Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Pakikipagpunyagi sa Sobrang Katabaan—Sulit Ba?

Pakikipagpunyagi sa Sobrang Katabaan—Sulit Ba?

Pakikipagpunyagi sa Sobrang Katabaan​—Sulit Ba?

KINAPANAYAM ng Gumising! ang ilang tao na nakipagpunyagi sa mga problema ng sobrang katabaan. Nagtamo ba sila ng mabubuting resulta? Ano ang iminumungkahi nila para sa iba pang mga biktima ng epidemyang ito?

Tanungin natin si Mike, edad 46, anim na piye ang taas at kasalukuyang tumitimbang nang 285 libra. Ang naging pinakamabigat na timbang niya ay 347 libra.

Mike: “Kahit na noong bata pa ako, mataba na ako. Nasa lahi namin​—ang kuya ko at mga kapatid na babae ay pawang matataba. Ugali na naming huwag magtira ng anuman sa aming plato, kahit na punung-puno iyon. Ano ang nagpabago ng ugali ko sa pagkain? Nang sabihin sa akin ng doktor na nanganganib akong magkadiyabetis! Maisip ko lamang na tuturukan ako ng insulin habambuhay, kinikilabutan na ako. Mataas din ang aking kolesterol at umiinom na ako ng gamot.

“Lagi akong nakaupo sa aking trabaho, at hindi ito nagbago. Kaya upang makabawi, regular akong nag-eehersisyo, kasali na ang paggamit ng treadmill sa loob ng kalahating oras nang hindi kukulangin sa tatlong beses sa isang linggo. Ang sumunod na mahalagang hakbang ay ang paglilista ng kinain ko bawat araw. Dahil alam kong titingnan ng isang dalubhasa sa pagkain ang aking listahan linggu-linggo, nakatulong ito upang makapagpigil ako. Naisip ko, ‘Kung hindi ko kakainin, hindi ko na kailangang isulat!’

“Dahil dito, nabawasan ako ng 62 libra sa nakalipas na 15 buwan, bagaman kailangan ko pang bawasan ito, yamang 225 libra lamang ang gusto kong timbang. Upang maabot ito, hindi na ako nagmeryenda, kumain ng potato chip, at masasarsang pagkain. Mas maraming ensalada at gulay ang kinain ko sa nakaraang mga buwan kaysa sa nakain ko na noon sa buong buhay ko!

“Ang isa pang bagay kaya ako kumilos ay dahil bilang isang tsuper ng trak, kailangan kong magpa-eksamen sa doktor taun-taon upang makakuha ng panibagong lisensiya. Baka mawalan ako ng lisensiya dahil sa panganib na magkaroon ng diyabetis. Nagbago na ang lahat ngayon. Hindi ko na kailangang uminom ng gamot para kontrolin ang aking kolesterol. Bumaba na rin ang presyon ng dugo ko kaya hindi na ako gaanong umiinom ng gamot para rito. Mas malakas ako ngayon, at naibsan din ang matinding pananakit ng aking likod. Unti-unti na akong nakakawala sa kategorya ng sobrang katabaan!”

Gumising!: “Maaari bang gumanap ng positibong papel sa pagpapayat ang asawang babae?”

Mike: “Kapag nakikipagpunyagi ka sa katabaan, kailangan mo ng isang aalalay sa iyo. Inakala noon ng aking asawa na ang pagpapakain sa akin nang husto ay pagpapakita ng pagmamahal. Pero ngayon ay tinutulungan niya akong kontrolin ang aking pagkain. Hindi ako puwedeng maging kampante, dahil baka tumaba na lamang ako nang hindi ko namamalayan.”

Tingnan ang isa pang lalaki na nagngangalan ding Mike, mula sa Kansas, E.U.A. Siya ay 43 anyos at may taas na limang piye at walong pulgada. Tinanong namin siya kung ano ang naging pinakamabigat niyang timbang at ang sanhi nito.

Mike: “Ang pinakamabigat kong timbang ay 300 libra. Lagi akong pagod at wala nang lakas na gumawa ng anuman. Hindi ako makatulog dahil nahihirapan akong huminga. Kaya nagpatingin ako sa isang doktor, at nasuri niyang isa sa mga sanhi ng aking katabaan ay ang obstructive sleep apnea. * Napansin din niya na may alta presyon ako.”

Gumising!: “Ano ang naging solusyon sa mga problema mo?”

Mike: “Nagrekomenda ang doktor ng isang aparato na tumutulong upang maging tuluy-tuloy ang presyon sa daanan ng hangin kapag natutulog ako. Sa ganitong paraan, ang aking lalamunan ay hindi nababarahan at nakahihinga ako nang normal. Dahil dito, naging mas aktibo ako sa araw at nagsimulang bumaba ang aking timbang. Nagsimula rin akong gumamit ng treadmill nang tatlong beses sa isang linggo. Nagdiyeta ako, anupat binawasan ang aking kinakain at iniiwasang kumuha ng ikalawang hain ng pagkain. Nabawasan na ang timbang ko ng 50 libra sa loob lamang ng mahigit isang taon, at kailangan ko pang magbawas ng 50 libra. Mabagal ito, pero alam kong kakayanin ko.”

Gumising!: “Ano pa ang gumanyak sa iyo na magpapayat?”

Mike: “Nakakainis kasi kapag nakaririnig ako ng mapanuya at masasakit na puna tungkol sa aking hitsura. Iniisip ng mga tao na tamad lamang ako. Hindi nila natatanto na maraming dahilan ang sobrang katabaan. Naniniwala ako na sa aking kalagayan, namana ko ang problemang ito, yamang ang karamihan sa aking mga kapamilya ay matataba.

“Pero inaamin ko na dapat akong manatiling aktibo at mahigpit na kontrolin ang aking pagkain para pumayat ako.”

Kinapanayam din ng Gumising! si Wayne na taga-Oregon, edad 38. Nang siya ay 31 anyos, tumitimbang siya ng 246 na libra.

Wayne: Palagi akong nakaupo sa aking trabaho at hindi ako nag-eehersisyo. Nang magpatingin ako sa doktor, nagimbal ako nang malaman kong may alta presyon ako at nanganganib na magkasakit sa puso. Pinapunta niya ako sa isang dalubhasa sa pagkain. Ipinasunod nito sa akin ang isang mahigpit na programa ng ehersisyo at kontroladong pagkain. Nagsimula akong maglakad nang limang kilometro nang walang tigil, araw-araw, at maaga akong bumabangon tuwing umaga para mag-ehersisyo. Kinailangan kong muling turuan ang aking sarili kung tungkol sa aking mga kaugalian sa pagkain at pag-inom. Hindi na ako kumakain ng mga sitsirya at binawasan ko ang pagkain ng tinapay at pag-inom ng mga soda, anupat hinalinhan ang mga ito ng mas maraming prutas at gulay. Ngayon, 175 libra na lamang ako!”

Gumising!: “Anong mga kapakinabangan ang napansin mo?”

Wayne: “Pakiramdam ko ay mas malusog ako at para akong muling nabuhay. Dati kasi, waring tumigil ang mundo ko, anupat tila wala akong buhay. Ang isa pang pakinabang, hindi na ako umiinom ng gamot para sa alta presyon. Kaya ko nang tingnan sa mata ang mga tao dahil alam kong hindi na nila ako pipintasan nang palihim bunga ng aking katabaan.”

Si Charles (hindi niya tunay na pangalan) ay may taas na anim na piye at limang pulgada. Ang naging pinakamabigat niyang timbang ay 370 libra.

Charles: “Seryoso ang mga problema ko sa kalusugan, at lalong lumalala ang aking kondisyon. Hindi na ako makaakyat sa hagdan. Wala na akong lakas para gawin ang aking trabaho. Lagi akong nakaupo sa aking trabaho, at may kinalaman ito sa pananaliksik at pananagutan. Batid ko na kailangan ko nang magbawas ng timbang lalo na pagkatapos kong magpatingin sa doktor. Nagbabala siya na malapit na akong magkaroon ng atake serebral. Nakita ko na kasi kung ano ang nangyayari sa taong inatake ng sakit na ito. Ito ang nakakumbinsi sa akin na kailangan ko nang kumilos. Inirekomenda sa akin ng doktor ang isang kontroladong programa sa ehersisyo na gumagamit ng isang treadmill, at may isang diyeta na mahigpit kong susundin. Ngayon, pagkaraan ng mga isang taon, 300 libra na lamang ako, pero alam kong kailangan ko pang magbawas ng timbang. Ang mga kapakinabangang napansin ko ang siyang nakakumbinsi sa akin na sulit ang sakripisyo at pagsisikap. Nakaaakyat na ako ngayon sa hagdan, at mas malakas ako.”

Si Marta, na dating taga-El Salvador, ay umabot sa timbang na 182 libra. Maituturing siya na sobra ang katabaan para sa taas niya na limang piye at limang pulgada.

Marta: “Nagpatingin ako sa doktor, at mahigpit niyang inirekomenda na magsimula na akong magpapayat. Iginalang ko naman ang kaniyang opinyon bilang isang propesyonal. Pinapunta niya ako sa isang espesyalista sa nutrisyon para humingi ng payo. Ipinaliwanag sa akin ng espesyalista ang mga dahilan at detalye ng programang susundin ko. Ipinakita niya sa akin kung paano babawasan ang kinakain ko at kung paano ko pipigilin ang aking sarili sa pagkain. Sa simula, kinailangan kong magreport sa kaniya bawat linggo; at pagkaraan, bawat buwan, upang ipakita ang aking progreso. Pinasigla ako ng doktor at ng espesyalista sa nutrisyon dahil sa aking mahusay na pagsulong. Sa kalaunan, nabawasan ang timbang ko ng 27 libra, at pinananatili ko ang aking timbang na mga 150 libra.”

Gumising!: “Kumusta naman ang ehersisyo at pag-inom ng gamot?”

Marta: “Wala akong problema sa kolesterol kaya hindi ko kinailangang uminom ng gamot. Pero isinama ko sa aking pang-araw-araw na rutin ang paglalakad nang mabilis.”

Gumising!: “Ano ang ginagawa mo kapag dumadalaw ka sa mga kaibigan at pinipilit ka nilang kumain ng mas marami kaysa sa normal na kinakain mo?”

Marta: “Sinasabi ko na lang sa kanila, ‘Gusto ng doktor ko na sundin ko ang diyetang ito alang-alang sa aking kalusugan,’ at kadalasan, hindi na sila namimilit.”

Kaya kung sobra ang timbang o labis ang katabaan mo, ano ang puwede mong gawin tungkol dito? Tama ang matandang kasabihan, “Kung gusto mo, maraming paraan.” Mayroon ka bang determinasyon at tibay ng loob upang daigin ito? Kung ikaw ay isang bata o adultong sobra sa timbang, ano ang mapagpipilian mo? Alinman sa magbawas ka ng timbang o mabawasan ang mga taon ng iyong buhay. Maging aktibo, masiyahan sa iyong tagumpay​—kahit sa maliliit na bagay, tulad ng mas maliliit na sukat ng damit!

[Talababa]

^ par. 11 Para sa higit pang impormasyon tungkol sa sleep apnea, tingnan ang Gumising! ng Pebrero 8, 2004, pahina 10-12.

[Kahon sa pahina 11]

“Liposuction” ba ang solusyon para sa iyo?

Ano ba ang liposuction? Ayon sa isang diksyunaryo, ito ay: “Karaniwan nang isang pagpaparetoke na inaalis ang labis na himaymay ng taba mula sa isang espesipikong parte ng katawan, gaya sa mga hita o sa puson, sa pamamagitan ng suction (paghigop). Tinatawag din itong suction lipectomy.” (American Heritage Dictionary) Subalit nangangahulugan bang lunas ito sa sobrang katabaan?

Sinasabi ng Mayo Clinic on Healthy Weight na ang liposuction ay pagreretoke. Hindi ito isang programa sa pagbabawas ng timbang. Hinihigop ang mga selulang taba mula sa katawan sa pamamagitan ng isang makipot na tubo na ipinapasok sa ilalim ng balat. Maaari itong makapag-alis ng ilang kilo ng taba sa isang sesyon. Gayunman, “ang operasyong ito ay hindi paggamot sa sobrang katabaan.” Ligtas ba ang operasyong ito? “Mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng mga komplikasyon mula sa liposuction ang mga tao na may mga karamdamang nauugnay sa timbang, kasali na ang diyabetis at sakit sa puso.”