Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ang Pangmalas ng Bibliya

Ano ang Tamang Pangmalas sa Pera?

Ano ang Tamang Pangmalas sa Pera?

“ANG salapi ay pananggalang,” ang sabi ng Bibliya. (Eclesiastes 7:12) Dahil ang pera ay ipinambibili ng pagkain, damit, at tirahan, nagsisilbi itong proteksiyon laban sa mga problemang dulot ng kahirapan. Oo, sa materyal na paraan, kayang ibigay ng pera ang halos lahat ng bagay. ‘Nakatutugon ito sa lahat ng bagay,’ ang sabi ng Eclesiastes 10:19.

Pinasisigla tayo ng Salita ng Diyos na maging masipag sa trabaho upang matustusan natin ang ating sarili at ang ating pamilya. (1 Timoteo 5:8) Ang pagiging tapat at masipag sa trabaho ay nagdudulot ng kasiyahan, paggalang, at katiwasayan.​—Eclesiastes 3:12, 13.

Bukod diyan, nagagawa nating maging bukas-palad dahil sa ating kasipagan sa pagtatrabaho. “May higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap,” ang sabi ni Jesus. (Gawa 20:35) Nararanasan natin ang gayong kaligayahan kapag masaya nating ginagamit ang ating pera upang tulungan ang mga nagdarahop, lalo na ang mga kapuwa Kristiyano, o para ibili ng regalo ang isang mahal sa buhay.​—2 Corinto 9:7; 1 Timoteo 6:17-19.

Pinasigla ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na maging bukas-palad, hindi lamang paminsan-minsan kundi sa buong buhay nila. “Ugaliin ang pagbibigay,” ang sabi niya. (Lucas 6:38) Kapit din ang simulaing ito sa pag-aabuloy upang itaguyod ang mga kapakanan ng Kaharian ng Diyos. (Kawikaan 3:9) Oo, ang ating pagkabukas-palad sa ganitong paraan ay tutulong sa atin na “makipagkaibigan” kay Jehova at sa kaniyang Anak.​—Lucas 16:9.

Mag-ingat Laban sa “Pag-ibig sa Salapi”

Bihirang magbigay ang mga taong makasarili, at kung gawin man nila ito, malamang na may hinihintay silang kapalit. Madalas na ang dahilan nito ay ang pag-ibig sa pera, na karaniwan namang nagdudulot ng kalungkutan sa halip na kaligayahang inaasahan nila. “Ang pag-ibig sa salapi ay ugat ng lahat ng uri ng nakapipinsalang mga bagay, at sa pag-abot sa pag-ibig na ito ang ilan ay nailigaw mula sa pananampalataya at napagsasaksak ng maraming kirot ang kanilang sarili,” ang sabi ng 1 Timoteo 6:10. Bakit kaya ang pag-ibig sa salapi ay hindi makapagdulot ng kaligayahan at kapaha-pahamak pa nga?

Ang isang dahilan ay sapagkat gaanuman karaming pera ang taglay ng isang taong sakim, hindi pa rin siya nasisiyahan dito. “Ang maibigin sa pilak ay hindi masisiyahan sa pilak,” ang sabi ng Eclesiastes 5:10. Kaya ‘pinagsasaksak ng mga umiibig sa salapi ang kanilang sarili’ ng walang-katapusang kabiguan. Karagdagan pa, ang kanilang kasakiman ang nagiging dahilan kung kaya wala silang magandang ugnayan sa iba, hindi maligaya ang kanilang buhay pampamilya, at hindi pa nga sila mapagkatulog. “Matamis ang tulog ng isang naglilingkod, kaunti man o marami ang kaniyang kinakain; ngunit ang mayaman ay hindi pinatutulog ng kaniyang kasaganaan.” (Eclesiastes 5:12) Higit sa lahat, hindi nalulugod ang Diyos sa mga umiibig sa pera.​—Job 31:24, 28.

Sa Bibliya at sa sekular na kasaysayan, maraming binanggit na mga taong nagnakaw, gumawa ng katiwalian, nagbenta ng kanilang katawan, pumatay, nagkanulo, at nagsinungaling​—dahil lamang sa pera. (Josue 7:1, 20-26; Mikas 3:11; Marcos 14:10, 11; Juan 12:6) Noong panahon ng kaniyang ministeryo sa lupa, inanyayahan ni Jesus ang isang “napakayaman” na tagapamahala na sumunod sa kaniya. Nakalulungkot, tinanggihan ng lalaking ito ang napakagandang paanyaya ni Jesus dahil malaki itong kalugihan sa kaniya. Bilang tugon, ibinulalas ni Jesus: “Kay hirap na bagay nga para roon sa mga may salapi ang pumasok sa kaharian ng Diyos!”​—Lucas 18:23, 24.

Sa “mga huling araw” na ito, dapat na lalo nang mag-ingat ang mga Kristiyano dahil gaya ng inihula, ang mga tao sa pangkalahatan ay “mga maibigin sa salapi.” (2 Timoteo 3:1, 2) Ang mga tunay na Kristiyano na nananatiling palaisip sa kanilang espirituwal na pangangailangan ay hindi nagpapatangay sa nangingibabaw na impluwensiyang ito ng kasakiman, dahil taglay nila ang isang bagay na di-hamak na mas nakahihigit sa pera.

Isang Bagay na Nakahihigit sa Pera

Nang sabihin ni Haring Solomon na ang salapi ay nagsisilbing pananggalang, sinabi rin niya na “ang karunungan ay pananggalang” dahil ‘iniingatan nitong buháy ang mga nagtataglay nito.’ (Eclesiastes 7:12) Ano ang ibig niyang sabihin? Tinutukoy rito ni Solomon ang karunungang nakasalig sa tumpak na kaalaman sa Kasulatan at sa kaayaayang pagkatakot sa Diyos. Dahil nakahihigit ito sa pera, naiingatan ng gayong makadiyos na karunungan ang isang tao mula sa maraming problema sa buhay at maging sa maagang pagkamatay. Gayundin, tulad ng isang korona, niluluwalhati ng tunay na karunungan ang mga nagtataglay nito at natatamo nila ang paggalang ng iba. (Kawikaan 2:10-22; 4:5-9) At yamang nakakamit ng isa ang lingap ng Diyos dahil sa karunungang ito, tinawag itong “punungkahoy ng buhay.”​—Kawikaan 3:18.

Ang gayong karunungan ay tiyak na makakamit ng mga taimtim na naghahangad at naghahanap nito. “Anak ko, kung . . . tatawag ka ukol sa pagkaunawa at ilalakas mo ang iyong tinig ukol sa kaunawaan, kung patuloy mo itong hahanapin na gaya ng pilak, at patuloy mo itong sasaliksikin na gaya ng nakatagong kayamanan, kung magkagayon ay mauunawaan mo ang pagkatakot kay Jehova, at masusumpungan mo ang mismong kaalaman sa Diyos. Sapagkat si Jehova ay nagbibigay ng karunungan; sa kaniyang bibig ay nanggagaling ang kaalaman at kaunawaan.”​—Kawikaan 2:1-6.

Dahil mas mahalaga sa kanila ang karunungan kaysa sa pera, natatamasa ng mga tunay na Kristiyano ang isang antas ng kapayapaan, kaligayahan, at katiwasayang wala sa mga umiibig sa pera. Ganito ang sinasabi ng Hebreo 13:5: “Maging malaya nawa mula sa pag-ibig sa salapi ang inyong paraan ng pamumuhay, habang kayo ay kontento na sa mga bagay sa kasalukuyan. Sapagkat . . . sinabi [ng Diyos]: ‘Hindi kita sa anumang paraan iiwan ni sa anumang paraan ay pababayaan.’” Hindi kayang ibigay ng pera ang ganitong katiyakan.

NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?

◼ Paano nagsisilbing proteksiyon ang pera?​—Eclesiastes 7:12.

◼ Bakit nakahihigit sa pera ang makadiyos na karunungan?​—Kawikaan 2:10-22; 3:13-18.

◼ Bakit natin dapat iwasan ang pag-ibig sa salapi?​—Marcos 10:23, 25; Lucas 18:23, 24; 1 Timoteo 6:9, 10.