“Diyos na Jehova, Sana Po, Makapaglingkod Ako sa Inyo”
“Diyos na Jehova, Sana Po, Makapaglingkod Ako sa Inyo”
Ayon sa salaysay ni Danielle Hall
Noong bata pa ako, gustung-gusto kong binibisita si Lola na nakatira lamang sa kabilang bahay. Umiidlip siya tuwing tanghali. At kung nagkataong bumisita ako nang ganoong oras, magkatabi kaming nauupo sa kama habang binabasahan niya ako ng mga kuwento sa Bibliya. Madalas niyang sabihin sa akin: “Huwag na huwag mong kalilimutan na mahal ka ni Jehova. At kung mahal mo siya, hindi ka niya pababayaan.” Tumimo sa aking puso’t isipan ang mga sinabi niya.
NAMATAY si Lola noong 1977, nang apat na taóng gulang ako. Isa siyang Saksi ni Jehova, gaya ng lahat ng kamag-anak ni Itay sa aming bayan ng Moe, (sa estado ng) Victoria, Australia. Hindi Saksi ang mga magulang ko, pero hindi salansang si Itay sa kanila. Lumipat ang aming pamilya sa Tintenbar, isang maliit na bayan malapit sa baybayin ng New South Wales. Doon, paminsan-minsan kaming dumadalo ni Kuya Jamie sa mga pulong ng mga Saksi kasama si Itay.
Walong taóng gulang ako nang maghiwalay ang mga magulang ko. Bumalik si Itay sa Moe, pero naiwan kami ni Kuya Jamie kay Inay. Hindi interesado si Inay sa Bibliya at ayaw niyang dumalo kami sa mga pulong ng mga Saksi. Dahil dito, nalungkot ako nang husto. Naalaala ko ang mga sinabi sa akin ni Lola na tumimo sa aking puso. Alam kong talagang mahal ko si Jehova! At nais kong maglingkod sa kaniya. Kaya nanalangin ako kay Jehova at sinabi ko sa kaniyang
isa rin ako sa mga Saksi niya. Gayundin ang nadama ni Kuya Jamie.Mga Pagsubok sa Paaralan
Di-nagtagal, hiniling ng aming guro sa paaralan na sabihin ng mga bata sa aming klase sa malakas na tinig kung ano ang relihiyon nila para mairekord niya ito sa talaan. Nang tawagin na si Kuya Jamie, sinabi niya nang malakas, “Saksi ni Jehova po.” Napahinto ang guro at ipinaulit kay Kuya ang sagot niya, na ginawa naman niya. “Parang hindi yata. Babalikan kita mamaya,” ang sabi ng guro. Nang tawagin niya ako, sinabi ko rin nang malakas, “Saksi ni Jehova po.” Halatang nainis ang guro kaya pinakisuyuan niya ang prinsipal ng paaralan na pumunta sa aming klase.
“Hawak ko ang form ninyo ng pag-eenrol, at hindi itinala ng mga magulang ninyo na mga Saksi ni Jehova kayo,” ang mariing sinabi ng prinsipal. “Pero iyan po ang relihiyong sinusunod namin,” ang magalang na sagot namin. Hindi na uli binanggit ng prinsipal o ng guro ang isyung iyon.
Sa paaralan, sinisikap kong ibahagi sa aking mga kaklase ang limitado kong kaalaman sa Bibliya. Dinadala ko Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya, at binabasahan ko paminsan-minsan ng mga kuwento ang isang batang babae na naniniwala sa Diyos. * Pero dahil sinisikap kong sundin ang mga pamantayang Kristiyano, halos walang gustong makipagkaibigan sa akin at, kung minsan, pakiramdam ko’y nag-iisa ako.
Napakadalas at napakarubdob kong manalangin kay Jehova kaya siya ang naging pinakamalapít kong kaibigan. Bawat araw pagkatapos ng klase, nauupo ako sa kama ko at sinasabi ko kay Jehova ang mga nangyari sa akin sa araw na iyon, hanggang sa kaliit-liitang detalye. Madalas akong umiiyak. Lumuluha ako sa pagsusumamo, “Diyos na Jehova, sana po, makapaglingkod ako sa inyo kasama ng inyong bayan.” Pagkatapos manalangin, gumagaan ang pakiramdam ko.
Isang Nakapagpapatibay na Liham
Noong sampung taóng gulang ako, bumalik si Kuya Jamie sa Moe at pumisan kay Itay. Mag-isa na lamang ako ngayon sa pagsisikap na sumunod sa mga simulain ng Bibliya. Pagkatapos, nang minsang bumisita ako sa isang kapitbahay, nakakita ako ng ilang magasing inilathala ng mga Saksi ni Jehova. Tuwang-tuwa kong isinaulo ang adres ng tanggapang pansangay ng mga Saksi at dali-dali akong umuwi para isulat ito. Sumulat ako sa sangay ng isang makabagbag-damdaming liham para ipaliwanag ang aking situwasyon at humiling na tulungan ako sa espirituwal. Napaluha ako sa kanilang nakaaantig na dalawang-pahinang sagot, na isinulat talaga para sa akin. Katibayan ito na mahalaga ako kay Jehova!
Hinimok ako ng liham na tularan ang pananampalataya ng batang babaing Israelita na naging tagapaglingkod ni Naaman, isang pinuno ng hukbo ng Sirya noong panahon ng Bibliya. Bagaman bihag siya at malayo sa kaniyang tinubuang bayan, nanatili siyang malapít sa kaniyang Diyos, si Jehova. At sa pamamagitan ng buong-tapang na pagsasalita hinggil sa kaniyang pananampalataya, pinatunayan niyang isa siyang tunay na Saksi ni Jehova.—2 Hari 5:1-4.
Ganito pa ang idinagdag ng liham mula sa tanggapang pansangay: “Bilang isang bata, dapat mong paglingkuran si Jehova sa pamamagitan ng pagiging masunurin sa iyong mga magulang at pag-aaral na mabuti sa paaralan. Bukod diyan, manalangin at mag-aral ka palagi ng Bibliya para maging malapít ka kay Jehova.” Sa pagtatapos, sinabi ng liham: “Danielle, tandaan mo na saanman tayo nakatira, laging malapit sa atin si Jehova. Alam naming naniniwala ka rito.” (Roma 8:35-39) Ang liham na iyon, na luma’t kupas na ngayon, ay nakaipit pa rin sa harap ng aking Bibliya. Binabasa ko pa rin ito hanggang ngayon at lagi akong napapaluha.
Di-nagtagal pagkatapos nito, tumanggap ako ng isa pang liham. Sinabi nito na isinaayos ng aking ama na makatanggap ako ng magasing Bantayan at Gumising! sa pamamagitan ng koreo. Tuwang-tuwa ako! Ngayon, regular na ang suplay ko ng espirituwal na pagkain. Kapag dumarating ang bawat isyu, binabasa ko ang buong magasin. Nasa akin pa rin ngayon ang unang mga kopya ko ng magagandang magasing iyon. Nang mga panahon iyon, isang tagapangasiwang Kristiyano mula sa kongregasyon doon ang bumibisita sa akin. Bagaman maikli lamang ang kaniyang mga pagdalaw, lubhang nakapagpapatibay naman ang mga ito.
Sumulong Dahil sa mga Pagbabago
Kahit mas mabuti na ang aking kalagayan sa espirituwal, inaasam ko pa ring paglingkuran si Jehova nang walang hadlang. Kaya nang 13 anyos na ako, tinanong ko si Inay kung puwede akong pumisan kay Itay. Mahal na mahal ko si Inay, at mahal na mahal din niya ako, pero determinado akong paglingkuran ang Diyos. Nang pumayag siya, bumalik ako sa Moe at nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa kongregasyon doon. Pumayag si Itay na dumalo kami ni Kuya Jamie sa lahat ng pulong. Nagsikap nang husto ang mga Saksi roon para tulungan kami. Mabilis kaming sumulong ni Kuya Jamie sa espirituwal. Sa katunayan, ilang buwan lamang ang pagitan ng araw ng aming bautismo. Oo, nasagot na ang panalangin ko noong bata pa ako. Naglilingkod na ako kay Jehova kasama ng kaniyang bayan!
Samantala, naging malapít ako kina Tiyo Philip at Tiya Lorraine Taylor, na kaugnay rin sa Kongregasyon ng Moe. Itinuring nila akong parang tunay na anak. Nang lumipat sila sa isla ng Bougainville, sa Papua New Guinea, upang maglingkod kung saan mas malaki ang pangangailangan para sa mga mangangaral ng Kaharian, tinanggap ko kaagad ang kanilang paanyaya na sumama sa kanila. Labinlimang taóng gulang lamang ako noon, pero pinayagan ako nina Itay at Inay na sumama.
Sa Bougainville, ipinagpatuloy ko ang pag-aaral sa pamamagitan ng liham. Bukod sa pag-aaral ko, madalas akong nangangaral. Kaysaya ngang maglingkod kasama ng mga misyonero at mga ministrong payunir! Ang mga tagaroon ang pinakamapagpakumbabang mga tao na nakilala ko kailanman, at marami ang sabik na mag-aral ng Bibliya.
Sa kalaunan nang taóng iyon, nagkaroon ng kaguluhan doon dahil sa pulitika, kaya delikadong manatili pa ako roon. Halos madurog ang puso ko nang iwan ko ang maliit na islang iyon at ang kaibig-ibig na mga tao roon. Nang palipad na ang sinasakyan kong maliit na eroplano, nakita ko si Tiyo Philip na nakatayo sa paliparan at kumakaway. Iyak ako nang iyak habang tahimik akong nagsusumamo kay Jehova na sana ay pahintulutan niya akong makapaglingkod balang-araw bilang misyonera sa isang banyagang lupain.
Sinagot ang Iba Pang Panalangin
Nang makatapos ako ng haiskul sa Australia, namasukan ako sa isang tanggapan ng mga abogado upang magsanay sa trabahong pang-opisina. Samantala, nag-asawa uli si Itay at kailangan niyang sustentuhan ang malaking pamilya ng kaniyang napangasawa. Pumisan si Kuya Jamie kay Inay. Ilang panahon ding nagpalipat-lipat ako sa aking mga magulang. Parang napakakomplikado ng buhay ko. Kailangan kong pasimplehin ang aking buhay at magpokus sa espirituwal na mga tunguhin. Kaya noong 1994, pumasok ako sa buong-panahong ministeryo bilang payunir sa Moe.
Masaya na naman ako. Ang mga kaibigan ko ay ang palaisip-sa-espirituwal na mga kabataan sa kongregasyon, at napakalaking tulong nila sa akin. Sa katunayan, noong 1996, pinakasalan ko ang isa sa kanila—si Will—isang mahinahon, mabait, at mapagpakumbabang tao, na talagang pagpapala mula kay Jehova.
Lumagay kami sa tahimik at waring wala na kaming mahihiling pa. Isang araw, umuwi si Will pagkatapos maglingkod kasama ng tagapangasiwa ng sirkito na dumadalaw sa mga kongregasyon sa lugar namin. Pinaupo niya ako, at pagkatapos ay nagtanong siya, “Handa ka bang lumipat para tumulong sa ibang kongregasyon?” Sa loob ko, oo kaagad ang sagot ko. Gayunman, pabiro ko siyang tinanong: “Saan? Sa Vanuatu? Sa Fiji?” Nang sumagot si Will na “sa Morwell,” napabulalas ako, “Pero d’yan lang ’yon, ah!” Natawa kaming dalawa at kaagad na nagkasundong malulugod kaming lumipat sa aming katabing kongregasyon para maglingkod bilang mga payunir.
Naging maligaya at mabunga ang sumunod na tatlong taon namin sa Morwell. Pagkatapos, isa pang sorpresa ang dumating. Nakatanggap kami ng imbitasyon mula sa tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova sa Australia para maglingkod bilang mga special pioneer. Ang aming atas? Sa East Timor, isang maliit na bansa sa dulong silangan ng kapuluan ng Indonesia. * Napaluha ako. Pinasalamatan ko si Jehova dahil sinagot niya ang lahat ng panalangin ko. Hindi lamang niya ako tinanggap bilang lingkod niya, ngayon ay makapaglilingkod pa kaming mag-asawa sa isang banyagang lupain.
Paglilingkod sa Ibayong-Dagat
Dumating kami sa Dili, ang kabisera, noong Hulyo 2003. Ang Kongregasyon ng Dili—kaisa-isa sa buong bansa—ay binubuo ng 13 special pioneer mula sa Australia at ilang Saksing tagaroon. Napakahirap ng buhay ng mga kapatid sa East Timor; karamihan ay nawalan ng mga ari-arian at kapamilya dahil sa 24 na taóng digmaang sibil na nagwakas noong 1999. Marami rin ang nagbata ng matinding pagsalansang ng kanilang pamilya dahil sa kanilang bagong pananampalataya. Ngunit sa kabila ng kanilang kapighatian at karukhaan, mayaman sila sa espirituwal at maligaya.—Apocalipsis 2:8, 9.
Natuklasan naming karamihan sa mga taga-East Timor ay may takot sa Diyos at may paggalang sa Bibliya. Sa katunayan, di-nagtagal, dahil sa sobrang dami ng aming mga inaaralan sa Bibliya, hindi na namin makayang idaos lahat! Sa kalaunan, nabautismuhan ang ilan sa unang mga estudyante namin sa Bibliya at kasama na namin sila sa paglilingkod. Labis ang kagalakan naming makita ang kanilang pagsulong sa espirituwal.
Pagkatapos, noong 2006, nagkaroon na naman ng kaguluhan sa Dili. Ang iringan sa pagitan ng iba’t ibang etnikong grupo ay nauwi sa labanan. Maraming bahay ang ninakawan at sinunog, at ang mga Saksing tagaroon ay nanganlong sa tahanan ng mga special pioneer. Naging pansamantalang kampo ng mga lumikas ang aming tahanan at bakuran, at may pagkakataon pa ngang halos sandaang katao ang nakitira sa amin! Ang aming malaking garahe ay naging kusina, kainan, at pansamantalang Kingdom Hall.
Bagaman madalas kaming makarinig ng putok ng baril at pagsabog ng granada sa di-kalayuan, ang tahanan naming mga payunir ay naging isang mapayapang kanlungan. Nadama naming lahat ang proteksiyon ni Jehova. Sinisimulan namin ang bawat araw sa pamamagitan ng panggrupong pagtalakay sa isang teksto sa Bibliya. Regular naming idinaraos ang mga pulong. Nagdaos din kami ng mga pag-aaral sa Bibliya sa interesadong mga tao.
Paglipas ng mga linggo, naging maliwanag na mapanganib na para sa mga kapatid na isinilang sa silangang bahagi ng bansa na manatili pa sa Dili. Kaya nagpasiya ang responsableng mga Saksi na bumuo ng isang bagong grupo sa Baucau, ang ikalawang pinakamalaking lunsod, na mga tatlong oras na biyahe sa gawing silangan ng Dili. At iyan ang dahilan kung bakit nakatanggap kami ni Will ng bagong atas.
Dumating kami sa Baucau noong Hulyo 2006, halos eksaktong tatlong taon mula nang dumating kami sa East Timor. Ang aming bagong grupo ay binubuo ng apat na special pioneer at anim na Saksing taga-East Timor. Naiwan ng mga kapatid na tagaroon ang lahat ng kanilang ari-arian sa Dili, pero abot-tainga pa rin ang kanilang ngiti. Talagang hanga kami sa kanilang katapatan at pagsasakripisyo!
Naglilingkod pa rin kami ni Will sa Baucau. Mahal namin ang aming atas at itinuturing namin itong karagdagang pagpapala mula kay Jehova. Sa pagbabalik-tanaw, masasabi kong tama si Lola. Talagang hindi ako kailanman pinabayaan ni Jehova sa paglipas ng mga taon. Lagi akong nagpapasalamat sa kaniya na binigyan niya ako ng pribilehiyong maglingkod sa kaniya kasama ng kaniyang bayan. Nananabik din akong makitang muli si Lola kapag binuhay siyang muli. Sa panahong iyon, pasasalamatan ko siya dahil sinabi niya sa akin ang susi sa tunay na maligaya at kapaki-pakinabang na buhay.
[Mga talababa]
^ par. 9 Inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 25 Tinatawag ding Timor-Leste.
[Larawan sa pahina 26]
Kasama si Lola
[Larawan sa pahina 28, 29]
Kasama ang asawa kong si Will