Ang Pangmalas ng Bibliya
Sino si Satanas? Totoo ba Siya?
SINASABI ng ilang makabagong iskolar na hindi totoong persona si Satanas. Sinasabi nilang likha lamang ito ng guniguni ng tao. Hindi na bago ang isyung ito. “Ang pinakamalubhang panlilinlang ng Diyablo,” isinulat ng makatang si Charles-Pierre Baudelaire noong ika-19 na siglo, “ay ang papaniwalain tayo na hindi siya umiiral.”
Totoo bang persona si Satanas? Kung oo, saan siya nagmula? Siya ba ang di-nakikitang puwersa sa likod ng mga problemang sumasalot sa daigdig? Paano mo maiiwasan ang kaniyang napakasamang impluwensiya?
Si Satanas ba ang di-nakikitang puwersa sa likod ng mga problemang sumasalot sa daigdig?
Kung Ano ang Sinasabi ng Bibliya
Inilalarawan ng Bibliya si Satanas bilang isang tunay na persona sa di-nakikitang dako ng mga espiritu. (Job 1:6) Sinasabi nito sa atin ang tungkol sa kaniyang mabalasik at malupit na mga katangian pati na ang kaniyang ubod-samang mga gawa. (Job 1:13-19; 2:7, 8; 2 Timoteo 2:26) Iniuulat pa nga nito ang pakikipag-usap ni Satanas sa Diyos at kay Jesus.—Job 1:7-12; Mateo 4:1-11.
Saan nagmula ang gayong napakasamang persona? Matagal na panahon bago pa man umiral ang tao, nilalang na ng Diyos ang kaniyang “panganay” na Anak, na nakilala nang maglaon bilang Jesus. (Colosas 1:15) Pagkaraan, nilalang naman ang iba pang “mga anak ng Diyos,” na tinatawag na mga anghel. (Job 38:4-7) Silang lahat ay sakdal at matuwid. Pero isa sa mga anghel na ito ang naging Satanas.
Hindi Satanas ang kaniyang orihinal na pangalan nang lalangin siya. Ang pangalang ito
ay isang paglalarawan, na nangangahulugang “Kalaban; Kaaway; Tagapag-akusa.” Tinawag siyang Satanas sapagkat pinili niya ang landasin ng pamumuhay na salansang sa Diyos.Ang espiritung nilalang na ito ay naging mapagmataas at nakipagpaligsahan sa Diyos. Gusto niyang sambahin siya ng iba. Noong nasa lupa si Jesus, ang panganay na Anak ng Diyos, sinikap pa nga ni Satanas na hikayatin si Jesus na ‘gumawa ng isang gawang pagsamba’ sa kaniya.—Mateo 4:9.
‘Hindi nanindigan sa katotohanan’ si Satanas. (Juan 8:44) Ipinahiwatig niyang sinungaling ang Diyos, gayong siya talaga ang sinungaling. Sinabi niya kay Eva na maaari itong maging kagaya ng Diyos, gayong siya mismo ang nagnanais na maging kagaya ng Diyos. At sa pamamagitan ng pandaraya, nakamit niya ang kaniyang makasariling pagnanasa. Napaniwala niya si Eva na nakahihigit siya (si Satanas) sa Diyos. Sa pagsunod kay Satanas, tinanggap ni Eva si Satanas bilang kaniyang diyos.—Genesis 3:1-7.
Nang manulsol siya ng paghihimagsik, ginawa ng dating pinagtitiwalaang anghel na ito ang kaniyang sarili na Satanas—kalaban at kaaway ng Diyos at ng tao. Ang katawagang “Diyablo,” na nangangahulugang “Maninirang-Puri,” ay idinagdag din sa paglalarawan sa balakyot na ito. Nang maglaon, inimpluwensiyahan ng pasimunong ito ng kasalanan ang iba pang mga anghel na sumuway sa Diyos at sumama sa kaniyang paghihimagsik. (Genesis 6:1, 2; 1 Pedro 3:19, 20) Hindi napabuti ng mga anghel na ito ang kalagayan ng sangkatauhan. Dahil sa pagtulad nila sa pagkamakasarili ni Satanas, “ang lupa ay napuno ng karahasan.”—Genesis 6:11; Mateo 12:24.
Gaano Kalakas ang Impluwensiya ni Satanas?
Maaaring alisin ng isang kriminal ang mga marka ng kaniyang daliri sa pinangyarihan ng krimen upang walang maiwang bakas ng kaniyang pagkakakilanlan. Subalit pagdating ng mga pulis, alam nilang may kriminal sapagkat may nangyaring krimen. Sinisikap ni Satanas, ang orihinal na “mamamatay-tao,” na huwag mag-iwan ng bakas ng kaniyang pagkakakilanlan. (Juan 8:44; Hebreo 2:14) Nang kausapin ni Satanas si Eva, nagbalatkayo siyang isang serpiyente. Sinisikap pa rin niyang magbalatkayo sa ngayon. ‘Binulag niya ang pag-iisip ng mga di-sumasampalataya’ upang maikubli ang lawak ng kaniyang makapangyarihang impluwensiya.—2 Corinto 4:4.
Gayunman, tinukoy ni Jesus na si Satanas ang utak sa likod ng tiwaling sanlibutan na kinabubuhayan natin. Tinawag niya siyang “tagapamahala ng sanlibutang ito.” (Juan 12:31; 16:11) “Ang buong sanlibutan ay nasa kapangyarihan ng isa na balakyot,” ang sulat ni apostol Juan. (1 Juan 5:19) Mabisang ginagamit ni Satanas “ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa” upang ‘iligaw ang buong tinatahanang lupa.’ (1 Juan 2:16; Apocalipsis 12:9) Siya ang sinusunod ng sangkatauhan sa pangkalahatan.
Gaya ni Eva, ang mga sumusunod kay Satanas ay para na ring sumasamba sa kaniya bilang diyos nila. Kaya si Satanas ang “diyos ng sistemang ito ng mga bagay.” (2 Corinto 4:4) Kabilang sa mga resulta ng kaniyang pamamahala ang pagpapaimbabaw at kasinungalingan; digmaan, pagpapahirap at pagkawasak; krimen, kasakiman at katiwalian.
Kung Paano Maiiwasan ang Kaniyang Impluwensiya
Nagbababala ang Bibliya: “Panatilihin ang inyong katinuan, maging mapagbantay.” Bakit? Sapagkat “ang inyong kalaban, ang Diyablo, ay gumagala-gala tulad ng isang leong umuungal, na naghahanap ng masisila.” (1 Pedro 5:8) Bagaman mabigat ang mensahe ng tekstong ito, nakapagpapatibay namang malaman na yaon lamang mga hindi nagpapanatili ng kanilang katinuan—yaong mga hindi nananatiling mapagbantay—ang ‘malalamangan ni Satanas.’—2 Corinto 2:11.
Napakahalagang tanggapin natin na talagang umiiral si Satanas at hayaang ‘patatagin’ at ‘palakasin tayo’ ng Diyos. Sa gayong paraan, ‘makapaninindigan tayo laban kay Satanas’ at magiging kapanig ng Diyos.—1 Pedro 5:9, 10.