Ako ay ‘Aakyat na Gaya ng Lalaking Usa’
Ako ay ‘Aakyat na Gaya ng Lalaking Usa’
AYON SA SALAYSAY NI FRANCESCO ABBATEMARCO
“Bakit hinayaan ng Diyos na mangyari ito? Bakit ako pa?” Napakadalas sumagi sa isip ko ang mga tanong na iyan! Hindi ko matanggap na habambuhay akong nakaupo sa silyang de-gulong at hindi ko naigagalaw ang mga braso at binti ko.
NOONG 1962, sa isang maliit na bayan sa rehiyon ng Basilicata, Italya, muntik nang magwakas ang buhay ko sa mismong araw na nagsimula ito. Nahirapan sa panganganak ang nanay ko, at tinurukan ako ng doktor ng mga gamot na may masasamang epekto. Pagkalipas ng tatlong araw, nanginig ang maliit kong katawan dahil sa kumbulsiyon. Naparalisa ang mga braso at mga binti ko, at napinsala ang aking kuwerdas bokales.
Habang nagbibinata ako, yamot na yamot ako dahil sa aking pisikal na kondisyon. Madali akong mainis at madalas akong magbitiw ng masasakit na salita sa mga nakapaligid sa akin. Pakiramdam ko’y nakabukod ako sa buong mundo, at walang kabuluhan ang buhay ko. Nang ako ay 25 anyos, labis akong nanlumo. Dahil sa hindi ko maunawaan kung bakit hinahayaan ng Diyos na magdusa ako nang gayon na lamang, naisip kong makatuwirang sabihin na walang Diyos.
Isang Naiibang Pananaw
Isang umaga noong huling bahagi ng 1987, dalawang kabataang lalaki na maayos ang pananamit ang lumapit sa akin habang nakaupo ako sa aking silyang de-gulong sa labas ng bahay. Akala ko’y gusto nilang makausap ang kuya ko, kaya kahit hirap na hirap akong magsalita, sinabi kong wala siya sa bahay. “Pero ikaw ang gusto naming makausap,” ang sagot nila. Talagang nagulat ako noon dahil bibihira ang gustong makipag-usap sa akin.
“Naniniwala ka ba sa Diyos?” ang tanong nila. May-kagaspangan akong sumagot, “Sa kalagayan kong ito, paano ba naman ako maniniwala?” Nagsimula kaming mag-usap, at nalaman kong mga Saksi ni Jehova pala sila. Inalukan nila ako ng aklat na pinamagatang Life—How Did It Get Here? By Evolution or by Creation? * na atubili kong tinanggap. Sinabi nilang babalik sila. Pero naisip kong huwag na lang sana.
Gaya ng kanilang ipinangako, bumalik ang dalawang Saksi at ipinagpatuloy namin ang aming pag-uusap. Naaalaala ko pa ang mga talata sa Bibliya na binasa nila sa akin, Isaias 35:5, 6: “Sa panahong iyon ay madidilat ang mga mata ng mga bulag, at ang mga tainga ng mga bingi ay mabubuksan. Sa panahong iyon ay aakyat ang pilay na gaya ng lalaking usa, at ang dila ng pipi ay hihiyaw sa katuwaan.” Magandang pakinggan ang mga salitang iyon pero malayung-malayo naman sa aktuwal na nangyayari sa buhay ko. Ni tumayo nga hindi ko magawa, umakyat pa kaya gaya ng lalaking usa. Gayunpaman, pumayag akong makipag-aral ng Bibliya sa kanila, pero hindi pa rin ako naniniwalang matutulungan ako ng Bibliya sa mga problema ko. Waring di-makatotohanan ang pag-asa na balang-araw ay mawawala ang kapansanan ko.
Nang maglaon, inanyayahan ako ng mga Saksi sa isang pagpupulong sa kanilang Kingdom Hall sa aming lugar. Hindi ko na matandaan kung tungkol saan ang pahayag sa Bibliya, pero hinding-hindi ko malilimutan ang kagandahang-loob at pag-ibig na ipinakita sa akin ng mga Saksi. Sa halip na kaawaan ako, naramdaman ko ang mainit nilang pagtanggap. Noong Linggo ring iyon, nabatid ko na palagay ang loob ko kapag nasa Kingdom Hall, kung kaya nagsimula akong dumalo nang regular sa mga pagpupulong.
Gabundok na Balakid
Kahanga-hanga ang naging epekto sa akin ng Mateo 24:14) Ngunit paano ako makapangangaral? Marubdob kong ipinanalangin ang pagnanais na ito, at hiniling ko kay Jehova na ipakita sa akin kung paano ko ito magagawa.
pag-aaral ng Salita ng Diyos. Tila muling nagkadagta ang isang tuyot na puno. Nanumbalik ang mga damdaming inakala kong wala na sa akin. Talagang napakasarap na maging masiglang muli! Nadama ko ang pagnanais na sabihin sa iba ang kamangha-manghang pag-asa na tinanggap ko. (Noong Setyembre 1991, isang payunir (isang buong-panahong ebanghelisador) ang idinestino sa kongregasyon. Minsan, habang nasa kaniyang bahay, binanggit ko sa kaniya ang hangarin kong mangaral. Hindi ako makapagsalita nang normal, kaya pinag-usapan namin na sumulat ako ng mga liham gamit ang makinilya. Ngunit paralisado ang mga braso ko. Sa tulong ng payunir, sinubukan ko ang iba’t ibang paraan. Sinubukan kong gumamit ng lapis sa pamamagitan ng pagkagat dito upang pindutin ang tipaan ng makinilya. Sinubukan ko ring magsuot ng helmet na may nakakabit na patpat at igalaw ang aking ulo upang pindutin ang tipaan. Pero hindi umubra ang mga paraang iyon.
Nang dakong huli, habang pinag-uusapan namin ang problema, pabirong sinabi sa akin ng payunir na iyon: “Napakaganda ng ilong mo.” Kaya gamit ang aking ilong, sinubukan ko agad na pindutin ang tipaan ng makinilya at umubra naman ito. Sa wakas, nakasulat din ako. Gunigunihin ang pagsisikap na kailangan kong gawin para itama ang mga pagkakamali ko sa pagbaybay sa pamamagitan ng aking ilong! Bandang huli, napag-isip-isip naming mas madali kung computer ang gagamitin ko. Pero saan naman ako kukuha ng pambili nito? Naghintay ako ng tamang panahon at saka ko ito ipinakipag-usap sa aking mga magulang. Di-nagtagal pagkatapos nito, computer na ang gamit ko sa pagsulat ng mga liham.
Natupad ang Hangarin Ko
Una kong sinulatan ang aking mga kaibigan at kamag-anak, pagkatapos ay ang mga nakatira sa aming bayan at sa mga kalapit na bayan. Di-nagtagal ay nakikipagsulatan na ako sa mga tao sa iba’t-ibang bahagi ng Italya. Hindi mailarawan ang ligayang nadarama ko sa tuwing nakatatanggap ako ng sagot sa aking sulat. Noong Disyembre 1991, inaprubahan ako bilang isang di-bautisadong mamamahayag ng mabuting balita. Nagpatala rin ako sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, isang paaralang idinaraos linggu-linggo sa mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Kapag nakatanggap ako ng atas para magpahayag, inihahanda ko itong mabuti sa bahay gamit ang aking computer. Sa pagpupulong, isang kaibigan ang tatayo sa plataporma para basahin ang inihanda kong materyal.
Bilang pasasalamat sa pag-ibig na ipinakikita sa akin ni Jehova, alam kong ang susunod kong mga hakbang sa pagsulong sa espirituwal ay ang pag-aalay ng aking buhay sa Diyos at pagpapabautismo. Nag-ipon ako ng lakas ng loob at saka ko ipinakipag-usap sa aking mga magulang ang aking desisyon. Hindi sila natuwa, pero mas malakas ang aking hangaring magpabautismo kaysa sa aking takot. Dahil sa suporta ni Jehova at ng mga kapuwa ko Saksi, nabautismuhan ako noong Agosto 1992. Napakasaya ko dahil dumalo ang kuya ko at ang aking hipag sa aking bautismo!
Pagbabago sa Aking Pag-iisip
Habang nagiging mas malinaw sa akin ang mga simulaing nasa Salita ng Diyos, nakita ko ang pangangailangang baguhin ang ilang di kanais-nais na mga ugali ko. Napagtanto kong dahil sa aking pisikal na kondisyon, naging makasarili ako at sakim. Kinailangan kong magpunyagi upang maalis ang mga kapintasang ito. Kailangan kong maging mas mapagpakumbaba at labanan ang palaging pagkayamot dahil sa pangangailangang umasa sa iba.
Pinagsikapan ko ring daigin ang pagkaawa sa sarili at itigil ang pag-iisip na aping-api ako. Sinimulan kong tawanan na lamang ang ilang situwasyon. Isang araw habang ako’y nangangaral
sa bahay-bahay, isang batang babae ang nagbukas ng pinto. Isa sa mga Saksing kasama ko ang nagtanong sa bata kung nasa bahay ba ang mga magulang nito. Sumigaw ang batang babae, “Nanay, mayroon pong dalawang lalaki at isang maysakit sa pintuan.” Nang makita ako ng nanay, hindi niya malaman kung ano ang kaniyang sasabihin dahil sa hiya. Sinabi ng isa kong kaibigan: “Ang totoo, dalawa ang may sakit at isa ang malusog.” Napangiti kaming lahat, at naging maganda ang pag-uusap namin.Pagnanais na Maglingkod Pa Nang Higit
Pagkatapos ng aking bautismo, naglingkod ako bilang auxiliary pioneer sa loob ng siyam na buwan, na gumugugol ng 60 oras buwan-buwan sa gawaing pangangaral. Pero gusto ko pang gumawa nang higit. Di-nagtagal, nagsimula akong maglingkod bilang regular pioneer, na gumugugol ng mas maraming oras sa gawaing pangangaral. Nahirapan ako sa mga unang buwan ko ng paglilingkod bilang payunir. Marami ang nag-aakalang kumakatok ako sa pintuan nila para mamalimos, at dahil dito ay napapahiya ako at ang mga Saksing sumasama sa akin.
Bukod diyan, marami sa kongregasyon ang nahihirapang umintindi sa pagsasalita ko at hindi nila alam kung ano ang pinakamagandang paraan para matulungan ako. Ngunit sa tulong ni Jehova at sa pagsasakripisyo ng aking espirituwal na mga kapatid, bumuti ang situwasyon sa kalaunan. Ngayon ay kilala na ako ng mga tao hindi lamang bilang isang lalaking nasa silyang de-gulong kundi bilang isang Saksi ni Jehova na nagsisikap na tumulong sa iba na matutuhan ang mga layunin ng Diyos.
Noong Hulyo 1994, nakadalo ako sa isang pantanging dalawang-linggong kurso sa pagsasanay para sa mga ministrong payunir. Pinag-aralan namin doon ang maka-Kasulatang mga simulaing gumagabay sa gawaing pangangaral at paggawa ng alagad. Tumanggap din kami ng praktikal na pagsasanay sa ministeryo. Kinailangan kong mapagtagumpayan ang mga hadlang para makadalo, yamang 60 kilometro ang layo ng tinitirhan ko mula sa lugar kung saan idinaraos ang kurso. Hindi ako puwedeng makitulog sa ibang bahay, kaya nagpapalit-palitan ang mga Saksi upang ihatid ako sa paaralan sa umaga at sunduin naman sa gabi. Sa panahon ng pananghalian, isa sa kanila ang bumubuhat sa akin paakyat sa ikalawang palapag, kung saan kami kumakain nang sama-sama.
Malaking Responsibilidad
Noong Marso 2003, hinirang ako bilang isang matanda sa kongregasyon. Ang atas na iyon ay humihiling na magpagal ako para sa kapakanan ng iba. Mas nauunawaan ko na ngayon ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin niya: “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.” (Gawa 20:35) Gumagawa akong kasama ng napakahusay na lupon ng matatanda, at tinutulungan nila akong gampanan ang aking atas. Nadama kong pinahahalagahan ako ng buong kongregasyon—lalo na ng mga kabataan—at palagi nila akong isinasama sa kanilang mga gawain. Nakita nila kung paano ko napagtagumpayan ang mga hadlang sa paglilingkuran kay Jehova, at marami ang humihingi ng tulong sa akin kung paano nila haharapin ang kanilang mga problema.
Natutuhan kong hindi lamang ang pisikal na kondisyon ng isang tao ang pinakamahalaga para lumigaya. Sa halip, ang pinakamahalaga ay ang pagkakaroon ng pagsang-ayon ni Jehova at paggawa ng kaniyang kalooban. Nagpapasalamat ako sa kaniya partikular na sa kamangha-manghang pag-asa na di-magtatagal ay hindi ko na kailangan ang aking silyang de-gulong. Oo, umaasa akong ‘umakyat na gaya ng lalaking usa’ at paglingkuran ang tunay na Diyos nang walang-hanggan.—Isaias 35:5, 6.
[Talababa]
^ par. 8 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Blurb sa pahina 22]
Ngayon ay kilala na ako ng mga tao hindi lamang bilang isang lalaking nasa silyang de-gulong kundi bilang isang Saksi ni Jehova na nagsisikap na tumulong sa iba na matutuhan ang mga layunin ng Diyos
[Larawan sa pahina 21]
Naghahanda para sa pagpupulong ng kongregasyon gamit ang aking ilong sa pagta-“type” sa computer