Isang Butil na Naglakbay sa Daigdig
Isang Butil na Naglakbay sa Daigdig
Ang kuwento hinggil sa debosyon ng isang lalaki sa isang batang puno ng kape ay inilalarawan bilang “pinakakawili-wiling kabanata sa kasaysayan ng pagpaparami ng halamang kape,” ang sabi ng aklat na “All About Coffee.” Gumanap ng mahalagang papel ang maliit na halamang iyon sa pagpapasimula ng kasalukuyang industriya ng kape na kumikita ng 70 bilyong dolyar kada taon, na nahihigitan lamang ng petrolyo dahil sa palitan ng dolyar sa buong daigdig, ayon sa babasahing “Scientific American.”
NAGSIMULA ang kawili-wiling istorya ng kape sa bulubundukin ng Etiopia, ang pinagmulan ng ligáw na halamang kape. Ang supling nito, pinanganlang Coffea arabica, ang bumubuo sa dalawang-katlo ng produksiyon sa buong daigdig. Subalit hindi tiyak kung kailan eksaktong natuklasan ang mga katangian ng binusang butil ng kape. Gayunman, itinatanim na ang kapeng arabica sa Peninsula ng Arabia noong ika-15 siglo C.E. Kahit ipinagbawal ang pagluluwas ng mabungang butil, nakakuha ang mga Olandes ng alinman sa puno o mga binhi noong taóng 1616. Di-nagtagal, nagkaroon sila ng mga taniman sa Ceylon, Sri Lanka na ngayon, at sa Java, bahagi na ngayon ng Indonesia.
Noong 1706, ibiniyahe ng mga Olandes ang isang batang puno mula sa kanilang mga lupain sa Java patungo sa botanikal na mga hardin sa Amsterdam, Netherlands. Yumabong ang puno. Dinala ang mga supling nito sa mga kolonya ng mga Olandes sa Suriname at Caribbean. Noong 1714, binigyan ng alkalde ng Amsterdam si Haring Louis XIV ng Pransiya ng supling nito. Ipinatanim iyon ng hari sa greenhouse sa Jardin des Plantes, ang Royal Garden, sa Paris.
Nananabik ang mga Pranses na makasali sa kalakalan ng kape. Bumili sila ng mga binhi at mga puno at ipinadala ang mga iyon sa isla ng Réunion. Hindi tumubo ang mga binhi, at ayon sa ilang awtoridad, nang maglaon ay isang puno na lamang ang natirang buháy. Gayunman, 15,000 binhi mula sa iisang punong iyon ang itinanim noong 1720, at sa wakas ay nagkaroon ng isang taniman. Napakahalaga ng mga punong ito anupat maparurusahan ng kamatayan ang sinumang mahuling sumisira ng kahit isang puno! Umasa rin ang mga Pranses na magkakaroon sila ng mga taniman sa Caribbean, subalit nabigo ang unang dalawang pagtatangka nila.
Samantalang nagbabakasyon sa Paris, ginawang personal na misyon ni Gabriel Mathieu de Clieu, opisyal ng hukbong pandagat ng Pransiya, na magdala ng isang puno sa kaniyang lupain sa Martinique sa kaniyang pag-uwi mula sa Pransiya. Naglayag siya patungo sa isla noong Mayo 1723 dala ang isang supling ng puno mula sa Paris.
Sa biyahe, inilagay ni de Clieu ang kaniyang iniingatang halaman sa isang kahon na may bahaging yari sa salamin para maarawan ang puno at manatiling mainit kahit sa mga panahong maulap, ang paliwanag ng All About Coffee. Isang kapuwa pasahero, na malamang na naiinggit kay de Clieu at gustong humadlang sa kaniyang tagumpay, ang nagsikap na agawin ang puno subalit nabigo ito. Nakaligtas ang puno. Nakaligtas din ito sa pakikipagsagupaan ng barko sa mga piratang taga-Tunisia, malakas na bagyo at, higit sa lahat, kakapusan ng tubig-tabang nang mahinto sa paglalayag ang barko sa bahagi ng karagatang mahina ang hangin. “Gayon na lamang ang kakapusan sa tubig,” ang isinulat ni de Clieu, “kaya sa loob ng mahigit isang buwan ay napilitan akong hatiin ang aking kaunting rasyon ng tubig para sa akin at sa aking halaman—ang pundasyon ng aking mga pangarap at pinagmumulan ng aking kaluguran.”
Ginantimpalaan ang debosyon ni de Clieu. Nakarating ang iniingatan niyang halamang kape sa Martinique sa mahusay na kondisyon, at tumubo at dumami sa tropikal na kapaligiran. “Mula sa isang halamang ito, nagsuplay ang Martinique ng binhi nang tuwiran o di-tuwiran sa lahat ng lupain sa Amerika maliban sa Brazil, French Guiana at Surinam[e],” ang sabi ni Gordon Wrigley sa kaniyang aklat na Coffee.
Samantala, gusto rin ng Brazil at French Guiana ng mga puno ng kape. Sa Suriname, mga Olandes pa rin ang nagmamay-ari ng mga supling ng puno na nagmula sa Amsterdam subalit mahigpit nilang binabantayan ang mga iyon. Gayunman noong 1722, nakakuha ng mga binhi ang French Guiana mula sa isang kriminal na tumakas patungo sa Suriname at nagnakaw ng ilang binhi. Bilang kapalit ng kaniyang mga binhi ng kape, pumayag ang mga awtoridad sa French Guiana na palayain siya, at pinabalik nila siya sa kaniyang pinanggalingan.
Nabigo ang una at palihim na mga pagtatangka na makapagpasok sa Brazil ng mga binhi o mga punla. Pagkatapos, nagkaroon ng alitan sa hangganan ang Suriname at French Guiana at hinilingan ang Brazil na magpadala ng tagapamagitan. Ipinadala ng Brazil si Francisco de Melo Palheta, isang opisyal ng hukbo, sa French Guiana, at inutusan
siyang aregluhin ang alitan at mag-uwi ng ilang halamang kape.Nagtagumpay ang mga pagdinig, kaya bago umalis si Palheta, nagdaos ang gobernador ng piging para sa kaniya. Bilang pasasalamat sa panauhing pandangal na ito, binigyan ng asawa ng gobernador si Palheta ng isang magandang pumpon ng mga bulaklak. Gayunman, nakatago sa mga bulaklak ang mga binhi at punla ng kape. Kaya, masasabi na noong 1727, nagsimula sa pumpon ng mga bulaklak ang kasalukuyang bilyong-dolyar na industriya ng kape ng Brazil.
Kaya ang batang puno na nagmula sa Java patungong Amsterdam noong 1706 at ang supling nito sa Paris ang pinagmulan ng lahat ng itinanim sa Sentral at Timog Amerika. Ipinaliwanag ni Wrigley na nagsimula ang industriya ng kapeng arabica sa isang uri ng kape na napakalimitado ang henetikong pinagmulan.
Sa ngayon, pinangangasiwaan ng mga pamilya sa mga 80 bansa ang mahigit sa 25 milyong bukid na pinagtatamnan ng tinatayang 15 bilyong puno ng kape. Sa wakas, nauuwi ang kanilang produkto sa 2.25 bilyong tasa ng kape na iniinom araw-araw.
Balintuna nga, problema sa ngayon ang sobrang produksiyon ng kape. Naging komplikado ang situwasyong ito dahil sa pulitika, ekonomiya, at maimpluwensiyang mga kartel. Dahil dito, naghirap o naghikahos pa nga ang mga magsasaka sa maraming lupain. Nakapagtataka ang kalagayang ito, lalo na kung magbabalik-tanaw tayo kay de Clieu na hinati ang kaniyang kaunting rasyon ng tubig para sa kaniya at sa kaniyang maliit na puno halos 300 taon na ang nakalilipas.
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
ANG DALAWANG PINAKAKARANIWANG KAPE
“Ang mga butil ng kape na hindi pa naproseso ay mga binhi ng halamang kabilang sa pamilya ng Rubiaceae, na binubuo ng di-kukulangin sa 66 na uri ng genus na Coffea,” ang sabi ng babasahing Scientific American. “Ang dalawang uri na ikinakalakal ay ang Coffea arabica, na bumubuo sa dalawang-katlo ng produksiyon ng kape sa buong daigdig, at C[offea] canephora, kadalasang tinatawag na kapeng robusta, na bumubuo sa sangkatlo ng produksiyon sa buong daigdig.”
Matapang at mabagsik ang amoy ng kapeng robusta at kadalasang ginagamit sa natutunaw na instant na kape. Namumunga ng marami at hindi tinatablan ng sakit ang puno. Lumalaki ito nang hanggang 12 metro, doble sa taas ng hindi pa napupungusan, mas maselan, at mas kaunting mamungang puno ng arabica. Sa timbang, hanggang 2.8 porsiyento ang caffeine ng robusta, samantalang hindi tataas sa 1.5 porsiyento ang caffeine ng arabica. Bagaman may 44 na kromosom ang arabica at 22 yaong sa robusta at lahat ng ligáw na mga kape, pinag-interbreed ang ilang halaman ng kape para bumuo ng ibang mga uri.
[Kahon/Larawan sa pahina 20]
“PAGBABAUTISMO” SA KAPE
Nang unang dumating ang kape sa Europa noong ika-17 siglo, tinawag ito ng ilang paring Katoliko na timplada ni Satanas. Itinuring nila iyon na potensiyal na kahalili ng alak, na ayon sa kanilang opinyon, ay pinabanal na ni Kristo. Subalit, diumano’y tinikman ni Pope Clement VIII ang inumin at biglang nakumberte, ang sabi ng aklat na Coffee. Nilutas niya ang problemang panrelihiyon sa pamamagitan ng makasagisag na pagbabautismo sa kape, para maging katanggap-tanggap ito sa mga Katoliko.
[Tsart/Mapa sa pahina 18, 19]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
KUNG PAANO LUMAGANAP ANG KAPE
1. Ika-15 siglo Itinanim ang kapeng “arabica” sa Peninsula ng Arabia
2. 1616 Nakakuha ang mga Olandes ng mga punong kape o ng mga binhi nito
3. 1699 Dinala ng mga Olandes ang mga puno sa Java at
sa iba pang isla sa East Indies
4. Ika-18 siglo Itinanim ang kape sa Sentral Amerika at
sa Caribbean
5. 1718 Dinala ng mga Pranses ang kape sa Réunion
6. 1723 Nagdala si G. M. de Clieu ng isang punong
kape mula sa Pransiya patungo sa Martinique
7. Ika-19 siglo Itinanim ang kape sa Hawaii
[Credit Line]
Pinagkunan: Mula sa aklat na “Uncommon Grounds”
[Larawan sa pahina 18, 19]
Habang papunta ng Martinique, hinahati ni Gabriel de Clieu ang kaniyang kaunting tubig para sa kaniya at sa kaniyang halaman, 1723
[Picture Credit Lines sa pahina 19]
Map: © 1996 Visual Language; De Clieu: Tea & Coffee Trade Journal