Hakbang 5
Magkaroon ng Regular na Rutin at Sundin Ito
Bakit mahalaga ito? Ang pagkakaroon ng rutin ay isang malaking bahagi sa buhay ng mga adulto. Karaniwan nang may sinusunod na rutin sa trabaho, pagsamba, at maging sa paglilibang. Mahihirapan ang mga bata paglaki nila kung hindi sila tuturuan ng kanilang mga magulang na gumawa ng iskedyul at sundin ito. Sa kabilang dako naman, “ipinakikita ng mga pag-aaral na kapag may mga tuntunin at iskedyul na sinusunod, nadarama ng bata na siya’y ligtas at panatag, at natututong magpigil sa sarili at hindi umasa sa iba,” ang sabi ni Dr. Laurence Steinberg, isang propesor sa sikolohiya.
Ang hamon: Masyadong abala ang buhay. Maraming magulang ang gumugugol ng mahahabang oras sa pagtatrabaho, kaya kakaunti na lamang ang panahon nila para sa kanilang mga anak at hindi nila palaging nakakasama ang mga ito. Upang magkaroon ng rutin at maging regular ito, kailangan ang disiplina at determinasyon na mapasunod ang bata.
Ang solusyon: Ikapit ang simulain sa payo ng Bibliya na “maganap ang lahat ng bagay nang disente at ayon sa kaayusan.” (1 Corinto 14:40) Halimbawa, habang bata pa ang kanilang mga anak, maraming magulang ang may-katalinuhang nagtatakda ng espesipikong oras ng pagtulog. Pero dapat na maging kawili-wili ito. Si Tatiana, na nakatira sa Gresya at may dalawang anak na babae, ay nagsabi: “Kapag nakahiga na ang mga bata, hinahaplos-haplos ko sila at kinukuwentuhan ng mga ginawa ko habang nasa paaralan sila. Pagkatapos, tinatanong ko sila kung ano naman ang mga ginawa nila nang araw na iyon. Panatag silang nagkukuwento sa akin.”
Binabasahan naman ni Kostas, asawa ni Tatiana, ng mga kuwento ang mga bata. “Nagkokomento sila tungkol sa kuwento ko,” ang sabi niya, “at madalas na nauuwi ang aming usapan sa kanilang mga ikinababahala. Hindi sila magtatapat kung basta ko lamang sila tatanungin tungkol sa kanilang mga problema.” Mangyari pa, habang lumalaki ang mga bata, angkop lamang na baguhin ang oras ng pagtulog nila. Pero kung regular mong sinusunod ang ganitong rutin, malamang na masanay ang iyong mga anak na gamitin ang panahong ito sa pakikipag-usap sa iyo.
Bukod diyan, makabubuti rin kung gagawing rutin ang pagkain ninyo nang sabay-sabay kahit minsan man lamang sa isang araw. Para magawa ito, maaaring baguhin paminsan-minsan ang oras ng pagkain. “Kung minsan, ginagabi ako ng pag-uwi galing sa trabaho,” ang sabi ni Charles na may dalawang anak na babae. “Pinagmemeryenda muna ng aking asawa ang mga bata para hindi sila gutumin ng paghihintay sa akin, saka kami sabay-sabay na maghahapunan pagdating ko. Pinagkukuwentuhan namin ang mga nangyari sa maghapon, nirerepaso ang isang teksto sa Bibliya, pinag-uusapan ang mga problema, at nagtatawanan kami. Talagang napakahalaga ng ganitong rutin na nagpapasaya sa aming pamilya.”
Para masanay sa hakbang na ito, huwag hayaang mahadlangan ng pagsusumakit sa materyal na mga bagay ang rutin ng pamilya. Ikapit ang payo ng Bibliya na ‘tiyakin ang mga bagay na higit na mahalaga.’—Filipos 1:10.
Ano pa ang puwedeng gawin ng mga magulang para lalong gumanda ang pakikipag-usap sa kanilang mga anak?
[Blurb sa pahina 7]
“Maganap ang lahat ng bagay nang disente at ayon sa kaayusan.”—1 Corinto 14:40