Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Tulong Upang Makaraos ang mga Magbubukid sa Sertão

Tulong Upang Makaraos ang mga Magbubukid sa Sertão

Tulong Upang Makaraos ang mga Magbubukid sa Sertão

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRAZIL

MGA sampung milyong kambing ang gumagala-gala sa sertão, * ang medyo tigang na rehiyon sa hilagang-silangan ng Brazil na may lawak na 1,100,000 kilometro kuwadrado. Tuwing tag-araw sa lugar na ito, walang ulap ang papawirin sa loob ng siyam na buwan, napakaalinsangan, at ang lupa ay tigang at napakatigas. Natutuyo ang mga ilog, nalalagas ang dahon ng mga punungkahoy, mainit at tuyo ang simoy ng hangin, at ang mga hayop sa bukid ay gumagala-gala upang maghanap ng anumang pananim na kanilang masusumpungan.

Gayunman, tila bale-wala lamang sa katutubong mga kambing ng Brazil ang tuyong klima na ito. Sa matitinding tagtuyot, nababawasan ang mga kawan ng baka at tupa, subalit dumarami ang mga kambing. Paano sila nakapananatiling buháy?

Bibig na Dinisenyo Upang Makapanatiling Buháy

Sinasabi ng maraming naninirahan sa sertão na kinakain ng mga kambing ang kahit ano​—pati na ang mga bota, síya, at damit. Pinatotohanan ni Propesor João Ambrósio, mananaliksik sa National Center for Research on Goats, sa Sobral, hilagang-silangan ng Brazil, na kayang kainin ng mga kambing kahit ang waring di-matutunaw na mga pagkain kasali na ang mga ugat, tuyong mga dahon, at balat ng mahigit sa 60 uri ng halaman. Halos damo lamang ang kinakain ng iba pang mga hayop sa bukid gaya ng baka.

Bagaman nakatutulong ang pagiging di-pihikan sa pagkain, ang pinakamahalagang kahigitan ng mga kambing ay ang bibig ng mga ito. Binanggit ni Ambrósio na ginagamit ng mga baka ang dila nito upang isubo ang pagkain at hindi kayang piliin ng mga ito ang paisa-isang dahon ni ang balat man ng isang halaman. Gayunman, ginagamit ng mga kambing ang kanilang maliit na bibig, nababanat na mga labi, at matatalim na ngipin upang piliin at kagatin ang pinakamasustansiyang mga bahagi ng isang halaman. Ang kakayahan nitong humanap at pumili kahit na kakaunti ang pagkain ang dahilan kung kaya nakilala ang kambing sa paninira ng mga pananim. “Mga tao ang dapat sisihin dahil pinipilit nilang mamuhay sa gayong mga kalagayan ang mga kambing. Sinisikap lamang ng mga kambing na makapanatiling buháy,” ang sabi ni Ambrósio.

Praktikal ang Mag-alaga ng mga Kambing

Hindi kataka-taka na may mahalagang papel ang matitibay at katutubong mga kambing sa pagsasaka na siyang pangunahing kabuhayan sa sertão. Para sa maraming pamilya, ang mga ito ay mahalagang pinagmumulan ng protina. Dahil napakamahal ng baka, ang inihaw o nilagang kambing at buchada (tiyan ng kambing na pinalamnan ng kanin at bitukang hiniwa nang parisukat) ang siyang karaniwang pagkain. Ipinagbibili rin ang balat ng kambing sa mga pagawaan ng katad bilang karagdagang kita. Kaya, sa panahon ng kagipitan, madaling ipagpalit ang mga kambing sa salapi upang maipambili ng gamot at iba pang mga pangangailangan.

Halos hindi na kailangang alagaan ang mga kambing, kaya isa pa itong karagdagang bentaha. Buong maghapong nanginginain ang maliliit na kawan sa walang-bakod na caatinga, o matitinik na palumpungan. Pagkagat ng dilim, nakikilala ng mga kambing ang tinig ng kanilang mga amo, at bawat isa ay masunuring bumabalik sa kanilang sariling mga kural. Karaniwan na, ang mga ito ay inaasikaso lamang ng magbubukid sa panahon ng pagpaparami kung kailan niya pinipili ang mga kambing na kakatayin, ginagamot ang mga may sakit, at hineheruhan ang mga batang kambing. Napakadaling alagaan ang mga kambing anupat maging yaong mga nakatira sa bayan ay nag-aalaga ng ilan sa hardin sa likod ng kanilang bahay o hinahayaan ang mga ito na gumala-gala sa kabayanan, kahit na ipinagbabawal ito ng batas sa kanilang lugar. Pangkaraniwan na lamang ang makakita ng kambing na nanginginain sa liwasang-bayan.

Pinatutunayan ng karanasan sa loob ng maraming siglo na praktikal ang pag-aalaga ng mga kambing, lalo na para sa maliliit na magbubukid. Ang pag-aalaga ng walong kambing ay katumbas ng pag-aalaga ng isang baka kung dami ng trabaho at lawak ng lupaing kailangan ang pag-uusapan. At isaalang-alang ito: Ipagpalagay nating may limang baka ang isang magbubukid. Kapag namatay ang isa, nangangahulugan ito na 20 porsiyento na ang nawala sa kaniyang kawan. Subalit ipagpalagay nating nag-alaga siya ng 40 kambing sa halip na 5 baka. Pareho lamang ang lawak ng lupain at ang dami ng trabaho na kinakailangan sa pag-aalaga ng gayong kawan. Kapag namatay ang isang kambing, nangangahulugang 2.5 porsiyento lamang ang nawala sa kaniya. Hindi kataka-taka na itinuturing ng mga isang milyong pamilya sa Brazil na isang seguro ang mga kambing sakali mang magkaroon ng tagtuyot at humina ang ani.

Pangganyak Upang Magtrabaho Nang Masikap

Nasa Estado ng Bahia ang ilan sa pinakamalalaking kawan ng kambing, na umaabot nang libu-libo. Sa Uauá, isang maliit na bayan na malayo sa baybayin at mga 800 kilometro ang layo mula sa kabisera ng estado, sinasabing mas marami nang limang ulit ang bilang ng mga kambing kaysa sa mga naninirahan doon. Ang kabuhayan ng buong pamayanan ay halos nakadepende na sa pag-aalaga ng mga kambing at sa mga gawaing nauugnay rito. Madalas magbiro ang mga naninirahan doon, “Sa Uauá, mga kambing ang nag-aalaga sa mga tao, hindi mga tao ang nag-aalaga sa mga kambing.”

Ipinanganganak ang unang mga batang kambing sa buwan ng Mayo, mga limang buwan pagkatapos magsimula ang panahon ng pagpaparami. Nagtatrabaho ang masisipag na pastol ng mga kambing mula alas kuwatro ng madaling araw hanggang alas siyete ng gabi upang tipunin at painumin ang mga kambing, at iligtas ang nawawala at nanganganib na mga batang kambing. Araw-araw, isinusuga at ginagatasan ng may-kasanayang mga tagapagpastol ang daan-daang babaing kambing upang hindi mamatay ang bagong-silang dahil sa labis na pagsuso ng gatas. Maingat din nilang ginagamot ang mga napinsala at nilulunasan ang salot na mga bangaw (botfly), na maaaring maging sanhi ng maliliit na butas sa balat ng mga kambing at magpababa sa halaga ng mga ito sa pamilihan.

Isang gawa ng pag-ibig ang ganitong paraan ng pag-aalaga ng mga kambing​—subalit may personal na kapakinabangan din naman. Sumasahod ang masikap na mga tagapag-alaga ng kawan sa pamamagitan ng tradisyonal na sistema ng pagpapasuweldo na quarteação (quartering) na ginagamit sa Uauá at sa iba pang lugar sa kabukiran. Tuwing panahon ng pagpaparami, ibinibigay sa kanila ang 1 sa bawat 4 na isinisilang na batang kambing​—1 sa bawat 3 naman kung mas bukas-palad ang may-ari ng kawan. Bawat batang kambing ay binibigyan ng kani-kaniyang numero, at pinagpapalabunutan mula sa isang tasa ang mga baryang may mga numero. Kahit na ang mabunot nila ay kambing na piláy o malusog, payat o mataba, inaalagaan ng mga tagapagpastol ang kawan na parang sarili nilang pag-aari.

Higit na Pakinabang sa Katutubong mga Kambing

Ang mga kambing sa Brazil ay nagmula sa mga uri na dinala rito ng nakipamayang mga taga-Europa noong unang mga taon ng dekada ng 1500. Gayunman, sa pangkalahatan ay mas maliliit ang katutubong mga kambing at mas kaunting gatas lamang ang nakukuha sa mga ito kung ihahambing sa uring pinagmulan nito sa Europa.

Halimbawa, ang canindé ng Brazil ay nagagatasan lamang ng wala pang isang litro bawat araw, samantalang ang kauri nito sa Europa, ang alpine goat ng Britanya, ay makapagbibigay ng 3.8 litro. Sa loob ng maraming dekada, hinangad ng mga magbubukid at agronomo na pagsamahin ang tibay ng mga katutubong kambing at ang pagiging produktibo ng lahing pinagmulan nito sa ibang bansa. Sa gayong paraan, ang mga magsasaka sa sertão ay maaaring kumita nang mas malaki sa pag-aalaga ng “baka ng taong maralita,” gaya ng tawag ng marami sa kambing.

Ang pagpapalahi ng katutubo at banyagang mga kambing ay napatunayang isang mabilis na paraan upang mapalaki ang mga kambing at maparami ang gatas na nakukuha sa mga ito. Isang grupo ng mga mananaliksik sa Estado ng Paraíba, na nasa hilagang-silangan ng Brazil, ang matagumpay na nakapagpalahi ng katutubong mga kambing at ng ibang mga uri na galing sa Italya, Alemanya, at Inglatera. Nagluwal ang mga ito ng mga kambing na nakatatagal sa tuyong klima at mas maraming naibibigay na gatas. Ang mga uri na dating nakapagbibigay lamang ng wala pang isang litro ng gatas bawat araw ay nakapagbibigay na ngayon ng 2.2 hanggang 3.8 litro.

Ang sentro ng pananaliksik sa Sobral ay nakatuklas din ng kapaki-pakinabang at mas matipid na pamamaraan. Napansin ng mga mananaliksik na mas gusto ng ilang kambing ang mga dahon ng ilang partikular na uri ng puno. Gayunman, nakakain lamang ng mga kambing ang mga dahong ito kapag pansamantalang tumitigil sa paglago ang mga punungkahoy at nalalagas ang mga dahon nito. Upang maparami ang pinagmumulang ito ng pagkain, pinupungos ang lahat ng mga sanga ng ilang punungkahoy kapag masyado nang mataas. Napipilitan tuloy ang mga punungkahoy na magsibol ng mas mabababang sanga na kayang abutin ng mga kambing. Ang resulta? Bumigat nang apat na beses ang timbang ng mga kambing na nanginginain sa pantanging inihandang mga lugar na ito.

Sa kabila ng bagong mga ideyang ito, ang mga may-ari ng maliliit na kawan ay napapaharap pa rin sa isang problema na malabong malunasan ng pananaliksik sa siyensiya. Ano ito? Buweno, ayon sa paliwanag ng isang magbubukid, “nagiging pamilyar ang mga kambing sa mga taong nag-aalaga sa kanila, at nagiging paboritong hayop ang mga ito. Kaya ang pagkatay sa mga ito ay nagiging problema.” Ayaw talaga ng mga may-ari na mawalay sa kanilang paboritong mga hayop! Hindi kaya isa pa itong dahilan kung bakit nakapananatiling buháy ang mga kambing?

[Mga talababa]

^ par. 3 Lumilitaw na tinawag itong desertão, o malaking disyerto, ng nakikipamayang mga Portuges dahil ipinaaalaala nito sa kanila ang mga disyerto at sabana ng Hilagang Aprika.

[Kahon/Larawan sa pahina 27]

Ang Katotohanan Hinggil sa Gatas ng Kambing

Marami ang nagsasabing mahirap itong tunawin; sinasabi naman ng iba na maanggo ito. Subalit huwag kang maniwala sa mga sabi-sabing ito hinggil sa gatas ng kambing. Kung nahihirapan kang tunawin ang gatas ng baka, malamang na imungkahi ng iyong doktor o ng isang dalubhasa sa pagkain ang mga produktong gawa sa gatas ng kambing bilang kahalili. Bagaman mas mayaman ito sa protina at taba, mas maliliit at madaling tunawin ang mga partikula ng taba nito. At kumusta naman ang amoy nito?

Ang totoo, walang amoy ang gatas ng kambing. Kung may matapang at maanggong amoy ito, malamang na ginatasan ang kambing sa di-malinis na mga kalagayan o baka naman napadaiti ito sa isang barakong kambing. May mga glandula ang barakong kambing sa likod ng mga sungay nito na naglalabas ng hormon na pang-akit sa mga babaing kambing. Gayunman, anumang bagay na madaiti sa lalaking kambing ay nababahiran ng hormon na ito.

[Credit Line]

CNPC–​Centro Nacional de Pesquisa de Caprinos (Sobral, CE, Brasil)

[Mapa sa pahina 25]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Ang “Sertão”

[Larawan sa pahina 26]

Ginagamit ng kambing ang bibig nitong mahusay ang pagkakadisenyo upang piliin ang pinakamaiinam na bahagi ng isang halaman

[Credit Line]

Dr. João Ambrósio–​EMBRAPA (CNPC)

[Picture Credit Lines sa pahina 25]

Mapa: Mountain High Maps® Copyright © 1997 Digital Wisdom, Inc.; mga kambing: CNPC–​Centro Nacional de Pesquisa de Caprinos (Sobral, CE, Brasil)