Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Toledo—Napakagandang Pagsasama ng mga Kultura ng Edad Medya

Toledo—Napakagandang Pagsasama ng mga Kultura ng Edad Medya

Toledo​—Napakagandang Pagsasama ng mga Kultura ng Edad Medya

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

MATATAGPUAN sa sentro ng Iberian Peninsula ang granitong burol na halos napalilibutan ng Ilog Tagus. Sa paglipas ng maraming siglo, ang ilog ay nakagawa ng mga bangin na nagsilbing proteksiyon sa mga gilid ng burol. Nasa estratehikong burol na ito ang Toledo, isang lunsod na kahawig ng Espanya at ng kultura nito.

Sa ngayon, kung daraan ka sa makikipot at paliku-likong lansangan ng makasaysayang Toledo, para kang nagbalik sa panahon ng Edad Medya. Makikita pa rin sa mga pasukan, kastilyo, at mga tulay ang disenyo ng Edad Medya na nagpapagunitang ang Toledo noon ay isa sa pinakaimportanteng lunsod sa Europa.

Subalit ang Toledo ay hindi isang pangkaraniwang lunsod ng Europa. Makikita maging sa arkitektura ng istasyon ng tren ang impluwensiya ng Silangan. Kung susuriin ang mga monumento at mga gawang-sining, mababanaag ang iba’t ibang sibilisasyong nanirahan dito sa nakalipas na mga siglo. Noong maunlad ang Toledo, mga 700 taon na ang nakalilipas, naging sentro ito ng iba’t ibang kultura ng Edad Medya.

Iba’t Ibang Kultura

Bago pa man dumating ang mga Romano sa Espanya, nakapagtatag na ng isang lunsod sa estratehikong lugar na ito ang mga Celt at Iberian. Tinawag ito ng mga Romano na Toletum (mula sa tollitum, na nangangahulugang “itinaas”) at ginawa itong isa sa kanilang kabiserang panlalawigan. Inilarawan ng Romanong istoryador na si Livy ang Toledo bilang “isang maliit na lunsod, pero nakukutaan dahil sa likas na lokasyon nito.” Nang sakupin ng mga Visigoth ang Espanya matapos bumagsak ang Imperyo ng Roma, ginawa nilang kabisera ang Toledo. Sa lugar na ito tinanggihan ni Haring Reccared ang Arianismo noong ikaanim na siglo, na naging dahilan upang maging sentro ng ortodoksong Katolisismo ang Espanya at sentro naman ng pangunahing arsobispo ang Toledo.

Nagbago ang kalagayan sa relihiyon nang sakupin ng mga Muslim ang Toledo. Sa panahong ito ginawa ang makikipot na lansangan sa sinaunang lunsod, na tumagal mula ika-8 siglo hanggang ika-11 siglo. Pinahintulutan ng mga Muslim na umiral din sa Toledo ang kultura ng mga Kristiyano, Judio, at Moro. Sa wakas, noong 1085, sinakop ni Haring Alfonso VI (isang Katolikong hari) ang lunsod. Bagaman nagbago na ang pamamahala, nagpatuloy pa rin ang mga kulturang ito sa loob ng ilang siglo.

Karamihan sa pinakamalalaking monumento sa Toledo ay itinayo noong Edad Medya. Ginawang kabisera ng mga pinunong Katoliko ang lunsod, ginamit naman ng mga mamamayang Judio ang kanilang kahusayan sa mga gawang-sining at komersiyo, at iniambag ng mga dalubhasang Muslim ang kanilang kasanayan sa arkitektura. Ang mga iskolar ng tatlong magkakaibang relihiyong ito ang bumuo sa Pangkat ng mga Tagapagsalin. Noong ika-12 at ika-13 siglo, isinalin nila sa wikang Latin at Kastila ang napakaraming sinaunang akda. Dahil sa mga tagapagsaling ito, nabasa ng mga taga-Kanluran ang natipong mga kaalaman ng sibilisasyong Arabe.

Nagwakas ang kalayaan sa relihiyon noong ika-14 na siglo nang libu-libong mamamayang Judio ang namatay sa mga relihiyosong kilusan. Nang matuklasan ni Columbus ang Amerika, naitatag na ng Inkisisyong Kastila ang tribunal sa Toledo at kinailangang magpakumberte rito ang mga Judio at Muslim, dahil kung hindi, ipatatapon sila.

Mga Monumento ng Nakalipas na Tagumpay

Sa ngayon ay makikita sa sentro ng lunsod ng Toledo ang mahigit sandaang monumento. Dahil punung-puno ng kasaysayan ang lugar na ito, idineklara ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization na World Heritage City ang Toledo. Ang dalawa sa pinakamalalaking istraktura ng Edad Medya ay ang mga tulay sa Ilog Tagus, na dinaraanan patungong lunsod mula sa silangan at ang isa naman ay mula sa kanluran. Tiyak na mapapansin mo ang napakalaking pasukang Puerta Nueva de Bisagra, na nagsisilbing proteksiyon upang hindi basta mapasok ang lunsod na nababakuran ng sinaunang pader.

Mula sa malayo, dalawang prominenteng monumento ang matatanaw sa Toledo. Nasa silangan ang isang napakalaking kuwadradong tanggulan na tinatawag na Alcázar. Sa nakalipas na mga siglo, ito ay naging praetorium (tirahan ng gobernador) ng mga Romano, palasyo ng mga monarkang Visigoth, tanggulan ng mga Arabe, at tirahan ng mga haring Kastila. Naririto ngayon ang Army Museum at ang isang napakalaking aklatan. Ngunit dahil pangunahin nang isang relihiyosong lunsod ang Toledo, ang napakalaking katedral na Gotiko ang pinakaprominente sa sentro ng lunsod.​—Tingnan ang kahon sa pahina 17.

Makikita sa katedral at sa iba pang mga simbahan sa Toledo ang mga iginuhit na larawan ng isang bantog na pintor na nanirahan dito. Nakilala siya bilang El Greco, na nangangahulugang “Ang Griego.” Ang buong pangalan niya ay Doménikos Theotokópoulos. Nakatayo ngayon malapit sa dati niyang tirahan sa sinaunang lugar ng mga Judio ang isang museo na kinaroroonan ng ilan sa kaniyang mga iginuhit na larawan.

Marahil ay lalong kahanga-hanga ang Toledo kapag pinagmasdan mula sa mga burol kung saan matatanaw mo ang lunsod mula sa timog. Pero lalo kang hahanga sa ganda ng Toledo kapag nilibot mo ang makikipot na lansangan nito. Posibleng maligaw ka, pero di-magtatagal at mawiwili ka sa sinaunang mga daanan, gusali, balkonahe, at nakatutuksong tindahan ng mga subenir.

Bagaman parang hindi tumatakbo ang oras sa sinaunang lunsod na ito, sa dakong huli ay kailangan mo na ring magpaalam sa Toledo. Ang pinakamagandang daan ay sa timugang pampang ng Ilog Tagus. Habang nagdarapit-hapon, ang papalubog na araw ay nagsasabog ng mamula-mulang sinag sa buong lunsod at minsan pang mababanaag sa naglalakihang mga monumento ang maunlad na panahon nito.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 17]

ANG TATLONG KULTURA NG TOLEDO

Noong Edad Medya, ang Toledo ay nahahati sa tatlong seksiyon na pinaninirahan ng mga Katoliko, Judio, at Muslim ayon sa kani-kanilang batas at kostumbre. Ang ilan sa kani-kanilang sinaunang dako ng pagsamba ay naging pangunahing atraksiyon sa mga turista.

➤ Makikita sa isang ikasampung-siglong moske, tinatawag ngayong Cristo de la Luz, ang sining ng paglalagay ng ladrilyo na gawa ng mga Muslim. Nakatayo ito sa lugar ng Medina sa lunsod, na pinaninirahan noon ng mayayamang Muslim.

➤ Bagaman ginawang mga simbahang Katoliko nang maglaon, ang dalawang sinagoga ng Edad Medya ay naroroon pa rin, na nagpapatunay na nagkaroon ng malaking komunidad ng mga Judio sa Toledo, na noon ay bumubuo sa sangkatlo ng populasyon ng lunsod. Ang pinakamatanda ay ang Santa María la Blanca, at ang loob nito, gaya ng moske sa itaas, ay may maraming mararangyang haligi. Ang mas maluwang na sinagoga, ang El Tránsito (kanan), ay ginawa na ngayong museo ng kultura ng mga Judio.

➤ Ang konstruksiyon ng pinakamalaking Gotikong katedral ng Espanya ay pinasimulan noong ika-13 siglo na umabot ng mahigit 200 taon bago natapos.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 18]

ESPESYAL NA MGA ESPADA AT MATAMIS NA MARZIPAN

Sa loob ng mahigit dalawang libong taon, ang mga panday sa lunsod ay gumagawa na ng mga espada, at nakilala ang Toledo dahil sa kanilang magandang klase ng metal. Ginamit ng mga hukbo ni Hannibal at ng mga hukbong Romano ang mga espadang ito, na pinanday sa tabi ng Ilog Tagus. Pagkalipas ng ilang siglo, pinauso naman ng mga Muslim ang istilo ng mga taga-Damasco sa pag-uukit para pagandahin ang kanilang mga espada at baluting gawa sa Toledo. Ang isang halimbawa nito ay ang replika ng espadang gawa sa Toledo na makikita sa kaliwa. (Tingnan ang artikulong “Disenyong Yari sa Ginto na Nasa Metal,” sa isyu ng Gumising! ng Enero 22, 2005.) Sa ngayon, makikita sa karamihan sa mga tindahan ng subenir sa lunsod ang maraming mapagpipiliang espada, na may kasamang kagayakang pandigma. Bukod sa ginagawang koleksiyon, ang mga espadang ito ay malamang na gamitin sa mga pelikula at hindi sa digmaan.

Ang isa pang tradisyon sa Toledo ay ang paggawa ng marzipan, na nagsimula noong sakupin ng mga Arabe ang lunsod. Mayroon nang malawak na taniman ng almendras ang Espanya nang dumating ang mga Muslim, pero wala pang asukal na isa ring importanteng sangkap ng marzipan. Sa loob ng 50 taóng pananakop ng Muslim, nagsulputan ang taniman ng tubo sa timugang bahagi ng Espanya. Pagsapit ng ika-11 siglo, ang marzipan ay naging espesyalidad ng Toledo, at mula noon ay naging paborito na ito ng mahihilig sa matamis. May mga tindahan ngayon sa Toledo na ang tinda lamang ay marzipan, na madalas na ginagawang maliliit na pigurin. Hindi makukumpleto ang pagpasyal sa Toledo kung hindi matitikman ang nakatatakam na mga pagkaing ito.

[Credit Line]

Agustín Sancho

[Mapa sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

PORTUGAL

ESPANYA

Madrid

Toledo

[Larawan sa pahina 18]

Tulay ng San Martin