Mga Dahilan Upang Magtiwala sa Bibliya
3. Nagkakasuwato
Ipagpalagay na hinilingan mong sumulat ng isang aklat ang 40 lalaki na iba’t iba ang pinagmulan at bawat isa ay susulat ng isang bahagi. Ang mga manunulat ay nakatira sa iba’t ibang lupain at hindi sila magkakakilala. Hindi alam ng ilan kung ano ang isinulat ng iba. Aasahan mo bang magkakasuwato ang aklat na isinulat nila?
GANIYAN ang Bibliya. * Isinulat ito sa mga kalagayang mas mahirap pa sa inilarawan sa itaas, gayunman talagang nagkakasuwato ang mga bahagi nito.
Pambihirang mga kalagayan. Ang Bibliya ay naisulat sa loob ng mga 1,600 taon, mula 1513 B.C.E. hanggang mga 98 C.E. Marami sa humigit-kumulang 40 manunulat nito ang nabuhay mga dantaon ang pagitan. Iba-iba ang kanilang hanapbuhay. Ang ilan ay mangingisda, ang iba ay mga pastol o hari, at ang isa naman ay manggagamot.
Iisang mensahe. Iisang pangunahing tema ang binuo ng mga manunulat ng Bibliya: ang pagbabangong-puri sa karapatan ng Diyos na mamahala sa sangkatauhan at ang katuparan ng kaniyang layunin sa pamamagitan ng kaniyang makalangit na Kaharian, isang pandaigdig na gobyerno. Unang binanggit ang temang ito sa Genesis, detalyadong ipinaliwanag sa kasunod na mga aklat, at tinalakay ang kasukdulan nito sa Apocalipsis.—Tingnan ang “Tungkol Saan ang Bibliya?” sa pahina 19.
Nagkakasuwato sa mga detalye. Nagkakaisa ang mga manunulat ng Bibliya kahit sa kaliit-liitang detalye, pero madalas na hindi isinaplano ang pagkakatugma-tugmang ito. Pansinin ang isang halimbawa. Ayon sa manunulat ng Bibliya na si Juan, nang dumating ang isang malaking pulutong upang makinig kay Jesus, espesipikong tinanong ni Jesus si Felipe kung saan bibili ng tinapay para pakanin ang mga tao. (Juan 6:1-5) Sa katulad na ulat, sinabi ni Lucas na ito ay nangyari malapit sa lunsod ng Betsaida. Sa pasimula ng kaniyang aklat, nabanggit ni Juan na si Felipe ay mula sa Betsaida. (Lucas 9:10; Juan 1:44) Kaya makatuwiran lamang na tanungin ni Jesus ang isa sa mga taong nakatira malapit doon. Nagkakasuwato ang mga detalye—subalit maliwanag na hindi ito sinadyang maging gayon. *
Makatuwirang mga pagkakaiba. Ang ilang ulat ay magkakaiba, subalit hindi ba dapat natin itong asahan? Halimbawa, isang grupo ng mga tao ang nakasaksi ng isang krimen. Kung babanggitin ng bawat isa ang mga detalye gamit ang magkakaparehong pananalita, hindi ka ba magsususpetsa ng pagsasabuwatan? Makatuwiran lamang na iba-iba ang magiging patotoo ng bawat isa ayon sa kaniyang partikular na punto de vista. Gayundin kung tungkol sa mga manunulat ng Bibliya.
Isaalang-alang ang isang halimbawa. Si Jesus ba ay nagagayakan ng purpurang kasuutan sa araw ng kaniyang kamatayan, gaya ng iniulat nina Marcos at Juan? (Marcos 15:17; Juan 19:2) O iskarlata ba ito, gaya ng sinasabi ni Mateo? (Mateo 27:28) Ang totoo, maaaring tama ang dalawang ulat. Ang purpura ay may mga sangkap ng pula. Depende sa puwesto ng nagmamasid, maaaring baguhin ng sinag ng liwanag ang ilang kulay, anupat nag-iiba ng kulay ang kasuutan. *
Ang pagkakaisa ng mga manunulat ng Bibliya, pati na ang kanilang di-sinasadyang pagkakasuwato, ay isa pang patotoo na ang mga isinulat nila ay mapagkakatiwalaan.
[Mga talababa]
^ par. 4 Ang Bibliya ay isang koleksiyon ng 66 na aklat, o mga bahagi, mula Genesis hanggang Apocalipsis.
^ par. 7 Para sa iba pang halimbawa ng gayong pagkakasuwato, tingnan ang pahina 16-17 ng brosyur na Isang Aklat Para sa Lahat ng Tao, na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
^ par. 9 Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 7, “Sinasalungat ba ng Bibliya ang Sarili?,” sa aklat na Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.
[Larawan sa pahina 7]
Purpura ba o iskarlata ang kasuutan ni Jesus?