Mula sa Kawalang-Pag-asa Tungo sa Kaligayahan
Mula sa Kawalang-Pag-asa Tungo sa Kaligayahan
AYON SA SALAYSAY NI VICENTE GONZÁLEZ
Nang mabalitaan ng aking mga kapitbahay na buháy pa rin ako kahit apat na ulit ko nang binaril ang aking sarili, binansagan nila akong Superman. Pero maling-mali sila. Hayaan mong ikuwento ko muna kung bakit ako nagtangkang magpakamatay.
IPINANGANAK ako noong 1951 sa Guayaquil, Ecuador. Nanirahan ang aming mga magulang at kaming siyam na magkakapatid sa tabing-dagat na lugar ng mga iskuwater. Ilegal na pinasok ng mahihirap na pamilya ang lugar na ito at nagtayo ng mga bahay na may dingding na kawayan at bubong na kanaladong yero. Dahil itinayo ang mga bahay sa putikan at mga latian na maraming bakawan, ang mga ito ay nakapatong sa mahahabang tukod na kahoy. Wala kaming kuryente, sa uling kami nagluluto, at naglalakad kami nang isang kilometro papunta at pauwi para umigib ng inumin.
Upang makatulong sa gastusin ng pamilya, maagang nagtrabaho ang aking mga kapatid. Nang 16 na taóng gulang na ako at huminto na sa pag-aaral, naging mensahero ako sa isang pagawaan. Kaming magkakabarkada ay naging mga manginginom at imoral. Kapag inuusig na ako ng aking budhi, nangungumpisal ako. “Anak, maganda ang kumpisal mo,” ang sinasabi ng pari bago ako paalisin nang walang ibinibigay na espirituwal na tulong. Kaya iyo’t iyon pa rin ang ginagawa ko. Nang bandang huli, napag-isip-isip kong walang patutunguhan ang aking paulit-ulit na pagkakasala at pangungumpisal, kaya hindi na ako nagsimba. Halos kasabay nito, napansin ko ang kawalang-katarungan sa lipunang ginagalawan ko. Ang nakararaming mahihirap ay isang kahig isang tuka, samantalang ang iilang mayayaman naman ay nagpapakasasa sa maluhong pamumuhay. Walang kabuluhan ang buhay ko. Pakiramdam ko’y wala akong kinabukasan o layunin sa buhay.
Hanggang isang araw, natuklasan kong apat sa aking kapatid na babae ang nagbabasa ng mga publikasyon ng mga Saksi ni Jehova. Binasa ko rin ang mga ito. Isang partikular na aklat ang tumawag ng aking pansin, Ang Katotohanan na Umaakay Patungo sa Buhay na Walang-Hanggan. Sa lohikal na paraan, naging maliwanag sa akin ang maraming paksa sa Bibliya. ‘Ito ang katotohanan!’ ang naaalaala kong sinabi ko noon sa aking sarili. Pero gaya ng natuklasan ko nang sumunod na 15 taon, napakahirap palang mamuhay ayon sa katotohanan.
Sa edad na 22, nagsimula akong magtrabaho sa bangko. Isang araw, ipinakita sa akin ng kasamahan kong empleado kung paano siya palihim na “umuutang” ng pera sa bangko at pagkaraan ay nagbabayad ng kaniyang “utang.” “Nangutang” din ako, hanggang sa lumaki na ito nang lumaki anupat hindi ko na maitago ang aking krimen. Nawalan na ako ng pag-asa dahil alam kong hindi na ako kailanman makababayad. Kaya naisip kong magtatapat na lamang ako at pagkatapos, bilang sukdulang penitensiya, magpapakamatay ako.
Matapos kong sulatan ang bangko, bumili ako ng isang baril na mababa lamang ang kalibre, pumunta sa isang tagóng lugar sa dalampasigan, at binaril ko ang aking sarili dalawang beses sa ulo at dalawang beses sa dibdib. Bagaman malubhang nasugatan, hindi naman ako namatay. Nakita ako ng isang siklista at isinugod agad ako sa ospital. Nang gumaling ako, nilitis ako sa salang pagnanakaw at ikinulong. Pagkalaya ko, nahiya ako at nanlumo dahil may rekord na ako ngayon sa paggawa ng krimen. Palibhasa’y naligtasan ko ang apat na tama ng
bala, binansagan akong Superman ng aking mga kapitbahay.Pagkakataong Magbago
Nang mga panahong ito, dinalaw ako ni Paul Sánchez, isang misyonero ng mga Saksi ni Jehova. Napansin ko agad ang kaniyang masayang ngiti. Si Paul ay masayahin at positibo kung kaya tinanggap ko ang kaniyang alok na personal na pag-aaral ng Bibliya. ‘Baka matulungan niya akong maging maligaya at gawing makabuluhan ang aking buhay,’ naisip ko.
Sa tulong ni Paul, napag-alaman kong may layunin pala ang Diyos sa mga tao at na mabubuhay sa paraiso sa lupa balang-araw ang mga umiibig at sumusunod sa Kaniya. (Awit 37:29) Napag-alaman ko rin na hindi pala kagagawan ng Diyos ang kawalang-katarungan at kahirapan kundi bunga ito ng paghihimagsik ng tao laban sa Diyos. (Deuteronomio 32:4, 5) Nagmistulang tanglaw sa aking buhay ang mga katotohanang ito. Gayunman, mas mahirap magbago ng personalidad kaysa mag-aral ng Bibliya.
Nakapagtrabaho ako sa isang opisina at kailangan kong pangasiwaan ang pondo ng kompanya. Nahulog na naman ako sa tukso at nagnakaw. Nang hindi ko na maitago ang aking pagnanakaw, tumakas ako patungo sa ibang lunsod sa Ecuador, nanatili roon nang mga isang taon. Tinangka kong mangibang bansa, pero hindi ito natuloy, kaya umuwi ako sa amin.
Muli kaming nagkita ni Paul, at nag-aral na naman kami. Sa pagkakataong ito, desidido na akong ikapit sa aking buhay ang mga simulain ng Bibliya at paglingkuran si Jehova. Dahil sa tunguhing ito, ipinagtapat ko kay Paul ang aking ginawang pagnanakaw. Napakaprangka ni Paul sa pagbibigay ng payo. Binanggit niya sa akin ang mga talata sa Bibliya gaya ng Efeso 4:28, na nagsasabi: “Ang magnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi sa halip ay magtrabaho siya nang masikap.” Napag-unawa kong kailangan ko nang aminin ang aking pagnanakaw at tanggapin ang kapalit na parusa.
Habang pinag-iisipan ko ang aking situwasyon, nagtrabaho ako bilang pribadong pintor. Isang araw, may dumating na isang lalaki sa aking istudyo at nagustuhan niya ang isang ipinintang larawan. Subalit detektib pala siya at may warant para arestuhin ako. Kaya humarap na naman ako sa korte at nabilanggo. Dinalaw ako ni Paul, at nangako ako sa kaniya, “Hindi mo pagsisisihan ang pagtulong mo sa akin na maunawaan ang Bibliya.” Nagpatuloy kami sa pag-aaral habang nakabilanggo ako.
Pinatunayan Kong Seryoso Ako
Pagkalaya ko, desidido na akong maglingkod kay Jehova nang aking buong puso, at sa sumunod na dalawang taon, pinatunayan kong seryoso ako. Noong 1988, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova. Palibhasa’y gustung-gusto kong mabawi ang panahong sinayang ko, naglingkod ako nang buong panahon bilang ministrong payunir at nagsikap akong mabuti na makausap ang mga kabataang miyembro ng mga gang.
May isang gang na madalas magsulat ng kung anu-ano sa aming Kingdom Hall. Dahil kilala ko ang mga miyembro nito at alam ko kung saan sila nakatira, pinuntahan ko sila, ipinaliwanag ang layunin ng Kingdom Hall, at mabait na hinilingang igalang naman ang aming gusali. Hindi na nila ito ginawa uli.
Pagkaraan, nang kinukumpuni namin ang bulwagan at kinakayod ang lumang pintura nito, nakita ni Fernando, isang kabataang Saksi, ang nakasulat na “Ang Palaka” (La Rana, sa wikang Kastila). “Ako ito!” ang sabi niya. Bilang miyembro ng isang gang, isinulat noon ni Fernando sa pader ang kaniyang palayaw. Inaalis niya ito ngayon!
Nang una kong makita si Fernando, langung-lango siya sa droga. Ipinadala na siya ng kaniyang nanay sa dalawang rehabilitation center, pero wala ring nangyari. Dahil dito, nagsawa na sa kaniya ang nanay niya, lumayo na, at pinabayaan na siyang mag-isa sa bahay. Ibinenta ni Fernando ang lahat ng puwede niyang ibenta—kahit mga pinto, bintana, at bubong ng bahay—para lamang may maibili ng droga. Nilapitan ko siya sa kalye isang araw, binigyan ng soft drink, at inalok ng pag-aaral sa Bibliya. Pumayag siya at, laking gulat ko nang tumugon siya sa katotohanan. Kumalas na siya sa gang, itinigil ang pagdodroga, dumalo sa mga pulong Kristiyano, at di-nagtagal, nagpabautismo.
Kapag magkasama kami ni Fernando sa pangangaral sa bahay-bahay, madalas na may nakakakilala sa amin at nagsasabing “Ang Palaka!” o kaya’y “Superman!” at nagtatanong kung ano ang ginagawa namin. Nagtataka silang makita ang isang dating miyembro ng gang at isang dating magnanakaw na dumadalaw sa kanila, hawak ang Bibliya.
Minsan, nagpapatotoo ako sa isang lalaki habang kausap naman ni Fernando ang kapitbahay nito. Habang
itinuturo si Fernando, sinabi ng lalaki sa akin: “Nakikita mo ba ang lalaking iyon? Tinutukan niya ako minsan ng baril sa ulo.” Tiniyak ko sa kaniya na nagbago na si Fernando at namumuhay na ayon sa mga simulain ng Bibliya. Sa katunayan, nang matapos si Fernando sa pakikipag-usap sa kapitbahay, tinawag ko si Fernando at ipinakilala ko siya. “Binata,” ang sabi ng may-bahay, “pinupuri kita sa pagbabagong ginawa mo sa iyong buhay.”Hindi ko na matandaan kung ilang beses na kaming nakatanggap ni Fernando ng ganitong komento mula sa mga tao. Nagiging daan ito para sa mainam na pagpapatotoo, na nagbubunga ng maraming pag-aaral sa Bibliya. Oo, isang karangalan namin ni Fernando na makilala bilang mga Saksi ni Jehova.
Mahalagang Pangyayari sa Aking Buhay
Noong 2001, nang mag-50 anyos na ako, magkahalong gulat at tuwa ang nadama ko nang anyayahan akong mag-aral sa Ministerial Training School na gaganapin sa Peru. Sa paaralang ito, ang mga kuwalipikadong Saksi ay tuturuan ng malalim na espirituwal na mga bagay sa loob ng walong linggo upang tulungan sila sa kanilang ministeryo.
Nakatutuwa ang bawat bahagi ng paaralan, maliban sa isa—ang pagsasalita sa madla, na kinatatakutan ko. Marami sa nakababatang estudyante ang nakapagbigay ng mahuhusay na pahayag at waring malaki ang kumpiyansa nila sa kanilang sarili. Pero nang tumayo na ako para bigkasin ang una kong pahayag, bumalik ang aking sobrang pagkamahiyain na problema ko na mula pa sa aking pagkabata. Nangatog ang aking mga tuhod, nangatal ang aking namamawis na mga kamay, at nanginig ang aking boses. Subalit pinalakas ako ni Jehova sa tulong ng kaniyang banal na espiritu at ng mapagmahal na mga kapatid. Nagmalasakit pa nga sa akin ang isa sa mga instruktor at pagkatapos ng klase ay tinulungan niya akong maghanda ng aking mga pahayag. Higit sa lahat, tinulungan niya akong magtiwala kay Jehova. Sa pagtatapos ng kurso, sa kauna-unahang pagkakataon sa aking buhay, talagang nasiyahan ako sa pagsasalita sa harap ng mga tagapakinig.
Dumating ang malaking pagsubok sa aking kumpiyansa sa sarili sa isang kombensiyon ng mga Saksi ni Jehova sa Guayaquil. Sa harap ng 25,000 katao, ikinuwento ko kung paano ako naging Saksi. Subalit habang nagsasalita ako, nadala ako ng emosyon dahil sa pribilehiyong magpalakas sa napakaraming tao, at nanginig na ang aking boses. Pagkaraan, isa sa mga delegado sa kombensiyon ang lumapit sa akin at nagsabi, “Brother González, nang ikuwento mo ang iyong karanasan, lahat ay napaiyak.” Higit sa lahat, ang pangunahing layunin ko ay gawing pampatibay-loob ang istorya ng aking buhay sa mga nagpupunyaging mapagtagumpayan ang kanilang dating pamumuhay.
Naglilingkod ako ngayon bilang elder at regular pioneer at masayang tumutulong sa 16 katao na sumapit sa tumpak na kaalaman sa katotohanan sa Bibliya. Tuwang-tuwa ako nang mag-alay ng kanilang buhay kay Jehova ang aking mga magulang at ang apat sa aking mga kapatid na babae. Noong 2001, si Inay ay namatay nang tapat sa Diyos. Kaylaki ng pasasalamat ko kay Jehova dahil hinayaan niyang makilala ko siya, at wala na akong maisip pang ibang paraan upang ipakita ang aking pasasalamat kundi ang anyayahan ang iba na maging malapít din sa kaniya.—Santiago 4:8.
[Larawan sa pahina 12]
Si Fernando, Ang Palaka, dating miyembro ng gang na tinulungan ko
[Larawan sa pahina 12]
Si Paul Sánchez, ang misyonerong nagturo sa akin ng Bibliya
[Larawan sa pahina 13]
Si Vicente González ngayon