Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Buwis Nagsasaliksik ako noong nakalipas na mga linggo tungkol sa buwis. Bumangon ang mga tanong na gaya ng, Kailan nagsimula ang pagbubuwis? Nasa gitna ako ng pagsasaliksik na ito nang tumanggap ang misis ko ng isang kopya ng Disyembre 8, 2003, na isyu ng Gumising! na nagtatampok sa seryeng, “Napakalaki ba ng Binabayaran Mong mga Buwis?” Laking gulat ko nang talakayin nito ang ilan sa mga katanungang sinasaliksik ko mismo hinggil sa buwis.
S. Y., Tajikistan
Mga Pagsasalin ng Dugo Isa akong manggagamot at buong-panahong ebanghelisador. At ako’y lubhang nagpapasalamat na inilathala ninyo ang kuwento ni Yasushi Aizawa, “Tinanggap Ko ang Pangmalas ng Diyos Hinggil sa Dugo.” (Disyembre 8, 2003) Kahawig na kahawig ng karanasan niya ang naranasan ko anupat kinailangan ko ring matutuhang ilagay sa pangalawahing dako sa aking buhay ang medisina. Marahil ay magkikita kami ni Brother Aizawa sa bagong sanlibutan ng Diyos, kung saan kami kapuwa ay hindi na magtatrabaho bilang mga doktor. Hindi na kakailanganin pa ang mga doktor sa panahong iyon!
A. S., Ecuador
Noong Oktubre 2002, nasuring may kanser ang aming bunsong anak na babae. Mahirap ang paggamot, na nangailangan ng dalawang operasyon, chemotherapy, at paggamot sa pamamagitan ng radyasyon. Nang panahong iyon, sinikap naming manghawakan sa utos ng Bibliya na umiwas sa dugo. Hindi ito madali, sapagkat sa Lithuania, halos lahat ng mga batang tumatanggap ng chemotherapy ay sinasalinan ng dugo. Pinatibay kami ng artikulong “Tinanggap Ko ang Pangmalas ng Diyos Hinggil sa Dugo” na itaguyod ang pangmalas ni Jehova. At nababawasan na ngayon ang mga sintomas ng kanser ng aming anak na babae.
M. at S. D., Lithuania
Pagpapaligsahan ng Magkakapatid Gusto kong ipaabot ang aking taimtim na pasasalamat para sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Kaya Ako Makatatakas sa Anino ng Aking Kapatid?” (Nobyembre 22, 2003) Ako po’y 16 na taóng gulang, at wari bang ang ate ko ang laging nabibigyan ng atensiyon. Sabihin pa, batid kong napapansin ako ni Jehova, subalit nalulungkot pa rin ako. Tinalakay ng artikulong ito ang nadarama ko. At dahil sa ito ay ipinahayag sa mabait na pananalita, napaluha ako habang binabasa ko ito. Salamat po sa inyong praktikal na payo. Pinalambot nito ang aking puso.
M. O., Hapon
Kung minsan nadarama ko ang katulad ng nadarama ng lahat ng mga kabataang sinipi sa artikulo. Noon pa man, ang ate ko ay laging itinuturing na mabuting halimbawa. Kaya alam ko ang pakiramdam ng laging inihahambing sa iba pang miyembro ng pamilya. Ang pagkakabanggit ng artikulo hinggil sa paghanap ng isang bagay na magagawa mo nang mahusay ay parang “mga mansanas na ginto sa mga inukit na pilak”—mga salitang binigkas sa tamang panahon.—Kawikaan 25:11.
S. T., Estados Unidos
May ate ako at isang nakababatang kapatid na lalaki. Kapuwa sila mas magaling sa maraming bagay kaysa sa akin. Kaya sinunod ko ang inyong payo, at ako ngayon ay nag-aaral ng Kastila at mas madalas na lumalabas sa ministeryo. Tuwang-tuwa akong matuto—at napapansin na rin ako ng mga tao.
H. B., Estados Unidos
Kahihinatnan ng Uniberso? Sa artikulong “Ang Siyensiya ang Aking Relihiyon” (Setyembre 22, 2003), tila walang kamalay-malay si Kenneth Tanaka sa paniniwala ng mga siyentipiko na ang uniberso ay patuloy na lálakí magpakailanman.
R. G., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Iba-iba ang pangmalas ng mga dalubhasang nag-aaral hinggil sa uniberso. Halimbawa, patuloy na sinasabi ng ilan na sa dakong huli, ang proseso ng paglaki ay babagal, hihinto, at mababaligtad hanggang sa gumuho na lamang ito. Itinawag-pansin ng pananalita ni Kenneth Tanaka ang dalawang palagay nang hindi inirerekomenda ang alinmang pangmalas. Ang layunin ng kaniyang pananalita ay itampok ang kaniyang paghahanap ng kahulugan sa buhay dahil sa kawalang-kakayahan ng siyensiya na magbigay ng lahat ng kasagutan.