Ang Halos Di-namamatay na Water Bear
Ang Halos Di-namamatay na Water Bear
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA HAPON
◼ KAHIT saang matubig na lugar sa buong daigdig—sa mga lumot, yelo, sahig ng batis, maiinit na bukal, lawa, karagatan, at baka sa iyong bakuran pa nga—malamang na may makita kang water bear, isa sa pinakamatibay at maliit na nilalang. Dahil sobrang liit nito, halos hindi ito makita. Maliit ang katawan nito na may apat na seksiyon at nababalutan ng lamad, at mayroon itong walong paa na may mga kuko. Ang hitsura at lakad nito ay gaya ng isang pasuray-suray na oso, kaya water bear ang itinawag dito.
Ang mga water bear ay mga tardigrade, na nangangahulugang “mababagal maglakad.” Daan-daang uri na ang natuklasan, at sa bawat pangingitlog ng mga babaing water bear, nangingitlog ang mga ito ng 1 hanggang 30 itlog. Maaaring may libu-libong water bear sa ilang dakot lamang ng basang buhangin o lupa. Karaniwan nang makikita ang mga ito sa mga lumot na nasa mga bubong.
Maaaring mabuhay ang mga water bear kahit sa pinakamatitinding kapaligiran. “Ang mga ispesimen na inilagay sa isang lugar na walang hangin sa loob ng walong araw, at pagkatapos ay inilipat sa lugar na may gas na helium at katamtamang temperatura sa loob ng tatlong araw, saka muling inilagay sa isang lugar na may temperaturang -272°C (-458°F) sa loob ng ilang oras ay muling gumalaw nang ibalik ang mga ito sa lugar na may katamtamang temperatura,” ang sabi ng Encyclopædia Britannica. Nakakayanan din ng mga ito ang napakatinding radyasyon ng X-ray na puwedeng ikamatay ng isang tao. At ipinapalagay na kaya nitong mabuhay sa kalawakan sa loob ng isang yugto ng panahon!
Nagagawa nila ito dahil may kakayahan silang magmistulang patay yamang ang kanilang metabolismo ay maaaring maging mas mababa pa sa 0.01 porsiyento ng normal na metabolismo nito—halos patay na nga! Para magawa ito, iniuurong nila ang kanilang mga paa, hinahalinhan ng kakaibang asukal ang nawalang tubig sa katawan, at bumabaluktot sila hanggang sa sila ay maging tun—parang maliit na bolang nababalutan ng pagkit. Sa normal na kalagayan, kapag nagkaroon na ng halumigmig, muli silang nagiging aktibo pagkalipas lamang ng ilang minuto o oras. Minsan ay napakilos pa nga ang mga water bear na 100 taon nang di-aktibo!
Oo, sa di-kapansin-pansin subalit kahanga-hangang paraan, ang maliliit na “mga gumagapang na bagay” na ito ay pumupuri kay Jehova.—Awit 148:10, 13.
[Picture Credit Line sa pahina 30]
© Diane Nelson/Visuals Unlimited