Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Ano Na ang Nangyari sa Pag-ibig? (Marso 2006) Pinipilipit ng sanlibutan ang kahulugan ng pag-ibig, at gusto ni Satanas na lubusan itong sirain. Nakatutulong ang mga impormasyong tulad nito para aktibo nating maipahayag ang pag-ibig sa di-makasariling paraan. Salamat sa pagtulong sa akin na higit na maunawaan kung paano nais ni Jehova na gamitin natin ang malakas na puwersang ito.
Y. B., Estados Unidos
Nalungkot ako nang lumipat ang dalawang matalik kong kaibigan para maglingkod sa kongregasyong banyaga ang wika. Pero noong lungkot na lungkot na ako, saka ko naman natanggap ang magasing ito. Salamat sa paalaala na, “Kung gusto mong ibigin ka, magpakita ka ng pag-ibig.” Mula ngayon, plano ko nang “magpalawak” at magpakita ng taos-pusong pag-ibig para magkaroon ako ng mga bagong kaibigan.—2 Corinto 6:12, 13.
M. T., Hapon
Pagtanda—Pagharap sa Hamon (Pebrero 2006) Kung minsan, naiisip ko na para bang napapabayaan na ang mga may-edad na. Labing-isang taon ko nang inaalagaan ang aking asawang may sakit. Nalulungkot pa rin ako kung minsan. Paulit-ulit kong binasa ang mga artikulo sa isyung ito ng Gumising! at paulit-ulit ko ring pinakinggan ang mga audiocassette nito. Ito ang magasing kailangang-kailangan ko. Maraming salamat.
S. T., Hapon
Artipisyal na mga Biyas (Pebrero 2006) Maraming salamat sa inyong artikulo tungkol sa artipisyal na mga biyas. Noong apat na buwan na akong nagdadalang-tao, sinabihan kami na ipanganganak ang aming sanggol nang walang kamay at binti at na puwede siyang lagyan ng artipisyal na binti pagsapit niya ng isang taóng gulang. Dumating ang artikulo nang mismong buwang tumuntong ng isang taóng gulang si Daryl. Natututo na siya ngayong tumayo at maglakad. Inaasam-asam naming mag-asawa ang panahong si Daryl ay ‘aakyat na gaya ng lalaking usa.’—Isaias 35:6.
Y. A., Pransiya
Sulit ang Mabuhay (Oktubre 22, 2001) Paulit-ulit kong binabasa ang Gumising! ng Oktubre 22, 2001, lalo na sa tuwing pinanghihinaan ako ng loob. Parang gamot sa akin ang gayong impormasyon, ang pagkakaiba nga lamang ay hindi ito naluluma. Talagang nakatutulong sa amin ang mga payo at solusyong nakasulat doon. Pinagagaan ng Gumising! ang kalooban ko, anupat nadarama kong nagmamalasakit kayo sa mga taong tulad ko. Natutuwa at nagpapasalamat ako na nariyan kayo para paalalahanan ako na “sulit ang mabuhay”!
P. T., Madagascar
Mga Peregrino at mga Puritan—Sino Sila? (Pebrero 2006) Gulat na gulat ako sa maling impormasyon na nasa artikulong ito. May mahalagang dahilan kung bakit hindi nagdiriwang ng Thanksgiving ang mga Indian sa Hilagang Amerika, at hindi ninyo niliwanag ang katotohanan tungkol dito.
Hindi ibinigay ang pangalan, Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Pakisuyong pansinin na hindi layunin ng artikulong ito na talakayin ang detalyadong kasaysayan ng “Thanksgiving Day.” Iniuulat ng maraming reperensiyang akda, pati na ng “Encyclopædia Britannica,” na noong taglagas ng 1621, tatlong araw na nagdiwang ang mga Peregrino kasama ang kanilang mga kaibigang Indian. Binanggit ito sa liham ni Edward Winslow, na may petsang Disyembre 11, 1621. Pero noong sumunod na mga taon, ang kapistahan ng “thanksgiving” ay ipinagdiwang na para sa iba’t ibang okasyon bukod pa sa pag-aani. Ang pinakamaiskandalong “thanksgiving” ay idineklara noong 1637 ni Gobernador John Winthrop ng Massachusetts Bay Colony pagkatapos ng masaker ng daan-daang Pequot Indian. Kaya mauunawaan naman kung bakit hindi natutuwa ang ilang mambabasa sa “Thanksgiving Day.”