Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Isang Natatanging Aklat

Isang Natatanging Aklat

Isang Natatanging Aklat

“Sa buong kasaysayan, ang Bibliya ang pinakamalawak na naipamahaging aklat.”​—The World Book Encyclopedia.

MAHIGIT 550 taon na ang nakalilipas, sinimulan ng Alemang imbentor na si Johannes Gutenberg ang paglilimbag gamit ang isahang tipong letra. Ang unang mahalagang aklat na inilimbag niya ay ang Bibliya. * Mula noon, bilyun-bilyong aklat hinggil sa lahat ng paksa ang naimprenta. Pero ang Bibliya ang nakahihigit sa lahat ng ito.

◼ Tinatayang mahigit 4.7 bilyong Bibliya (sa kabuuan o bahagi nito) ang nailimbag na. Limang ulit na mas maraming kopya iyan sa pangalawa sa pinakamalawak na naipamahaging publikasyon, ang Quotations From Chairman Mao.

◼ Mahigit 50 milyong kopya ng Bibliya o mga bahagi nito ang naipamahagi kamakailan sa loob lamang ng isang taon. “Ang Bibliya ang pinakamabiling aklat ng taon, taun-taon,” ang sabi ng isang ulat sa magasing The New Yorker.

◼ Ang Bibliya, sa kabuuan o bahagi nito, ay naisalin na sa mahigit 2,400 wika. Ang ilang bahagi ng Bibliya ay mababasa sa mga wikang ginagamit ng mahigit 90 porsiyento ng mga tao.

◼ Natapos na ng halos kalahati ng mga manunulat ng Bibliya ang kanilang mga isinulat bago pa ipanganak si Confucius, ang kilalang matalinong Tsino, at si Siddhārtha Gautama, ang nagtatag ng Budismo.

◼ Napakalaki ng impluwensiya ng Bibliya sa sining, pati na sa ilang pinakakilalang ipinintang larawan, musika, at literatura sa daigdig.

◼ Sa kabila ng mga pagbabawal ng gobyerno, panununog ng relihiyosong mga mananalansang, at pagbatikos ng mga kritiko, naingatan pa rin ang Bibliya. Walang ibang aklat sa kasaysayan ang dumanas ng gayon katinding pagsalansang​—at nakaligtas.

Kamangha-mangha ang nabanggit na mga impormasyon, hindi ba? Sabihin pa, hindi sapat ang kahanga-hangang mga detalye at estadistika upang patunayang mapagkakatiwalaan ang Bibliya. Susunod, susuriin natin ang limang dahilan kung bakit kumbinsido ang milyun-milyong tao na karapat-dapat pagtiwalaan ang Bibliya.

[Talababa]

^ par. 3 Ang Bibliya ni Gutenberg ay isang salin sa Latin at natapos noong mga 1455.

[Mga larawan sa pahina 4]

Ang palimbagan ni Gutenberg at isang pahina mula sa kaniyang Bibliya

[Credit Lines]

Palimbagan: Courtesy American Bible Society; pahina: © Image Asset Management/age fotostock