Nasumpungan Ko ang Layunin ng Buhay sa Tulong ng Siyensiya at ng Bibliya
Nasumpungan Ko ang Layunin ng Buhay sa Tulong ng Siyensiya at ng Bibliya
AYON SA SALAYSAY NI BERND OELSCHLÄGEL
Dalawampung taon kong hinanap ang layunin ng buhay. Dalawang bagay ang nakatulong sa akin na masumpungan iyon: ang siyensiya at ang Bibliya. Ang pag-aaral ng siyensiya ang nakakumbinsi sa akin na may layunin ang buhay. Ngunit ang Bibliya ang nagsiwalat at tumulong sa akin na maunawaan ang layuning iyan.
MARAHIL ay narinig mo nang sinasabi ng ilang tao na magkasalungat ang siyensiya at ang Bibliya. Pareho kong pinag-aralan ang dalawang ito, at hindi ako sumasang-ayon sa sinasabing iyan ng ilan. Marahil ay interesado kang malaman kung bakit.
Ipinanganak ako noong 1962 sa Stuttgart, isang lunsod sa timugang Alemanya. Nagtatrabaho si Itay bilang tagapagdisenyo ng makina, at sila ni Inay ay aktibung-aktibo sa simbahan. Ang ate kong si Karin ay mas matanda sa akin nang apat na taon. Noong bata pa ko, hinding-hindi ko malilimutan nang bigyan ako ni Itay ng isang set ng laruan sa pag-eeksperimento. Napakasaya ko habang gumagawa ng simpleng eksperimento sa kemistri at pisika. Talagang kasiya-siya ang matuto.
Mula sa laruang iyan, lumipat ako sa computer. Kahit na noong tin-edyer pa ako, kumbinsido ako na ang pinakamagaling na computer ay ang utak. Pero iniisip ko: ‘Saan kaya galing ang utak? Sino kaya ang nagbigay nito sa atin? At ano ba ang layunin ng buhay?’
Pagpasok sa Kolehiyo
Tumigil ako sa pag-aaral noong ako ay 16 na taóng gulang at nagsimulang magtrabaho bilang assistant sa isang laboratoryo para sa potograpiya. Dahil talagang nasisiyahan ako sa pag-aaral, naging tunguhin ko ang makapag-aral ng pisika sa unibersidad.
Pero natagalan pa bago ako nakapag-aral dito. Limang taon ang ginugol ko para makumpleto ang mga kuwalipikasyon sa unibersidad. Nagsimula akong mag-aral sa unibersidad noong 1983 sa Stuttgart, at ipinagpatuloy ko ang aking pag-aaral sa Munich. Sa wakas, nagkaroon ako ng titulo ng doktorado sa pisika sa University of Augsburg noong 1993.Hindi madali ang unang mga araw ko sa unibersidad. Ang awditoryum para sa lektyur ay karaniwang napupuno ng mga 250 estudyante, at marami sa mga ito ang hindi nagpapatuloy sa kurso pagkaraan ng ilang buwan. Determinado akong huwag sumuko at sa halip ay ipagpatuloy ang sinimulan ko. Dahil nakatira ako sa dormitoryo, nakasama ko ang marami na waring interesado lamang sa katuwaan. Hindi laging mabuti ang makisalamuha sa gayong mga tao. Dahil dito, natuto akong makipagparti at gumamit ng droga.
Nakarating Ako sa India Dahil sa Aking Paghahanap
Higit kong naunawaan ang mga batas ng kalikasan sa uniberso dahil sa pag-aaral ko ng pisika. Umasa akong lubusang maituturo sa akin ng siyensiya ang layunin ng buhay. Subalit hindi sapat ang pisika upang masumpungan ko ang layunin ng buhay. Noong 1991, sumama ako sa isang grupo na naglakbay patungong India upang matuto ng meditasyon sa paraan ng taga-Silangan. Tuwang-tuwa akong makita nang personal ang bansa at ang mga mamamayan nito! Subalit hindi ako makapaniwala sa malaking agwat ng mayaman at mahirap.
Halimbawa, malapit sa lunsod ng Pune, pinuntahan namin ang isang guru na nagsasabing puwede raw yumaman ang isa sa pamamagitan ng tamang paraan ng meditasyon. Nagsasagawa kami ng meditasyon bilang isang grupo tuwing umaga. Napakamahal din ng mga gamot na itinitinda ng guru. Walang duda na malaki ang kinikita niya; halatang-halata ito sa kaniyang istilo ng pamumuhay. May nakita rin kaming mga monghe na waring hirap sa buhay, ibang-iba sa kalagayan ng guru. Naisip ko, ‘Bakit hindi sila napayaman ng meditasyon?’ Ang paglalakbay ko sa India ay nagbangon ng mas maraming tanong kaysa sa nasagot nito.
Isa sa mga subenir na dala ko galing India ay isang kampanilya para sa meditasyon. Sinabi sa akin na kapag pinatunog nang tama ang kampanilya, nakatutulong sa angkop na meditasyon ang musikal na tunog nito. Noong nasa Alemanya pa ako, bumili ako ng isang horoscope na dinisenyo ng isang tao na nag-angking nakakita sa aking kinabukasan. Ngunit walang naituro sa akin ang meditasyon tungkol sa layunin ng buhay. Nadismaya akong malaman na ang horoscope ay isang piraso lamang pala ng papel na walang silbi. Kaya hindi pa rin nasagot ang mga katanungan ko tungkol sa layunin ng buhay.
Nasumpungan Ko ang mga Sagot sa Bibliya
Hindi ko inaasahang magbabago ang buhay ko noong 1993. Natapos ko ang aking pag-aaral at pananaliksik at gumagawa na ako ng tesis sa doktorado tungkol sa quantum physics. Wala akong ibang inasikaso at halos araw at gabi ko itong ginagawa upang matapos ko ito sa itinakdang araw. Isang hapon, walang anu-ano ay may kumatok sa pinto. Binuksan ko ito at dalawang babae ang naroroon.
“Alam mo ba na ang taóng 1914 ay isang pantanging taon ayon sa Bibliya?” ang tanong nila. Nabigla ako at hindi nakasagot sa tanong nila. Noon ko lamang narinig iyon; wala rin naman akong panahong magsuri. Pero naintriga ako sa tanong nila. Paano nila nasabi na matagal pa bago ang 1914 ay inihula na ito ng Bibliya bilang isang pantanging taon?
“Gusto mo bang makaalam nang higit pa?” ang patuloy nila. Sa isip ko, ‘Tiyak na may makikita akong pagkakasalungatan sa argumento nila kapag pinakinggan ko sila.’ Sa halip na makakita ng mga pagkakasalungatan, nakumbinsi ako sa mga patotoo ng pagiging mapagkakatiwalaan ng Bibliya. Nalaman ko na maliwanag na ipinakikita ng hula sa Bibliya na ang Mesiyanikong Kaharian ng Diyos—isang makalangit na gobyernong mamamahala sa hinaharap sa buong lupa—ay itinatag noong 1914.Mga Saksi ni Jehova ang dalawang babae, at binigyan nila ako ng kopya ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. * Natapos kong basahin iyon sa loob lamang ng ilang araw at nasumpungan kong makatuwiran ang lahat ng nakasulat doon. Mula sa Bibliya, ipinakita sa akin ng mga Saksi na kalooban ni Jehova na manirahan ang sangkatauhan sa paraiso sa lupa magpakailanman. Ayon sa hula ng Bibliya, malapit nang matupad ang pangakong ito. Isa ngang napakagandang pag-asa para sa hinaharap! Ang pag-asang ito ay nakaantig sa aking puso anupat napaiyak ako. Ito na kaya ang sagot na 20 taon ko nang hinahanap?
Agad kong natanto ang aking layunin sa buhay: ang kilalanin ang Diyos na Jehova at paglingkuran siya nang buong puso. Ipinagpatuloy ko ang pakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova dahil nadarama kong ito ang katotohanan. Uháw na uháw ako sa espirituwal na mga bagay. Habang tinatapos ko ang aking tesis sa doktorado, nabasa ko ang kalahati ng Bibliya sa loob ng tatlong buwan.
Pagkasumpong Nang Higit Pa Kaysa mga Sagot
Sa kauna-unahang pagkakataon noong Mayo 1993, dumalo ako sa pagpupulong ng kongregasyon sa Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova sa Augsburg. Ang mga turong narinig ko ay may taginting ng katotohanan. Isa pa, hindi ako nailang sa mga Saksi. Magiliw nila akong binati at malugod na tinanggap, kahit na estranghero ako. Isang may-edad nang babae ang tumabi sa akin at binigyan ako ng aklat-awitan. Nang sumunod na mga linggo, sinundo ako ng isang lalaking Saksi kasama ang kaniyang anak na lalaki gamit ang kanilang sasakyan patungo sa Kingdom Hall. Di-nagtagal, inanyayahan ako ng bagong mga kaibigang ito sa kani-kanilang tahanan. Nang maglaon, naudyukan akong ibahagi sa iba ang aking natututuhan tungkol sa layunin ng buhay.
Pinakilos ako ng mga natutuhan ko mula sa Bibliya na gumawa ng mga pagbabago sa aking buhay. Halimbawa, hindi ko na hinangad na magkaroon pa ng mga bagay na may kinalaman sa okultismo. Kaya itinapon ko ang aking mga horoscope gayundin ang kampanilya para sa meditasyon at iba pang relihiyosong mga subenir na galing sa India. Sumulong ako sa pag-aaral ng Bibliya, nag-alay ng aking sarili sa Diyos na Jehova, at nagpabautismo bilang isang Saksi ni Jehova sa Munich noong Hunyo 1994. Sa gayon ay tinanggap ko nang buong puso ang tunay na layunin ng buhay.
Noong Setyembre 1995, naging regular pioneer ako, buong-panahong ministro ng mga Saksi ni Jehova. Nangangahulugan ito ng paggugol ng mas malaking panahon sa pakikipag-usap sa mga tao hinggil sa layunin ng Diyos. Umasa ako sa lakas mula kay Jehova upang magawa ito. Madalas na gabi na akong umuuwi sa bahay matapos ang maraming oras sa ministeryo, taglay ang kagalakan at pagkakontento na hindi ko kailanman nadama bago ko nakilala si Jehova. Noong Enero 1997, inanyayahan akong ipagpatuloy ang aking buong-panahong paglilingkod sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Selters, Alemanya, na tinatawag na Bethel, kung
saan ako ngayon naninirahan. Ilang beses nang pumasyal sa akin ang aking mga magulang, at bagaman hindi sila mga Saksi ni Jehova, iginagalang nila ang Bethel at natutuwa silang naririto ako.Ang Siyensiya at ang Bibliya
Baka ipagtaka ng ilan kung bakit naniniwala sa Bibliya ang isang taong gumugol ng mahabang panahon sa pag-aaral ng siyensiya. Buweno, wala akong nakikitang pagkakasalungatan sa pagitan ng siyensiya at ng Bibliya. Bilang isang pisiko, pinag-aralan ko ang mga batas na umuugit sa buhay, at ang mga batas na ito ay patotoo na may isang matalinong nagdisenyo ng mga ito na nakahihigit sa tao.
Halimbawa, maraming teoriya sa pisika, kemistri, at biyolohiya. At bagaman maaaring simple ang mga teoriya, ang matematikang nasasangkot sa mga ito ay napakasalimuot. Pinararangalan ng Nobel Prize ang napakatatalinong siyentipiko dahil sa kanilang mga teoriya at mga nagawa. Di-hamak na matalino ang Isa na nagdisenyo at lumikha ng uniberso na hindi lubos na maunawaan ng mga siyentipiko!
Ang sabihing nagkataon lamang ang pag-iral ng buhay, gaya ng paniniwala ng maraming ebolusyonista, ay talaga namang di-makatuwiran. Upang ilarawan: Maghanay ng sampung bola ng soccer sa isang soccer field, na ang bawat bola ay may pagitang isang metro. Tiyakin mo na kapag sinipa mo ang unang bola, tatamaan ng bawat bola ang susunod na bola hanggang sa matamaan ang pinakahuling bola. Pagkatapos ay subukan ding hulaan ang magiging posisyon ng bawat bola. Ang tsansang gawin ito nang matagumpay ay napakalabo anupat sasang-ayon ang marami na imposibleng magawa ito.
Yamang totoo iyan, paano maaangkin ng sinuman na nagkataon lamang ang pagbuo ng selula ng tao—na nagsasangkot ng mga prosesong higit na masalimuot kaysa sa pagsipa ng isang bola ng soccer? Ang pinakamakatuwirang paliwanag ay na may Isa na napakatalino na lumikha sa tao at sa lahat ng iba pang uri ng buhay sa lupa. Gagawin kaya ng Isang ito, na siyang Maylalang, ang ganitong mga bagay nang walang layunin? Tiyak na hindi. Siguradong may layunin siya, at ang layuning iyan ay isinisiwalat at ipinaliliwanag ng Bibliya.
Gaya ng naunawaan mo, tinulungan ako kapuwa ng siyensiya at ng Bibliya na masumpungan ang mga sagot sa mga tanong hinggil sa buhay na napakatagal ko nang hinahanap. Hindi mo lubos na maiisip ang ginhawa at kalugurang mararanasan mo kapag nasumpungan mo ang isang bagay na 20 taon mo nang hinahanap! Taimtim kong hangarin na matulungan ang marami hangga’t posible na masumpungan ang sa wakas ay nasumpungan ko—hindi lamang mga sagot sa aking mga tanong kundi, higit na mahalaga, ang tumpak na paraan ng pagsamba sa tanging tunay na Diyos, si Jehova!
[Mga talababa]
^ Para sa detalyadong pagtalakay, tingnan ang kabanata 10, “Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos,” ng aklat na Ang Kaalaman na Umaakay sa Buhay na Walang-Hanggan, inilathala ng mga Saksi ni Jehova, pahina 90-7.
^ Inilathala ng mga Saksi ni Jehova, ngunit hindi na inililimbag.
[Blurb sa pahina 14]
Bilang isang pisiko, pinag-aralan ko ang mga batas na umuugit sa buhay, at ang mga batas na ito ay patotoo na may isang matalinong nagdisenyo ng mga ito na nakahihigit sa tao
[Larawan sa pahina 12]
Nang ako ay 12 anyos
[Larawan sa pahina 13]
Bumaling ako sa meditasyon sa paraan ng mga taga-Silangan upang masumpungan ang layunin ng buhay
[Larawan sa pahina 15]
Nagdudulot sa akin ng tunay na kagalakan at pagkakontento ang pangangaral sa iba
[Credit Line]
Pabalat ng aklat: J. Hester and P. Scowen (AZ State Univ.), NASA