‘Gusto Kong Paglingkuran ang Diyos Bago Ako Mamatay’
‘Gusto Kong Paglingkuran ang Diyos Bago Ako Mamatay’
ANG KUWENTO NI MAMIE FREE
SUMIKLAB ang gera sibil sa Liberia noong 1990. Nang tumindi ang labanan, si Mamie, isang 12-taóng-gulang na dalagita mula sa tribo ng Krahn, at ang kaniyang pamilya ay nakulong sa kanilang bahay sa Monrovia, ang kabisera. “Nakarinig kami ng pagsabog sa kapitbahay,” ang sabi ni Mamie. “Isang missile ang tumama sa kalapit na bahay at nagliyab iyon. Kumalat din ang apoy sa bahay namin.” Sa gitna ng matinding labanan, lumikas si Mamie, ang kaniyang ina, at ang nakababatang kapatid na lalaki ng kaniyang ina.
“Bigla na lamang may tumama sa akin,” ang naalaala ni Mamie.
“Nagtanong ang nanay ko, ‘Anong nangyari?’ ”
“May tumama sa akin! Bala yata iyon,” ang sagot ko.
Bumagsak sa lupa si Mamie na namimilipit sa sakit at nanalangin: “Pakisuyong dinggin po ninyo ako, O Diyos. Mamamatay na po yata ako, pero gusto ko po kayong paglingkuran bago ako mamatay.” Saka siya nawalan ng malay.
Dahil inakala ng mga kapitbahay na patay na si Mamie, gusto na nilang ilibing siya sa kalapit na baybayin. Subalit nagpumilit ang kaniyang ina na dalhin siya sa ospital doon. Nakalulungkot, hindi sapat ang pasilidad ng ospital para gamutin ang dumaragsang sugatang mga lalaki, mga babae, at mga bata. Ang tiyuhin ni Mamie, na nasugatan din, ay namatay nang gabing iyon, pero nakaligtas si Mamie, paralisado mula sa baywang pababa.
Patuloy ang pagdurugo sa loob ng kaniyang katawan at ang pagdurusa niya dahil sa matinding kirot. Sa wakas, pagkalipas ng apat na buwan sinuri siya ng mga doktor sa pamamagitan ng mga X-ray para matukoy kung nasaan ang bala. Pumasok iyon sa pagitan ng kaniyang puso at mga baga. Magiging lubhang mapanganib ang operasyon, kaya dinala si Mamie ng kaniyang ina sa isang tradisyonal na herbalist. “Hiniwaan niya ako gamit ang labaha,” ang naalaala ni Mamie, “saka niya inilagay ang bibig niya sa sugat at sinubukang sipsipin ang bala. ‘Ito na iyon,’ ang sabi niya, at naglabas ng bala mula sa kaniyang bibig. Nagbayad kami sa kaniya at umalis.”
Subalit nagsinungaling ang lalaki. Ipinakita ng higit pang mga X-ray na naroon pa ang bala.
Kaya bumalik si Mamie at ang kaniyang ina sa herbalist, na kumumbinsi sa kanila na siyam na buwan pa bago makita sa mga X-ray na natanggal na ang bala. Umuwi na sila at matiyagang naghintay. Samantala, uminom si Mamie ng iba’t ibang mga gamot para matulungan siyang makayanan ang kirot. Higit pang mga X-ray ang kinuha pagkalipas ng siyam na buwan. Naroon pa ang bala. Tumakas ang herbalist.Nasa loob ng katawan ni Mamie ang bala sa loob ng 18 buwan na ngayon. Dinala siya ng isang kamag-anak sa isang babaing albularyo. Sa halip na makatulong, sinabi niyang mamamatay si Mamie o kaya ang kaniyang ina sa itinakdang araw. Labintatlong taóng gulang na ngayon si Mamie. “Umiyak lang ako nang umiyak,” ang sabi ni Mamie. “Pero nang dumating ang takdang araw, walang namatay.”
Dinala naman si Mamie ng isang tiyuhin niya sa isang lider ng simbahan na nag-angking nakita niya sa pangitain na pangkukulam ang dahilan ng paralisis ni Mamie, hindi bala. Ipinangako niya na kung susundin ni Mamie ang kaniyang iuutos na mga ritwal, makalalakad siyang muli sa loob ng isang linggo. Ganito ang paliwanag ni Mamie: “Sinunod ko ang ritwal na paliligo sa tubig-dagat nang maraming beses, nag-ayuno ako, at kung ilang oras ding gumulong-gulong sa lupa tuwing hatinggabi. Subalit walang saysay ang lahat ng ginawa kong ito, at hindi pa rin bumuti ang aking kondisyon.”
Subalit nang maglaon, nagkaroon ng higit pang mga pasilidad sa paggamot, at sa wakas ay napatanggal na ni Mamie ang bala. Tiniis niya ang matinding kirot sa loob ng mahigit sa dalawang taon. “Pagkatapos ng operasyon,” naalaala niya, “halos nawala ang lahat ng kirot, at lumuwag ang aking paghinga. Bagaman bahagyang paralisado pa rin ako, nakatatayo na ako sa tulong ng walker.
Nakatagpo ni Mamie ang mga Saksi ni Jehova
Ilang linggo pagkatapos ng operasyon, nakatagpo ng ina ni Mamie ang dalawa sa mga Saksi ni Jehova. Dahil alam niyang mahilig magbasa ng Bibliya ang kaniyang anak, inanyayahan niya ang mga Saksi sa kaniyang bahay. Tinanggap agad ni Mamie ang pag-aaral sa Bibliya. Subalit pagkalipas ng ilang buwan, bumalik siya sa ospital at hindi na niya nakita ang mga Saksi.
Uhaw pa rin si Mamie sa kaalaman sa Bibliya. Kaya nang mag-alok ng tulong ang isang lider ng relihiyon ng isang simbahan, tinanggap niya ang alok. Sa isang klase sa Sunday school, isang kapuwa estudyante ang nagtanong sa guro, “Kapantay ba ni Jesus ang Diyos?”
“Oo,” ang sabi ng guro. “Magkapantay sila. Pero si Jesus ay hindi naman kapantay na kapantay ng Diyos.”
‘Hindi kapantay na kapantay?’ naisip ni Mamie. ‘Malabo yata iyon. May mali rito.’ Yamang nadama niyang hindi nagtuturo ng katotohanan sa Bibliya ang simbahang iyon, nang maglaon ay huminto si Mamie sa pakikipag-ugnayan dito.
Noong 1996 sumiklab ulit ang karahasan sa Monrovia. Namatay ang dalawa pang kapamilya ni Mamie, at nasunog sa ikalawang pagkakataon ang kanilang bahay. Pagkaraan ng ilang buwan, dalawang Saksi ang nakatagpo kay Mamie habang nasa ministeryo sila sa bahay-bahay. Ipinagpatuloy ni Mamie ang kaniyang pag-aaral sa Bibliya. Nang dumalo siya sa pulong sa kauna-unahang pagkakataon, nagulat siya na makita ang lahat—pati na ang mga elder sa kongregasyon—na nagtutulungan sa paglilinis ng Kingdom Hall. Nang maglaon ng taóng iyon, nanabik siyang dumalo sa isa sa “Mga Mensahero ng Makadiyos na Kapayapaan” na mga Pandistritong
Kombensiyon, ang una sa malaking pagtitipon ng mga Saksi ni Jehova na nadaluhan niya.“Hangang-hanga ako,” ang sabi ni Mamie. “May tunay na pag-ibig sa isa’t isa ang mga Saksi, kahit na mula sila sa iba’t ibang tribo. At napakaorganisado ng lahat ng bagay.”
Pagtupad sa Kaniyang Tunguhing Paglingkuran ang Diyos
Dahil sa muling paglalabanan noong 1998 napilitan si Mamie at ang kaniyang ina na lumikas sa kalapit na Côte d’Ivoire, kung saan nanirahan sila sa Peace Town Refugee Camp kasama ng mga 6,000 iba pang taga-Liberia. Ipinagpatuloy ni Mamie ang kaniyang pag-aaral ng Bibliya sa mga Saksi at mabilis na sumulong. Sa kalaunan, gusto na niyang ibahagi ang kaniyang pananampalataya sa iba. Upang makabahagi siya sa pangmadlang ministeryo, itinutulak ng mga kapatid sa espirituwal ang kaniyang silyang de-gulong. Sa ganitong paraan, nakapagbigay ng mainam na patotoo si Mamie sa maraming iba pang lumikas.
Dahil sa kaniyang pisikal na mga limitasyon, nahihirapan siyang pumunta sa Kingdom Hall, na anim na kilometro ang layo mula sa tirahan nila. Pero dumadalo pa rin si Mamie sa lahat ng pulong. Noong Mayo 14, 2000, nagbiyahe siya ng mahigit sa 190 kilometro para dumalo sa araw ng pantanging asamblea at upang sagisagan ang kaniyang pag-aalay sa Diyos sa pamamagitan ng bautismo sa tubig. (Mateo 28:19, 20) Sa harap ng maraming taong lumuluha, binuhat si Mamie papunta sa batis, kung saan siya binautismuhan. Nakangiti siya habang umaahon sa tubig.
Si Mamie ay nasa Ghana ngayon sa kampo ng mga lumikas, at tunguhin niyang maging regular pioneer, o buong-panahong ebanghelisador. Nagsimula na ring makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang kaniyang ina at ibinabahagi na ngayon sa iba ang kaniyang mga natutuhan. Kapuwa sila sabik na naghihintay sa panahon na ipinangako sa Salita ng Diyos na “aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.”—Isaias 35:5-7.
[Larawan sa pahina 22]
Ang bala na inalis sa katawan ni Mamie
[Larawan sa pahina 23]
Buhat-buhat si Mamie sa batis para bautismuhan
[Larawan sa pahina 23]
Pagdaraos ng pag-aaral sa Bibliya sa kaniyang ina na si Emma