Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Armadang Kastila—Paglalayag na Nauwi sa Trahedya

Armadang Kastila—Paglalayag na Nauwi sa Trahedya

Armadang Kastila​—Paglalayag na Nauwi sa Trahedya

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA

MAHIGIT apat na raang taon na ang nakalilipas, dalawang pangkat ng mga barko ang nagsagupaan sa English Channel. Ito ay sa pagitan ng mga Protestante at Katoliko, at bahagi ng ika-16 na siglong digmaan ng mga hukbo ng Protestanteng si Reyna Elizabeth I ng Inglatera at ng Katolikong si Haring Felipe II ng Espanya. “Para sa mga taong nabubuhay noon, ang labanan ng Inglatera at Espanya sa Channel ang huling labanan ng mabuti at masama,” ang sabi ng aklat na The Defeat of the Spanish Armada.

Inilalarawan ng mga Ingles noon ang Armadang Kastila, o malaking pangkat ng mga barko, bilang “ang pinakamalaking puwersang pandagat na naglayag sa karagatan.” Pero ang ekspedisyon ng Armada ay nauwi lamang sa trahedya​—lalo na para sa libu-libong nasawi rito. Ano ba ang misyon nito, at bakit ito nabigo?

Bakit Sila Sasalakay?

Matagal nang dinarambong ng mga piratang Ingles ang mga barko ng Kastila, at aktibong sinusuportahan ni Reyna Elizabeth ng Inglatera ang rebelyon ng mga Olandes laban sa pamamahala ng Espanya. Karagdagan pa, naobliga ang Katolikong si Felipe II na tulungan ang mga Katolikong Ingles na lipulin ang lumalaganap na “erehiya” ng Protestantismo sa Inglatera. Dahil dito, nagsama ang Armada ng mga 180 pari at relihiyosong tagapayo. Nang tipunin ang mga tripulante ng Armada, kinailangan nilang mangumpisal sa mga pari at tumanggap ng Komunyon.

Nakita ang pagiging relihiyoso ng Espanya at ng hari nito sa katauhan ng kilaláng Kastilang Jesuita na si Pedro de Ribadeneyra, na nagsabi: “Yamang ang layunin ng Diyos na ating Panginoon at ang kabanal-banalang pananampalataya ang ating ipinaglalaban, siya ay sasaatin​—at dahil siya ang ating kapitan, wala tayong dapat ikatakot.” Para naman sa mga Ingles, ang tiyak na tagumpay sa labanang ito ang magpapabilis sa paglaganap ng Protestantismo sa buong Europa.

Waring harapan ang planong pagsalakay ng hari ng Espanya. Iniutos niya sa Armada na maglayag sa English Channel upang katagpuin ang Duke ng Parma at ang 30,000 beteranong sundalo nito na nakapuwesto sa Flanders. * Babagtasin ng pinagsanib na puwersang ito ang Channel, dadaong sa baybayin ng Essex, at magmamartsa papuntang London. Inisip ni Felipe na tatalikuran ng mga Katolikong Ingles ang kanilang Protestanteng reyna at kakampi sa kaniyang hukbo.

Pero may problema sa estratehiya ni Felipe. Palibhasa’y inakala niya na nasa kanila ang patnubay ng Diyos, hindi na niya naisip ang dalawang pangunahing balakid​—ang lakas ng hukbong-dagat ng mga Ingles at ang problema ng pakikipagtagpo sa puwersa ng Duke ng Parma yamang walang ligtas na madadaungan ang Armada upang magkita sila.

Malaking Hukbo Pero Mahirap Pangasiwaan

Inatasan ni Felipe ang Duke ng Medina-Sidonia na maging kumandante ng Armada. Bagaman kaunti lamang ang karanasan ng duke sa digmaan sa dagat, mahusay naman siyang mag-organisa, kung kaya agad na nakipagtulungan sa kaniya ang mga beteranong kapitan. Bumuo sila ng puwersang pandigma at tinustusan ito ng pagkain at tubig sa abot ng kanilang makakaya. Upang pagkaisahin ang kanilang puwersa na binubuo ng iba’t ibang bansa, pinag-isipan nilang mabuti ang mga hudyat para sa komunikasyon, mga utos sa paglalayag, at kung saan pupuwesto ang mga barko.

Sa wakas, noong Mayo 29, 1588, tumulak na mula sa daungan ng Lisbon ang Armada na binubuo ng 130 barko, halos 20,000 sundalo, at 8,000 mandaragat. Pero dahil sa malalakas na hangin at isang bagyo, napilitan silang dumaong sa La Coruña, sa hilagang-kanluran ng Espanya, para magkumpuni at magkarga ng karagdagang pagkain at tubig. Palibhasa’y nagkukulang na sa panustos at nagkakasakit na ang kaniyang mga tauhan, sumulat sa hari ang Duke ng Medina-Sidonia at tahasan niyang sinabi ang kaniyang pagkabahala tungkol sa misyon. Ngunit iginiit ni Felipe sa kaniyang admiral na sundin nito ang plano. Kaya nagpatuloy sa paglalayag ang mahirap pangasiwaang Armada at sa wakas ay nakarating sa English Channel pagkaraan ng dalawang buwan matapos umalis sa Lisbon.

Mga Sagupaan sa English Channel

Nang dumating ang puwersa ng Espanya sa baybayin ng Plymouth, sa timog-kanluran ng Inglatera, nag-aabang na ang mga Ingles. Magkasindami ang barko nila, ngunit magkaiba ang kayarian ng mga ito. Matataas ang mga barko ng Kastila, at marami itong kanyon para sa malapitang pag-asinta. Dahil sa malalaking tore sa harap at likod ng mga barko, nagmistulang nakalutang na mga tanggulan ang mga ito. Kasama sa estratehiya ng mga Kastila ang pagsampa ng mga tauhan nito sa barko ng kalaban para magapi ito. Mabababa at mabibilis naman ang mga barko ng Ingles, at mas marami ang mga kanyon para sa malayuang pag-asinta. Plano ng mga kapitan nila na huwag lumapit sa kalaban at pasabugin ang mga barko ng Kastila mula sa malayo.

Bilang pandepensa sa mas mabibilis na barko at malalakas na kanyon ng mga Ingles, ipinuwesto na parang hugis-karit ng Kastilang admiral ang kaniyang mga barko. Yaong may mga kanyon para sa malayuang pag-asinta ang magbabantay sa magkabilang dulo ng Armada. Kaya kahit saang direksiyon umatake ang kalaban, makahaharap ang Armada gaya ng isang nanunuwag na toro sa isang sumasalakay na leon.

Nagkaroon ng dalawang maiikling sagupaan ang magkabilang puwersang ito sa kahabaan ng English Channel. Naging epektibo ang depensa ng mga barko ng Kastila, at walang isa mang barko ang napalubog ng malayuang pagpapaputok ng mga Ingles. Nagpasiya ang mga Ingles na kapitan na sirain ang depensa ng kalaban at tiyaking matatamaan ng kanilang mga kanyon ang mga barko ng Kastila. Dumating ang pagkakataong ito noong Agosto 7.

Sinunod ng Duke ng Medina-Sidonia ang utos sa kaniya at pinangunahan ang Armada upang katagpuin ang Duke ng Parma at ang mga sundalo nito. Samantalang hinihintay ang Duke ng Parma, iniutos ng Duke ng Medina-Sidonia sa Armada na dumaong muna sa Calais, sa baybayin ng Pransiya. Habang nakaangkla at nakahantad sa panganib ang mga barko ng Espanya, nagpadala ang mga Ingles ng walong barko na may kargang pampasabog upang ibangga sa mga barko ng Kastila at masunog ang mga ito. Marami sa mga Kastilang kapitan ang naglayag palayo sa grupo para makatakas sa panganib. Pagkatapos, tinangay sila ng malalakas na hangin at alon pahilaga.

Nang magbukang-liwayway ng sumunod na araw, naglaban silang muli sa huling pagkakataon. Malapitang pinaputukan ng mga Ingles ang mga barko ng Kastila anupat napalubog nila ang di-kukulangin sa tatlong barko at sinira ang marami. Dahil kulang na sa bala ang mga Kastila, walang kalaban-laban nilang hinarap ang pagsalakay.

Natigil hanggang sa kinabukasan ang pag-atake ng mga Ingles dahil sa isang malakas na bagyo. Nang umagang iyon, kahit halos wala nang bala, muling pumuwesto na parang hugis-karit ang Armada at naghanda ito sa pakikipaglaban. Pero bago pa man makapagpaputok ang mga Ingles, tinangay na ng hangin at sunud-sunod na alon ang mga barko ng Kastila patungo sa mga bahura ng buhangin ng Zeeland sa baybayin ng Netherlands.

Nang tila wala nang pag-asa, nagbago ang direksiyon ng hangin at natangay ang Armada pahilaga sa laot. Pero nahaharangan na ng puwersa ng mga Ingles ang ruta pabalik sa Calais, at patuloy pa ring itinutulak ng hangin ang mga nasirang barko ng Kastila tungo sa hilaga. Nagdesisyon ang Duke ng Medina-Sidonia na huwag nang ituloy ang misyon at iligtas na lamang ang kaniyang mga barko at mga tauhan. Ipinasiya niyang bumalik sa Espanya sa pamamagitan ng paglalayag paikot sa Scotland at Ireland.

Mga Bagyo at Pagkawasak ng mga Barko

Napakahirap ng pinagdaanan ng Armada pauwi sa Espanya. Kapos ang pagkain, at dahil nabutas ang mga bariles ng tubig, halos wala nang tubig na maiinom. Dahil sa pagsalakay ng mga Ingles, marami sa mga barko ng Kastila ang lubhang nasira at ang ilan ay hindi na makapaglalayag pa. At malapit sa hilagang-kanluran ng baybayin ng Ireland, ang Armada ay sinalubong ng malalakas na bagyo sa loob ng dalawang linggo. Ang ilan sa mga barko ay naglahong parang bula! Ang ilan naman ay nawasak sa may baybayin ng Ireland.

Sa wakas, noong Setyembre 23, nakarating din ang mga naunang barko ng Armada sa Santander, sa hilaga ng Espanya. Mga 60 barko at halos kalahati lamang ng bilang ng mga tauhang umalis sa Lisbon ang nakauwi. Libu-libo ang nalunod sa dagat. Marami ang namatay dahil sa kanilang mga sugat at sa pagkakasakit sa kanilang biyahe pauwi. At kahit para doon sa mga nakabalik sa baybayin ng Espanya, patuloy pa rin ang kanilang paghihirap.

Ganito ang sinabi ng aklat na The Defeat of the Spanish Armada: “Walang makain [ang mga tauhan ng barko] kung kaya namatay sila sa gutom,” bagaman nakaangkla na sila sa isang daungan ng Espanya. Sinasabi ng aklat na ito na sa daungan ng mga Kastila sa Laredo, nawasak ang isa sa mga barko “dahil walang natirang sapat na mga tripulante para magbaba ng layag at maghulog ng angkla nito.”

Kahulugan ng Pagkatalo

Dahil sa pagkatalo ng Armada, nagkaroon ng kumpiyansa ang mga Protestante sa Hilagang Europa, bagaman hindi pa rin humuhupa ang mga digmaan sa relihiyon. Makikita sa isang Dutch na medalyon na nagpapaalaala sa pangyayaring ito ang paniniwala ng mga Protestante na nagtagumpay sila dahil sa patnubay ng Diyos. Ganito ang mababasa sa inskripsiyon nito: Flavit יהוה et dissipati sunt 1588, na ang ibig sabihin, “Humihip si Jehova at nangalat sila 1588.”

Nang maglaon, naging kapangyarihang pandaigdig ang Gran Britanya, gaya ng sinasabi ng aklat na Modern Europe to 1870: “Noong 1763, lumitaw ang Gran Britanya bilang ang pinakamakapangyarihang bansa sa larangan ng pangangalakal at pananakop.” Sa katunayan, “noong 1763, sinakop ng Imperyo ng Britanya ang daigdig na para bang bumangong muli ang isang mas malakas na Imperyo ng Roma,” ang sabi ng aklat na Navy and Empire. Nang dakong huli, nakipag-alyansa ang Gran Britanya sa dati nitong kolonya, ang Estados Unidos ng Amerika, upang buuin ang kapangyarihang pandaigdig na Anglo-Amerikano.

Interesado ang mga estudyante ng Bibliya sa pagbangon at pagbagsak ng mga pulitikal na kapangyarihang pandaigdig. Ito ay dahil sa naglalaman ang Banal na Kasulatan ng maraming impormasyon tungkol sa sunud-sunod na mga pamahalaan ng daigdig, samakatuwid nga, Ehipto, Asirya, Babilonya, Medo-Persia, Gresya, Roma, at nang dakong huli, ang kapangyarihang pandaigdig na Anglo-Amerikano. Sa katunayan, malaon nang inihula ng Bibliya ang paglitaw at pagbagsak ng ilan sa mga kapangyarihang ito.​—Daniel 8:3-8, 20-22; Apocalipsis 17:1-6, 9-11.

Oo, talagang makahulugan ang nangyari noong tag-araw ng 1588, nang mabigo ang lahat ng pagsisikap ng Armadang Kastila. Halos 200 taon matapos ang pagkatalo ng Armada, naging tanyag ang Gran Britanya at sa kalaunan ay nagkaroon ng malaking papel sa katuparan ng hula ng Bibliya.

[Talababa]

^ par. 8 Ang lugar na ito ay bahagi ng Spanish Netherlands na pinamahalaan ng Espanya noong ika-16 na siglo. Kasama rito ang baybaying rehiyon ng hilagang Pransiya, Belgium, at Holland.

[Dayagram/Mapa sa pahina 26, 27]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Paglalayag ng Armadang Kastila

​—​—​ Ruta patungo sa labanan

–– Ruta pauwi

X Labanan

ESPANYA

Lisbon

La Coruña

Santander

FLANDERS

Calais

SPANISH NETHERLANDS

UNITED NETHERLANDS

INGLATERA

Plymouth

London

IRELAND

[Larawan sa pahina 24]

Haring Felipe II

[Credit Line]

Biblioteca Nacional, Madrid

[Larawan sa pahina 24]

Reyna Elizabeth I

[Larawan sa pahina 24, 25]

Ang Duke ng Medina-Sidonia ang kumandante ng Armadang Kastila

[Credit Line]

Cortesía de Fundación Casa de Medina Sidonia

[Picture Credit Line sa pahina 25]

Museo Naval, Madrid