Sakit ng Ngipin—Kasaysayan ng Matinding Pahirap
Sakit ng Ngipin—Kasaysayan ng Matinding Pahirap
Sa palengke sa liwasan ng isang bayan noong edad medya, isang manggagantso, na may magarang pananamit, ang nangangalandakan na kaya niyang bumunot ng ngipin nang hindi masasaktan ang pasyente. Lumapit ang kaniyang kakutsaba, na kunwari’y ayaw pang magpabunot. Pagkatapos, pinalabas ng manggagantso na binunot niya ang bagang nito na may dugo pa, at saka ipinakita ito sa lahat. Di-nagtagal, naengganyo ang mga sumasakit ang ngipin na magbayad at ipabunot ang kanilang ngipin. Ang mga tagatambol at tagahihip ng mga trumpeta ay nag-ingay nang husto para masapawan ang paghiyaw ng mga binubunutan upang hindi matakot ang iba. Sa loob ng ilang araw, maaaring nagnanaknak na ang gilagid ng ilan sa mga binunutan ng ngipin, pero wala na ang manggagantso.
SA NGAYON, iilang tao na lamang na may masakit na ngipin ang magpupunta sa gayong mga manggagantso. Malulunasan ng makabagong mga dentista ang sakit ng ngipin, at kadalasan nang nakakagawa sila ng paraan para maingatan ang ngipin ng pasyente. Gayunpaman, maraming tao ang takót magpatingin sa dentista. Ang pagbabalik-tanaw sa kung paano unang natutuhan ng mga dentista ang paraan para maibsan ang nadaramang kirot ng kanilang mga pasyente ay makatutulong sa atin na pahalagahan ang makabagong dentistri.
Sinasabing pumapangalawa sa sipon ang pagkasira ng ngipin bilang pinakakaraniwang sakit ng tao. Hindi ito isang bagong sakit. Ipinakikita ng tula ni Haring Solomon na sa sinaunang Israel, bahagi ng pagtanda ang pagkalagas ng ngipin.—Eclesiastes 12:3.
Nagdusa Maging ang mga Maharlika
Hindi nakaligtas maging si Elizabeth I, ang reyna ng Inglatera, sa sakit ng ngipin. Isang panauhing Aleman, na nakapansin sa maiitim na ngipin ng reyna, ang nag-ulat na ito ay “karaniwang problema ng mga Ingles, dahil sa sobra nilang pagkain ng matatamis.” Noong Disyembre 1578, araw at gabing pinahihirapan ng sakit ng ngipin ang reyna. Inirekomenda ng kaniyang mga doktor na bunutin ang kaniyang sirang ngipin, pero tumanggi siya, marahil ay naiisip ang kirot na idudulot nito. Para mapapayag siya, nagpakitang-gilas ang obispo ng London na si John Aylmer sa pamamagitan ng pagpapabunot ng isa sa kaniyang ngipin, na marahil ay bulok na, sa harapan ng reyna—pambihira ito dahil iilan na lamang ang ngipin ng matandang lalaking ito!
Noong panahong iyon, nagpapabunot ng ngipin ang karaniwang mga mamamayan sa isang barbero o maging sa isang panday. Pero nang dumami ang mga taong nakakabili ng asukal, dumami rin ang mga taong sumasakit ang ngipin—pati na ang mga eksperto sa pagbunot ng ngipin. Dahil dito, naging interesado ang ilang doktor at siruhano sa paggamot sa sakit ng ngipin. Pero sila-sila lamang ang nag-aral tungkol dito dahil ayaw ituro ng mga eksperto ang kanilang lihim na pamamaraan sa pagbunot ng ngipin. Kakaunti rin ang mga aklat hinggil dito.
Mga sandaang taon pagkalipas nito, naging hari ng Pransiya si Louis XIV. Madalas siyang pahirapan ng sakit ng ngipin, at noong 1685, ipinabunot niya ang lahat ng kaniyang pang-itaas na ngipin sa kaliwa. Ipinapalagay ng ilan na ang sakit ng ngipin ng hari ang naging sanhi ng kaniyang kapaha-pahamak na pasiya na ipawalang-bisa ang kalayaan ng pagsamba sa Pransiya, isang pagkilos na nagdulot
ng yugto ng malupit na pag-uusig sa maliliit na grupo ng relihiyon.Pasimula ng Makabagong Dentistri
Dahil sa impluwensiya ng maluhong pamumuhay ni Louis XIV sa lipunan ng Paris, naging propesyon ang pagdedentista. Napakahalaga ng magandang hitsura para mapanatili ng isa ang kaniyang mataas na katayuan sa lipunan. Dahil dumami ang gustong magpapustiso, hindi para gamitin sa pagkain kundi pangunahin na para gumanda ang kanilang hitsura, nagkaroon ng bagong uri ng mga siruhano—mga dentistang nagtatrabaho para sa mga kabilang sa alta sosyedad. Ang nangungunang dentista noon sa Paris ay si Pierre Fauchard, na natutong maging siruhano noong nagtrabaho siya sa hukbong-dagat ng Pransiya. Pinuna niya ang mga siruhano na ipinauubaya ang pagbunot ng ngipin sa mga barbero at manggagantsong wala naman talagang alam sa ngipin. Tinawag niya ang kaniyang sarili bilang ang kauna-unahang siruhanong dentista.
Sa halip na ipagdamot ang kaniyang pamamaraan, sumulat si Fauchard ng isang aklat noong 1728 tungkol sa lahat ng nalalaman niya sa paggamot ng ngipin. Dahil dito, tinawag siyang “Ama ng Dentistri.” Siya ang unang gumamit ng pasadyang upuan para sa mga pasyente sa halip na paupuin lamang ang mga ito sa sahig. Nakagawa rin si Fauchard ng limang kagamitan para sa pagbunot ng ngipin, pero hindi lamang pagbunot ng ngipin ang alam niya. Nakagawa rin siya ng barenang para sa ngipin at nakaisip ng mga paraan ng pagpapasta ng ngipin. Natuto siyang mag-root canal at magkabit ng artipisyal na ngipin sa pinakapuno ng ngipin. Ang ginagawa niyang pustiso, na yari sa garing, ay may spring para manatili sa posisyon ang pang-itaas na ngipin ng pustiso. Ginawa ni Fauchard na propesyon ang dentistri. Umabot pa nga ang kaniyang impluwensiya sa Amerika.
Nagdusa Rin ang Unang Presidente ng Estados Unidos
Mga sandaang taon pagkalipas ng panahon ni Louis XIV, pinahirapan din ng sakit ng ngipin si George Washington sa Amerika. Mula noong siya’y 22 taóng gulang pa lamang, halos taun-taon siyang nagpapabunot ng ngipin. Gunigunihin ang paghihirap na malamang na tiniis niya habang pinangungunahan niya ang kaniyang hukbo sa rebolusyon ng Amerika! Nang siya ang maging kauna-unahang presidente ng Estados Unidos noong 1789, halos bungal na siya.
Labis na ikinahihiya ni Washington ang pagkawala ng kaniyang mga ngipin at ang kaniyang di-sukat na pustiso. Lubha siyang nababahala sa kaniyang hitsura habang sinisikap niyang magpakita ng magandang imahe bilang presidente ng isang bagong bansa. Noon, ang mga pustiso ay inuukit mula sa garing nang hindi sinusukat sa bibig kung kaya hindi ito lumalapat nang husto. Problema rin ng mga lalaking Ingles ang naging problema ni Washington. Ipinapalagay na kaya hindi gaanong nagpapatawa ang mga Ingles ay dahil iniiwasan nilang mapahagalpak sa tawa at mabisto ang kanilang pustiso.
Hindi totoo ang sabi-sabi na gawa sa kahoy ang pustiso ni Washington. Ang mga ito ay gawa sa ngipin ng tao, sa garing, at sa tingga, pero hindi sa kahoy. Malamang na nakuha ng kaniyang mga dentista ang mga ngipin mula sa mga nagnanakaw sa mga libingan. Sinusundan din ng mga nagbebenta ng ngipin ang mga hukbo at binubunot ang mga ngipin ng mga patay at ng mga naghihingalo sa digmaan. Kaya noon, mga mayayaman lamang ang kayang magpapustiso. Noong dekada ng 1850, matapos matuklasan na puwedeng lutuin at hulmahin ang goma, ginamit din itong materyales sa paggawa ng pustiso. Sa panahong ito naging abot-kaya na ang mga pustiso. Bagaman nangunguna sa larangan ng dentistri ang mga dentista ni Washington, hindi pa rin nila lubusang naunawaan ang sanhi ng sakit ng ngipin.
Ang Katotohanan Tungkol sa Sakit ng Ngipin
Noong una, inakala ng mga tao na mga uod ang sanhi ng sakit ng ngipin—isang teoriyang pinaniniwalaan hanggang sa ika-18 siglo. Noong 1890, natuklasan ni Willoughby Miller, isang Amerikanong
dentistang nagtatrabaho sa Alemanya sa University of Berlin, ang sanhi ng pagkasira ng ngipin, na siyang pangunahing sanhi ng sakit ng ngipin. Isang uri ng baktirya, na dumarami dahil sa matamis na pagkain, ang naglalabas ng asidong sumisira ng ngipin. Pero paano maiiwasan ang pagkasira ng ngipin? Nalaman ang sagot nang di-sinasadya.Sa loob ng maraming taon, nagtataka ang mga dentista sa Colorado, E.U.A., kung bakit may mantsa ang mga ngipin ng karamihan sa mga tagaroon. Sa wakas, natuklasan na ito pala ay dahil sa maraming fluoride ang suplay ng kanilang tubig. Pero habang pinag-aaralan ang problemang ito, di-sinasadyang nalaman ng mga mananaliksik ang isang katotohanan hinggil sa pag-iwas sa sakit ng ngipin, na siyang mapapakinabangan ng buong daigdig: Mas maraming sirang ngipin ang mga taong lumaki sa mga lugar kung saan kaunti ang fluoride sa iniinom nilang tubig. Ang fluoride, na likas na masusumpungan sa maraming suplay ng tubig, ay isang sangkap ng enamel ng ngipin. Nang bigyan ng sapat na fluoride ang mga taong umiinom ng tubig na kulang sa fluoride, ang mga insidente ng pagkasira ng ngipin sa kanilang lugar ay bumaba nang hanggang 65 porsiyento.
Sa wakas, nalutas ang palaisipan. Ang sakit ng ngipin ay madalas na dulot ng pagkasira ng ngipin. Pinalalala ito ng matatamis na pagkain. Ang fluoride naman ang nakatutulong para maiwasan ito. Siyempre pa, matagal nang napatunayan na bukod sa fluoride, mahalaga rin ang wastong pagsisipilyo at paggamit ng dental floss.
Paggamit ng Anestisya sa Dentistri
Bago natuklasan ang paggamit ng anestisya, matinding pahirap ang nararanasan ng mga pasyenteng nagpapagamot sa mga dentista. Tinatanggal ng mga dentista ang nabubulok na bahagi ng ngipin, gamit ang matatalas na instrumento at saka pinapastahan ang ngipin ng mainit na metal. Yamang wala pa silang ibang paraan ng paggamot noon, kinakauterisa nila ang naimpeksiyon na ngipin sa pamamagitan ng nagbabagang bakal. At dahil wala pang pantanging mga kagamitan at anestisya noon, napakasakit din ang magpabunot ng ngipin. Pumapayag lamang ang mga tao sa gayong pahirap dahil mas mahirap tiisin ang sakit ng ngipin. Bagaman matagal nang ginagamit ang mga halamang-gamot, gaya ng opyo, marihuwana, at mandragoras, nababawasan lamang ng mga ito ang kirot. Darating pa kaya ang panahon na hindi na mararanasan ang kirot kapag nagpabunot o nagpaayos ng ngipin?
Ang nakapagpapamanhid na epekto ng nitrous gas, o laughing gas, ay napansin di-nagtagal nang una itong matimpla ng kimikong Ingles na si Joseph Priestley noong 1772. Pero noong 1844 lamang ito nagamit bilang anestisya. Noong Disyembre 10 ng taóng iyon, si Horace Wells, isang dentista sa Hartford, Connecticut, E.U.A., ay dumalo sa isang lektyur kung saan nilibang ang mga tao sa pamamagitan ng laughing gas. Napansin ni Wells na nang tumama sa matigas na bangko ang lulod ng isang taong nakalanghap nito, hindi nasaktan ang tao. Maawain si Wells at gusto niyang maibsan ang kirot ng kaniyang mga pasyente. Kaagad niyang naisip na gamiting anestisya ang laughing gas. Pero bago niya ito ginamit sa iba, sinubukan muna niya ito sa kaniyang sarili. Kinabukasan, naupo siya at nilanghap ang gas hanggang sa mawalan siya ng ulirat. Pagkatapos, binunot ng kaniyang kasamahan ang kaniyang sumasakit na bagang. Makasaysayan ito. Sa wakas, hindi na masakit ang magpabunot o magpaayos ng ngipin! *
Mula noon, malaki na ang isinulong ng dentistri. Kaya sa ngayon, tiyak na hindi ka na matatakot na magpatingin sa dentista.
[Talababa]
^ par. 22 Sa ngayon, mas madalas nang gamitin ang itinuturok na mga anestisya kaysa sa nitrous oxide.
[Larawan sa pahina 28]
Pustisong garing ni George Washington, ang kauna-unahang presidente ng Estados Unidos
[Credit Line]
Courtesy of The National Museum of Dentistry, Baltimore, MD
[Larawan sa pahina 29]
Paglalarawan sa kauna-unahang pagbunot ng ngipin gamit ang “nitrous oxide” bilang anestisya, noong 1844
[Credit Line]
Courtesy of the National Library of Medicine
[Picture Credit Line sa pahina 27]
Courtesy of the National Library of Medicine