Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Color Blind Ka Ba?

Color Blind Ka Ba?

Color Blind Ka Ba?

“Kapag nagbibihis ako, tinitiyak ng asawa ko na magkabagay ang mga kulay ng suot ko,” ang sabi ni Rodney. “Sa almusal, siya ang pumipili ng prutas para sa akin kasi hindi ko makita kung hinog na ito o hindi pa. Sa trabaho, hindi ko alam kung alin ang iki-klik ko sa computer kasi iba-iba ang kulay ng pagpipilian. Kapag nagmamaneho ako, pareho lang ang tingin ko sa pula at berdeng ilaw ng trapiko, kaya ang basehan ko na lang ay kung itaas o ibaba ang nakailaw. Pero problema ko kung pahalang ang mga ilaw.”

MAY diperensiya ang tingin ni Rodney sa kulay​—tinatawag itong color deficiency o color blindness. May namana siyang depekto na naging sanhi ng diperensiya sa kaniyang retina​—ang lamad sa loob ng mata na sensitibo sa liwanag. Gaya ni Rodney, mga 1 sa 12 lalaking may dugong Europeo at mga 1 sa 200 babae ang may ganito ring diperensiya. * Tulad ng karamihan ng may ganitong kapansanan, nakakakita naman si Rodney ng iba’t ibang kulay​—hindi lamang puti at itim. Pero iba ang tingin niya sa ilang kulay kung ihahambing sa mga taong normal ang paningin.

Ang retina ng mata ng tao ay karaniwang may tatlong uri ng cone cell, o selulang hugis-kono na nakakakilala ng kulay. Ang bawat uri ay dinisenyo para makilala ang wavelength ng isang pangunahing kulay ng liwanag​—asul, berde, o pula. Nagkakaroon ng reaksiyon ang bawat cone cell sa wavelength ng isang partikular na kulay, saka ito naghahatid ng signal sa utak kung kaya nakikilala ng isang tao ang mga kulay. * Ngunit nahihirapang kilalanin ng cone cell ng mga taong color blind ang isa o higit pang kulay, o napagpapalit-palit nito ang mga wavelength, kaya nag-iiba ang tingin nila sa kulay. Kaya maraming may ganitong kapansanan ang nagkakaproblema sa pagkakaiba-iba ng dilaw, berde, orange, pula, at brown. Dahil sa depektong ito, halos hindi nila makita ang berdeng amag sa brown na tinapay o sa dilaw na keso, o ang pagkakaiba ng isang taong may buhok na kulay-mais at asul na mata sa isang taong mamula-mula ang buhok at may berdeng mata. Kung ang mga cone cell na sensitibo sa kulay pula ay napakahina, itim ang nagiging tingin ng isang tao sa pulang rosas. Iilan lamang sa may ganitong kapansanan ang hindi nakakakita ng asul.

Color Blindness at mga Bata

Karaniwan nang namamana ang color blindness at nagsisimula ito pagkapanganak, ngunit hindi namamalayan ng mga batang may ganitong kapansanan na nakagagawa sila ng ibang paraan para makilala ang kulay. Halimbawa, kahit na hindi nila nakikita ang pagkakaiba ng ilang kulay, napapansin naman nila kung gaano kapusyaw o katingkad ang kulay, at ito ang iniuugnay nila sa pangalan ng kulay. Nalalaman din nila ang pagkakaiba ng mga bagay, hindi sa kulay, kundi sa pagtingin sa disenyo at pagsalat dito. Sa katunayan, hindi alam ng maraming kabataan na color blind pala sila mula pagkabata.

Yamang madalas na de-kulay ang gamit sa pagtuturo sa mga paaralan, lalo na para sa mga batang wala pa sa elementarya, baka isipin ng mga magulang at guro na mabagal matuto ang isang bata na sa katunayan ay color blind pala. Pinarusahan pa nga ng isang guro ang isang bata na limang taóng gulang dahil kinulayan nito ng pink ang ulap, berde ang mga tao, at brown ang mga dahon ng puno. Sa batang color blind, parang ito talaga ang natural na kulay ng mga iyon. May mabuting dahilan, kung gayon, kung bakit inirerekomenda ng ilang awtoridad na gawing rutin ang maagang pagsusuri sa mga bata para malaman kung color blind sila.

Bagaman wala pang lunas para sa kapansanang ito, hindi ito lumalala habang nagkakaedad ni nagiging dahilan man ito ng iba pang depekto sa paningin. * Gayunman, talagang mahirap pa ring maging color blind. Pero sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ng Diyos, aalisin ni Jesu-Kristo ang lahat ng bahid ng di-kasakdalan ng mga taong may takot sa Diyos. Kaya makikita ng mga tao na dating may diperensiya sa mata ang buong kagandahan ng lahat ng nilalang ni Jehova.​—Isaias 35:5; Mateo 15:30, 31; Apocalipsis 21:3, 4.

[Mga talababa]

^ par. 3 Lahat ng lahi ay puwedeng maging color blind pero mas madalas ito sa mga puti.

^ par. 4 Nakakakita rin ng kulay ang maraming hayop, bagaman iba ang tingin nila sa kulay kaysa sa atin. Ang mga aso, halimbawa, ay may dalawang uri lamang ng cone cell sa kanilang retina​—isa para sa kulay asul at isa para sa kulay na nasa pagitan ng pula at berde. Ang ibang ibon naman ay may apat na uri ng cone cell at nakakakita ng liwanag na ultraviolet, na hindi nakikita ng tao.

^ par. 8 Kung minsan, ang color blindness ay dulot ng sakit. Kung napansin mong nagbabago ang tingin mo sa kulay habang nagkakaedad ka, baka gusto mong magpatingin sa doktor.

[Kahon/Mga Dayagram sa pahina 18]

TEST PARA SA COLOR BLINDNESS

Para malaman kung anong uri at kung gaano kalubha ang color blindness ng isa, kadalasang ginagamit sa mga test ang malalaking tuldok na iba’t iba ang kulay at tingkad. Ang karaniwang ginagamit na test, ang Ishihara test, ay may 38 iba’t ibang disenyo. Halimbawa, kapag tiningnan ang isang disenyo nito kung araw, dapat makita ng isang tao na may normal na paningin ang numerong 42 at 74 (nasa kaliwa), samantalang ang isang tao na hindi nakakakilala ng pula at berde​—ang pinakakaraniwan​—ay walang makikitang numero sa itaas, at numero 21 ang makikita niya sa ibaba. *

Kung makita sa test na may depekto ang mata, baka magmungkahi ang doktor sa mata ng iba pang test para malaman kung namana ito o kung may iba pa itong sanhi.

[Talababa]

^ par. 15 Inilakip ang mga dayagram na ito bilang halimbawa lamang. Ang test ay dapat gawin ng isang kuwalipikadong propesyonal.

[Credit Line]

Color test plates on page 18: Reproduced with permission from the Pseudoisochromatic Plate Ishihara Compatible (PIPIC) Color Vision Test 24 Plate Edition by Dr. Terrace L. Waggoner/www.colorvisiontesting.com

[Kahon sa pahina 19]

BAKIT MAS KARANIWAN SA MGA LALAKI?

Ang namamanang color blindness ay nasa X kromosom. Ang mga babae ay may dalawang X kromosom, samantalang ang mga lalaki ay may isang X kromosom at isang Y kromosom. Kaya naman kung ang isang babae ay nagmana ng depekto sa paningin na nasa isang X kromosom, madaraig ito ng isa pa niyang X kromosom na normal, at magiging normal ang kaniyang paningin. Ngunit ang isang lalaking nagmana ng X kromosom na may depekto ay wala nang isa pang X kromosom na daraig sa kromosom na may diperensiya.

[Dayagram/Mga larawan sa pahina 18]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

KUNG PAANO TAYO NAKAKAKITA NG KULAY

Ang liwanag mula sa mga bagay ay tumatagos sa cornea at lente at napopokus sa retina

Cornea

Lente

Retina

Nakabaligtad ang larawan pero itinatama ito ng utak

ANG OPTIC NERVE ang naghahatid ng signal sa utak

ANG RETINA ay may mga cone cell at rod cell. Ang mga ito ang dahilan kung bakit tayo nakakakita

Rod

Cone

MAY MGA CONE CELL na sensitibo sa pula, berde, o asul na liwanag

Pula

Berde

Asul

[Mga larawan]

Normal na paningin

Color blind