Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Mga Kabataang Mabisang Nagpapatotoo

Mga Kabataang Mabisang Nagpapatotoo

Mga Kabataang Mabisang Nagpapatotoo

Maraming kabataang Saksi ni Jehova ang lakas-loob na nagpapatotoo hinggil sa kanilang pananampalataya kapuwa sa paaralan at sa ministeryong Kristiyano, at talagang nagtatagumpay sila sa paggawa nito. Isaalang-alang ang sumusunod na mga halimbawa. *

“Noong nasa ikatlong baytang ako,” ang sabi ni Kristina, “binigyan ng guro ang bawat isa sa amin ng talaarawan kung saan namin isusulat ang aming mga gawain sa araw-araw. Babasahin ng guro ang aming talaarawan at saka siya susulat ng ilang komento para sa amin. Ipinasiya kong isulat sa aking talaarawan ang tungkol sa nalalapit kong bahagi sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo. Waring napahanga ang guro, kaya inanyayahan ko siya sa Kingdom Hall upang pakinggan ang aking bahagi. Hindi lamang siya ang dumating kundi pati na rin ang aking guro sa unang baytang. Pagbalik sa paaralan, ikinuwento ng guro sa buong klase na nasiyahan siya sa aking bahagi. Tuwang-tuwa ako. Pero hindi lamang iyan. Makalipas ang halos isang taon, nailahad ko ang aking karanasan sa isang pansirkitong asamblea ng mga Saksi ni Jehova, at dumalo rin sa pulong na iyon ang aking guro. Nang dakong huli, dinalaw namin siya ng kaibigan kong payunir at iniharap sa kaniya ang aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan. Dumalo pa nga siya sa isa sa ating pandistritong kombensiyon!”

Sa edad na anim, kayang-kaya at may lakas ng loob na ipinakikipag-usap ni Sydnee sa kaniyang mga kaklase ang mga katotohanan sa Salita ng Diyos, kasali na ang tungkol sa kalagayan ng mga patay at sa posisyon ni Jesus kung ihahambing sa Diyos. “Isa siyang masigasig at walang-takot na munting ministro,” ang sabi ng kaniyang ina. Sa pagtatapos ng kaniyang unang taon sa paaralan, nalungkot si Sydnee. “Nag-aalala ako sa mga kaklase ko,” ang sabi niya. “Paano sila matututo hinggil kay Jehova?” Nakaisip ng paraan si Sydnee. Sa huling araw ng pasukan, binigyan niya ang bawat estudyante ng nakabalot na regalo. Iyon ay ang publikasyong Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya. Lahat-lahat, 26 na kopya ang naipamahagi ni Sydnee, at sinabi niya sa mga estudyante na maaari nilang buksan ang regalo sa bahay kasama ng kanilang mga magulang. Itinuturing ni Sydnee na personal niyang teritoryo sa pagpapatotoo ang kaniyang mga kaklase. Tinawagan pa nga niya sila sa telepono upang malaman kung nasiyahan sila sa aklat. Sinabi ng isang batang babae na binabasa niya ang kaniyang kopya gabi-gabi kasama ng kaniyang nanay.

Noong 15 taóng gulang si Ellen, binigyan niya ng ilang isyu ng Gumising! ang kaniyang guro sa kasaysayan. “Gustung-gusto niya ang mga ito,” ang sabi ni Ellen, “at dalawang taon na siyang nagbabasa ng Gumising!” Sinabi pa ni Ellen: “Kamakailan, binigyan ko siya ng publikasyon na Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, at sinabi niya sa akin na tuwang-tuwa rito ang dalawa niyang anak na babae. Kaya binigyan ko siya ng aklat na Matuto Mula sa Dakilang Guro. Nang dakong huli, binigyan niya ako ng card. Ganito ang nakasulat: ‘Maraming salamat sa mga aklat. Wiling-wili kaming mag-aama sa mga ito. Nakatutuwang makita ang isang kabataang matatag at determinado na tulad mo. Walang maihahambing sa tinanggap mong kaloob na pananampalataya. Mas marami kang naituro sa akin kaysa sa maaari kong ituro sa iyo!’ Ipinakita sa akin ng karanasang ito kung gaano kalaki ang pagpapahalaga ng mga tao sa katotohanan sa Bibliya kapag sinisikap nating iharap ito sa kanila.”

Anim na taóng gulang si Daniel nang una siyang magdaos ng pag-aaral sa Bibliya. “Sumasama na ako sa aking nanay sa pagdaraos ng mga pag-aaral,” ang sabi niya, “pero gusto kong magturo rin ako mismo sa iba.” Pinili ni Daniel si Mrs. Ratcliff​—isang may-edad nang babae na naiwanan niya ng literatura sa Bibliya. “Gusto ko pong ipakita sa inyo ang paborito kong aklat, Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya,” ang sabi niya rito, at idinagdag pa: “Gusto ko pong malaman kung puwede akong bumalik linggu-linggo at basahin ito sa inyo.” Tinanggap ni Mrs. Ratcliff ang alok ni Daniel. “Nagsimula kaming makipag-aral kay Mrs. Ratcliff kinahapunan,” ang sabi ni Laura, ang ina ni Daniel. “Salitan sina Daniel at Mrs. Ratcliff sa pagbabasa ng mga parapo, at ipinababasa ni Daniel ang piling mga teksto na binanggit sa katapusan ng kuwento. Sinamahan ko si Daniel, pero tila kay Daniel lamang gustong ipakipag-usap ni Mrs. Ratcliff ang mga kuwento!” Sa kalaunan, sinimulang pag-aralan nina Daniel at Mrs. Ratcliff ang aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. Nang pagkakataong iyon, ang nakababatang kapatid na babae ni Daniel na si Natalie ay nasa hustong gulang na para magbasa, kaya sumama na siya sa pag-aaral. Maraming tanong si Mrs. Ratcliff​—ang ilan sa mga ito ay napakahirap sagutin. Subalit ginamit nina Daniel at Natalie ang buklet na Mga Paksa sa Bibliya na Mapag-uusapan at ang konkordansiya sa huling mga pahina ng Bibliya upang matulungan silang magbigay ng maka-Kasulatang sagot. Si Mrs. Ratcliff, isang Katoliko sa tanang buhay niya, ay tuwang-tuwa sa kaniyang mga natututuhan. “Sana’y noon pa ako nagsimulang mag-aral ng Bibliya!” ang sabi niya pagkatapos ng isang sesyon ng pag-aaral. Nakalulungkot, namatay na kamakailan si Mrs. Ratcliff sa edad na 91. Subalit dahil sa kaniyang pag-aaral sa Bibliya, natutuhan niya ang mahahalagang katotohanan, kasali na ang pag-asa sa Bibliya na pagkabuhay-muli sa paraisong lupa. Sampung taóng gulang na ngayon si Daniel at nagdaraos siya ng dalawang pag-aaral sa Bibliya. Si Natalie naman, na ngayo’y walong taóng gulang, ay nakikipag-aral ng Bibliya sa isang batang babaing kaedad niya.

Ang mga kabataang tulad nina Kristina, Sydnee, Ellen, Daniel, at Natalie ay nagpapagalak sa kanilang Kristiyanong mga magulang. Higit na mahalaga, pinagagalak nila ang puso ni Jehova, at hindi niya kalilimutan ang pag-ibig na ipinakikita ng gayong mga kabataan sa kaniyang pangalan.​—Kawikaan 27:11; Hebreo 6:10.

[Talababa]

^ Ang lahat ng publikasyong binanggit sa artikulong ito ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Mga larawan sa pahina 18]

Kristina (sa itaas) at Sydnee

[Larawan sa pahina 19]

Daniel at Natalie

[Larawan sa pahina 19]

Ellen