Maaari Mong Matutuhan ang Ibang Wika!
Maaari Mong Matutuhan ang Ibang Wika!
“Hindi ko ipagpapalit ang karanasang ito sa anupamang bagay,” ang sabi ni Mike. Idinagdag pa ni Phelps, “Isa ito sa pinakamagandang desisyon ko sa buhay.” Ang tinutukoy nila ay ang pag-aaral ng ibang wika.
SA BUONG daigdig, parami nang parami ang mga taong nag-aaral ng ibang wika dahil sa iba’t ibang layunin—ang ilan ay personal, ang ilan ay dahil sa pinansiyal na pakinabang, at ang ilan ay dahil sa relihiyon. Kinapanayam ng Gumising! ang ilang nag-aaral ng wikang banyaga. Kabilang sa mga itinanong ay, Anong mga hamon ang napaharap sa iyo bilang adulto sa pag-aaral mo ng ibang wika, at ano ang makatutulong sa isa na matuto? Ang sumusunod na impormasyon ay batay sa kanilang mga sagot. Maaari ka nitong mapatibay at makapagbibigay ito sa iyo ng karagdagang kaunawaan, lalo na kung nag-aaral ka ng ibang wika o nagpaplano kang mag-aral. Isaalang-alang ang halimbawa ng ilang katangian na nakita ng mga kinapanayam na napakahalaga para maging bihasa ka sa ibang wika.
Tiyaga, Kapakumbabaan, at Pakikibagay
Ang mga bata ay madaling matuto ng dalawa o higit pang wika nang sabay-sabay—kadalasan nang kahit sa pakikinig lamang sa mga ito—pero ang mga adulto ay karaniwan nang nahihirapan dito. Ang isang dahilan ay kailangan ng mga adulto ng tiyaga sa pag-aaral ng isang bagong wika yamang uubos ito ng mahabang panahon. At dahil sa kanilang abalang iskedyul, karaniwan nang kailangang mayroon silang isaisantabing bagay.
“Kailangan ng kapakumbabaan,” ang sabi ni George. “Kapag hindi ka pamilyar sa wika, dapat na handa kang magsalita tulad ng isang bata—at sa ilang pagkakataon, pakitunguhan na gaya ng isang bata.” Sinasabi ng aklat na How to Learn a Foreign Language: “Kung gusto mo talagang matuto, kailangan mong maging mapagpakumbaba at huwag mong isipin ang iyong pagkapahiya.” Kaya huwag mong masyadong isipin ang iyong mga pagkakamali. “Kung hindi ka nagkakamali, hindi mo talaga gaanong ginagamit ang bagong wikang pinag-aaralan mo,” ang sabi ni Ben.
Huwag kang mabahala kung pagtawanan ng ibang tao ang mga pagkakamali mo—sa halip, makitawa ka na lamang! Sa katunayan, balang araw, ikukuwento mo rin ang mga nakakatawang karanasan mo. At huwag kang mag-atubiling magtanong. Kapag naunawaan mo kung bakit gayon ang tamang paraan ng pagsasabi ng isang bagay, matutulungan ka nito na matuto.
Yamang ang pag-aaral ng ibang wika ay karaniwan nang nangangahulugan ng pag-aaral ng ibang kultura, makatutulong sa isa kung handa siyang makibagay at tumanggap ng bagong mga ideya. “Nang mag-aral ako ng ibang wika, naunawaan ko na maraming paraan para gawin ang mga bagay-bagay,” ang sabi ni Julie. “Hindi nangangahulugan na ang isang paraan ay mas mabuti kaysa sa iba—magkaiba lamang ang mga ito.” Ang mungkahi naman ni Jay, “Sikapin mong makipagkaibigan sa mga taong nagsasalita ng wikang pinag-aaralan mo, at masiyahan sa pakikisalamuha sa kanila.” Siyempre pa, titiyakin ng mga Kristiyano na ang pipiliin nilang mga kaibigan ay mabubuting kasama na kaayaaya ang pananalita. (1 Corinto 15:33; Efeso 5:3, 4) Idinagdag pa ni Jay, “Kapag nakita nilang interesado ka sa kanila, sa kanilang mga kinakain, musika, at iba pa, mapapalapit sila sa iyo.”
Miyentras mas malaking panahon ang ginugugol mo sa pag-aaral at, lalo na, kapag mas madalas mong ginagamit ang wika, mas mabilis kang susulong. “Ang pagkatuto ng bagong wika ay gaya ng paraan ng pagkain ng mga manok—paisa-isang butil lamang,” ang sabi ni George. “Waring maliit na bagay lamang ang pailan-ilang salita, pero parami naman nang parami ang natututuhan mo.” Si Bill, isang misyonero at nakapagsasalita ng maraming wika, ay nagsabi, “Nagdadala ako ng listahan ng mga salita saanman ako pumunta, at binabasa ko ito kahit sandali lang basta may panahon ako.” Marami ang nagsabi na mas epektibo ang regular na paglalaan ng kahit maikling panahon sa pag-aaral kaysa sa paglalaan ng mahabang panahon pero bihira naman.
Napakaraming makukuhang pantulong para matuto ang isa ng ibang wika, kasama na rito ang mga aklat, mga rekording, flash card, at marami pang iba. Subalit kahit mayroon na nito, marami ang nagsasabi na batay sa kanilang karanasan, wala pa ring hihigit sa sistematikong pag-aaral sa paaralan. Gamitin mo kung ano ang pinakaepektibo sa iyo. Gayunman, tandaan na kailangan mo talagang magsikap at magtiyaga. Subalit may mga paraan para maging mas madali at mas kasiya-siya ang pag-aaral. Ang isang paraan ay gumawa ka ng higit na pagsisikap upang mahantad ka sa wika at kulturang pinag-aaralan mo.
“Kapag alam na alam mo na ang pangunahing mga elemento ng wikang pinag-aaralan mo pati na ang simpleng mga salita na ginagamit sa araw-araw,” ang sabi ni George, “mas mainam kung gugugol ka ng ilang panahon sa lupaing nagsasalita ng wikang pinag-aaralan mo.” Sang-ayon diyan si Barb, sinabi niya, “Kapag pumunta ka sa bansang nagsasalita ng wikang pinag-aaralan mo, matututuhan mo nang husto ang katangian ng wika.” At ang pinakamahalaga sa lahat, kapag naroon ka sa bansang iyon at napalilibutan ka ng mga taong nagsasalita ng wikang pinag-aaralan mo, matutulungan ka nitong mag-isip gamit ang wikang iyon. Pero maraming tao ang wala namang kakayahang mangibang-bansa. Subalit maaaring may mga pagkakataong maririnig mo at malalaman ang wika at kulturang pinag-aaralan mo kahit sa inyong lugar lamang. Halimbawa, maaaring may mga publikasyon o mga programa sa radyo o telebisyon sa wikang pinag-aaralan mo na katanggap-tanggap naman at kaayaaya sa moral. Humanap ka ng mga tao sa inyong lugar na matatas sa gayong wika at kausapin sila. “Sa kahuli-hulihan,” ang sabi ng aklat na How to Learn a Foreign Language, “praktis ang siyang pinakamagandang paraan para sumulong.” *
Kapag Waring Hindi Ka Sumusulong
Habang ipinagpapatuloy mo ang pag-aaral ng wika, marahil ay may mga panahong madarama mo
na parang hindi ka sumusulong. Ano ang maaari mong gawin? Una, balikan mo ang talagang mga dahilan kung bakit ka nag-aral ng wika. Maraming Saksi ni Jehova ang nag-aral ng ibang wika upang matulungan ang iba na mag-aral ng Bibliya. Ang pagbubulay-bulay sa talagang mga tunguhin o layunin mo ay magpapatibay sa iyong pasiya.Ikalawa, maging makatuwiran sa iyong mga inaasahan. “Baka hindi ka maging kasinggaling ng mga taong iyon ang kinalakhang wika,” ang sabi ng aklat na How to Learn a Foreign Language. “Hindi iyon ang tunguhin mo. Ang gusto mo lang ay maunawaan ka ng mga tao.” Kaya sa halip na madismaya na hindi ka ganoon katatas kung ihahambing sa pagsasalita mo ng sarili mong wika, ang pagtuunan mo ng pansin ay kung paano mo maipakikipag-usap nang malinaw ang mga salitang natutuhan mo.
Ikatlo, balikan ang mga natutuhan mo para malaman mo ang isinulong mo. Ang pag-aaral ng wika ay tulad ng pagsubaybay sa pagtubo ng damo—hindi mo napapansin ang pagtubo, pero araw-araw, pataas nang pataas ang damo. Sa katulad na paraan, kung babalikan mo ang mga alam mo noong nagsisimula ka pa lamang, tiyak na makikita mong sumulong ka na. Huwag mong ihambing ang pagsulong mo sa nagagawa ng iba. Magandang sundin ang simulaing binabanggit ng Bibliya sa Galacia 6:4: “Patunayan ng bawat isa kung ano ang kaniyang sariling gawa, at kung magkagayon ay magkakaroon siya ng dahilan na magbunyi may kinalaman sa kaniyang sarili lamang, at hindi kung ihahambing sa ibang tao.”
Ikaapat, ituring mo na isang matagal ngunit sulit na proyekto ang pag-aaral ng ibang wika. Isip-isipin ito: Paano nagsasalita ang isang batang tatlo o apat na taóng gulang? Gumagamit ba siya ng malalalim na salita at masalimuot na gramatika? Aba, hindi! Pero, kaya niyang makipag-usap. Ang totoo, ilang taon din ang kailangan ng isang bata para matutuhan ang isang wika.
Ikalima, palaging gamitin hangga’t maaari ang wikang pinag-aaralan mo. “Kapag hindi ko palaging nagagamit ang wikang pinag-aralan ko, parang hindi ako sumusulong,” ang sabi ni Ben. Kaya palagi itong gamitin. Palaging makipag-usap gamit ang wikang natutuhan mo! Sabihin pa, nakakadismaya talagang makipag-usap kung kaunti lamang ang bokabularyong alam mo. “Para sa akin, ang pinakamahirap ay ang hindi ko masabi kung ano ang gusto ko kapag gusto ko itong sabihin,” ang malungkot na sabi ni Mileivi. Pero ang pagkadismayang iyan ang mag-uudyok sa iyo na magtiyaga. “Inis na inis ako noon kapag hindi ko maintindihan ang mga kuwentuhan at mga biruan,” ang sabi ni Mike. “Palagay ko’y iyon ang nagtulak sa akin na magsikap para sumulong.”
Kung Paano Makatutulong ang Iba
Paano makatutulong sa isang nag-aaral ng wika ang mga taong nakapagsasalita ng wikang pinag-aaralan niya? Ganito ang payo ni Bill, na nabanggit kanina, “Bagalan ang pagsasalita subalit sa wastong paraan.” Sinabi naman ni Julie, “Huwag kang mainip, hayaang tapusin ng isang nag-aaral ng wika ang kaniyang sinasabi.” Ganito ang naalaala ni Tony: “Kinakausap ako sa sarili kong wika ng mga taong nagsasalita ng wikang pinag-aaralan ko. Pero ang totoo, hindi ito nakatulong para sumulong ako.” Kaya may mga pagkakataong hinihilingan ng ilang nag-aaral ng ibang wika ang kanilang mga kaibigan na kausapin lamang sila sa wikang pinag-aaralan nila at sabihin sa kanila kung ano ang dapat nilang pasulungin. Nasisiyahan din ang mga nag-aaral ng wika kapag taimtim silang pinapupurihan sa kanilang pagsisikap. Gaya ng sinabi ni George, “Malamang na hindi ako natuto kung hindi dahil sa pag-ibig at pampatibay ng mga kaibigan ko.”
Kaya sulit ba ang pag-aaral ng ibang wika? “Sulit na sulit!” ang sabi ni Bill, na gaya ng nabanggit sa pasimula ay nakapagsasalita ng maraming wika. “Dahil dito, lumawak ang pananaw ko sa buhay. Bilang halimbawa, talagang nadarama kong sulit ang pagsisikap ko dahil natutulungan ko ang mga tao na mag-aral ng Bibliya gamit ang wikang natutuhan ko at nakikita kong tinatanggap nila ang katotohanan at sumusulong sila sa kanilang kaugnayan sa Diyos. Sa katunayan, minsan ay sinabi sa akin ng isang taong nakapagsasalita ng 12 wika: ‘Naiinggit ako sa iyo. Nag-aral ako ng iba’t ibang wika dahil gusto ko lang; pero ikaw, nag-aaral ka para makatulong sa mga tao.’”
[Talababa]
^ par. 11 Tingnan ang isyu ng Gumising!, Enero 8, 2000, pahina 12-13.
[Blurb sa pahina 11]
Matinding pangganyak para mag-aral ng ibang wika ang pagnanais na matulungan ang ibang tao