Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulong at Proteksiyon Para sa mga Kabataan

Tulong at Proteksiyon Para sa mga Kabataan

Tulong at Proteksiyon Para sa mga Kabataan

NAPAKALUNGKOT kapag ang isang babae​—na batang-bata pa​—ay nagdalang-tao nang walang asawa. Subalit, ang pagdadalang-tao ng mga tin-edyer ay laganap, at kahit paano ay may epekto sa lahat. Ang trahedya ng pagdadalang-tao ng mga tin-edyer ay isa lamang patotoo na tama ang utos ng Diyos: “Tumakas kayo mula sa pakikiapid.”​—1 Corinto 6:18.

Subalit sa pana-panahon, pinipili ng isang kabataang babae na naturuan sa mga daan ng Diyos na ipagwalang-bahala o talikuran ang kaniyang nalalaman. Nasangkot siya sa seksuwal na imoralidad at nagdalang-tao. Ano ang reaksiyon ng tunay na mga Kristiyano? Kapag nagpapakita ng pagsisisi ang gayong masuwaying kabataan, dapat na maibiging tumulong at umalalay ang kaniyang mga magulang at iba pang miyembro ng kongregasyong Kristiyano.

Muling isaalang-alang si Nicole. Pinalaki siya ng kaniyang mga magulang upang maging isang Saksi ni Jehova. Kaya talaga namang nakapanlulumo nang magdalang-tao siya nang hindi kasal. Subalit nagunita ni Nicole, “Dinadalaw ako sa bahay ng mga kapuwa Kristiyano at sinisikap na pasiglahin akong mag-aral ng Bibliya at manatiling malapít kay Jehova.”

Hindi, hindi sinasang-ayunan ng mga Saksi ni Jehova ang maling paggawi sa sekso. Ngunit kinikilala nila na sa pagkakapit ng mga simulain sa Bibliya, ang mga nagkasala ay maaaring “magbagong anyo.” (Roma 12:2) Matatag ang kanilang pananampalataya na pinatatawad ng Diyos ang mga nagsisising nagkasala. (Efeso 1:7) Kinikilala rin nila na kahit na ang isang bata ay anak sa ligáw, ang bata ay walang kasalanan. Kaya sa halip na ipahiya ang gayong bata, ang mga miyembro ng kongregasyong Kristiyano ay nagpapakita sa kaniya ng magiliw na pagmamahal, pagdamay, at kabaitan na katulad ng ipinakikita nila sa sinumang bata sa gitna nila.​—Colosas 3:12.

Isang nagsosolong ina ang nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Agad siyang tumugon sa mensahe ng Bibliya at gumawa ng malalaking pagbabago sa kaniyang buhay. Ganito ang sinabi niya tungkol sa mga Saksi: “Lahat sila ay nagpakita ng tunay na interes sa akin at sa aking mga anak. Nagbibigay sila ng pagkain at damit kapag kailangan gayundin ng pinansiyal na tulong. Nang maging kuwalipikado ako na makibahagi sa ministeryo sa larangan kasama ng mga Saksi ni Jehova, sila ang nag-alaga ng aking sanggol habang wala ako. Ginawa nila ang lahat ng makakaya nila upang tulungan akong magkaroon ng tunay na pag-ibig kay Jehova.”

Pag-iwas

Magkagayunman, mas mabuti na tulungan ang mga kabataan na maiwasan ang gayong mga problema. Kaya naman sinisikap ng mga Saksi ni Jehova na maglaan ng magiliw at mapagmahal na pamilya para sa kanilang mga anak. Sa halip na manakot​—pukawin ang pangambang magkaroon ng AIDS o magdalang-tao pa nga​—sinisikap ng mga Saksi na ikintal sa mga kabataan ang tunay na pag-ibig sa Diyos na Jehova at sa kaniyang mga kautusan. (Awit 119:97) Naniniwala sila na kailangang mabigyan ang mga bata ng tamang impormasyon tungkol sa sekso. Higit na mahalaga, naniniwala sila na ang mga bata ay kailangang turuan ng moral na mga simulain ng Bibliya mula pa sa pagkasanggol. (2 Timoteo 3:15) Ang pormal na pagtuturo ay inilalaan sa lokal na mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Gayunman, pinasisigla rin ang mga magulang na Saksi na personal na turuan sa Bibliya ang kanilang mga anak. Inilimbag ang mga babasahin, tulad ng Mga Tanong ng Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas, upang tulungan ang mga magulang na bigyan ng moral na patnubay ang kanilang mga anak. *

Ang pagsunod sa mahihigpit na pamantayang moral ng Bibliya ay salungat sa daluyong ng imoralidad na palasak sa daigdig. Ngunit ito ay isang paraan ng pamumuhay na magliligtas sa milyun-milyong kabataang babae mula sa trahedya ng pagdadalang-tao ng mga tin-edyer.

[Talababa]

^ par. 8 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 12]

Pinakikitunguhan ng tunay na mga Kristiyano ang mga dalagang ina nang may kabaitan at malasakit