Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Bautisteryo—Piping Saksi sa Isang Naglahong Kaugalian

Bautisteryo—Piping Saksi sa Isang Naglahong Kaugalian

Bautisteryo​—Piping Saksi sa Isang Naglahong Kaugalian

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA PRANSIYA

“BININYAGAN sa Katedral sa Pamamagitan ng Paglulubog sa Tubig,” iyan ang ulong-balita ng isang diyaryo sa Pransiya noong 2001. Makikita sa litratong inilathala kasama ng artikulo ang isang bagong kumberte sa Katolisismo na nakatayo sa isang malaking tipunang-tubig kung saan siya bibinyagan. Subalit ang tubig ay hanggang sa kaniyang tuhod lamang at isang obispong Katoliko ang nagbubuhos ng tubig sa ulo ng bagong kumberte. Ang eksenang ito, na siya ring ginagawa sa maraming lugar sa buong daigdig, ay naging kalakaran ng Simbahang Katoliko mula noong Ikalawang Konsilyo ng Batikano hinggil sa pagbibinyag sa mga bagong kumberte sa pamamagitan ng pagbubuhos o pagwiwisik ng tubig. Bumabangon ngayon ang mga tanong: Yamang karamihan sa mga Katoliko ay bininyagan noong sanggol pa lamang sila sa pamamagitan ng pagwiwisik o pagbubuhos ng tubig, anong paraan ng pagbibinyag, o pagbabautismo, ang katulad ng ginawa ni Juan na Tagapagbautismo at ng mga apostol ni Jesus? Paano ba dapat bautismuhan ang mga Kristiyano sa ngayon? Makatutulong ang kasaysayan ng mga bautisteryo sa pagsagot sa mga tanong na ito. *

Pinagmulan at Kahulugan ng Bautismo

Noong una, ang bautismong Kristiyano ay isinasagawa sa pamamagitan ng lubusang paglulubog sa tubig. Ang ulat ng Bibliya hinggil sa opisyal na Etiope na binautismuhan ni Felipe ay makatutulong sa atin upang maunawaan ang bagay na iyan. Pagkatapos malaman kung sino ang Kristo, sinabi ng Etiope pagkakita ng isang dakong may tubig: “Ano ang nakahahadlang sa akin para ako’y mailubog sa tubig?” (Gawa 8:26-39, The Emphatic Diaglott) Sa tekstong ito, ang salitang-ugat na Griego para sa pananalitang “mailubog sa tubig” ay ba·ptiʹzo​—na nangangahulugang “ilubog”​—kung saan kinuha ang salitang Tagalog na “bautismo.” Tumutukoy ito sa lubusang paglulubog sa tubig. Ang paghahalintulad ng bautismo sa paglilibing ay nagdiriin sa puntong ito. (Roma 6:4; Colosas 2:12) Kapansin-pansin, tinawag ng ilang Pranses na tagapagsalin ng Bibliya (halimbawa, sina Chouraqui at Pernot) si Juan na Tagapagbautismo bilang Juan na Tagapaglubog.

Noong unang mga siglo ng Kristiyanismo, ginagawa ang lubusang paglulubog sa tubig kung saan may sapat na tubig​—sa mga ilog, sa dagat, o sa pribadong mga paliguan. Subalit nang dumami ang mga nakukumberte, nagtayo ng maraming bautisteryo sa Imperyo ng Roma, mula sa Dalmacia hanggang sa Palestina at mula sa Gresya hanggang sa Ehipto. Ang isa sa pinakamatandang bautisteryo, na kasalukuyang hinuhukay, ay yaong nasa Sirya, sa dalampasigan ng Ilog Eufrates, na itinayo noong mga 230 C.E.

Nang maging opisyal na relihiyon ng Imperyo ng Roma ang tinaguriang Kristiyanismo noong ikaapat na siglo C.E., milyun-milyon ang naging diumano’y Kristiyano at kinailangang bautismuhan. Kaya ang mga bautisteryong ginawa para sa layuning iyan ay itinayo sa lahat ng dako. Pagsapit ng ikaanim na siglo, mga 25 bautisteryo ang itinayo sa Roma pa lamang, kasama na rito ang bautisteryo sa basilika ng St. John Lateran. Sa Gaul, malamang na ang bawat diyosesis ay may sariling bautisteryo. Ayon sa isang aklat, ang mga ito ay umaabot ng 150. Marahil ay may daan-daan pang bautisteryo sa mga lalawigan, na masusumpungan sa tabi ng maliliit na simbahan, libingan, o monasteryo.

Arkitektura at Suplay ng Tubig

Madalas na ang mga bautisteryo ay mga monumentong pabilog o poligono, na itinayo bilang isang espesyal at hiwalay na gusali o kadugtong ng isang simbahan. Ipinakikita ng mga paghuhukay na ang mga gusaling ito ay maliliit (karaniwan nang wala pang 200 metro kuwadrado) pero napapalamutian ng magagandang kolonada, marmol, moseyk, at pinturang alpresko, na kung minsan ay naglalarawan ng mga eksena sa Bibliya. Ang ilang bautisteryo, gaya ng masusumpungan sa Mariana, Corsica, ay mayroon pa ngang eleganteng bubong sa ibabaw ng tipunang-tubig. Ang terminong bautisteryo ay ikinapit din sa mismong tipunang-tubig, na maaaring kuwadrado, bilog, eksagonal, biluhaba, hugis-krus, o oktagonal. Gaya ng ipinakikita ng lapad at lalim ng mga ito, lumilitaw na ang unang mga bautisteryo ay dinisenyo para sa mga adulto. Karaniwan nang sapat ang laki nito para magkasya ang kahit dalawang tao. Halimbawa, sa Lyon, sa silangang sentral ng Pransiya, ang tipunang-tubig ay mga tatlong metro ang lapad. Maraming tipunang-tubig ang may mga baytang​—karaniwan nang pito​—na palusong sa tubig.

Siyempre pa, pangunahin nang pinag-iisipan ng mga disenyador ang suplay ng tubig. Maraming bautisteryo ang itinayo malapit sa mga bukal o sa mga labí ng dating mga paliguan, gaya ng masusumpungan sa Nice, sa timugang Pransiya. Madalas na sa mga tubo pinadaraan ang tubig, papasok at palabas. Sa ibang kaso, iniigib ang tubig-ulan mula sa isang malapit na imbakang-tubig.

Ang Bautisteryo ni San Juan sa Poitiers, sa kanlurang Pransiya, na itinayo noong mga 350 C.E., ay magandang halimbawa kung ano ang hitsura ng isang bautisteryo ng mga tinaguriang Kristiyano noong ikaapat na siglo. Sa loob ng isang parihabang silid, na napalilibutan ng iba pang mga silid, makikita ang isang malaking oktagonal na tipunang-tubig na may tatlong-baytang na hagdan. Ang tipunang-tubig ay mga isa’t kalahating metro ang lalim at mga dalawang metro ang lapad sa pinakamaluwang na bahagi nito. Nakakonekta ito sa isang paagusan na nagdadala ng tubig mula sa isang malapit na bukal tungo sa lunsod.

Paglulubog o Pagbubuhos?

Lubusan bang inilulubog sa tubig ang isa kapag binabautismuhan sa gayong mga bautisteryo noon? Sinasabi ng ilang Katolikong istoryador na hindi gayon, anupat binabanggit na ang pagbibinyag ay posibleng ginagawa sa pamamagitan ng pagwiwisik o pagbubuhos ng tubig sa ulo noon pang pasimula ng kasaysayan ng Simbahang Katoliko. Sinabi rin nila na ang lalim ng maraming tipunang-tubig ay hindi lumalampas nang isang metro kaya hindi talaga mailulubog sa tubig ang isang adulto. Sinabi ng isang ensayklopidiyang Katoliko na sa Poitiers, “kahit tumapak pa ang [pari] sa ikatlong baytang, hindi pa rin mabábasá ang kaniyang mga paa.”

Subalit ipinakikita maging ng mga paglalarawan ng mga pintor sa mga bautismo hanggang noong mga ika-12 siglo na ang tubig ay umaabot sa dibdib o maging sa leeg ng mga babautismuhan. (Tingnan ang mga larawan sa itaas.) Posible bang lubusang mailubog sa tubig ang isang adultong may katamtamang taas kung hanggang baywang lamang niya ang tubig? Sinasabi ng isang reperensiya na maaaring pansamantalang sinasarhan ang labasan ng tubig hanggang sa mailubog ang nakaluhod o nakayukyok na kandidato sa bautismo. * Ganito ang komento ni Pierre Jounel, isang propesor ng liturhiyang Katoliko sa Paris: “Hanggang baywang [ng bibinyagan] ang tubig. Ipinapatong ng pari o diyakono ang kaniyang kamay sa ulo ng bibinyagan at pinayuyuko ito sa tubig hanggang sa lubusan siyang mailubog.”

Pinaliit Nang Pinaliit

Nang dakong huli, ang simpleng seremonya ng pagbabautismo noong panahon ng mga apostol ay naging isang komplikadong ritwal, na may espesyal na mga kasuutan at kumpas, mga panalangin ng eksorsismo, pagbendisyon sa tubig, pag-usal ng kredo, at pagpapahid ng langis. Patuloy na lumaganap ang pagbubuhos ng tubig sa mga binibinyagan sa iba pang lugar. Pinaliit ang mga tipunang-tubig ng bautisteryo, anupat ang luwang at lalim ng ilan sa mga ito ay naging kalahati o wala pa sa kalahati ng orihinal na sukat ng mga tipunang-tubig. Halimbawa, sa Cazères, timugang Pransiya, ang tipunang-tubig na dating mga isang metro ang lalim ay naging wala pang kalahating metro na lamang pagsapit ng ikaanim na siglo. Nang maglaon, noong mga ika-12 siglo, inihinto ng Simbahang Romano Katoliko ang pagbubuhos ng tubig at sa halip ay isinagawa ang pagwiwisik ng tubig. Ayon sa Pranses na edukador na si Pierre Chaunu, dahil ito sa “paglaganap ng pagbibinyag sa mga sanggol sa mga bansang may napakalamig na klima, yamang hindi posibleng ilubog ang isang kasisilang na sanggol sa malamig na tubig.”

Dahil sa mga kaganapang ito, lumiit nang lumiit ang mga bautisteryo. Sa pag-aaral ng istoryador na si Frédéric Buhler hinggil sa kasaysayan ng bautismo, ganito ang sinabi niya: “Ipinakikita ng arkeolohiya, mga dokumento, at mga gawang-sining na sa pangkalahatan, ang pagbabautismo ay nagbago mula sa lubusang paglulubog sa tubig sa mga adulto noong unang mga siglo ng kapanahunang Kristiyano tungo sa pagwiwisik sa mga sanggol, at sa pagitan nito, may mga panahong isinasagawa ang pagbubuhos ng tubig sa mga adulto at lubusan namang paglulubog sa mga bata.”

Sa ngayon, ang pagbubuhos ng tubig sa mga adulto ay waring nagiging higit na popular, at nagiging mas malaki ang bagong mga bautisteryo kaysa sa dati. At kasuwato ng tinawag ni Buhler na inaasam-asam na pagbabalik ng lubusang paglulubog sa tubig, inirerekomenda higit kailanman ng liturhiya ng Simbahang Katoliko ang lubusang paglulubog sa tubig. Kapansin-pansin, noon pa ma’y binabanggit na ng Bibliya na ang lubusang paglulubog sa tubig ang wastong paraan sa pagbabautismo sa mga Kristiyano.

[Mga talababa]

^ par. 3 Ang terminong “bautisteryo” ay karaniwan nang tumutukoy sa isang gusali o bahagi ng simbahan, kung saan ginagawa ang mga seremonya ng pagbibinyag o pagbabautismo.

^ par. 14 Marami sa mga Saksi ni Jehova sa makabagong panahon ang binautismuhan sa pamamagitan ng lubusang paglulubog sa kanila sa tubig sa maliliit na tipunang-tubig o maging sa mga bathtub.

[Larawan sa pahina 13]

Ang Bautisteryo ni San Juan sa Poitiers, Pransiya

[Larawan sa pahina 13]

Muling-binuong bautisteryo noong ikalimang siglo sa Mariana, Corsica

[Credit Line]

© J.-B. Héron pour “Le Monde de la Bible”/Restitution: J. Guyon and J.-F. Reynaud, after G. Moracchini-Mazel

[Mga larawan sa pahina 14]

PAGLALARAWAN SA BAUTISMO NI KRISTO

Hanggang dibdib ni Jesus ang tubig sa Ilog Jordan at may dalang mga tuwalya ang mga anghel para tuyuin ang kaniyang katawan, ikasiyam na siglo

[Credit Line]

Cristal de roche carolingien - Le baptême du Christ © Musée des Antiquités, Rouen, France/Yohann Deslandes

Hanggang sa leeg ni Jesus ang tubig sa Ilog Jordan. Sa kaliwa, dalawang anghel ang may hawak na pamunas upang tuyuin ang kaniyang katawan, ika-12 siglo

[Credit Line]

© Musée d’Unterlinden-F 68000 COLMAR/Photo O. Zimmermann