Ang Chukar—Estranghero sa Paraiso
Ang Chukar—Estranghero sa Paraiso
SABIK na sabik kaming magkakaibigan na makapunta sa isla ng Maui sa Hawaii. Gustung-gusto na naming makita ang pagsikat ng araw mula sa tuktok ng bulkang Haleakala, na umaabot sa taas na 3,055 metro. Isang pambihirang karanasan daw ito. Ang problema, kailangan naming gumising nang alas-dos ng madaling-araw para magbiyahe patawid sa isla mula sa tinutuluyan namin sa Kapalua. Pagkatapos ay susuungin namin ang pag-akyat sa matarik na bundok sakay ng kotse. Inisip naming tiyak na nakaiinip ang biyaheng iyon dahil tulog pang lahat ang tao. Hindi pala! Kasama pala kami ng sunud-sunod na sasakyang dahan-dahang magbibiyahe sa palikong haywey patungo sa tuktok. Napakalamig sa tuktok nang dumating kami. Pero may dala naman kaming mga kumot para hindi kami ginawin.
Daan-daang tao ang matiyagang naghihintay sa pagsikat ng araw sa ganap na alas-seis. Sabik na sabik na ang lahat, at nakahanda na ang mga kamera upang makunan ang makapigil-hiningang tanawing ito. Naku naman! Nang dumating na ang oras na aming pinakahihintay, halos maiyak kami nang makita namin ang isang napakalaking kumpol ng ulap palapit sa bunganga ng bulkan, hindi tuloy kami nakakuha ng kinasasabikang mga larawan! Kung sa bagay, talaga namang inaasahan na ito sa mga bundok na malapit sa Karagatang Pasipiko. Kaya naman dapat lamang na pigilan naming maiyak at maghintay na lamang na dahan-dahang mahawi ang ulap sa init ng sumisikat na araw. Aba, ito ang bumulaga sa amin! Kitang-kita namin ang tigang na bunganga ng bulkan pati na ang salu-salubong na mga landas na dinaraanan ng mga umaakyat dito. May nakita naman kami kahit paano.
Walang anu-ano, nakarinig kami ng kakaibang huni—sunud-sunod na “chuKAR, chuKAR.” Saka namin nakita ang pinanggagalingan nito. Isa palang magandang ibong Eurasian mula sa pamilya ng mga ibong perdis, ang chukar, na ang pangalang Latin ay Alectoris chukar. Sa panahon ng pagpaparami, naglalagi ito sa lupa para humapon. Hindi ito lumipad kundi tumakbo lamang palayo.
Paano kaya nakarating ang uring ito ng ibon sa magandang isla ng Maui? Malamang na talagang dinala roon ang mga chukar. Sa kontinente ng Hilagang Amerika, ang mga ito ay pinagagala para hulihin ng mga mangangaso. Natuwa na rin kami dahil kahit paano, nakita namin ang mahiyaing ibong ito nang malapitan.—Ipinadala.