Ang Pangmalas ng Bibliya
Itinadhana ba ang Iyong Buhay?
Isang umaga, samantalang nagbibiyahe ang dalawang lalaki papasok sa trabaho, ipinasiya nilang dumaan sa mas maikling ruta kung saan dating nakatira ang isa sa kanila. Sa kanilang paglalakbay, nakita nilang nasusunog ang isang bahay. Huminto sila at iniligtas ang isang ina at ang limang anak nito gamit ang dala nilang hagdan. “Marahil iyon ang kapalaran nila,” ang komento ng isang pahayagan hinggil sa insidenteng iyon.
MARAMI ang naniniwala na ang lahat ng nangyayari sa kanila, mabuti man o masama, ay itinalaga ng isang puwersa na hindi nila kayang kontrolin. Halimbawa, isinulat ng isang repormador noong ika-16 na siglo na si John Calvin: “Para sa amin, ang pagtatadhana ay walang-hanggang plano ng Diyos, kung saan siya ang nagpapasiya kung ano ang gusto niyang gawin sa bawat indibiduwal. Sapagkat hindi niya sila nilalang nang pantay-pantay, kundi itinatalaga niya ang ilan sa buhay na walang hanggan at ang ilan naman ay sa walang-hanggang kaparusahan.”
Talaga bang itinatadhana ng Diyos kung ano ang gagawin natin sa ating buhay at kung ano ang kahihinatnan nito? Ano ang itinuturo ng Bibliya?
Ang “Katuwiran” ng Pagtatadhana
Ganito ang karaniwang iniisip ng ilang naniniwala sa pagtatadhana: Ang Diyos ay omnisyente. Alam niya ang lahat ng bagay, maging ang mangyayari sa hinaharap. Alam niya kung paano mamumuhay ang bawat indibiduwal, at alam na niya kung kailan at paano mamamatay ang bawat isa. Kaya ayon sa kanilang paniniwala, ang pasiya ng isang tao ay laging kaayon ng kung ano ang patiunang nakita at itinalaga ng Diyos; kung hindi, hindi masasabing alam ng Diyos ang lahat ng bagay. Sa palagay mo, makatuwiran ba ito?
Tingnan kung ano ang idudulot ng ganitong pangangatuwiran.Kung may isang puwersa na nagtalaga ng iyong kinabukasan, walang kabuluhan na ingatan mo pa ang iyong sarili. Manigarilyo ka man o hindi, wala itong epekto sa kalusugan mo o ng iyong pamilya. Hindi rin makatutulong o makapagliligtas ang pagkakabit ng sinturong pangkaligtasan kapag nagbibiyahe. Subalit mali ang pangangatuwirang ito. Ipinakikita ng estadistika na mas kaunti ang namamatay kapag nag-iingat ang mga tao. Maaaring humantong sa kapahamakan ang hindi pag-iingat.
Narito ang isa pang makatuwirang paliwanag. Kung patiunang inaalam ng Diyos ang lahat ng bagay, alam na niya na susuway sina Adan at Eva bago pa niya lalangin ang mga ito. Subalit nang sabihin ng Diyos kay Adan na huwag siyang kakain mula sa “punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama” dahil mamamatay siya kung gagawin niya ito, alam na ba ng Diyos sa simula pa lamang na kakain si Adan mula roon? (Genesis 2:16, 17) Nang sabihin ng Diyos sa unang mag-asawa: “Magpalaanakin kayo at magpakarami at punuin ninyo ang lupa at supilin iyon, at magkaroon kayo ng kapamahalaan sa mga isda sa dagat at sa mga lumilipad na nilalang sa langit at sa bawat nilalang na buháy na gumagala sa ibabaw ng lupa,” alam na ba niya na nakatalagang mabigo ang kanilang magandang pag-asa na mabuhay sa paraiso? Hindi.—Genesis 1:28.
Kung totoo ang ideya na patiunang inaalam ng Diyos ang lahat ng desisyon ng tao, nangangahulugan ito na siya ang dahilan ng lahat ng mga nangyayari—kasali na ang digmaan, kawalang-katarungan, at pagdurusa. Gayon nga ba? Malinaw na makikita ang sagot sa sinabi ng Diyos hinggil sa kaniyang sarili.
‘Pumili Ka’
Sinasabi ng Kasulatan na “ang Diyos ay pag-ibig” at na siya ay “maibigin sa katarungan.” Palagi niyang hinihimok ang kaniyang bayan: “Kapootan ninyo ang kasamaan, at ibigin ang kabutihan.” (1 Juan 4:8; Awit 37:28; Amos 5:15) Sa maraming pagkakataon, hinihimok niya ang kaniyang mga matapat na piliin ang matuwid na landas ng buhay. Halimbawa, nang makipagtipan si Jehova sa sinaunang bansang Israel, sinabi niya sa kanila, sa pamamagitan ni Moises: “Kinukuha ko ang langit at ang lupa bilang mga saksi laban sa inyo ngayon, na inilagay ko ang buhay at kamatayan sa harap mo, ang pagpapala at ang sumpa; at piliin mo ang buhay upang manatili kang buháy, ikaw at ang iyong supling.” (Deuteronomio 30:19) Itinalaga na ba ng Diyos kung alin ang pipiliin ng mga indibiduwal? Maliwanag na hindi.
Pinayuhan ni Josue, isang lider ng bayan ng Diyos noong sinaunang mga panahon, ang kaniyang mga kababayan: “Piliin ninyo ngayon para sa inyong sarili kung sino ang paglilingkuran ninyo . . . Kung para sa akin at sa aking sambahayan, maglilingkod kami kay Jehova.” (Josue 24:15) Gayundin ang sinabi ng propeta ng Diyos na si Jeremias: “Sundin mo, pakisuyo, ang tinig ni Jehova sa bagay na sinasalita ko sa iyo, at mapapabuti ka, at ang iyong kaluluwa ay mananatiling buháy.” (Jeremias 38:20) Hihimukin ba ng isang matuwid at maibiging Diyos ang mga tao na gumawa ng tama at paaasahin na pagpapalain sila kung alam naman niyang nakatalaga silang mabigo? Hindi. Ang gayong paghimok ay magiging isang panlilinlang.
Kaya kapag may nangyaring mabuti o masama sa iyong buhay, hindi ito dahil sa nakatalaga itong maganap. Kalimitan, ang ‘di-inaasahang mga pangyayari’ ay resulta lamang ng pasiya ng ibang tao—matalino man ito o hindi. (Eclesiastes 9:11) Oo, ang kinabukasan mo ay hindi itinadhana, at ang iyong walang-hanggang kinabukasan ay nakasalalay sa sarili mong mga pasiya.
ANO ANG MASASABI MO?
◼ Itinadhana ba ng Diyos na magkakasala sina Adan at Eva?—Genesis 1:28; 2:16, 17.
◼ Anu-anong katangian ng Diyos ang magpapatunay na mali ang pagtatadhana?—Awit 37:28; 1 Juan 4:8.
◼ Ano ang iyong pananagutan?—Josue 24:15.
[Blurb sa pahina 13]
Ipinakikita ng estadistika na mas kaunti ang namamatay kapag nag-iingat ang mga tao