Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Kung Niyayaya Akong “Makipag-hook Up”?
“Nakikipag-‘hook up’ ang mga kabataan para lamang malaman kung hanggang saan ang kaya nilang gawin at kung gaano karami ang puwede nilang makatalik.”—Penny. *
“Hindi nahihiya ang mga lalaki na pag-usapan ito. Ipinagmamalaki nilang kahit may kasintahan na sila, nakikipagtalik pa rin sila sa ibang mga babae.”—Edward.
“Deretsahan nila akong niyayayang makipag-‘hook up.’ Hindi ka pa rin nila titigilan kahit tinanggihan mo na sila!”—Ida.
SA ILANG lupain, tinatawag itong hookup. Sa ibang lugar, iba ang tawag dito. Halimbawa, sa Hapon, tinatawag itong take-out, ang sabi ng kabataang si Akiko. “May tinatawag ding sefre, na ang ibig sabihin ay sex friend,” ang sabi niya. “Kaibigan mo lamang siya kapag gusto mong makipagtalik sa kaniya.”
Anuman ang tawag dito, iisa ang ibig sabihin nito—pagtatalik ng hindi mag-asawa nang walang anumang damdamin o pananagutang nasasangkot. * Ipinagmamalaki pa nga ng ilang kabataan ang pagkakaroon ng tinatawag nilang mga “kaibigang may pakinabang”—mga kakilala na maaari mong makatalik pero hindi ka obligadong magkaroon ng seryosong ugnayan. “Panandaliang aliw lamang ang pakikipag-hookup,” ang sabi ng isang kabataang babae. “Kapag nakuha mo na ang gusto mo, puwede na kayong maghiwalay.”
Bilang Kristiyano, dapat kang ‘tumakas mula sa pakikiapid.’ * (1 Corinto 6:18) Dahil alam mo ang simulaing ito, malamang na nagsisikap kang iwasan ang mga situwasyong umaakay sa tukso. Pero kung minsan, lumalapit sa iyo ang tukso. “Sa paaralan, maraming lalaki ang nagyayaya sa akin na makipag-hook up,” ang sabi ni Cindy. Puwede rin itong mangyari sa lugar ng trabaho. “Niyaya ako ng aking manedyer na makipag-hook up,” ang sabi ni Margaret. “Masyado siyang mapilit kaya kinailangan kong magbitiw sa aking trabaho!”
Sa kabilang dako, huwag kang magtaka kung nadarama mo na waring gusto mo nang magpadala sa tukso. “Ang puso ay higit na mapandaya kaysa anupamang bagay at mapanganib,” ang sabi ng Bibliya. (Jeremias 17:9) Ganiyan ang naranasan ni Lourdes. Inamin niya, “Gusto ko ang lalaking nagyaya sa akin na makipagtalik.” Ganiyan din ang nadama ni Jane. “Gustung-gusto ko siya,” ang pag-amin niya. “Nahirapan talaga akong tanggihan siya.” Inamin din ni Edward, na binanggit kanina, na hindi madaling manatiling malinis sa moral. “Maraming babae ang nagyaya sa akin na makipagtalik, at ang pagtanggi ang pinakamahirap gawin bilang Kristiyano,” ang sabi niya. “Nahirapan akong magsabi ng hindi!”
Kung nadarama mo ang nadama nina Lourdes, Jane, at Edward, pero ginawa mo ang tama sa paningin ng Diyos na Jehova, dapat kang papurihan. Maaaring maaliw kang malaman na si apostol Pablo man ay napaharap sa patuluyang pakikipaglaban sa maling mga hilig.—Roma 7:21-24.
Anong mga simulain sa Bibliya ang dapat mong isaisip kapag niyaya kang makipagtalik?
Kung Bakit Mali ang Pagtatalik ng Hindi Mag-asawa
Hinahatulan ng Bibliya ang pagtatalik ng hindi mag-asawa. Sa katunayan, napakabigat na kasalanan ng pakikiapid anupat ang mga namimihasa sa paggawa nito ay “hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.” (1 Corinto 6:9, 10) Upang malabanan ang tuksong makipagtalik sa hindi mo asawa, dapat mong tularan ang pananaw ni Jehova sa bagay na ito. Dapat na maging pasiya mo na manatiling malinis sa moral.
“Talagang naniniwala ako na ang paraan ni Jehova ang pinakamagaling na paraan ng pamumuhay.”—Karen, Canada.
“Malaki ang mawawala kapag winalang-bahala ng isa ang mga batas ni Jehova sa moral kapalit lamang ng ilang saglit ng kaluguran.”—Vivian, Mexico.
“Tandaan na may mga magulang ka, mga kaibigan, at mga kakongregasyon. Tiyak na malulungkot silang lahat kapag nagpadala ka sa tukso!”—Peter, Britanya.
Sumulat si apostol Pablo: “Patuloy ninyong tiyakin kung ano ang kaayaaya sa Panginoon.” (Efeso 5:10) Kapag tinularan mo ang pananaw ni Jehova hinggil sa pakikiapid, ‘kapopootan mo ang kasamaan,’ bagaman maaaring kaakit-akit ito sa di-sakdal na laman.—Awit 97:10.
◼ Iminumungkahing basahin: Genesis 39:7-9. Pansinin ang katapangan at katatagan ni Jose na labanan ang tuksong gumawa ng imoralidad at kung ano ang tumulong sa kaniya na labanan ito.
Ipagmalaki ang Iyong mga Paniniwala
Karaniwan sa mga kabataan na ipagmalaki at ipagtanggol ang mga bagay na pinaniniwalaan nila. Bilang Kristiyano, pribilehiyo mong ipagtanggol ang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng iyong mabuting paggawi. Huwag ikahiya ang iyong matatag na determinasyong hindi makipagtalik nang di-kasal.
“Sa simula pa lamang, ipaalam mo nang may sinusunod kang mga pamantayang moral.”—Allen, Alemanya.
“Huwag mong ikahiya ang iyong mga paniniwala.”—Esther, Nigeria.
“Babale-walain ng iyong mga kasamahan ang sinasabi mong ayaw mong makipag-hook up kung ang dahilan mo ay, ‘Ayaw kasi ng mga magulang ko na makipag-date ako.’ Dapat mong sabihin sa kanila na ikaw ang hindi interesadong makipag-date sa kanila.”—Janet, Timog Aprika.
“Kilala ako ng mga lalaking naging kaeskuwela ko sa haiskul, kaya alam nila na sayang lamang ang kanilang pagsisikap na yayain ako.”—Vicky, Estados Unidos.
Kapag naninindigan ka sa iyong mga paniniwala, katunayan ito na ikaw ay nagiging isang may-gulang na Kristiyano.—1 Corinto 14:20.
◼ Iminumungkahing basahin: Kawikaan 27:11. Isip-isipin kung paano sinusuportahan ng paninindigan mo ang pinakadakilang usapin kailanman—ang pagpapabanal sa pangalan ni Jehova!
Maging Matatag!
Mahalaga na tumanggi ka. Pero baka isipin ng iba na “nagpapakipot” ka lamang.
“Maaaring isipin ng isa na hamon sa kaniya ang iyong pagtanggi, isang balakid na dapat niyang mapagtagumpayan, kaya naman lalo siyang nagiging pursigido.”—Lauren, Canada.
“Dapat makita sa lahat ng ginagawa mo—pati na sa iyong paraan ng pananamit, pagsasalita, kung sino ang mga kinakausap mo, at kung paano ka makitungo sa mga tao—na matatag ka sa iyong pasiya.”—Joy, Nigeria.
“Dapat na matatag at mariin ang iyong pagtanggi.”—Daniel, Australia.
“Magpakatatag ka! Nang may lalaking nagpahiwatig na may gusto siya sa akin at ipinatong niya ang kaniyang kamay sa balikat ko, sinabi ko, ‘Huwag mo nga akong hawakan!’ at iniwan ko siya at inirapan.”—Ellen, Britanya.
“Sabihin mo sa kaniya nang deretsahan na hindi ka interesado at hindi ka magiging interesado kahit kailan. Hindi ito ang panahon para maging maamo!”—Jean, Scotland.
“Palagi akong kinukulit ng isang lalaki na sumama sa kaniya at sinasabihan pa nga niya ako ng masasakit na salita. Dumating sa punto na kailangan ko na siyang deretsahin. Saka lamang niya ako tinigilan.”—Juanita, Mexico.
“Kailangan mong linawin na hinding-hindi ka papayag na makipag-‘hook up.’ Huwag na huwag kang tatanggap ng mga regalo mula sa mga lalaking nagyayayang makipagtalik sa iyo. Puwede nilang isumbat sa iyo ang mga ito.”—Lara, Britanya.
Tutulungan ka ni Jehova kung ipakikita mong matatag ka. Dahil sa naranasan ng salmistang si David, ganito ang masasabi niya tungkol kay Jehova: “Sa matapat ay kikilos ka nang may pagkamatapat.”—Awit 18:25.
◼ Iminumungkahing basahin: 2 Cronica 16:9. Pansinin kung gaano kasabik si Jehova na tumulong sa mga may pusong sakdal sa kaniya.
Maging Maingat
Sinasabi ng Bibliya: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli.” (Kawikaan 22:3) Paano mo magagawa iyan? Sa pamamagitan ng pagiging maingat!
“Hangga’t maaari, huwag makisama sa mga taong mahilig mag-usap tungkol sa gayong mga bagay.”—Naomi, Hapon.
“Iwasan ang mga kasama at mga situwasyon na maaaring umakay sa panganib. Halimbawa, may mga kilala ako na nagpadala sa tukso dahil nakainom sila.”—Isha, Brazil.
“Huwag magbigay ng personal na impormasyon, gaya ng iyong adres o numero ng telepono.”—Diana, Britanya.
“Huwag basta makipagbeso-beso sa iyong mga kaklase.”—Esther, Nigeria.
“Maging maingat sa iyong pananamit. Hindi ito dapat mapang-akit.”—Heidi, Alemanya.
“Napakalaking proteksiyon sa iyo kung malapít
ka sa iyong mga magulang at ipinakikipag-usap mo sa kanila ang mga bagay na ito.”—Akiko, Hapon.Suriin ang iyong pananalita, paggawi, kung sinu-sino ang nakakasama mo, at kung saan ka madalas pumunta. Saka mo tanungin ang iyong sarili, ‘Inilalagay ko ba ang sarili ko sa isang situwasyon—o may ikinikilos ba ako nang hindi ko namamalayan—na malamang na mag-udyok sa kanila na yayain akong makipagtalik?’
◼ Iminumungkahing basahin: Genesis 34:1, 2. Alamin kung paano napahamak ang dalagang si Dina dahil sa pagpunta niya sa lugar na hindi niya dapat puntahan.
Tandaan, ang pakikipagtalik sa hindi mo asawa ay isang seryosong bagay sa Diyos na Jehova; gayundin ang dapat na maging pananaw mo. Ganito ang sabi ng Bibliya: “Walang sinumang mapakiapid o taong marumi . . . ang may anumang mana sa kaharian ng Kristo at ng Diyos.” (Efeso 5:5) Kung maninindigan ka sa paggawa ng tama, mapananatili mo ang isang malinis na budhi at ang iyong paggalang sa sarili. Gaya ng sinabi ng dalagang si Carly, “Bakit ka ‘magpapagamit’ sa iba para lamang sa kanilang panandaliang aliw? Huwag mong sirain ang malinis na katayuan mo sa harap ni Jehova na matagal mo nang pinakaiingat-ingatan!”
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask . . .” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Mga talababa]
^ par. 3 Binago ang ilang pangalan sa artikulong ito.
^ par. 7 Ang mga termino ay maaari ding tumukoy sa iba pang paggawi, gaya ng paghihipuan at mainit na paghahalikan.
^ par. 8 Kasama sa pakikiapid ang seksuwal na paggawi ng dalawang taong hindi mag-asawa gaya ng pagtatalik, oral at anal sex, pakikipagtalik sa kasekso, pagsasagawa ng masturbasyon sa ibang tao, at iba pang mahalay na paggawing malinaw na nagsasangkot sa maling paggamit ng mga sangkap sa pag-aanak.
PAG-ISIPAN
◼ Bagaman maaaring kaakit-akit sa di-sakdal na laman ang paggawa ng imoralidad, bakit ito mali?
◼ Ano ang gagawin mo kung may magyaya sa iyo na makipagtalik?
[Kahon sa pahina 27]
◼ Sinasabi ng Bibliya na ang taong namimihasa sa pakikiapid “ay nagkakasala laban sa kaniyang sariling katawan.” (1 Corinto 6:18) May maiisip ka bang mga epekto ng pakikiapid na nagpapatunay rito? Itala ang mga ito sa ibaba.
․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․․
Mungkahi: Upang matulungan kang masagot ang tanong sa itaas, tingnan ang Nangangatuwiran Mula sa Kasulatan, pahina 303, at Insight on the Scriptures, Tomo 1, pahina 863. Ang mga aklat na ito ay inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Kahon sa pahina 29]
MENSAHE SA MGA MAGULANG
“Sa paaralan, niyaya ako ng kaklase ko na ‘makipag-hook up.’ Hindi ko kaagad naintindihan ang ibig niyang sabihin. Labing isang taóng gulang lang ako noon.”—Leah.
Kapansin-pansin na sa murang edad, nahahantad na ang mga bata sa mga usapan hinggil sa sekso. Matagal nang inihula sa Bibliya na sa “mga huling araw,” mararanasan ang “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan,” kung kailan ang mga tao ay “walang pagpipigil sa sarili” at “maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1, 3, 4) Ang nauusong “pakikipag-hook up,” na itinampok dito sa artikulo para sa mga kabataan, ay isa sa maraming indikasyon na natutupad na ang hulang ito.
Ibang-iba ang daigdig ngayon kung ihahambing sa panahon ng inyong kabataan. Subalit sa isang banda, pareho ang mga problema. Kaya huwag kayong masyadong mangamba sa masasamang impluwensiyang nakakaharap ng inyong mga anak. Sa halip, maging determinadong tulungan sila na gawin ang gaya ng sinabi ni apostol Pablo sa mga Kristiyano mga 2,000 taon na ang nakalilipas: “Isuot ninyo ang kumpletong kagayakang pandigma mula sa Diyos upang makatayo kayong matatag laban sa mga pakana ng Diyablo.” (Efeso 6:11) Ang totoo, kapuri-puri ang maraming kabataang Kristiyano dahil naninindigan sila sa kung ano ang tama, sa kabila ng masasamang impluwensiya sa palibot nila. Paano ninyo matutulungan ang inyong mga anak na gayundin ang gawin?
Ang isang paraan ay ipakipag-usap ang artikulong ito sa inyong anak. Ang mga seksiyon na “iminumungkahing basahin” ay may mga teksto para pag-isipan. Itinatampok ng ilang teksto ang tunay na mga karanasan ng mga nanindigan sa kung ano ang tama at sa gayo’y pinagpala, at gayundin ng mga nagwalang-bahala sa mga batas ng Diyos at napahamak. Ang iba pang mga teksto sa mga seksiyon na “iminumungkahing basahin” ay may mga simulaing makatutulong sa inyong mga anak na pahalagahan ang kanilang dakilang pribilehiyo—at pribilehiyo rin ninyo—na mamuhay alinsunod sa mga batas ng Diyos. Bakit hindi iiskedyul na talakayin ang materyal na ito sa inyong mga anak ngayon?
Palaging sa ikabubuti natin ang pagsunod sa mga pamantayan ng Diyos. (Isaias 48:17, 18) Kapag winalang-bahala natin ang mga ito, tiyak na aakay ito sa matinding pasakit. Dalangin ng mga tagapaglathala ng Gumising! na pagpalain ni Jehova ang inyong pagsisikap na maikintal sa puso ng inyong mga anak ang mga batas at simulain ng Diyos.—Deuteronomio 6:6, 7.
[Larawan sa pahina 28]
Kailangan mong linawin na hinding-hindi ka papayag na makipag-“hook up”