Ang “Limot na Henyo” ng Britanya
Ang “Limot na Henyo” ng Britanya
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA
SI Robert Hooke, tinagurian ng kaniyang mga kapanahon na “pinakamalikhaing tao na nabuhay kailanman,” ay kinikilala ngayon bilang Leonardo da Vinci ng Inglatera. * Si Hooke, isinilang noong 1635, ay inatasan bilang tagapangasiwa ng mga eksperimento sa Royal Society of London noong 1662 at bilang sekretaryo naman noong 1677. Namatay siya noong 1703. Gayunman, sa kabila ng kaniyang katanyagan sa siyensiya, hindi matiyak kung saan sa hilagang London naroon ang kaniyang labí.
Nitong nakalipas na mga taon, nagsikap ang mga siyentipiko at mga istoryador na maibalik ang reputasyon ng “limot na henyo” na ito, gaya ng tawag kay Hooke ng manunulat ng talambuhay na si Stephen Inwood. Noong 2003, bilang pagdiriwang sa ika-300 anibersaryo ng kamatayan ni Hooke, itinanghal ng Royal Observatory Greenwich sa London ang ilan sa kaniyang mga pambihirang imbensiyon at tuklas. Sino ba si Robert Hooke, at bakit siya nabaon sa limot sa loob ng napakatagal na panahon?
Ang Pamana ni Hooke
Si Hooke ay may mataas na pinag-aralan at isang napakatalinong imbentor. Kabilang sa mga imbensiyon niya ang universal joint, na ginagamit ngayon sa mga sasakyan; ang iris diaphragm, na kumokontrol sa pagbukas ng aperture ng mga kamera; at ang spring na kumokontrol sa balance wheel ng mga relo. Siya ang lumikha ng Hooke’s law, ang ekwasyon na ginagamit pa rin ngayon para ilarawan ang pagkaelastiko ng mga spring. Gumawa rin siya ng pambomba ng hangin para kay Robert Boyle, isang tanyag na Britanong pisiko at kimiko.
Pero ang pinakamalaking tuklas ni Hooke ay ang kaniyang disenyo ng compound microscope, na sa kalaunan ay binuo ni Christopher Cock, isang kilalang tagagawa ng instrumento sa
London. Pagkatapos nito, si Hooke ang nagbigay ng bansag na “selula” sa mga butas sa cork, na sinusuri niya sa kaniyang instrumento. Sa kalaunan, tinawag na “selula” ang saligang sangkap na bumubuo sa mga bagay na may buhay.Naging tanyag si Hooke dahil sa kaniyang aklat na Micrographia (Maliliit na Drowing), na inilathala noong 1665. Kasama sa nilalaman nito ang tumpak at magagandang larawan ng buhay ng insekto na napagmasdan ni Hooke sa mikroskopyo at iginuhit niya mismo. Ang pinakakilalang drowing niya ay ang larawan ng isang pulgas. Ipinakikita ng mga 30 por 45 sentimetrong larawan ang kuko, gulugod, at balat ng pulgas. Nagitla ang mga nakaririwasang mambabasa noon sa katotohanang madalas palang namamahay sa mga tao ang maliliit na nilalang na ito. Hinimatay diumano ang mga kababaihan nang makita ang larawan!
Matapos paghambingin ni Hooke ang pinalaking dulo ng karayom na gawa ng tao at ang likas na mga bagay, sumulat siya: “Dahil sa Mikroskopyo, ang daan-daang Halimbawa ng mga Dulo ay nakikita natin nang ilang Libong ulit na mas malinaw” kaysa sa dulo ng karayom. Binanggit niya ang buhok, balahibo, at kuko ng mga insekto, pati na ang tinik, kawit, at mga hibla ng dahon. Ang mga “likha ng Kalikasan” na ito, ayon sa kaniya, ay naghahayag ng omnipotensiya ng kanilang Maylikha. “Sa kauna-unahang pagkakataon,” ang sabi ng Encyclopædia Britannica, inilantad ng mikroskopyo ang “daigdig ng mga organismong may buhay na talaga namang napakasalimuot.”
Si Hooke ang kauna-unahang nagsuri ng mga fosil sa ilalim ng mikroskopyo at natuklasan niya na ang mga ito ay labí ng mga organismong malaon nang patay. Marami pang kapana-panabik na obserbasyon sa siyensiya ang nilalaman ng Micrographia. Sa katunayan, tinawag ng bantog na manunulat ng talaarawan na si Samuel Pepys, kapanahon ni Hooke, ang Micrographia bilang isang “aklat na may pinakamagagaling na ideya sa lahat ng nabasa ko.” Inilarawan naman ni Allan Chapman, istoryador ng siyensiya sa Oxford University, ang akda bilang “isa sa pinakamaimpluwensiyang aklat sa modernong daigdig.”
Muling Itinayo ang London
Matapos ang Malaking Sunog sa London noong 1666,
hinirang na agrimensor si Hooke. Nakatrabaho niya sa muling pagtatayo ng lunsod ang kaniyang kaibigang si Christopher Wren, kapuwa niya siyentipiko at agrimensor ng hari. Isa sa mga disenyo ni Hooke ang Monumento sa London na 62 metro ang taas at itinayo bilang pag-alaala sa sunog. Nilayon ni Hooke na gamitin ang Monumento, ang pinakamataas at walang-sinusuhayang posteng bato sa daigdig, upang subukin ang mga teoriya niya sa grabidad.Bagaman si Wren ang pinapupurihan dahil sa Royal Observatory Greenwich, malaki ang papel ni Hooke sa pagdidisenyo nito. Ang Montague House, unang lokasyon ng British Museum, ay isa pa sa maraming proyekto ni Hooke.
Si Hooke ay napakahusay na astronomo at isa sa pinakaunang gumawa ng reflecting telescope, na ipinangalan niya sa matematiko at astronomong taga-Scotland na si James Gregory. Napansin ni Hooke na umiikot ang planetang Jupiter sa axis nito, at pagkalipas ng dalawang siglo ay ginamit ang iginuhit niyang mga larawan ng Mars upang malaman ang bilis ng pag-ikot ng planetang ito sa axis.
Bakit Nabaon sa Limot?
Noong 1687, inilathala ni Isaac Newton ang Mathematical Principles of Natural Philosophy. Inilarawan ng akda ni Newton, na inilabas 22 taon pagkatapos ng Micrographia ni Hooke, ang mga batas ng paggalaw, kalakip na ang batas ng grabidad. Ngunit gaya ng sinabi ni Allan Chapman, si Hooke ang “bumuo ng marami sa mga bahagi ng teoriya ng grabidad bago pa ang teoriya ni Newton.” Sa akda rin ni Hooke nagsimula ang pananaliksik ni Newton sa kaanyuan ng liwanag.
Nakalulungkot na nasira ang ugnayan ng dalawang lalaking ito dahil sa pagtatalo nila hinggil sa optika at grabidad. Tinanggal pa nga ni Newton ang pangalan ni Hooke sa Mathematical Principles. Ayon sa isang awtoridad, tinangka rin ni Newton na alisin sa mga rekord ang naitulong ni Hooke sa siyensiya. Bukod dito, noong maging presidente ng Royal Society si Newton, basta na lamang nawala ang mga instrumento ni Hooke—na karamihan ay manu-manong ginawa—ang ilang sanaysay, at ang tanging orihinal na larawan ni Hooke. Dahil dito, nabaon na sa limot ang katanyagan ni Hooke sa loob ng mahigit dalawang siglo.
Kakatwa naman na sa liham niya kay Hooke na may petsang Pebrero 5, 1675, isinulat ni Newton ang tanyag niyang mga salita: “Kung mas malayo ang natanaw ko, ito ay dahil tumuntong ako sa balikat ng mga Dakilang Tao.” Bilang arkitekto, astronomo, mapag-eksperimentong siyentipiko, imbentor, at agrimensor, si Robert Hooke ay naging dakila noong panahon niya.
[Talababa]
^ par. 3 Si Da Vinci ay isang Italyanong pintor, eskultor, inhinyero, at imbentor, na nabuhay noong dulo ng ika-15 siglo at simula ng ika-16 na siglo.
[Mga larawan sa pahina 26]
Drowing ni Hooke ng mga taliptip ng niyebe at mga disenyo ng namuong hamog
[Larawan sa pahina 26]
Disenyong mikroskopyo ni Hooke
[Larawan sa pahina 27]
Si Hooke ang nagbigay ng bansag na “selula” sa mga butas sa “cork”
[Larawan sa pahina 27]
Inilarawan ng aklat ni Hooke na “Micrographia” ang nakita niya sa mikroskopyo
[Mga larawan sa pahina 27]
Humigit-kumulang na laki ng pulgas
Hinimatay diumano ang kababaihan nang makita ang pulgas na drowing ni Hooke
[Larawan sa pahina 28]
Ang Montague House ay isa sa maraming arkitektural na disenyo ni Hooke
[Larawan sa pahina 28]
Drowing ni Hooke na naglalarawan sa kaniyang batas ng pagkaelastiko
[Larawan sa pahina 28]
Ang Memorial Tower ng London ang pinakamataas at walang-sinusuhayang posteng bato sa daigdig
[Larawan sa pahina 28]
Ang Royal Observatory
[Picture Credit Line sa pahina 26]
Spring, microscope, and snowflakes: Images courtesy of the Posner Memorial Collection, Carnegie Mellon University Libraries
[Picture Credit Line sa pahina 27]
Images courtesy of the Posner Memorial Collection, Carnegie Mellon University Libraries
[Picture Credit Lines sa pahina 28]
Spring diagram: Image courtesy of the Posner Memorial Collection, Carnegie Mellon University Libraries; London’s Memorial Tower: Matt Bridger/DHD Multimedia Gallery; Royal Observatory: © National Maritime Museum, London