Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Diyos ba ang Dapat Sisihin?

Diyos ba ang Dapat Sisihin?

Diyos ba ang Dapat Sisihin?

“ANG Diyos ay pag-ibig,” ang sabi ng Bibliya. (1 Juan 4:8) Makatarungan at maawain din siya. “Ang Bato, sakdal ang kaniyang gawa, sapagkat ang lahat ng kaniyang mga daan ay katarungan. Isang Diyos ng katapatan, na sa kaniya ay walang masusumpungang kawalang-katarungan; matuwid at matapat siya.”​—Deuteronomio 32:4.

Bilang Maylalang, may kakayahan ang Diyos na Jehova na patiunang makita ang lahat ng posibleng maging sanhi ng pinsala, at may kapangyarihan siyang pigilan ito. Dahil sa mga katotohanang ito at sa mga katangian ng Diyos na inilarawan sa Bibliya, hindi talaga maiiwasang magtanong ang marami, “Bakit pinapayagan ng Diyos na mangyari ang mga likas na kasakunaan?” * Gaya ng natuklasan ng milyun-milyong tao na may ganitong taimtim na katanungan, ang Diyos mismo ang nagbigay ng pinakamakatuwirang sagot at masusumpungan ito sa kaniyang nasusulat na Salita. (2 Timoteo 3:16) Pakisuyong isaalang-alang ang sumusunod.

Tinanggihan Nila ang Pag-ibig ng Diyos

Sinasabi sa atin ng Bibliya na ibinigay ng Diyos sa ating unang mga magulang ang lahat ng kailangan nila upang maging maligaya at ligtas sa panganib ang kanilang buhay. Bukod diyan, habang sinusunod nila at ng kanilang mga anak ang utos ng Diyos na ‘magpalaanakin at magpakarami at punuin ang lupa,’ makaaasa ang lumalaking pamilya ng tao na patuloy silang pangangalagaan ng Diyos.​—Genesis 1:28.

Ngunit nakalulungkot, tinalikuran nina Adan at Eva ang kanilang Maylalang anupat sadya nilang sinuway ang Diyos at namuhay nang hiwalay sa kaniya. (Genesis 1:28; 3:1-6) Gayundin ang ginawa ng karamihan sa kanilang mga inapo. (Genesis 6:5, 6, 11, 12) Sa maikli, ipinasiya ng sangkatauhan sa kabuuan na pamahalaan ang kanilang sarili at ang kanilang tahanan, ang lupa, nang walang anumang patnubay ng Diyos. Dahil si Jehova ay Diyos ng pag-ibig at iginagalang niya ang kalayaang magpasiya ng iba, hindi niya ipinipilit sa mga tao ang kaniyang karapatang mamahala, kahit na maaaring humantong sa kapahamakan ang kanilang landasin. *

Ngunit hindi naman pinabayaan ni Jehova ang sangkatauhan. Hanggang ngayon, “pinasisikat [pa rin] niya ang kaniyang araw sa mga taong balakyot at sa mabubuti at nagpapaulan sa mga taong matuwid at sa mga di-matuwid.” (Mateo 5:45) Isa pa, binigyan ng Diyos ang sangkatauhan ng kakayahang malaman ang mga bagay-bagay tungkol sa lupa at sa mga siklo nito, at dahil sa kaalamang ito, kayang tayahin ng mga tao sa paanuman ang pagdating ng napakasamang lagay ng panahon at iba pang posibleng panganib, gaya ng pagsabog ng bulkan.

Natuklasan din ng mga tao kung saang bahagi ng daigdig mas madalas lumindol o magkaroon ng masamang lagay ng panahon. Sa ilang lupain, nakatulong ang kaalamang ito upang mailigtas ang maraming buhay sa pamamagitan ng pagtuturo sa iba kung ano ang dapat gawin sakaling may sakuna gayundin sa pamamagitan ng mas mahuhusay na pamamaraan sa pagtatayo ng gusali at pagbibigay-babala. Gayunman, patuloy na tumataas ang bilang ng naiuulat na mga likas na kasakunaan taun-taon. Marami at komplikado ang mga dahilan kung bakit ganito ang nangyayari.

Paninirahan sa Delikadong mga Lugar

Ang laki ng pinsala kapag may isang sakuna ay hindi laging nakadepende sa lakas ng puwersa ng kalikasan, kundi sa dami ng tao na nakatira sa apektadong lugar. Ayon sa isang report na inilathala ng World Bank, mahigit 25 porsiyento ng populasyon sa mahigit 160 bansa ang nakatira sa mga lugar na malaki ang posibilidad na mas marami ang mamatay dahil sa mga likas na kasakunaan. “Habang parami nang paraming tao ang naninirahan sa [delikadong] mga lugar, ang isang dating likas na pangyayari lamang ay nagiging isang kasakunaan,” ang sabi ng siyentipikong si Klaus Jacob ng Columbia University sa Estados Unidos.

Ang iba pang mga salik na nagpapalubha sa situwasyon ay ang mabilis at di-pinagplanuhang urbanisasyon, pagkalbo sa kagubatan, at ang malawakang pagsisimento ng lupa na siya sanang sisipsip sa labis na tubig. Ang pagkalbo sa kagubatan at malawakang pagsisimento ng lupa ay maaaring magdulot ng mapaminsalang pagkatibag ng lupa at labis na pagbaha.

Dahil sa gawa ng mga tao, maaari ding humantong sa malaking kasakunaan ang isang lindol, yamang hindi ang pagyanig ang sanhi kung bakit marami ang namamatay at nasusugatan kundi ang pagguho ng mga gusali. Kaya naman ganito ang naging kasabihan ng mga eksperto sa sismolohiya: ‘Hindi lindol ang pumapatay sa mga tao kundi mga gusali.’

Ang kawalang-kakayahan ng mga gobyerno ang isa pang dahilan kung bakit marami ang namamatay sa mga sakuna. Sa nakalipas na 400 taon, tatlong beses nang winasak ng mga lindol ang kabiserang lunsod ng isang bansa sa Timog Amerika. At mula noong huling paglindol doon noong 1967, nadoble na ang populasyon at naging limang milyon. “Ngunit ang mga batas sa pagtatayo ng gusali na makapagbibigay sana ng proteksiyon ay hindi sapat o hindi ipinatutupad,” ang sabi ng magasing New Scientist.

Ang huling pananalitang iyan ang mismong naging problema sa lunsod ng New Orleans, sa Louisiana, E.U.A., na itinayo sa mababa at binabahang mga lugar. Kahit na may mga dike at mga pambomba ng tubig-baha, ang sakuna na kinatatakutan ng lahat ay dumating din noong 2005 nang manalasa ang Bagyong Katrina. Ang “matagal nang mga babala” ay ipinagwalang-bahala o “hindi sineryoso” ng mga tao, ang sabi ng isang ulat sa USA Today.

Hindi rin sineseryoso ng mga tao ang pag-init ng globo, na sa paniwala ng maraming siyentipiko ay magpapatindi sa mga kasakunaang dulot ng lagay ng panahon at pagtaas ng tubig sa dagat. Maliwanag, dapat isaalang-alang ang mga epekto ng pamamahala, lipunan, at kabuhayan ng tao​—mga bagay na hindi gawa ng Diyos. Ang mga salik na ito na gawa ng tao ay nagpapaalaala sa atin ng katotohanang sinasabi ng Bibliya na hindi kaya ng tao na ‘ituwid man lamang ang kaniyang hakbang.’ (Jeremias 10:23) Ang isa pang salik ay ang saloobin ng mga tao sa mga babala​—babala mula sa kalikasan at sa pamahalaan.

Alamin ang mga Palatandaan ng Panganib

Una sa lahat, dapat nating tanggapin na maaaring maganap ang mga likas na kasakunaan nang walang babala. “Ang panahon at ang di-inaasahang pangyayari ay sumasapit sa [ating] lahat,” ang sabi ng Eclesiastes 9:11. Ngunit kadalasan na, may mga palatandaan o babala​—mula sa kalikasan o sa pamahalaan​—na may nagbabantang panganib. Kaya kapag alam ng mga tao ang mga palatandaan ng panganib, mas malaki ang tsansa nilang makaligtas.

Nang humampas noong 2004 ang isang tsunami sa isla ng Simeulue, sa Indonesia, pitong tao lamang ang namatay mula sa libu-libong mamamayan doon. Palibhasa’y alam ng mga tao na ang di-pangkaraniwang pag-urong ng tubig mula sa dalampasigan ay may kasunod na tsunami, karamihan sa mga tao ay lumikas nang makita nilang nangyari ito. Sa katulad na paraan, nakaligtas ang mga tao sa napakalakas na mga bagyo at pagsabog ng bulkan dahil sa pakikinig sa babala. Dahil kung minsan ay nauuna ang mga palatandaan mula sa kalikasan kaysa sa mga babala mula sa pamahalaan, makabubuting maging pamilyar sa mga ito, lalo na kung nakatira ka sa lugar na madalas tamaan ng kalamidad.

Subalit nakalulungkot, may “tendensiya ang mga tao na sabihing walang panganib kahit na kitang-kita na ito,” ang sabi ng isang bulkanologo. Totoong-totoo ito lalo na kapag madalas na hindi dumarating ang ibinabaláng sakuna o matagal nang walang nangyayaring sakuna. At kung minsan, ayaw talagang iwan ng mga tao ang kanilang mga ari-arian kahit na nakaamba na sa kanila ang panganib.

Sa maraming lugar, napakahirap talaga ng buhay ng mga tao kaya hindi sila makalipat sa mas ligtas na lugar. Ngunit sa halip na isisi ang kahirapan sa ating Maylalang, ang pagkabigo talaga ng mga tao ang sanhi nito. Halimbawa, kadalasan nang gumagastos nang malaki ang mga gobyerno para sa mga armas pero wala naman silang masyadong ginagawa para tulungan ang mga nagdarahop.

Magkagayunman, may nakalaang tulong sa karamihan ng tao, anuman ang maaaring situwasyon nila. Anong tulong iyon? Ang Diyos, sa pamamagitan ng kaniyang nasusulat na Salita, ang Banal na Bibliya, ay nagbibigay sa atin ng maraming maiinam na simulain na makapagliligtas ng buhay kapag ikinapit.

Mga Simulaing Nakapagliligtas ng Buhay

Huwag subukin ang Diyos. “Huwag ninyong ilalagay sa pagsubok si Jehova na inyong Diyos,” ang sabi ng Deuteronomio 6:16. Ang mga tunay na Kristiyano ay hindi mapamahiin, na iniisip na lagi silang ipagsasanggalang ng Diyos mula sa pisikal na pinsala. Kaya naman kapag nagbabanta ang panganib, nagbibigay-pansin sila sa kinasihang payo: “Matalino ang nakakakita ng kapahamakan at nagkukubli, ngunit ang mga walang-karanasan ay dumaraan at daranas ng kaparusahan.”​—Kawikaan 22:3.

Mas mahalaga ang buhay kaysa sa materyal na ari-arian. “Kahit na may kasaganaan ang isang tao ang kaniyang buhay ay hindi nagmumula sa mga bagay na tinataglay niya.” (Lucas 12:15) Oo, may pakinabang ang materyal na mga bagay, pero wala itong halaga kapag patay na ang isa. Kaya kung mahal mo ang iyong buhay at ang iyong pribilehiyo na maglingkod sa Diyos, hindi ka dapat makipagsapalaran para lamang maingatan ang iyong mga ari-arian.​—Awit 115:17.

Noong 2004, kaagad na iniwan ni Tadashi, na nakatira sa Hapon, ang kaniyang bahay matapos lumindol at bago pa man makapagbigay ang pamahalaan ng tagubiling lumikas. Mas mahalaga sa kaniya ang buhay niya kaysa sa kaniyang bahay at mga ari-arian. Si Akira, na nakatira sa lugar ding iyon, ay sumulat na “sa totoo lang, ang laki ng pinsala ay nakadepende hindi sa dami ng materyal na bagay na nawala kundi sa pananaw ng isa. Itinuring ko ang sakunang ito na isang magandang pagkakataon para pasimplehin ang aking buhay.”

Makinig sa mga babala ng pamahalaan. “Magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.” (Roma 13:1) Kapag iniutos ng pamahalaan na lumikas o gawin ang isang hakbang na makapagliligtas ng buhay, matalinong sumunod dito. Iniwasan ni Tadashi ang lugar ng panganib bilang pagsunod sa utos na lumikas kaya nang muling magkaroon ng pagyanig, hindi siya napinsala o namatay.

Kapag walang mga babala mula sa pamahalaan hinggil sa isang nagbabantang sakuna, personal na pasiya na ng mga tao kung kailan at paano tutugon sa mga babala, na isinasaalang-alang ang lahat ng makukuhang impormasyon. Sa ilang lugar, maaaring maglaan ang pamahalaan ng mga tagubilin upang makaligtas sa sakuna. Kung may makukuhang gayong impormasyon sa inyong lugar, pamilyar ka ba rito? At naipakipag-usap mo na ba ito sa iyong pamilya? (Tingnan ang kalakip na kahon.) Sa maraming bahagi ng daigdig, naghanda ang mga kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova, sa pangangasiwa ng tanggapang pansangay ng mga Saksi sa mga lugar na iyon, ng mga hakbang na dapat gawin sakaling may magbanta o mangyaring sakuna, at talaga namang napakalaking tulong ang mga hakbang na ito.

Magpakita ng Kristiyanong pag-ibig. “Binibigyan ko kayo ng isang bagong utos,” ang sabi ni Jesus, “na ibigin ninyo ang isa’t isa . . . kung paanong inibig ko kayo.” (Juan 13:34) Ginagawa ng mga taong may mapagsakripisyo at tulad-Kristong pag-ibig ang lahat ng kanilang magagawa para tulungan ang isa’t isa na paghandaan ang isang likas na kasakunaan o para makaligtas dito. Sa mga Saksi ni Jehova, buong pagtitiyagang sinisikap ng mga tagapangasiwa ng kongregasyon na makontak ang lahat ng miyembro ng kongregasyon upang tiyakin na ligtas ang mga ito o makararating ang mga ito sa ligtas na lugar. Gayundin, tinitiyak ng mga tagapangasiwa na bawat isa ay may panustos, gaya ng malinis na tubig na maiinom, pagkain, damit, at kinakailangang gamot. Samantala, kinukupkop naman ng mga pamilyang Saksi na nasa ligtas na mga lugar ang mga nagsilikas na kapuwa Saksi. Ang gayong pag-ibig ay tunay na “sakdal na bigkis ng pagkakaisa.”​—Colosas 3:14.

Titindi pa kaya ang mga likas na kasakunaan, gaya ng sinasabi ng ilan na mangyayari? Marahil, ngunit hindi ito magtatagal. Bakit? Sapagkat malapit nang magwakas ang epekto ng kapaha-pahamak na paghiwalay ng tao sa Diyos. Pagkatapos nito, ang buong lupa at ang lahat ng naninirahan dito ay lubusang sasailalim sa maibiging soberanya ni Jehova, na magdudulot ng kamangha-manghang resulta, gaya ng makikita natin ngayon.

[Mga talababa]

^ par. 3 Ang mga lindol, napakasamang lagay ng panahon, pagsabog ng bulkan, at iba pa ay hindi naman talaga mga kasakunaan. Nagiging kasakunaan lamang ang mga ito kapag napinsala ng mga ito ang buhay at ari-arian ng mga tao.

^ par. 6 Para sa mas detalyadong paliwanag kung bakit pansamantalang pinahintulutan ng Diyos ang pagdurusa at kasamaan, pakisuyong tingnan ang serye ng mga artikulo na pinamagatang “‘Bakit?’​—Pagsagot sa Pinakamahirap sa Lahat ng Tanong,” sa Nobyembre 2006 na isyu ng magasing ito, gayundin ang kabanata 11 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

NAKAHANDA KA BA SA PAGLIKAS?

Inirerekomenda ng mga ahensiya ng gobyerno na magplano ang mga pamilya sa paglikas at maghanda ng bag na matibay, madaling kunin at bitbitin, at naglalaman ng mahahalagang bagay na kakailanganin sa panahon ng kagipitan. Maaaring ilagay sa bag ang sumusunod: *

◼ Mga kopya ng importanteng mga dokumento na nasa isang lalagyan na hindi napapasok ng tubig.

◼ Ekstrang susi ng kotse at mga susi ng bahay

Credit card o debit card at pera

◼ Nakaboteng tubig at hindi nasisirang mga pagkain

◼ (Mga) flashlight, radyong may AM/FM, cellphone (kung mayroon), ekstrang batirya

◼ Gamot na kahit man lamang pang-isang linggo, listahan ng dosis ng gamot, reseta, at mga pangalan ng doktor at numero ng kanilang telepono. (Tiyaking palitan ang mga gamot bago ma-expire ang mga ito)

First-aid kit

◼ Matibay at komportableng mga sapatos at kapote

◼ Mga numero ng telepono na tatawagan at tagpuan sakaling magkahiwa-hiwalay ang inyong pamilya, at isang mapa ng inyong lugar

◼ Mga gamit na kailangan ng bata

[Talababa]

^ par. 35 Ang listahang ito ay pangunahin nang batay sa isang opisyal na listahan ng New York City Office of Emergency Management. Maaaring hindi lahat ng bagay sa listahang ito ay angkop sa iyong kalagayan o sa inyong lugar, at baka may mga bagay na kailangang idagdag. Halimbawa, ang mga may-edad na at mga may-kapansanan ay may espesyal na mga pangangailangan.

[Picture Credit Line sa pahina 4]

USGS, David A. Johnston, Cascades Volcano Observatory