Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .
Paano Ko Mapahihinto ang Tsismis?
“Nagpunta ako minsan sa isang parti, pero kinabukasan ay may kumalat na tsismis na nakipagtalik daw ako sa isang lalaki roon. Aba, hindi totoo ’yon!”—Linda. *
“Paminsan-minsan nakaririnig ako ng tsismis na nakikipag-date daw ako—sa isa na hindi ko man lang kilala! Hindi man lamang inaalam ng mga tsismoso’t tsismosa kung ano ang totoo.”—Mike.
DAHIL sa tsismis, maaaring maging mas madrama ang buhay mo kaysa sa pelikula. Gaya ng sinabi ng 19-anyos na si Amber: “Palagi na lamang akong biktima. Nabalita noon na buntis daw ako at nagpalaglag, at na ako raw ay nagbebenta, bumibili, at gumagamit ng droga. Bakit kaya nila sinasabi ito tungkol sa akin? Hindi ko talaga alam kung bakit!”
Teknolohiya at Pagtsitsismis
Noong kabataan pa ang mga magulang mo, ang pinakabagong tsismis ay kadalasang kumakalat sa pamamagitan ng kuwentuhan. Pero ngayon, malaki na ang nagagawa ng teknolohiya sa pagtsitsismis. Sa pamamagitan ng e-mail at instant messaging, ang reputasyon mo ay kayang sirain ng isang lalaki o babae na may masamang hangarin, kahit hindi sila nagsasalita. Kailangan lamang nilang mag-type ng maikling mensahe at pagkatapos ay ipadala ang nakapipinsalang tsismis na ito sa mga gustung-gustong makaalam nito.
Sinasabi ng ilan na Internet na ngayon, at hindi telepono, ang pinipiling instrumento upang magkalat ng tsismis. Sa ilang kaso, sadyang ginagawa ang ilang Web site para ipahiya lamang ang isang tao. Kadalasan nang ang mga blog—mga Web site na naglalaman ng personal na impormasyon—ay punung-puno ng mga tsismis na hindi kayang sabihin nang harapan. Sa katunayan, ipinakikita ng isang surbey na 58 porsiyento ng mga kabataan ang nagsabing naging biktima sila ng ganitong mga paninira sa Internet.
Pero lagi bang masama na pag-usapan ang tungkol sa iba? At mayroon bang . . .
Mabuting Tsismis?
Sagutin kung tama o mali ang sumusunod.
Laging masama ang tsismis. ◻ Tama ◻ Mali
Ano ang tamang sagot? Ang totoo, depende ito sa kung paano mo binibigyang-kahulugan ang Filipos 2:4, New Century Version) Pero hindi naman ibig sabihin nito na makikialam na tayo sa buhay ng may buhay. (1 Pedro 4:15) Ngunit kadalasan nang nakapaglalaan ng kapaki-pakinabang na impormasyon ang usap-usapan, gaya ng kung sino ang ikakasal, kung sino ang nanganak, at kung sino ang nangangailangan ng tulong. Ang totoo—hindi natin masasabing interesado at nagmamalasakit tayo sa iba kung hindi natin sila mapag-uusapan.
“tsismis.” Kung para sa iyo, ito ay basta karaniwang usap-usapan lamang, may mga pagkakataong hindi naman ito masama. Tutal, sinasabihan tayo ng Bibliya na “maging interesado sa buhay ng iba.” (Gayunman, ang karaniwang usap-usapan ay madaling nauuwi sa nakapipinsalang tsismis. Halimbawa, ang simpleng komento na “bagay na maging magkasintahan sina Jun at Lily” ay baka maging “magkasintahan sina Jun at Lily”—gayong walang kaalam-alam sina Jun at Lily sa sinasabing relasyon nila. Baka sabihin mo, ‘Hindi naman talaga problema iyon’—maliban na lamang kung ikaw si Jun o si Lily!
Nasaktan ang 18-anyos na si Julie nang maging biktima siya ng ganitong uri ng tsismis. Sinabi niya: “Nagalit ako at parang nawalan na ako ng tiwala sa iba.” Ganiyan din ang nangyari sa 19-anyos na si Jane. “Iniiwasan ko tuloy ang lalaking ka-date ko raw,” ang sabi niya. “Nakakainis talaga dahil magkaibigan kami, at nakakapag-usap sana kami nang hindi pinagtsitsismisan.”
Malinaw na talagang nakapipinsala ang masamang tsismis. Gayunman, maraming biktima ng tsismis ang aamin na sila man ay nagtsitsismis din. Ang totoo, kapag pinag-uusapan ang kapintasan ng ibang tao, talagang nakakatuksong sumali sa usapan. Bakit? “Para matakasan ang katotohanan,” ang palagay ng 18-anyos na si Phillip. “Mas gusto ng mga tao na pag-usapan ang problema ng iba kaysa sa problema nila.” Kung gayon, ano ang magagawa mo kapag nauuwi na ang simpleng usapan sa nakasasamang tsismis?
Maingat na Kontrolin ang Usapan!
Isipin mo ang kasanayang kailangan ng isa para makapagmaneho sa isang haywey na maraming dumaraang sasakyan. Dahil sa ilang di-inaasahang pangyayari, baka kailanganin mong lumipat ng linya, magmenor, o huminto. Kung ikaw ay alisto at maingat, makikita mo ang nasa harapan at magagawa mo ang dapat gawin.
Ganoon din sa kuwentuhan. Madali mong mahahalata kung ang usapan ay nauuwi na sa nakasasamang tsismis. Kapag ganoon na ang nangyayari, kaya mo bang lumipat ng linya, wika nga? Kung hindi, mag-ingat ka—nakapipinsala ang tsismis. “May sinabi akong hindi maganda tungkol sa isang babae—na mahilig siya sa lalaki—at nakarating ito sa kaniya,” ang sabi ni Mike. “Hinding-hindi ko malilimutan ang boses niya nang harapin niya ako, talagang nasaktan siya sa sinabi ko. Nagkaintindihan naman kami, pero nakokonsensiya pa rin ako dahil alam kong nakasakit ako!”
Totoo, kailangan ang lakas ng loob para mapahinto ang kuwentuhan na nauuwi sa tsismis. Gayunpaman, gaya ng sinabi ng 17-anyos na si Carolyn: “Kailangang mag-ingat ka sa sinasabi mo. Kung hindi mapagkakatiwalaan ang pinanggalingan ng impormasyon, baka nagkakalat ka na ng kasinungalingan.”
Upang makaiwas sa nakasasamang tsismis, sundin ang sumusunod na payo ng mga tekstong ito mula sa Bibliya.
“Sa karamihan ng mga salita ay hindi magkukulang ng pagsalansang, ngunit ang sumusupil sa kaniyang mga labi ay kumikilos nang may kapantasan.” (Kawikaan 10:19) Miyentras mas marami kang sinasabi, mas malamang na makapagsalita ka ng mga bagay na pagsisisihan mo sa dakong huli. Kaya mas mabuti pang makilala ka bilang tahimik na tagapakinig kaysa sa isang daldalero o daldalera!
“Ang puso ng matuwid ay nagbubulay-bulay upang makasagot, ngunit ang bibig ng mga balakyot ay binubukalan ng masasamang bagay.” (Kawikaan 15:28) Mag-isip ka muna bago magsalita!
“Magsalita ang bawat isa sa inyo ng katotohanan sa kaniyang kapuwa.” (Efeso 4:25) Bago magbigay ng impormasyon, tiyakin munang totoo ito.
“Kung ano ang ibig ninyong gawin ng mga tao sa inyo, gayundin ang gawin ninyo sa kanila.” (Lucas 6:31) Bago sabihin sa iba kahit ang mapananaligang impormasyon tungkol sa isang tao, tanungin muna ang iyong sarili, ‘Ano ba ang madarama ko kung ako ang nasa katayuan ng taong iyon at may nagkalat ng impormasyong iyon tungkol sa akin?’
Roma 14:19) Kung hindi ito nakapagpapatibay, kahit ang mapagkakatiwalaang impormasyon ay maaari pa ring makapinsala.
“Itaguyod natin ang mga bagay na nagdudulot ng kapayapaan at ang mga bagay na nakapagpapatibay sa isa’t isa.” (“Gawin [ninyong] tunguhin ang mamuhay nang tahimik at asikasuhin ang inyong sariling gawain at gumawa sa pamamagitan ng inyong mga kamay.” (1 Tesalonica 4:11) Huwag aksayahin ang oras sa pakikialam sa buhay ng iba. Maraming mas mahusay na paraan para gamitin ang iyong panahon.
Kapag Ikaw ang Biktima
Marahil ay sasang-ayon ka na dapat kontrolin ang dila at iwasan ang pagkakalat ng tsismis. Pero kapag ikaw na ang itsinitsismis, baka mas mabahala ka. “Akala ko’y hindi na ako magkakaroong muli ng mga kaibigan,” ang sabi ng 16-anyos na si Joanne, biktima ng isang mapaminsalang tsismis. “May mga gabi na iyak ako nang iyak hanggang sa makatulog ako. Pakiramdam ko’y sirang-sira na ang aking reputasyon!”
Ano ang magagawa mo kung ikaw ang biktima ng di-totoong tsismis?
◼ Alamin kung bakit nasabi ito. Sikaping unawain kung ano ang nag-uudyok sa mga tao para magtsismis. Ginagawa ito ng ilan para maging sikat, at magmukhang marami silang alam. “Gusto nilang isipin ng mga tao na magaling sila dahil marami silang nasasabi tungkol sa ibang tao,” ang sabi ni Karen na 14 na taóng gulang. Dahil sa inggit, sinisiraan ng ilang kabataan ang iba para lamang maiangat ang kanilang sarili. May naisip pang dahilan ang 17-anyos na si Renee. “Nababagot ang mga tao,” ang sabi niya. “Gusto nila na laging may bagong pag-uusapan at gawing mas makulay ang buhay sa pamamagitan ng pagkakalat ng tsismis.”
◼ Kontrolin ang iyong emosyon. Ang isang nasaktan ng nakapipinsalang tsismis ay maaaring gumawi sa paraang pagsisisihan niya sa dakong huli kung hindi niya kokontrolin ang kaniyang pagkapahiya at sama ng loob. “Siyang madaling magalit ay gagawa ng kamangmangan,” ang sabi ng Kawikaan 14:17. Bagaman madali itong sabihin pero mahirap gawin, ito ang pagkakataon para sa higit na pagpipigil ng emosyon. Kung gagawin mo ito, maiiwasan mong maging mangmang gaya ng nagtsismis sa iyo.
◼ Alamin ang talagang nangyari. Tanungin ang iyong sarili: ‘Sigurado ba akong iyon nga ang talagang sinabi tungkol sa akin? Tsismis ba ito o malubhang di-pagkakaintindihan? Masyado lamang ba akong maramdamin?’ Siyempre pa, mali ang magkalat ng nakapipinsalang tsismis. Pero kapag masyado mo itong sineryoso, baka maging mas masama pa ang epekto nito sa iyo kaysa sa epekto ng mismong tsismis. Kaya bakit hindi mo subukang ikapit ang pangmalas na nakatulong kay Renee? “Palagi akong nasasaktan kapag may nagsasabi ng masama tungkol sa akin, pero hindi ko ito gaanong sineseryoso,” ang sabi niya. “Kasi, baka iba naman ang pag-usapan nila sa susunod na linggo.” *
Pinakamagaling na Depensa
Sinasabi ng Bibliya: “Tayong lahat ay natitisod nang maraming ulit. Kung ang sinuman ay hindi natitisod sa salita, ang isang ito ay taong sakdal, na may kakayahang rendahan din ang kaniyang buong katawan.” (Santiago 3:2) Kaya isang kamangmangan kung papansinin natin ang bawat salitang sinasabi tungkol sa atin. Sinasabi ng Eclesiastes 7:22: “Nalalamang lubos ng iyong puso na marami pang ulit na ikaw mismo ay sumumpa sa iba.”
Kung biktima ka ng nakapipinsalang tsismis, ang pinakamagaling mong depensa ay ang iyong mainam na paggawi. Sinabi ni Jesus: “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” (Mateo 11:19) Kaya sikapin na manatiling tunay na palakaibigan at magiliw. Baka magulat ka pa nga kung gaano kabilis mapahihinto nito ang tsismis—o sa paanuman ay matulungan kang matiis ang mga epekto nito.
Mas marami pang artikulo mula sa seryeng “Young People Ask . . .” ang mababasa sa Web site na www.watchtower.org/ype
[Mga talababa]
^ par. 3 Binago ang mga pangalan sa artikulong ito.
^ par. 33 Sa ilang kalagayan, baka mas makatutulong kung mataktika mong haharapin ang nagtsitsismis sa iyo. Gayunman, kadalasan nang hindi na ito kailangan yamang “ang pag-ibig ay nagtatakip ng maraming kasalanan.”—1 Pedro 4:8.
PAG-ISIPAN
◼ Paano mo maiiwasang magkalat ng tsismis?
◼ Ano ang magiging reaksiyon mo kung ikaw ang pinagtsitsismisan?