Mula sa Aming mga Mambabasa
Mula sa Aming mga Mambabasa
Pananampalataya ng Isang Bata (Agosto 2006) Inaasam-asam ko na sa bagong sanlibutang malapit nang dumating, makikita ko na si Dustin, at ang milyun-milyong iba pang binuhay-muli, na masiglang tumatakbo at tumatalon.
A. A., Sri Lanka
Hangang-hanga ako sa pananampalataya at lakas ng loob ni Dustin. Natulungan ako ng kaniyang karanasan na suriin ang akin mismong pagpapahalaga sa katotohanan at magtakda ng tamang mga priyoridad. Nabatid ko na dapat kong unahin sa aking buhay ang pagpapanatili ng mabuting kaugnayan kay Jehova at pag-una sa mga kapakanan ng Kaharian.
M.C.V., Brazil
Naantig ako sa nakapagpapakilos at positibong saloobin ni Dustin sa katotohanan. Ipinakita ng kaniyang mga kilos na nais niyang paluguran si Jehova at paglingkuran ang iba. Tulad ni Dustin, gusto ko ring ‘matakbo ang takbuhin hanggang sa katapusan at matupad ang pananampalataya’!
M. N., Hapon
Pitong taóng gulang po ako. Salamat po sa paglalathala sa karanasang ito. Hanga ako sa matibay na pananampalataya ni Dustin kay Jehova, bagaman may malubha siyang sakit. Tulad niya, gusto ko rin pong gumawa nang higit pa para sa Diyos.
T. D., Italya
Kamangha-manghang Disenyo ng mga Halaman (Setyembre 2006) Isa’t kalahating oras kong pinag-ukulan ng pansin ang artikulong ito! Napakarami kong natutuhan! Gumuhit pa nga ako ng mga dayagram para mas maunawaan ko ito. Pero napansin kong ang praksiyon na 13/21 ay hindi katumbas ng ginintuang proporsiyon ng isang ikot kundi sa halip, ang natitirang proporsiyon na 222.5 digri.
L. C. Estados Unidos
Sagot ng “Gumising!”: Tama ang ilang mambabasa sa pagsasabing ang ginintuang proporsiyon ng isang ikot ay humigit-kumulang 222.5 digri. Bakit sinabi ng aming artikulo na ang ginintuang anggulo ay 137.5 digri—ang anggulong makukuha kapag sinukat ang ikot nang pakaliwa? Ganito ang sinabi ng MathWorld, isang reperensiya sa Internet: “Ang ginintuang anggulo ay ang anggulo na naghahati sa buong ikot [360°] na katumbas ng ginintuang proporsiyon (pero sinukat nang pakaliwa kung kaya hindi ito umabot nang 180°).” Bilang paliwanag kung bakit ganito ang pagkakabanggit ng mga matematiko at siyentipiko sa ginintuang anggulo, sinabi ng Britanong matematiko na si Dr. Ron Knott: “Ang karaniwang ‘nakikita’ namin ay ang mas maliit na anggulo.” Kaya bagaman ang ginintuang proporsiyon ay mga 13/21 (mahigit sa kalahati), ang ginintuang anggulo ay karaniwan nang sinasabi na 137.5 digri (wala pa sa kalahati).
“Ibinilanggo Dahil sa Kanilang Pananampalataya” (Abril 2006) Hindi ako isang Saksi ni Jehova, pero malaki ang paggalang ko sa mga miyembro ng inyong relihiyon. Nakilala ko ang ilang Saksi noong ako’y ibinilanggo sa mga kampong piitan ng Gross-Rosen at Buchenwald. Dahil talagang kapuri-puri ang kanilang paggawi at namumukod-tangi ang kanilang relihiyosong mga paninindigan, nakamit nila ang paggalang at paghanga ng lahat ng iba pang mga preso. Maging ang mga SS ay humanga sa kanila. Palaging bukás ang pinto ko sa mga Saksi ni Jehova.
P. V., Estados Unidos