Pagharap sa mga Hamon ng Pagiging Tin-edyer na Ina
Pagharap sa mga Hamon ng Pagiging Tin-edyer na Ina
KAAKIBAT ng pagdadalang-tao ng isang tin-edyer ang bigat ng paggawa ng mga pasiyang para sa mga nasa edad na. “Pakiramdam ko’y 40 anyos na ako,” sabi ng isang tin-edyer na ina. “Pinalampas ko ang buong panahon ng aking kabataan.” Sa katunayan, oras na matuklasan niyang nagdadalang-tao siya, ang isang kabataang babae ay maaaring lubhang madaig ng takot at pagkabalisa.
Kung isa kang tin-edyer na nagdadalang-tao, baka ganiyan din ang nadarama mo. Subalit walang mangyayari kung hahayaan mo ang iyong sarili na matigilan dahil sa mga negatibong damdamin. “Siyang nagbabantay sa hangin ay hindi maghahasik ng binhi,” sabi ng Bibliya, “at siyang tumitingin sa mga ulap ay hindi gagapas.” (Eclesiastes 7:8; 11:4) Hindi makagagawa ng kinakailangang pagkilos ang isang magsasaka na natitigilan dahil sa pagkabalisa sa lagay ng panahon. Huwag matigilan. Sa malao’t madali, kailangan mong kumilos at balikatin ang iyong mga pananagutan.—Galacia 6:5.
Anu-ano ang mapagpipilian mo? Baka sabihin sa iyo ng ilan na pag-isipan mo ang aborsiyon. Ngunit hindi ito dapat pag-isipan ng mga nagnanais palugdan ang Diyos, yamang nililinaw ng Bibliya na labag sa kautusan ng Diyos ang aborsiyon. (Exodo 20:13; 21:22, 23; Awit 139:14-16) Sa mata ng Diyos, mahalaga ang buhay ng anumang binhi—kasali na yaong ipinaglilihi ng isang taong di-kasal.
Paano naman kung magpakasal kayo ng ama ng bata at magkasama ninyong palakihin siya? Sa paanuman, ang pagpapakasal ay magliligtas sa iyo sa kahihiyan. Ngunit kahit na madama ng isang batang ama ang moral na pananagutang tumulong sa pagpapalaki sa kaniyang anak, ang pagpapakasal ay hindi laging isang matalinong hakbangin. * Ang pagkakaroon ng anak ng isang kabataang lalaki ay hindi nangangahulugang handa na ang kaniyang damdamin at pag-iisip upang maging isang mabuting asawa at ama. Hindi rin ito nangangahulugang kaya na niyang buhayin ang isang asawa at anak. Bukod dito, kung hindi kayo pareho ng relihiyosong paniniwala, ang pagpapakasal sa kaniya ay pagsuway sa payo ng Bibliya na mag-asawa “tangi lamang sa Panginoon.” (1 Corinto 7:39) Ipinakikita ng karanasan na ang pag-aasawa nang wala sa panahon—at marahil nang panandalian—ay baka humantong lamang sa karagdagang kirot at pagdurusa.
Kumusta naman kung ipaaampon ang sanggol? Bagaman maliwanag na ito ay mas mainam kaysa sa aborsiyon, dapat mong isaalang-alang ang bagay na sa kabila ng mahihirap na kalagayan, may pagkakataon ka naman na arugain at palakihin ang iyong anak.
Pagharap sa mga Hamon
Totoo, mahirap magpalaki ng anak nang nag-iisa. Gayunman, sa pagsunod sa mga simulain ng Bibliya sa abot ng iyong makakaya at sa pagtitiwala sa Diyos para sa lakas at patnubay, matagumpay mong mahaharap ang maraming hamon. Narito ang ilang hakbang na maaari mong gawin upang matulungan kang magtagumpay.
● Muli mong buuin ang iyong kaugnayan sa Diyos. Tantuin na ang pagsisiping nang di-kasal ay kasalanan sa Diyos—paglabag sa kaniyang matataas na pamantayang moral. (Galacia 5:19-21; 1 Tesalonica 4:3, 4) Kaya naman, ang unang mahalagang hakbang ay ang pagsisisi at paghingi ng tawad sa Diyos. (Awit 32:5; 1 Juan 2:1, 2) Totoo, baka madama mong hindi ka karapat-dapat sa tulong niya. Gayunman, si Jehova ay nangangakong magpapatawad, at tinutulungan niya yaong mga nagsisisi sa kanilang mga pagkakamali. (Isaias 55:6, 7) Sa Isaias 1:18, sinabi ni Jehova: “Bagaman ang mga kasalanan ninyo ay maging gaya ng iskarlata [mabigat, malubha], ang mga ito ay mapapuputing gaya ng niyebe [lubusang malilinis].” Hinihimok din ng Bibliya ang mga nagkasala na samantalahin ang espirituwal na tulong ng hinirang na matatanda sa kongregasyon.—Santiago 5:14, 15.
● Ihinto ang pakikipagtalik nang di-kasal. Malamang na mangahulugan iyan ng pakikipaghiwalay sa ama ng iyong anak. Ang pagpapatuloy ng relasyong iyan nang di-kasal ay maghahantad lamang sa iyo sa panggigipit na ituloy ang paggawi na di-nakalulugod sa Diyos. Huwag mong kalimutan na ang mga kautusan ng Diyos, bagaman mahigpit, ay para sa ating proteksiyon. Ganito ang naalaala ni Nicole, na naunang nabanggit sa seryeng ito: “Natanto ko na tama ang Diyos. Ibig niyang makinabang tayo.”—● Magtapat sa iyong mga magulang. Tama lamang na ikatakot mo ang galit ng iyong mga magulang. Totoo, sila ay magagalit at mababahala kapag nalaman nila na nagdadalang-tao ka. Baka madama pa nga nila na binigo ka nila bilang mga magulang at sisihin ang kanilang sarili sa nagawa mong pagkakamali. Gayunman, kung talagang may takot sa Diyos ang iyong mga magulang, malamang na lilipas din ang matinding sakit at kirot paglipas ng panahon. Mga magulang mo sila, at sa kabila ng iyong mga pagkakamali, mahal ka nila. Palibhasa’y nakikita ang iyong pagsisisi, tiyak na mapakikilos silang tularan ang ama ng alibughang anak at magpakita ng maibiging pagpapatawad.—Lucas 15:11-32.
● Tumanaw ng utang na loob. Ang mga magulang, kamag-anak, at mga kaibigan ay malimit pagmulan ng malaking tulong at alalay. Halimbawa, maaaring isaayos ng iyong mga magulang na maalagaan ka ng doktor. Pagkasilang mo sa iyong sanggol, maaaring tulungan ka nila na matutuhan ang mga kinakailangan sa pag-aalaga ng sanggol; baka mag-alok din sila na mag-alaga ng iyong sanggol kapag wala ka. Ganito ang sabi ni Nicole tungkol sa kaniyang ina, “Ako ang nanganak, pero malaki Kawikaan 17:17) Kapag pinakitaan ka ng kabaitan, sundin ang payo ng Bibliya at ‘ipakitang ikaw ay mapagpasalamat.’ (Colosas 3:15) Ang pagsasabi ng salamat ay magpapadama sa kanila na pinahahalagahan mo ang kanilang maibiging mga gawa.
ang nagawa niya para tulungan ako.” Makatutulong din ang mga kaibigan, marahil sa pamamagitan ng maingat na pagbibigay sa iyo ng mga damit ng sanggol at iba pang kapaki-pakinabang na mga bagay. (● Pag-aralan mong maging isang magulang. Sabihin pa, hindi mo nais umasa habang panahon sa iyong pamilya at mga kaibigan. Kaya simulang pag-aralan ang mga kasanayan na tutulong sa iyo na maging mahusay sa pag-aalaga ng iyong anak at sa pangangasiwa ng isang sambahayan. Isang hamon ang matutong mag-alaga ng isang taong nangangailangan ng maraming pag-aasikaso at atensiyon. Marami kang dapat malaman tungkol sa nutrisyon, kalusugan, at iba pang pitak ng pag-aalaga sa bata. Kapansin-pansin, hinihimok ng Bibliya ang mga nakatatandang babaing Kristiyano na pasiglahin ang mga kabataang babae na maging “mga manggagawa sa tahanan.” (Tito 2:5) Tiyak na ang iyong ina—at marahil ang iba pang nakatatandang miyembro ng kongregasyong Kristiyano—ay makapagbibigay sa iyo ng mahalagang pagsasanay sa bagay na ito.
● Maging matalino sa paghawak ng salapi. Sinasabi ng Bibliya na “ang salapi ay pananggalang.” (Eclesiastes 7:12) Lálaki ang gastos pagdating ng sanggol.
Maaaring naisin mo muna na samantalahin ang anumang tulong mula sa pamahalaan na nauukol sa iyo. Subalit kadalasan, ang isang kabataang babae ay kailangan pa ring umasa sa pinansiyal na tulong ng kaniyang mga magulang. Kung ganiyan ang iyong kalagayan, isang katalinuhan at pagmamalasakit sa iyong bahagi na magtipid hangga’t maaari. Bagaman tiyak na nanaisin mong magkaroon ng mga bagong gamit para sa iyong sanggol, marahil ay makapagtitipid ka ng salapi sa pamamagitan ng pamimili sa mga tindahan ng segunda mano o sa mga baratilyo.
● Sikaping kumuha ng saligang edukasyon. “Ang marurunong ang siyang nag-iingat ng kaalaman,” sabi ng Kawikaan 10:14. Bagaman lalo itong totoo kung tungkol sa kaalaman sa Bibliya, totoo rin ito kung tungkol sa sekular na edukasyon. Kailangan mong magkaroon ng mga kinakailangang kasanayan upang makapaghanapbuhay.
Totoo, mahirap pumasok sa paaralan habang nag-aalaga ng isang sanggol. Subalit kung wala kang saligang edukasyon, ikaw at ang iyong anak ay maaaring masadlak sa kahirapan, pagdepende sa
tulong ng pamahalaan, mababang kita, di-maayos na tirahan, o malnutrisyon. Kaya hangga’t maaari, ipagpatuloy ang pag-aaral. Iginiit ng ina ni Nicole na tapusin niya ang pag-aaral, at bunga nito, nang maglaon ay nakakuha si Nicole ng pagsasanay upang matustusan ang kaniyang sarili bilang kawani ng isang abogado.Bakit hindi magsaliksik upang malaman kung anong mga pagkakataon sa edukasyon ang nakabukas sa iyo? Kung waring imposible na pumasok sa paaralan, tingnan mo kung puwede kang mag-aral sa bahay. Halimbawa, ang pag-aaral ng mga kurso sa pamamagitan ng liham ay maaaring praktikal para sa iyong kalagayan.
Maaari Kang Magtagumpay
Isang hamon para sa isang kabataang babae ang pagpapalaki ng isang anak sa ligáw. Ngunit maaari kang magtagumpay! Sa pagtitiyaga, determinasyon, at tulong ng Diyos na Jehova, maaari kang maging isang maibigin, may-kakayahan, at mahusay na magulang. At ang mga anak ng mga dalagang ina ay maaaring lumaki bilang mga adultong may matatag na emosyon. Aba, maaari mo pa ngang tamasahin ang kagalakan na makitang tumugon ang iyong anak sa paghubog at pagsasanay at maging isa na umiibig sa Diyos.—Efeso 6:4.
Ganito ang pagkasabi ni Nicole tungkol dito: “Sa tulong ng Diyos—at sa kabila ng lahat—tinamasa ko ang kagalakan na matulungan ang aking munting anak na babae na maging isang mabait, magalang, at responsableng dalaga. Kapag pinagmamasdan ko siya, nagugunita ko ang lahat ng gabing walang tulog ngunit nalilipos din ako ng kaligayahan.”
Subalit paano ba dapat pakitunguhan ng mga nasa hustong gulang ang tin-edyer na mga ina at ang kanilang mga anak? May paraan ba upang matulungan ang mga kabataan na maiwasan ang mga pasakit na dulot ng pagdadalang-tao ng mga tin-edyer?
[Talababa]
^ par. 5 Masusumpungan ang pagtalakay sa mga pananagutan at hamon na napapaharap sa mga binatang ama na nasa kabataan pa sa bahaging “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .” ng Abril 22, 2000, at Mayo 22, 2000, isyu ng Gumising!
[Mga larawan sa pahina 8, 9]
Napapaharap sa maraming hamon ng pagpapalaki sa kanilang mga anak ang tin-edyer na mga ina
[Larawan sa pahina 10]
Hindi solusyon ang pag-aasawa nang wala sa panahon
[Larawan sa pahina 10]
Makatutulong ang Kristiyanong matatanda sa nagkasalang mga kabataan na muling buuin ang kanilang kaugnayan sa Diyos
[Larawan sa pahina 11]
Isang katalinuhan para sa mga dalagang ina na tapusin ang kanilang saligang edukasyon