Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
“Halos anim na milyong bata taun-taon—isa sa bawat limang segundo—ang namamatay dahil wala silang sapat na makain.”—JAMES T. MORRIS, EXECUTIVE DIRECTOR NG WORLD FOOD PROGRAMME
▪ Ang opisyal na bilang ng nasawi sa Bagyong Katrina, sumalakay sa timugang bahagi ng Estados Unidos noong Agosto 2005, ay mahigit 1,300.—THE WASHINGTON POST, E.U.A.
▪ Kumitil ng mahigit 74,000 buhay ang lindol na sumalot sa hilagang Pakistan at India noong Oktubre 2005.—BBC NEWS, BRITANYA.
▪ Tinataya ng isang ulat na “halos 1.2 milyon katao taun-taon ang namamatay sa mga aksidente sa kalsada sa buong daigdig.”—SOUTH AFRICAN MEDICAL JOURNAL, TIMOG APRIKA.
Pinoproblemang Kayamanan
Hindi malaman ng mga awtoridad ng Simbahang Romano Katoliko kung paano iingatan ang mga gawang-sining na mula pa noong panahon ng pananakop at nakadispley sa mga simbahan ng Peru. Sa nakalipas na anim na taon, 200 simbahan na ang pinasok ng mga magnanakaw. Sa Cuzco lamang nitong nagdaang 15 taon, ninakaw ang mga 5,000 likhang-sining, na karamihan ay mahahalagang pinturang oleo. Walang nakaaalam kung ilang piraso talaga ang nawawala na sa buong bansa. Upang hindi manakaw ang mga ito, itinago ng ilang simbahan ang kani-kanilang mga gawang-sining, subalit sa di-nababagay na mga lugar. Ang ilang koleksiyon ng pinturang oleo ng isang parokya ay kinain ng mga daga.
Krisis sa Manggagawa sa Finland
Kailangang-kailangan ng mga industriya at ng mga nag-aalok ng serbisyo sa Finland ang dalubhasang mga manggagawa na nakapagtapos ng saligang vocational training, tulad ng karpintero, tubero, tagahinang, mason, mekaniko, makinista, at nars. Bakit? Masyadong naidiin ang mataas na edukasyon, ang paliwanag ng pahayagang Helsingin Sanomat. “Hindi makatuwirang gawing mga doktor at dalubhasa sa sining at siyensiya ang buong henerasyon,” ang sabi ni Heikki Ropponen ng Federation of Finnish Retailers. “Dapat na mas pahalagahan ang vocational training.”
Pabor na Desisyon ng Korte sa Pransiya
Noong Disyembre 1, 2005, iniutos ng Paris Court of Appeal sa interior minister ng Pransiya na pahintulutan ang mga Saksi ni Jehova na makita ang mga dokumento ng pulisya na ginamit para isama sila sa listahan ng mga “kulto” noong 1996. Ang listahan ay inihanda sa mga pagdinig na sarado sa publiko, at inilihim ang laman ng mga dokumento alang-alang sa kapakanan ng ‘seguridad ng Estado at ng publiko.’ Gayunman, nakita ng korte na ang “pagsusuri sa mga epekto” ng mga gawain ng mga Saksi na nakasaad sa mga dokumento ay “napakaliit lamang.” Magkagayunman, paulit-ulit na ginamit ang listahan para bigyang-katuwiran ang pagtatangi laban sa mga Saksi ni Jehova sa Pransiya.
Ang “Green Great Wall”
Dahil sa sobrang panginginain ng mga hayop, tagtuyot, pagkakalbo ng gubat, at labis na paggamit ng katubigan, ang malalaking bahagi ng Tsina ay nagiging tuyot na mga rehiyong madalas salantain ng bagyo ng alikabok. Ito ang dahilan kung kaya pinasimulan ng mga awtoridad sa Tsina ang “pinakamalaking proyekto sa ekolohiya sa buong daigdig,” ang sabi ng New Scientist. “Sa ilalim ng programang ito, na nakilala bilang ‘green great wall,’ nagtanim ng walang katulad na dami ng punungkahoy upang maharang ang alikabok na tinatangay ng hangin.” Naglatag din ng mga damo at nagtanim ng mga palumpong upang hindi maging maalikabok ang lupa. Halos naabot na ng proyekto, na nagsimula noong 1978, ang kalahati sa tunguhin nitong matamnan ng mga punungkahoy at halamang nananatiling buháy kahit tagtuyot ang 35 milyong ektarya ng lupa.