Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
Paghula sa Kaligayahan ng Mag-asawa
Inirekord sa video ng isang pangkat ng mga mananaliksik sa Seattle, Washington, E.U.A., ang pag-uusap ng daan-daang mag-asawa hinggil sa sensitibong mga isyu, gaya ng salapi at sekso. Pagkatapos ay gumawa sila ng mga pagtaya upang hulaan ang magiging kalagayan ng mga mag-asawa, na isinasaalang-alang ang “pangkalahatang pananaw sa buhay ng magkapareha, ang kakayahan nilang makipagkatuwiranan at tumanggap ng katuwiran, at kung hanggang saan sila naaapektuhan ng papuri o mapanuyang komento ng kanilang [kapareha],” ang ulat ng Science News. Pagkalipas ng apat na taon, nagkatotoo ang hula sa 94 na porsiyento ng mag-asawang kinapanayam. Anong mga salik ang nakaaapekto sa kaligayahan ng mag-asawa? “Sa matagumpay na mga pag-aasawa, ang positibong mga inter-aksiyon gaya ng pagtawa at pagpapatawa sa panahong inirerekord ang mga panayam ay nakahihigit sa negatibong mga inter-aksiyon sa proporsiyong 5 sa 1,” ang sabi ng artikulo. “Ang nag-iisang pinakatiyak na palatandaan ng pagdidiborsiyo ay ang mapanghamak na ekspresyon ng mukha ng isang asawa samantalang nagsasalita ang kaniyang kabiyak.” Ganito ang sabi ng isang mananaliksik: “Ang paghamak ay parang asido na sumisira sa pag-ibig.” Ginagamit ng pangkat ang kanilang mga tuklas upang tumulong sa pagsagip sa maliligalig na pag-aasawa, mga dalawang-katlo sa mga ito ang sumulong pagkalipas ng ilang araw na pagpapayo.
Matatalinong Ibon
Sa kamakailang pananaliksik, “napabantog ang mga ibon bilang karibal ng mga chimpanzee at lumbalumba sa taguring pinakamatatalinong hayop,” ang ulat ng The Sunday Times ng London. Binutasan ng isang pangkat mula sa Cambridge University ang tagiliran ng isang naaaninag na tubo, ipinatong nang pahalang ang tubo na ang butas nito ay nakalapat sa bunganga ng isa pang nakatayong tubo, at nilagyan ng pagkain ang loob ng pahalang na tubo malapit sa butas. Sinikap ng mga unggoy na itulak palabas ang pagkain, kaya nahulog lamang ito sa bunganga ng nakatayong tubo. Subalit gumamit ng patpat ang mga woodpecker finch upang kawitin ang pagkain nang hindi nahuhulog sa butas. Bago pa nito, naobserbahan ng mga mananaliksik sa Oxford University ang isang uwak na pinangalanang Betty mula sa New Caledonia na gumagawa ng mga kawit mula sa alambreng ginagamit sa paghahalaman at binabago nito ang hugis ng kawit upang iakma sa isang partikular na gawain—isang trabaho na hindi pa kailanman napag-alamang ginawa ng mga unggoy. Ang gayong tuklas ay “sumasalungat sa matagal nang paniwala” na ang mga unggoy lamang ang makagagawa ng mga kasangkapan, ang sabi ng Times.
TV at Pag-unlad ng Isip ng mga Sanggol
Sinabi ng mga doktor sa Japan Pediatric Association na ang mga batang nagbababad sa panonood ng TV ay mas malamang na mahirapang makipagtalastasan, ang ulat ng Mainichi Daily News. Kasali sa mga suliranin ang paghina ng kakayahang makatanda ng mga salita, manatiling nakatingin sa mata ng mga magulang habang nakikipag-usap, at makipag-ugnayan sa ibang tao. “Posibleng mahadlangan ang normal na pag-unlad ng isip ng mga bata kung kaunting panahon lamang ang ginugugol nila sa pakikipaglaro sa kanilang mga magulang at sa paglalaro sa labas ng bahay,” ang sabi ng isang miyembro ng asosasyon na si Hiromi Utsumi. Inirerekomenda ng Association na “patayin ng mga magulang ang TV kapag kumakain at kapag nagpapasuso, at huwag maglagay ng TV, video at computer sa silid ng mga bata,” ang sabi ng ulat, anupat idinagdag pa na sumulong ang komunikasyon “matapos sundin ng mga magulang ang payo ng mga doktor na ipagbawal sa mga bata ang panonood ng TV at mga video.”
Nagpapahiram na Aklatan sa “Ilalim ng Lupa”
Sa pagsisikap na pasiglahin ang interes sa pagbabasa, isang programa hinggil sa pagpapahiram ng aklat ang pinasimulan sa sistema ng transportasyon sa subwey ng Mexico City. Sa loob ng mga istasyon, ang isang pasahero sa subwey ay maaaring manghiram ng aklat na may malalaking titik at naglalaman ng mga koleksiyon ng literaturang Mexicano, magbasa nito samantalang nagbibiyahe, at ibalik ito kapag nakarating na siya sa kaniyang destinasyon. “Napakaraming tumugon,” ang sabi ni Aarón López Bravo, direktor ng programa. “Binibigyan nito ng pagkakataon ang mga tao na gamitin ang kanilang bakanteng panahon upang matuto at masiyahan.” Sa unang buwan, mahigit 130,000 aklat ang naipamahagi mula sa mga kiyoskong itinayo para sa layuning iyon, ang sabi ng internasyonal na edisyon ng The Miami Herald. Pinasimulan ang programa sa 21 istasyon ng isang ruta lamang ng subwey, subalit inaasahan ng mga tagapag-organisa na palalawakin pa ito upang sumaklaw sa lahat ng mga ruta ng subwey, na naghahatid ng halos limang milyong pasahero araw-araw.
Panganganak sa Britanya
“Sa kauna-unahang pagkakataon, mas kaunti na ngayon ang mga sanggol na ipinanganganak sa normal na paraan sa Britanya, anupat isa itong mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng medisina,” ang ulat ng The Independent ng London. Ipinakikita ng mga estadistika para sa 2001-2002 na inilathala ng Department of Health ng Britanya na 45 porsiyento lamang ng mga ina ang nagsilang ng kanilang mga sanggol sa normal na paraan. Mula 9 na porsiyento noong 1980, naging 22.3 porsiyento ang dami ng nagpapa-Cesarean noong 2001-2002. Umabot sa 56 na porsiyento ang bilang na ito sa isang maternity ward. “Parami nang paraming babae ang gustong magpa-Caesarean,” ang sabi ni Peter Bowen Simpkins ng Royal College of Obstetricians ng Britanya. “Gusto ng mga babaing propesyonal . . . na isilang ang kanilang sanggol sa isang tiyak na petsa. . . . Inaakala na mas ligtas ang magpa-Caesarean. Subalit ang totoo, talagang mas mapanganib ang magpa-Caesarean.” Nagbababala rin ang mga mananaliksik na ang mga inang nagsilang ng kanilang unang sanggol sa pamamagitan ng Cesarean ay mas mahihirapang magdalang-taong muli at mas malamang na hindi na nila maipanganak sa normal na paraan ang kanilang ikalawang sanggol.
Pagdidiyeta ng mga Nagbibinata at Nagdadalaga at Pagbigat ng Timbang
“Ang mga nagbibinata at nagdadalaga na nagdidiyeta upang magbawas ng timbang ay baka bumigat pa nga sa dakong huli, anupat nagsisimula silang tumaba nang husto,” ang sabi ng U.S.News & World Report. Isinisiwalat ng tatlong-taóng pag-aaral na kinasasangkutan ng halos 15,000 bata na edad 9 hanggang 14 na “ang mga batang lalaki at babaing nagdiyeta ay mas bumigat pa kaysa sa mga hindi nagdiyeta, at ang kanilang body mass index—sukatan ng sobrang katabaan—ay tumaas.” Ipinalalagay ng mga mananaliksik na “maaaring humantong ang pagdidiyeta sa pagpapakalabis sa pagkain,” ang sabi ng ulat. Ang mga batang babae na madalas magdiyeta “ay 12 ulit na mas malamang na umaming nagpakalabis sila sa pagkain kaysa sa mga hindi nagdidiyeta.”
Kakulangan sa Pari
“Mahigit sa kalahati ng mga seminaryo sa Espanya ang nanganganib na magsara” dahil sa kakulangan ng mga aplikante upang maging paring Katoliko, ang ulat ng diyaryong ABC ng Espanya. Noong nakaraang taon, “walang nagsipag-aral sa 14 na seminaryo, samantalang ang 18 iba pa ay may tig-isa lamang bagong mag-aarál.” Bakit may gayong kakulangan? Binanggit ni Andrés García de la Cuerda, rektor ng isang seminaryo sa Madrid, ang “matindi at progresibong sekularisasyon” ng Europa, na siguradong hahantong sa “paglaho ng pananampalataya at Kristiyanismo.” Sinabi rin ni García de la Cuerda na “ang kalagayan sa lipunan ay hindi pumapabor sa Simbahan[g Katoliko] at sa kinakatawanan nito.”