Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Masahe Para sa Sanggol?

Masahe Para sa Sanggol?

Masahe Para sa Sanggol?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

PINALIGUAN ni Anita, isang ina sa Nigeria, ang kaniyang sanggol at saka marahang minasahe ito. Tuwang-tuwa silang mag-ina. “Kaugalian na ito ng mga ina sa Nigeria sa pag-aaruga ng kanilang mga sanggol,” ang paliwanag ni Anita. “Kami ng mga kapatid kong lalaki ay minasahe rin ng aming nanay. Ang masahe ay napakainam na pampatigas ng kalamnan at pamparelaks para sa sanggol. Habang minamasahe ko ang aking sanggol, kinakantahan at kinakausap ko siya, ngumingiti naman siya at para bang nakikipag-usap. Napakasarap ng pakiramdam!”

Sa maraming lupain, pangkaraniwan na ang pagmamasahe sa sanggol, at nagiging popular na ito sa ilang bansa sa Kanluran. Ayon sa Association for Infant Massage ng Espanya, ang masahe ay isang marahan, magiliw, at magandang teknik ng pagpapahayag ng magulang sa anak nila ng kanilang nadarama sa pisikal at emosyonal na paraan. Kasama rito ang sunud-sunod, banayad ngunit mariing paghaplos sa paa, binti, pati na sa likod, dibdib, tiyan, braso, at mukha ng sanggol.

Ano naman ang pakinabang ng sanggol sa masahe? Higit sa lahat, nadarama nito ang pagmamahal at pagkagiliw. Kailangan ng mga bagong-silang hindi lamang ang pagkain kundi ang pagmamahal din naman ng mga magulang. Yamang maagang nagkakaroon ng pandamdam, naipadarama ng banayad na pagmamasahe ng ina o ama ang pagmamahal na ito sa pisikal na paraan. Maraming impormasyon​—pisikal at emosyonal​—ang naihahatid sa sanggol. Sa gayong paraan, nakatutulong ang pagmamasahe upang mabuo ang buklod ng pagmamahalan ng magulang at ng anak mula sa pagsilang nito.

Bukod sa pagpapahayag ng pagmamahal, maaari din nitong maturuan ang sanggol na magrelaks, na tumutulong naman upang maging mas mahimbing at mas matagal ang tulog niya. Makatutulong din ang masahe upang mapalakas ang mga kalamnan at maging maayos ang sirkulasyon ng dugo, panunaw, at palahingahan ng sanggol. May nagsasabi na napalalakas din nito ang sistema ng imyunidad ng sanggol. At dahil ginigising nito ang pandama, paningin, at pandinig ng sanggol, baka makatulong din ito sa memorya at kakayahan niyang matuto.

Pinag-aaralan na rin ng ilang ospital ang kahalagahan ng pagmamasahe sa sanggol. Halimbawa, natuklasan sa isang pag-aaral na ang mga sanggol na kulang sa buwan na minasahe ay pitong araw na mas maagang nakalalabas ng ospital at mas bumigat nang hanggang 47 porsiyento kaysa sa mga hindi minasahe.

Maliwanag na hindi lamang mga adulto ang nakikinabang sa masarap na masahe! Sabihin pa, para sa mga sanggol, hindi lamang ito pamparelaks. Ito ay pagmamahal na ipinadarama ng mainit-init na mga kamay at banayad na mga daliri, kasama ng matamis na ngiti.