Kamangha-manghang Disenyo ng mga Halaman
Kamangha-manghang Disenyo ng mga Halaman
NAPANSIN mo ba na paikot ang pagtubo ng maraming halaman? Halimbawa, ang pinya ay maaaring may 8 paikid na matang patungo sa isang direksiyon at 5 o 13 ikid naman patungo sa kabilang direksiyon. (Tingnan ang larawan 1.) Kung titingnan mo ang buto ng mirasol (sunflower), makikita mo ang patung-patong na 55 at 89 na ikid o baka mas marami pa. Baka may makita ka ring mga ikid sa cauliflower. Kapag napapansin mo na ang mga ikid, baka mas matuwa kang pumunta sa tindahan ng prutas at gulay. Bakit kaya ganito tumubo ang mga halaman? May kahulugan ba ang dami ng ikid nito?
Paano Tumutubo ang mga Halaman?
Ang mga bahagi ng karamihan sa mga halaman, tulad ng tangkay, dahon, at bulaklak, ay tumutubo mula sa isang maliit na sentro na tinatawag na meristem. Ang bawat bagong bahagi, na tinatawag na primordium, ay tumutubo at lumalaki mula sa sentro patungo sa bagong direksiyon, anupat nakaanggulo sa bahaging nakatubo na. * (Tingnan ang larawan 2.) Ang sumisibol pa lamang na mga bahagi ng karamihan sa mga halaman ay tumutubo nang paikid sa isang pambihirang anggulo. Anong anggulo iyon?
Narito ang isang palaisipan: Ipagpalagay mong gumagawa ka ng isang halaman na ang tumutubong mga bahagi ay nakaayos nang siksik at walang nasasayang na espasyo sa palibot ng pinagtutubuan nito. Halimbawa, pinatutubo mo ang bawat bagong primordium sa anggulong dalawang kalima ng isang buong ikot mula sa nakatubo nang bahagi. Magiging problema mo ang pagtubo ng bawat ikalimang primordium sa lugar at direksiyon ding iyon. Maghihile-hilera ang mga ito at magkakaroon ng sayang na espasyo sa pagitan ng mga hilera. (Tingnan ang larawan 3.) Ang totoo, anumang simpleng praksiyon ng ikot ay bubuo lamang ng mga hilera sa halip na masiksik ang lahat ng espasyo. Tanging ang tinatawag na “ginintuang anggulo” lamang na humigit-kumulang 137.5 digri ang eksaktong tumutubo
nang masinsin. (Tingnan ang larawan 5.) Bakit napakaespesyal ng anggulong ito?Pambihira ang ginintuang anggulo sapagkat hindi ito maisusulat bilang simpleng praksiyon ng ikot. Malapit dito ang praksiyon na 5/8, mas malapit ang 8/13, at mas malapit pa ang 13/21, pero walang praksiyon na eksaktong kumakatawan sa ginintuang proporsiyon ng isang ikot. Kaya kapag may tumubong bagong bahagi sa meristem sa eksaktong anggulong ito mula sa nakatubo nang bahagi, walang dalawang bahagi ang tutubo kailanman sa magkaparehong direksiyon. (Tingnan ang larawan 4.) Ito ang dahilan kung kaya ang mga primordium ay tumutubo nang paikid sa halip na palayo mula sa sentro nito.
Kapansin-pansin na kapag ginaya sa computer ang pagtubo ng primordium mula sa isang sentro, magkakaroon lamang ng mga ikid kung ang anggulo ng pagtubo ay eksakto sa ginintuang anggulo. Mabawasan lamang ang ginintuang anggulo nang ikasampung bahagi ng isang digri, hindi na makabubuo ng ikid.—Tingnan ang larawan 5.
Gaano Karami ang Talulot sa Isang Bulaklak?
Kapansin-pansin na ang dami ng ikid na nabubuo sa ginintuang anggulo ay kadalasang isang numero na matatagpuan sa seryeng tinatawag na Fibonacci sequence. Ang seryeng ito ay unang ipinaliwanag ng Italyanong matematiko na si Leonardo Fibonacci noong ika-13 siglo. Sa seryeng ito, ang bawat numero pagkatapos ng 1 ay katumbas ng pinagsamang bilang ng dalawang naunang numero—1, 1, 2, 3, 5, 8, 13, 21, 34, 55, at patuloy.
Ang mga bulaklak ng maraming halaman na paikid ang pagtubo ay kadalasang may mga talulot na tumutugma sa bilang ng Fibonacci sequence. Ayon sa ilang nagmamasid, waring ang mga buttercup ay laging may 5 talulot, ang bloodroot 8, ang fireweed 13, ang aster 21, ang karaniwang daisy sa parang 34, at ang Michaelmas daisy 55 o 89. (Tingnan ang larawan 6.) Kadalasang may mga disenyo rin ang mga prutas at gulay na tugma sa bilang ng Fibonacci sequence. Halimbawa, kapag hiniwa nang pahalang ang saging, may disenyo ito na lima ang gilid.
“Ang Lahat ng Bagay ay Ginawa Niyang Maganda”
Matagal nang naniniwala ang mga dalubsining na ang ginintuang proporsiyon ang disenyong pinakamaganda sa ating paningin. Paano kaya nagagawa ng mga halaman na eksaktong tumubo sa nakamamanghang anggulong ito? Ang konklusyon ng maraming tao ay sapagkat isa lamang itong halimbawa ng matalinong disenyo sa mga bagay na may buhay.
Sa pagbubulay-bulay sa disenyo ng mga bagay na may buhay at sa ating kakayahang masiyahan sa mga ito, naaaninag ng marami ang kamay ng Maylalang na ang gusto ay maligayahan tayo sa buhay. Ganito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa ating Maylalang: “Ang lahat ng bagay ay ginawa niyang maganda sa kapanahunan nito.”—Eclesiastes 3:11.
[Talababa]
^ par. 4 Ang nakapagtataka, kakaiba naman ang mirasol dahil ang maliliit na bulaklak (floret) na nagiging mga buto ay nagsisimulang umikid mula sa gilid sa halip na sa gitna.
[Mga Dayagram sa pahina 24, 25]
Larawan 1
(Tingnan ang publikasyon)
Larawan 2
(Tingnan ang publikasyon)
Larawan 3
(Tingnan ang publikasyon)
Larawan 4
(Tingnan ang publikasyon)
Larawan 5
(Tingnan ang publikasyon)
Larawan 6
(Tingnan ang publikasyon)
[Larawan sa pahina 24]
Malapitang kuha ng “meristem”
[Credit Line]
R. Rutishauser, University of Zurich, Switzerland
[Picture Credit Line sa pahina 25]
White flower: Thomas G. Barnes @ USDA-NRCS PLANTS Database