Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Christmas Island—Kung Bakit Kami Nagpunta Rito

Christmas Island—Kung Bakit Kami Nagpunta Rito

Christmas Island​—Kung Bakit Kami Nagpunta Rito

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA FIJI

ANG isla ng Kiritimati, o Christmas Island, ang pinakamalaki sa 33 isla sa Karagatang Pasipiko na bumubuo sa bansang Kiribati. * Mga 388 kilometro kuwadrado ang lawak ng islang ito, kasinlaki ng pinagsama-samang 32 iba pang isla ng Kiribati. Mga 5,000 katao ang nakatira sa Christmas Island, samantalang mga 92,000 ang kabuuang populasyon sa lahat ng isla ng Kiribati.

Maliban sa isa, ang lahat ng isla ng Kiribati ay mga isla ng korales. Ang Christmas Island ang pinakamalaking isla ng korales sa bansang ito, pero ito rin ang pinakamalaking isla ng korales sa buong mundo kung sukat ng lupa ang pag-uusapan!

Bukod diyan, natatangi ang Christmas Island dahil malapit ito sa international date line. Ang mga tagaroon ang isa sa mga unang nakararanas ng pagsisimula ng bagong araw, bagong taon, at iba pang taunang okasyon, gaya ng kamatayan ni Jesu-Kristo. *

Bukod diyan, ang liblib na isla ng mga korales na ito ang isa sa mga pinakamahalagang lugar sa pagpaparami ng mga ibong-dagat sa Tropiko. Kamakailan, sinasabing humigit-kumulang 25 milyong sooty tern ang regular na namumugaran doon.

Lihim ng mga Ibon​—Hayag na Ngayon

Wala pang taong naninirahan sa isla nang marating ito ng manggagalugad na si Kapitan James Cook isang araw bago ang Pasko noong 1777. Pero napakaraming ibon dito. Tinawag ito ni Cook na Christmas Island. * Sa loob ng maraming taon, tila mga ibon lamang ang tanging nakaaalam sa lokasyon ng islang ito.

Sa isa naming pagdalaw, isang warden sa Wildlife Conservation Unit ang aming giya sa kawili-wiling paglilibot sa isla. Dinala kami ng warden sa isang dalampasigan at sumalubong sa amin ang magagandang white tern na tila nag-uusisa. Habang lumilipad-lipad sa paligid namin na parang nakikipaglaro, sinusubaybayan nila ang bawat galaw namin.

Isang kawan ng mga sooty tern ang makikita sa may dalampasigan. Daan-daang libo ng ganitong uri ng ibon ang pumupunta sa Christmas Island para magparami. Pagdating ng mga ibong ito, lumilipad silang paikut-ikot araw at gabi sa loob ng ilang linggo. Isang kawan silang nagkakaingay sa ibabaw ng kanilang pamumugaran, habang naghihintay sa iba pang mga ibon bago sila tuluyang mamugad sa lupa.

Mga tatlong buwan pa lamang ang mga inakáy na sooty tern, lumilipad-lipad na sila sa ibabaw ng karagatan. Bumababa lamang sila sa lupa pagkalipas ng mga lima hanggang pitong taon, kapag handa na silang magparami. Sa mga taóng iyon, halos lagi silang nasa himpapawid yamang hindi sapat ang langis sa kanilang pakpak para makalutang nang matagal sa tubig.

Nakakita kami ng mga black noddy na nasa mga pugad, kasama ang kanilang mga inakáy at di-pa-napipisang mga itlog. Ang mga ibong-dagat na ito ay gumagawa ng pugad para sa kanilang mga inakáy, di-gaya ng mga white tern na nangingitlog sa mga sangang walang dahon. Mabuti na lamang na kapag napisa na ang mga itlog, ang mga inakáy na mga white tern ay mayroon nang malalakas na paa at kuko na pangkapit sa mga sanga. Tuwang-tuwa kami sa mga inakáy na may malalambot na balahibo habang nakakapit ang mga ito sa sanga. Napakaganda rin ng mga magulang na ibon na maliliit at mapuputing gaya ng niyebe pero maitim ang tuka.

Sa aming paglilibot, isang Christmas shearwater na walang-tinag na nakalimlim sa kaniyang itlog ang nakatingin sa amin mula sa isang ligtas na lugar. Nasa Christmas Island ang pinakamalaking kawan ng wedge-tailed shearwater sa buong mundo. At ito ang isa sa mga sinasabing natitirang lugar para sa pagpaparami ng Polynesian storm petrel at ng Phoenix petrel. Ang iba pang ibong nagpaparami rito ay ang red-tailed tropic, masked booby, brown booby, red-footed booby, brown noddy, at mga frigate.

Walang kahirap-hirap na sumasalimbay ang mga frigate sa himpapawid, na nagpapasirku-sirko, nang-aagaw ng isda sa ibang ibon habang lumilipad, at nakikipag-agawan sa mga tira-tirang pagkain na itinatapon ng mga mangingisda. Kailangan ng mga frigate ang kakayahang ito sa paglipad dahil hindi sila basta nakabababa sa tubig. Katulad ng mga sooty tern, hindi sapat ang langis sa kanilang balahibo kaya tumatagos dito ang tubig. Gayundin, mahirap para sa kanila ang lumipad mula sa tubig dahil halos dalawang metro ang haba ng kanilang pakpak kapag nakabuka ang mga ito.

Nalaman namin na ang maliit na kulay-kapeng ibon na aming nakita kanina ay isa palang Pacific golden plover. Isa ito sa mga ibong nandarayuhan sa Christmas Island para manginain at magpahinga sa panahon ng taglamig pagkatapos ng mahabang paglipad mula sa kanilang lugar ng pagpaparami na libu-libong milya ang layo, sa itaas ng Arctic Circle. Mahusay ang kakayahan ng mga ibong ito sa nabigasyon kaya nararating nila ang lugar na ito, na mga 2,100 kilometro ang layo mula sa timog ng Honolulu, Hawaii.

Ang Talagang Dahilan ng Aming Pagdalaw

Regular kaming dumadalaw sa islang ito, hindi upang panoorin ang mga ibon, kundi para makasama ang kapuwa naming mga Saksi ni Jehova sa kanilang mga pagpupulong at pangangaral. Para sa mahal naming mga kapatid doon, isang hamon ang pagiging malayo ng lugar na ito. Halimbawa, mga ilang taon na ang nakararaan, may isang Saksi na biglang namatay. Ang kaniyang naulilang asawang babae ang nagbigay ng pahayag para sa libing dahil walang ibang makagagawa nito. Gusto niyang marinig ng maraming nakiramay ang salig-Bibliyang pag-asa ng mga namatay.​—Juan 11:25; Gawa 24:15.

Bukod sa tatlong mainam na salin ng Bibliya, may ilang salig-Bibliyang publikasyong mababasa sa katutubong wika roon. Gayunman, ang mga Saksi ni Jehova ay naglalathala sa wikang Gilbertese ng apat-na-kulay na magasing Bantayan minsan sa isang buwan at ng iba pang salig-Bibliyang literatura. Marami ang nagugulat dito dahil wala pang 100,000 katao sa buong mundo ang nagsasalita ng wikang ito. Nakatulong sa nakabukod na grupong ito ng mga Saksi ang gayong salig-Bibliyang mga publikasyon upang regular na maidaos ang kanilang mga pagpupulong at masunod ang atas ni Jesus na ipangaral ang mabuting balita ng Kaharian ng Diyos.​—Mateo 24:14; Hebreo 10:24, 25.

Isang hamon para sa mga bisita ang transportasyon. Pero sa Christmas Island, makapaglalakbay ang isa mula London patungong Poland na dumaraan ng Tennessee sa loob lamang ng tatlong oras nang hindi sumasakay sa eroplano o barko! Paano nangyari iyon? Ang Banana, London, Paris, Poland, Tennessee, at Tabwakea ang ilan sa kakaibang pangalan ng mga nayon, na nagpapahiwatig ng pinanggalingan ng ilan sa mga unang bumisita sa islang ito.

Sa isa naming pagdalaw, inanyayahan kami ng isang mabait na doktor na samahan siya sa Poland, kaya nakapangaral kami roon sa kauna-unahang pagkakataon. Yamang dalawang oras lamang kami sa Poland, literal na tumakbo kami sa aming pagbabahay-bahay para mapuntahan ang lahat ng tahanan. Tuwang-tuwang nakinig ang lahat ng nakausap namin hinggil sa salig-Bibliyang mensahe at tumanggap sila ng ilang literatura. Hindi sila makapaniwalang nasa wika nila iyon.

Giliw na giliw kami sa mga tagaroon sa Christmas Island. Hindi rin namin malilimutan ang kamangha-manghang mga ibon doon. Naisip marahil noon ni Kapitan Cook na “para lamang sa mga ibon” ang islang iyon, pero hindi ganiyan ang nasa isip ng maraming tagaroon sa ngayon. Katulad ng mga ibon, tahanan na rin nila ang islang iyon.

[Mga talababa]

^ par. 3 Gilbert Islands ang dating tawag sa Kiribati. Ngayon, bukod sa 16 na isla ng Gilbert Islands, sakop na rin ng Kiribati ang mga isla ng Phoenix at Line, gayundin ang Banaba (Ocean Island).

^ par. 5 Bilang pagsunod sa utos ni Jesus, ginugunita ng mga Saksi ni Jehova ang kaniyang kamatayan minsan sa isang taon ayon sa petsa ng kaniyang kamatayan.​—Lucas 22:19.

^ par. 8 Isang islang tinawag ding Christmas ang matatagpuan sa Karagatang Indian.

[Mga mapa sa pahina 16]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Christmas Island

Banana

Tabwakea

London

Paris

Poland

International date line

[Larawan sa pahina 16]

Mga “frigate”

[Credit Line]

GaryKramer.net

[Larawan sa pahina 17]

“White tern”

[Credit Line]

© Doug Perrine/​SeaPics.com

[Larawan sa pahina 17]

Mga “brown booby”

[Credit Line]

Valerie & Ron Taylor/​ardea.com

[Larawan sa pahina 18]

Pangangaral kasama ng mga Saksing tagaroon

[Picture Credit Line sa pahina 18]

GaryKramer.net