Pinatutunayan ba ng Arkeolohiya ang Bibliya?
Pinatutunayan ba ng Arkeolohiya ang Bibliya?
PARA sa mga nag-aaral ng Bibliya, mahalaga ang arkeolohiya yamang ang mga tuklas nito ay kadalasang nakadaragdag sa kanilang kaalaman tungkol sa buhay, mga kalagayan, kaugalian at mga wika noong panahong isinusulat ang Bibliya. Naglalaan din ito ng kapaki-pakinabang na impormasyon tungkol sa katuparan ng mga hula sa Bibliya, gaya ng hula tungkol sa pagbagsak ng sinaunang Babilonya, Nineve, at Tiro. (Jeremias 51:37; Ezekiel 26:4, 12; Zefanias 2:13-15) Pero ang arkeolohiya ay may limitasyon. Kailangang ipaliwanag ang nahukay na sinaunang mga bagay, at ang mga interpretasyon ng tao ay maaaring magkamali at magbago.
Ang pananampalatayang Kristiyano ay hindi nakadepende sa mga bagay na nahukay ng mga arkeologo, gaya ng basag na mga plorera, sirang mga laryo, o gumuhong mga pader, kundi sa buong kalipunan ng magkakasuwatong mga katotohanang nasa Bibliya na isiniwalat ng Diyos. (2 Corinto 5:7; Hebreo 11:1) Walang alinlangan, ang pagkakasuwato, pagiging prangka, natupad na mga hula, at marami pang ibang katangian ng Bibliya ay nakakukumbinsing mga katibayan na “lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos.” (2 Timoteo 3:16) Gayunpaman, pansinin ang maraming kawili-wiling tuklas ng arkeolohiya na nagpapatunay sa mga ulat ng Bibliya.
Natuklasan ng isang grupo ng mga arkeologong naghuhukay sa Jerusalem noong 1970 ang isang sunóg na kaguhuan. “Sa paningin ng mga dalubhasa sa larangang ito, maliwanag kung ano ang nangyari,” ang isinulat ni Nahman Avigad, ang lider ng grupo ng mga naghuhukay. “Tinupok ng apoy ang gusali, gumuho ang mga pader at kisame.” Naroon sa isang silid ang mga buto [1] ng isang braso na ang mga daliri ay nakaunat na waring gustong makalabas.
Nagkalat sa sahig ang mga barya [2], na ang pinakabago ay mula pa noong ikaapat na taon ng paghihimagsik ng mga Judio laban sa Roma—69 C.E. Nakakalat ang mga gamit bago pa gumuho ang gusali. “Nang makita namin ito,” ang sabi ni Avigad, “naalaala namin ang paglalarawan ni Josephus sa pandarambong ng mga kawal na Romano sa mga bahay nang masakop nila ang lunsod.” Ayon sa mga istoryador, naganap ang pagwasak at pananamsam ng mga Romano sa Jerusalem noong 70 C.E.
Nakita sa pagsusuri na ang mga buto ay sa isang babae na mahigit 20 anyos. Binanggit ng Biblical Archaeology Review: “Ang dalagita, na nasa kusina ng Sunóg na Bahay at nakulong sa sunog nang sumalakay ang mga Romano, ay bumagsak sa sahig at nagpupumilit makalabas sa may pintuan nang mamatay siya. Mabilis na kumalat ang apoy . . .
anupat hindi na siya nakalabas at nadaganan siya ng nagbabagsakang mga bagay.”Ipinaaalaala sa atin ng pangyayaring ito ang hula ni Jesus tungkol sa Jerusalem, na sinabi niya halos 40 taon bago iyon naganap: “Ikaw at ang iyong mga anak sa loob mo ay isusubsob [ng iyong mga kaaway] sa lupa, at hindi sila mag-iiwan sa iyo ng bato sa ibabaw ng kapuwa bato.”—Lucas 19:43, 44.
Pinatutunayan din ng mga natuklasan ng mga arkeologo ang pangalan ng mga indibiduwal na binanggit sa Bibliya. Pinasinungalingan ng ilan sa mga natuklasang ito ang sinabi noon ng mga kritiko na inimbento lamang ng mga manunulat ng Bibliya ang ilang tauhan sa aklat na ito o pinalabis ang pag-uulat sa katanyagan ng mga ito.
Inskripsiyon ng mga Pangalan sa Bibliya
Inakala noon ng kilalang mga iskolar na walang nabuhay na Haring Sargon II ng Asirya, na ang pangalan ay lumitaw sa Bibliya sa Isaias 20:1. Pero noong 1843, natagpuan ang palasyo ni Sargon [3] sa sangang-ilog ng Ilog Tigris malapit sa makabagong-panahong Khorsabad sa Iraq. Mga 10 ektarya ng lupa ang lawak nito. Si Sargon II, na dating hindi kilala, ay isa ngayon sa pinakakilalang hari ng Asirya. Sa isa sa kaniyang mga ulat ng kasaysayan [4], sinabi niyang nalupig niya ang lunsod ng Samaria sa Israel. Ayon sa ulat ng Bibliya, bumagsak ang Samaria sa kamay ng mga Asiryano noong 740 B.C.E. Iniulat din ni Sargon na binihag nito ang Asdod, na nagpapatunay sa Isaias 20:1.
Natuklasan ng mga arkeologo ang mga 300 tapyas na cuneiform malapit sa Pintuang-daan ni Ishtar habang hinuhukay ang kaguhuan ng sinaunang lunsod ng Babilonya, na ngayon ay nasa Iraq. May nakaukit na listahan ng mga pangalan sa mga inskripsiyon tungkol sa panahon ng pamamahala ni Haring Nabucodonosor sa Babilonya, at isa rito ang pangalan ni “Yaukin, hari ng lupain ng Yahud.” Tumutukoy ito kay Haring Jehoiakin ng lupain ng Juda, na dinalang bihag sa Babilonya nang unang kubkubin ni Nabucodonosor ang Jerusalem noong 617 B.C.E. (2 Hari 24:11-15) Binanggit din sa tapyas ang lima sa mga anak na lalaki ni Jehoiakin.—1 Cronica 3:17, 18.
Habang naghuhukay noong 2005 sa lugar na inaakala ng mga arkeologo na kinaroroonan ng palasyo ni Haring David, natagpuan nila ang pagkalaki-laking gusaling bato na pinaniniwalaan nilang nawasak nang sunugin ng mga Babilonyo ang Jerusalem noong panahon ng propeta ng Diyos na si Jeremias, mahigit 2,600 taon na ang nakalilipas. Hindi tiyak kung labí nga iyon ng palasyo ni David. Pero may isang bagay na nakatawag-pansin kay Eilat Mazar—isang-sentimetrong luwad na may tatak [5] na ganito ang mababasa: “Pagmamay-ari ni Yehuchal anak ni Shelemiyahu anak ni Shovi.” Malinaw na ang ginamit dito ay ang panselyo ni Yehucal (tinatawag ding Jehucal o Jucal), ang Judiong opisyal na binanggit sa Bibliya na sumalansang kay Jeremias.—Jeremias 37:3; 38:1-6.
Sinabi ni Mazar na si Jehucal ay “ikalawang maharlikang lingkod” lamang, pumapangalawa kay Gemarias, anak ni Sapan, na ang pangalan ay nakita sa isang tatak na natagpuan sa Lunsod ni David. Tinukoy sa Bibliya si Jehucal, ang anak ni Selemias (Shelemiyahu), bilang isang prinsipe ng Juda. Bago natuklasan ang panselyo, sa Kasulatan lamang siya nabanggit.
Marunong ba Silang Bumasa at Sumulat?
Ipinakikita sa Bibliya na marunong bumasa at sumulat ang sinaunang mga Israelita. (Bilang 5:23; Josue 24:26; Isaias 10:19) Pero tutol dito ang mga kritiko, anupat ikinakatuwirang hindi isinulat ang kasaysayan sa Bibliya kundi ikinuwento lamang sa sali’t salinlahi, at sa gayo’y hindi mapananaligan. Noong 2005, napatunayang hindi totoo ang teoriyang ito nang matagpuan ng mga arkeologong naghuhukay sa Tel Zayit, na nasa pagitan ng Jerusalem at Mediteraneo, ang isang sinaunang alpabeto, marahil ang pinakamatandang alpabetong Hebreo [6] na natuklasan kailanman at nakaukit sa isang batong-apog.
Ayon sa ilang iskolar, ang natuklasang ito na mula pa noong ikasampung siglo B.C.E. ay nagpapahiwatig ng “pormal na pagsasanay sa pagsulat,” isang “maunlad na antas ng kultura,” at “isang mabilis na sumusulong na burukrasya ng mga Israelita sa Jerusalem.” Kaya salungat sa sinasabi ng mga kritiko, lumilitaw na sing-aga ng ikasampung siglo B.C.E. pa lamang, marunong nang bumasa at sumulat ang mga Israelita, at kaya na nilang maisulat ang kanilang kasaysayan.
Karagdagang Patotoo Mula sa Ulat ng Asirya
Ang Asirya, na dating isang makapangyarihang imperyo, ay madalas na mababasa sa ulat ng Bibliya, at maraming natuklasan doon ang mga arkeologo na nagpapatunay na tumpak ang Kasulatan. Halimbawa, sa paghuhukay sa lugar ng sinaunang Nineve, na kabisera ng Asirya, natuklasan ang isang nililok na bato [7] sa palasyo ni Haring Senakerib. Ipinakikita ng batong iyon ang mga sundalong Asiryano habang dinadala ang mga bihag na Judio sa pagkatapon nang bumagsak ang Lakis noong 732 B.C.E. Mababasa mo ang ulat ng Bibliya hinggil dito sa 2 Hari 18:13-15.
Isinasalaysay sa ulat ng kasaysayan ni Senakerib [8], na natagpuan sa Nineve, ang kaniyang kampanyang pangmilitar noong panahon ng pamamahala ni Haring Hezekias ng Juda, na ang pangalan ay binanggit sa ulat. Mababasa rin sa cuneiform ang iba pang mga tagapamahala gaya nina Haring Ahaz at Manases ng Juda, gayundin sina Haring Omri, Jehu, Jehoas, Menahem, at Hosea ng Israel.
Ipinagmalaki rito ni Senakerib ang mga tagumpay niya sa militar, pero kapansin-pansing hindi niya binanggit na nalupig niya ang Jerusalem. Ang hindi pagbanggit na ito ay isa pang patunay na totoo ang rekord ng Bibliya, na nagsasabing hindi nakubkob ng hari ang Jerusalem kundi dumanas siya ng pagkatalo sa kamay ng Diyos. Pagkatapos nito, ang napahiyang si Senakerib ay bumalik sa Nineve, kung saan siya pataksil na pinatay ng kaniyang mga anak, gaya ng sinasabi ng Bibliya. (Isaias 37:33-38) Kapansin-pansin na ang dalawang inskripsiyon mula sa Asirya ay nagpapatotoo sa pataksil na pagpatay na ito.
Dahil sa labis na kasamaan ng mga tao sa Nineve, inihula ng mga propeta ni Jehova na sina Nahum at Zefanias ang ganap na pagkawasak ng lunsod. (Nahum 1:1; 2:8–3:19; Zefanias 2:13-15) Natupad ang mga inihula nila nang kubkubin at sakupin ang Nineve ng magkasanib na puwersa ni Nabopolassar, ang hari ng Babilonya, at ni Cyaxares na Medo noong 632 B.C.E. Pinatunayang muli ng mga kaguhuang natuklasan at nahukay na totoo ang mga ulat ng Bibliya.
Noong 1925 hanggang 1931, maraming nahukay na sinaunang mga bagay, kasama na ang mga 20,000 tapyas na luwad, sa Nuzi na sinaunang lunsod sa silangan ng Ilog Tigris at sa timog-silangan ng Nineve. Isinulat ito sa wika ng mga Babilonyo at naglalaman ng detalyadong impormasyon tungkol sa mga kaugalian sa batas, gaya noong panahon ng mga patriyarka na isinalaysay sa Genesis. Halimbawa, mababasa rito na ang mga diyos ng pamilya, na karaniwang maliliit na piguring luwad, ay isang uri ng titulo na nagbibigay sa may-ari nito ng karapatan sa kaniyang mana. Maaaring dahil sa kaugaliang ito kaya kinuha ni Raquel, ang asawa ng patriyarkang si Jacob, ang mga diyos ng kanilang pamilya, o “terapim,” na pag-aari ng kaniyang amang si Laban nang lumipat ang pamilya ni Jacob. Hindi kataka-takang gustong mabawi ni Laban ang terapim.—Genesis 31:14-16, 19, 25-35.
Hula ni Isaias at ang Cyrus Cylinder
Ang inskripsiyong cuneiform sa sinaunang luwad na silinder na ipinakikita rito ay nagpapatotoo sa isa pang ulat ng Bibliya. Nasumpungan ang dokumentong ito, na kilala bilang Cyrus Cylinder [9], sa sinaunang Sippar sa Eufrates, mga 32 kilometro mula sa Baghdad. Mababasa rito ang paglupig sa Babilonya ni Cirong Dakila, ang nagtatag ng Imperyo ng Persia. Kamangha-mangha, mga 200 taon bago mangyari iyon, ganito ang sinabi ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propetang si Isaias tungkol sa pinuno ng Medo-Persia na tatawaging Ciro: “‘Siya ay aking pastol, at ang lahat ng kinalulugdan ko ay lubusan niyang tutuparin’; maging sa sinabi ko tungkol sa Jerusalem, ‘Siya ay muling itatayo.’”—Isaias 13:1, 17-19; 44:26–45:3.
Kapansin-pansing binanggit sa silinder ang patakaran ni Ciro—na kabaligtaran naman sa patakaran ng ibang sinaunang mga manlulupig—tungkol sa pagpapauwi sa mga bihag ng dating namamahalang kapangyarihan. Pinatotohanan ng Bibliya at ng sekular na kasaysayan na talagang pinalaya ni Ciro ang mga Judio, na muli namang nagtayo ng Jerusalem.—2 Cronica 36:23; Ezra 1:1-4.
Bagaman isang bagong siyensiya ang arkeolohiya ng Bibliya, ito ay naging isang malaking larangan ng pag-aaral na naglalaan ng ilang mahahalagang impormasyon. Gaya ng nakita natin, maraming tuklas ang nagpapatunay na totoo at tumpak ang Bibliya kahit pa nga hanggang sa kaliit-liitang detalye kung minsan.
PARA SA HIGIT PANG IMPORMASYON
Matutulungan ka ba ng Bibliya na magkaroon ng maligaya at makabuluhang buhay? Ang dalawang-oras na DVD na The Bible—A Book of Fact and Prophecy ay tumatalakay sa mahalagang paksang ito at naghaharap ng kawili-wiling mga panayam.—Makukuha sa 32 wika.
Ang Bibliya Salita ng Diyos o ng Tao?
Kailangan mo ba ng higit pang katibayan na ang Bibliya ay walang nilalamang kuru-kuro at pagkakasalungatan? Totoo kaya ang mga himala na mababasa sa Bibliya? Suriin ang impormasyong inihaharap sa 192-pahinang aklat na ito.—Inilathala sa 56 na wika.
[Credit Line]
Alejandrong Dakila: Roma, Musei Capitolini
Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
Ipinaliliwanag ng 19 na kabanata ng aklat na ito na pantulong sa pag-aaral ang bawat mahalagang turo ng Bibliya, pati na ang layunin ng Diyos para sa lupa at sa sangkatauhan.—Mababasa ngayon sa 162 wika.
Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya
Ang aklat na ito na pantanging dinisenyo para sa mga bata at naglalaman ng magagandang larawan ay tumatalakay sa 116 na tao at pangyayari—ayon sa kronolohikal na pagkakasunud-sunod.—Makukuha sa 194 na wika.
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Mga barya: Generously Donated by Company for Reconstruction & Development of Jewish Quarter, Jerusalem Old City
[Picture Credit Line sa pahina 15]
Society for Exploration of Land of Israel and its Antiquities
[Picture Credit Lines sa pahina 16]
3: Musée du Louvre, Paris; 4: Photograph taken by courtesy of the British Museum; 5: Gabi Laron/Institute of Archaeology/Hebrew University © Eilat Mazar
[Picture Credit Lines sa pahina 17]
6: AP Photo/Keith Srakocic; 7, 8: Photograph taken by courtesy of the British Museum
[Picture Credit Line sa pahina 18]
Photograph taken by courtesy of the British Museum