ang mga tao mula sa mga bundok na ito at nakagawa mula rito ng mga haligi, entrepanyo, sahig, at kamangha-manghang mga eskultura. Dahil sa saganang deposito ng marmol, sa karanasan at kadalubhasaan ng lokal na mga manggagawa, at sa kalidad ng teknolohiya na ginagamit dito, napabantog ang distritong ito bilang pandaigdig na pamilihan ng bato. Bukod pa sa mga materyales na nakukuha mula sa pagtitibag sa lugar na ito, ang mga batong inihahatid ng mga barko sa daungan ng Marina di Carrara mula sa bawat panig ng mundo ay pinoproseso rin ng pantanging mga pagawaan sa lugar na ito at saka iniluluwas sa iba’t ibang lugar sa daigdig.
Isang Sinaunang Tradisyon sa Pagtitibag ng Marmol
Ginamit ng sinaunang mga Romano ang lokal na mga bato sa konstruksiyon at eskultura. Ang puting marmol ng Carrara na ginagamit sa paggawa ng estatuwa ay itinuturing na katangi-tangi sa kagandahan. Noong 1505, nagtungo rito si Michelangelo upang pumili ng mga bloke ng pinong marmol na walang bahid ng ibang kulay o depekto, na ginamit niya sa paglililok ng ilan sa kaniyang bantog na mga obra maestra.
Ang sinaunang mga pamamaraan sa pagtitibag ng bato ay halos hindi nagbago sa loob ng maraming siglo. Ang mga kalsong kahoy ay may-kahusayang isinisingit sa mga lamat ng bato o sa mga bitak na inukit dito. Kapag binuhusan ng tubig ang mga kalso, namimintog ang mga ito, anupat sa wakas ay inihihiwalay nito ang isang bloke ng marmol. Sinimulang gamitin ang mga pampasabog noong kalagitnaan ng ika-18 siglo, ngunit dinudurog nito ang malaking bahagi ng bato at sangkatlong bahagi na lamang ang naiiwan upang magamit. Ang naglalakihang tipak ng tira-tirang marmol—ang mga batik na nagmimistulang niyebe—ay nagsisilbing patotoo ng mga pamamaraang ginamit noong nakalipas na mga panahon.
Ang pagbababa ng mga monolito (malalaking tipak na bato) mula sa matatarik na lugar gamit ang mga paragos at mga lubid ay mapanganib. “Kapag napatid ang kableng nakakabit sa paragos,” ang paliwanag ng isang reperensiya, “tiyak na kamatayan ang aabutin ng lider ng grupo, na nakatayo sa harap ng bloke upang pangasiwaan ang gawain; at halos walang tsansang makailag ang sinuman sa kaniyang grupo sa paghulagpos ng kable na parang isang nakatatakot na panghagupit.”
Siyempre pa, ibang-iba ang modernong mga pamamaraan. Ginugol ko ang buong araw sa lugar ng Carrara at nagka-ideya ako kung paano pinoproseso ang mga marmol sa kasalukuyan. Hayaan mong ibahagi ko sa iyo ang mga natutuhan ko.
Pamamasyal sa Tibagan
Nakilala ko si Giovanni, na siyang magiging giya ko papunta sa tibagan, sa isa sa maraming pagawaan ng mga produktong marmol sa Carrara. Ang gayong mga pagawaan ay nag-iimbak ng daan-daang bloke ng marmol, na maayos na nakasalansan, handa nang ipagbili o hubugin sa paanumang paraan sa lugar na iyon. Nilalagari ng awtomatik na mga makina ang mga bloke para maging malalapad at makakapal na tipak, at iba namang mga makina ang nagpapakinis sa mga iyon. Dati-rati, manu-manong ginagawa ang dalawang trabahong ito.
Upang marating ang tibagan, sumakay kami sa four-wheel-drive na sasakyan ni Giovanni at di-nagtagal, maingat na kaming nagpaliku-liko sa matarik at dikit-dikit na mga kurbada patungo sa isang makitid na libis sa bundok kung saan
nagkalat ang pira-pirasong mapuputing bato. Ang mga trak na nakita naming nagkakandahirap sa pagbaba ng bundok sakay ang pagkalaki-laking mga bloke ng marmol ay nakapaglululan nang hanggang 30 tonelada.Pagliko namin, nakakita kami ng nagniningning na puting pader na nakaukit sa bundok. Napakalaki nito, at binubuo ito ng magkakasunod na higanteng mga baytang, na bawat isa ay mga anim hanggang siyam na metro ang taas. Pinaakyat ni Giovanni ang sasakyan at inihinto sa isa sa mga ito.
Nang tumingin ako sa palibot, naroroon na pala kami sa maraming tibagan sa libis. Ang mas maraming mapuputing batik, na ang ilan ay mga daan-daang metro ang layo sa gawing itaas namin, ay kitang-kita sa gilid ng bundok. Angkop naman na tawagin itong isang ‘maringal ngunit nakagigitlang’ panoorin.
Habang tahimik kong pinagmamasdan ang panooring iyon, napansin ko ang isang buldoser na gumagamit ng matulis na kasangkapan upang itaob ang isang seksiyon ng baytang na kinalalagyan namin. Ang bloke, na eskuwaladong mabuti at marahil may sukat na 11 por 2 metro at may taas na 6 na metro, ay bumabagsak sa isang bunton ng mga bato na nagsisilbing pansuporta kapag lumagpak ang bloke. Subalit paano ba tinatanggal ang bato nang bloke-bloke?
Masasagot iyan ni Franco, ang ama ni Giovanni, na buong-buhay nang nagtatrabaho sa tibagan. Ipinakita niya sa akin ang isang kalo na nagpapaandar sa isang mahabang kableng yari sa bakal na gumagawa naman ng patayong tabas sa likurang pader ng baytang na kinatatayuan namin. Binabarena nang pahalang ang harapan ng bato upang makagawa ng isang butas na walong sentimetro ang diyametro, ang paliwanag niya, at pagkatapos ay isa pang butas ang ginagawa nang patayo sa bandang ibabaw naman ng baytang. Kailangang magsalubong ang dalawang butas. Pagkatapos, isang kableng yari sa bakal na may nakakabit na mga diamante ang ipinapasok sa mga butas at ginagawang isang presilya, na parang isang pagkalaki-laking kuwintas. Sa pamamagitan ng de-kuryenteng motor, binabanat at pinaaandar ang kable nang napakabilis upang tabasin ang bato ayon sa ninanais na hugis. Kapag ang lahat ng gilid ng bloke—pahalang at patayo—ay natabas na, itinataob ang bloke. Pagkatapos nito, gamit pa rin ang kable, pinagpipira-piraso ang bloke sa katamtamang sukat upang maibiyahe sa ibang lugar. Ginagamit din ang katulad na pamamaraan sa kalapit na mga tibagang matatagpuan sa ilalim ng lupa, kung saan tinatabas ang marmol mula sa mga silid na nasa pinakagitna mismo ng mga bundok na ito.
Pinoproseso ng lokal na mga pabrika ang likas na materyales na ito upang maging iba’t ibang mga produkto—mga baldosa, mga materyales na pang-istraktura, at manipis na materyales na pangkalupkop sa mga pader. Mula pa noon at hanggang sa ngayon, ang konstruksiyon ang naging pangunahing sinusuplayan ng mga produktong gawa sa bato ng Carrara.
Ang ilang pagawaan ay gumagawa ng mga sahig at mga kasangkapan para sa loob o labas ng bahay na dinidisenyo ayon sa kahilingan ng
kostumer. Ang iba naman ay dalubhasa sa paggawa ng mararangyang salansanan sa ibabaw ng mga apuyan, mga kagamitang ikinakabit sa banyo, mga mesa, at iba pang katulad nito. Ang lokal na mga produktong gawa sa anumang uri ng marmol na may magagandang disenyo at kulay na mabibili sa pamilihan ay ginagamit upang gayakan ang mga liwasan at gayundin ang mga pampubliko at pribadong mga gusali, kasama na ang mga simbahan, museo, shopping mall, paliparan, at nagtataasang mga gusali sa buong daigdig.Ang paggamit ng marmol sa konstruksiyon ay kawili-wili, subalit interesado rin ako sa pampalamuti at artistikong mga pinaggagamitan nito. Upang marami pa akong matutuhan tungkol dito, ginugol ko ang bandang hapon sa Pietrasanta.
Ang mga Pagawaan ng Marmol
“Sumaglit ka sa mga pagawaan ng mga bihasang manggagawa,” ang paanyaya ng isang buklet ng impormasyon para sa mga turista sa Pietrasanta, at “malulugod [silang] ipakita sa iyo ang kanilang kasanayan.” Isang palakaibigan at maliit na lugar ang Pietrasanta, at naging madali para sa akin ang paglilibot upang hangaan ang mga produktong nililikha sa ilang pagawaan sa loob at labas ng lugar na sentro ng mga istrakturang edad-medya.
Dito ay nakilala ko ang mga eskultor mula sa maraming lupain, na abala sa paggawa ng katangi-tanging orihinal na mga likha, habang ang lokal na mga artisano naman, na may mga kamay at mga mukha na nababalutan ng puting alikabok, ay nakatuon sa paggawa ng mga estatuwa mula sa mga modelong gawa sa palitada. Palibhasa’y punô ng klasikal at modernong mga koleksiyon, nagmistulang siksikang mga museo ang mga istudyong silid-tanghalan.
Mahabang proseso ang paglililok ng isang estatuwa. Bilang halimbawa, ang dalawang-toneladang bloke ay maaaring tapyasin sa pamamagitan ng makinang panlagari upang medyo magkahugis; pagkatapos, mula tatlo hanggang limang buwan ang maaaring gugulin sa maingat na pagtabas sa bloke bago tuluyang matapos ang trabaho. Isang tonelada ng marmol ang maaaring matanggal habang nagpapatuloy ang proseso. Kabilang sa pangunahing mga kasangkapang ginagamit noon ay ang mga martilyo, pait, at mga kikil. Sa ngayon, ang mga angle grinder at mga pneumatic chisel—ang maliliit na bersiyon ng mga jackhammer na pandurog ng sahig—ay nagpapabilis sa paggawa, ngunit kailangang tapusin nang manu-mano ang mga detalye. Makapigil-hininga sa kagandahan ang mga resulta.
Hindi ginagawa sa maraming lugar ang sinaunang sining ng paglililok sa marmol. Gayunman, dahil sa mga pinagkukunang yaman nito, sa kakayahang natamo ng dalubhasang mga manggagawa mula sa kanilang maraming siglong karanasan, at sa mga artisanong nagpunta rito upang kumuha ng lokal na kaalaman, ang Carrara at Pietrasanta ay angkop na tawaging “isang dakilang akademya ng marmol.”
[Larawan sa pahina 24]
Tibagan sa ilalim ng lupa
[Mga larawan sa pahina 24, 25]
Ginagamit ang kableng may nakakabit na mga diamante upang tabasin ang mga bloke ng marmol
[Larawan sa pahina 24, 25]
Mga tibagan ng marmol, Carrara, Italya
[Larawan sa pahina 25]
Isang istatuwang marmol ni Emperador Augusto, unang siglo C.E.
[Credit Line]
Scala/Art Resource, NY
[Picture Credit Line sa pahina 23]
Studio SEM, Pietrasanta