Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Mga Anak Pagkatanggap na pagkatanggap ko ng serye na “Mga Anak—Kung Ano ang Kailangan Nila sa Kanilang mga Magulang,” binasa ko ito nang may pananabik. (Disyembre 22, 2003) Dahil lima ang anak ko, naantig ako nang husto ng mga artikulong iyon. Sana’y mabasa ito ng lahat ng ina sa buong daigdig.
C. M., Pransiya
Tamang-tama ang pagdating sa akin ng mga artikulong inilalathala ninyo. Nang malaman naming mag-asawa na magkakaanak na kami, naglathala kayo ng impormasyon para sa mga babaing nagdadalang-tao. (Enero 8, 2003) Ngayong kami’y maliligayang magulang na ng isang tatlong-buwang-gulang na sanggol na lalaki, naglimbag naman kayo ng kawili-wiling mga mungkahi sa pag-aalaga ng mga sanggol. Napakalaking tulong ng mga artikulong ito para sa isang baguhang ina.
D. K., Poland
Talambuhay Salamat sa lahat ng inyong mga artikulo, subalit ang mga talambuhay ang paborito ko. Naantig ako ng kasaysayan ni Eileen Brumbaugh na, “Ang Pananamit at Pag-aayos ang Naging Katitisuran Ko.” (Disyembre 22, 2003) Napakasigasig niya sa paghahanap ng tunay na relihiyon!
L. M., Russia
Interesadung-interesado ako sa talambuhay ni Eileen Brumbaugh dahil napakaraming pamilyang Amish at Mennonita rito sa lugar namin. Dati-rati, iniisip kong walang mangyayari kung ipakikipag-usap ko sa kanila ang Bibliya dahil waring kumbinsidung-kumbinsido na sila sa kanilang relihiyon. Mula sa kaniyang karanasan, nakita kong matutulungan nating matuto ng tumpak na kaalaman sa Diyos ang lahat ng uri ng mga tao kung magpapakita tayo ng personal na atensiyon at taimtim na interes.
M. H., Estados Unidos
Hindi rin maalis sa isip ko na talaga ngang “makasanlibutan” ang mga makeup at alahas. Ang taimtim na pag-ibig ng mga Saksi ni Jehova, gayundin ang paggalang nila sa Banal na Kasulatan, ang tumulong sa akin na huwag tumingin sa panlabas na kaanyuan lamang.
A. C., Estados Unidos
Mga Halamang-Gamot Nasiyahan akong basahin ang artikulong “Mga Halamang-Gamot—Makatutulong ba sa Iyo ang mga Ito?” (Disyembre 22, 2003) Isa akong rehistradong nars, at gumagamit ako ng likas na mga panlunas para sa aking mga kasukasuan. Natuklasan kong napakalaking tulong sa akin ang mga ito. Gayunman, hindi ninyo binanggit na maaaring maging sanhi ng labis na pagdurugo sa panahon ng operasyon ang ilang halamang-gamot. Napakahalagang malaman ng mga Saksi ni Jehova na kailangang ihinto ang paggamit ng ilang halamang-gamot bago magpaopera.
J. H., Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Maraming salamat sa mahalagang paalaalang ito. Bago magpaopera, mahalagang ipaalam ng pasyente sa kaniyang doktor ang lahat ng iniinom niyang gamot—kasali na ang mga halamang-gamot. Lalo nang mahalaga ito sa mga sumusunod sa utos ng Bibliya na ‘umiwas sa dugo.’—Gawa 15:29.
Pagsasalita sa Madla Talagang nasiyahan ako sa pagbabasa ng artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ako Magiging Isang Matagumpay na Tagapagsalita sa Madla?” (Disyembre 22, 2003) Sampung taon na akong nagtatrabaho sa larangan ng pamamahayag (journalism), subalit medyo ninenerbiyos pa rin ako kapag nagsasalita sa harap ng maraming tao. Bagaman tumanggap ako ng mga pagsasanay sa paaralan at sa kompanya, walang maihahambing sa mga natutuhan ko bilang estudyante sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, na idinaraos sa mga Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova. Natulungan ako ng pagsasanay na ito hindi lamang upang mapasulong ang aking ministeryo sa bahay-bahay kundi upang magtagumpay rin sa aking sekular na trabaho.
L. B., Estados Unidos