Tulong sa mga May Asperger’s Syndrome
Tulong sa mga May Asperger’s Syndrome
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA BRITANYA
GUSTO mong makipagkaibigan, kaya lang hirap kang makipag-usap. Pero kaya mo namang magkuwento nang magkuwento tungkol sa paborito mong paksa. Nakadepende ka sa rutin; naiirita ka kapag may pagbabago. Madalas kang mabalisa at masiraan ng loob at kung minsan ay malungkot na malungkot.
Hindi ka naiintindihan ng mga tao. Sinasabi nilang kakaiba ang kilos mo, mahirap kang pakisamahan, o masungit pa nga. Nahihirapan ka ring intindihin ang takbo ng isip at damdamin ng iba, lalo pa’t hindi mo mabasa ang ekspresyon ng kanilang mukha o kilos. Ganito ang karaniwang nararanasan ng marami sa mga may Asperger’s syndrome, na tinatawag ding Asperger’s disorder.
Normal ang hitsura ng mga may Asperger’s syndrome, at karaniwan nang napakatalino nila. Pero apektado ang kanilang utak anupat mabagal ang pagsulong ng kanilang kakayahang makipag-usap at makihalubilo sa tao. Iba-iba ang epekto ng syndrome na ito sa bawat indibiduwal. Pero may puwedeng gawin para matulungan ang mga may Asperger’s syndrome. Tingnan natin ang karanasan ni Claire.
Sa Wakas, May Diyagnosis Na!
Nang bata pa si Claire, napakatahimik niya at mahiyain. Umiiwas siyang tumingin sa mga tao at takot siya kapag maraming tao. Maaga siyang natutong magsalita pero hindi siya palaimik, at kung sakali mang magsalita siya, iisa ang tono ng boses niya. Gusto niya ng rutin at nababalisa siya kapag binago ito.
Sa paaralan, nauubusan ng pasensiya ang mga guro dahil akala nila’y nananadya si Claire, at tinutukso siya ng ibang mga bata. Nahihirapan din ang kaniyang ina dahil isinisisi sa kaniya ng iba ang iginagawi ni Claire. Kaya sa bahay na lamang tinuruan si Claire ng kaniyang ina sa mga huling taon ng kaniyang pag-aaral.
Maraming napasukang trabaho si Claire pero sinisesante siya dahil hindi niya kaya ang mga pagbabago sa rutin at ang mga ipinagagawa sa kaniya. Sa huli niyang trabaho, sa isang nursing home, napansin ng nangangasiwa roon na may malubhang problema kay Claire. Sa wakas, nang si Claire ay 16 anyos, nasuri na mayroon siyang Asperger’s syndrome.
Alam na ngayon ng ina ni Claire kung bakit ibang-iba ang ikinikilos ng kaniyang anak. Nakakuha ng ilang impormasyon tungkol sa kondisyong ito ang isang kaibigan, at nang basahin ito ni Claire, hindi siya makapaniwala: “Ginagawa ko ba iyon? Ganun ba ako?” Pinayuhan si Claire ng lokal na ahensiya ng serbisyong panlipunan na sumailalim sa occupational therapy. Isinaayos ni Chris, isang Saksi ni Jehova na may karanasan sa pagtulong sa mga batang may pantanging pangangailangan, na makapagboluntaryo at makatulong si Claire, isa ring Saksi, sa pag-aayos at paglilinis ng gusaling ginagamit ng mga Saksi sa Kristiyanong mga pagpupulong.
Pagsisikap na “Mamuhay Nang Normal”
Sa umpisa, bihirang makipag-usap si Claire sa mga kasama niyang boluntaryo. Kapag nagkakaproblema siya sa trabaho, sumusulat siya kay Chris dahil mas mahirap para sa kaniya na makipag-usap. Sa bandang huli, nahimok din ni Chris si Claire na maupo muna para pag-usapan nilang mabuti ang problema. Nagtiyaga siyang turuan si Claire na “mamuhay nang normal,” gaya ng pagkakasabi ni Chris. Ipinaliwanag niya na hindi “normal” na iwasan ang iba at gawin kung ano lamang ang gusto niyang gawin. Dahil dito, natutuhan ni Claire na makipagtulungan sa paggawa ng isang trabaho.
Dahil sa malungkot na mga karanasan ni Claire, nawalan siya ng tiwala sa sarili, kaya kapag may anumang ipinagagawa sa kaniya, agad siyang sumasagot, “Hindi ko kaya ’yan.” Paano siya tinulungan ni Chris? Binibigyan niya si Claire ng simpleng trabaho at ipinaliliwanag, “Ganito ang gagawin mo,” at sinasabi pa niya, “Kaya mo ’yan.” Masaya si Claire kapag natapos niya iyon. Taimtim siyang pinupuri ni Chris at binibigyan niya siya ng panibagong trabaho. Nahihirapan si Claire kapag sasabihin lang sa kaniya ang sunud-sunod na gagawin niya, pero kaya niya kung may listahan siya nito. Unti-unti, nagkaroon siya ng tiwala sa sarili.
Dahil ayaw ni Claire kapag maraming tao, malaking hamon sa kaniya na makipagkuwentuhan pagkatapos ng Kristiyanong mga pagpupulong. Nakagawian na niyang mag-isang umupo sa harap ng Kingdom Hall. Pero sinisikap niyang pumunta agad sa bandang likuran, at makipag-usap sa isang tao pagkatapos ng pulong.
Di-nagtagal, nakikipagkuwentuhan na si Claire sa mas maraming tao. “Pero hindi iyon madali,” ang sabi niya. Kahit hirap na hirap siyang makipag-usap, regular siyang nagbibigay ng presentasyon sa Paaralang Teokratiko Ukol sa Ministeryo, isang programa na dinisenyo para tulungan ang lahat ng mga Saksi ni Jehova na maging mas mabisa sa pakikipag-usap sa mga tao.
Pagharap sa Mas Malaking Hamon
Nagkaroon ng higit na tiwala sa sarili si Claire, kaya iminungkahi ni Chris na subukan niyang maglingkod bilang auxiliary pioneer, ang terminong ginagamit ng mga Saksi ni Jehova para sa mga bautisadong Saksi na gumugugol ng 50 oras o higit pa bawat buwan sa pangangaral at pagtuturo sa iba ng kanilang salig-Bibliyang mga paniniwala. “Hindi ko kaya ’yun,” ang sabi ni Claire.
Pero pinatibay siya ni Chris sa pagsasabing kahit hindi niya maabot ang tunguhing 50 oras sa buwang iyon, ang mahalaga ay sinubukan niya. Kaya sinubukan ni Claire, at talagang nagustuhan niya iyon. Paulit-ulit siyang nag-auxiliary pioneer, at lalo niyang nagustuhan iyon. Nagkaroon siya ng higit na kumpiyansa sa sarili, lalo na kapag marami siyang natatagpuang mga tao na gustong matuto nang higit pa tungkol sa Bibliya.
Sa Kristiyanong mga pagpupulong, naantig si Claire sa naririnig niyang pampatibay-loob na pag-isipan kung may anumang nakapipigil sa kaniya na maging regular pioneer, o buong-panahong ebanghelisador. Kaya naman nagpasiya siyang maglingkod bilang regular pioneer. Ang resulta? Sinabi ni Claire, “Ito ang pinakamagandang gawin!” Naging mas malapít siya sa kaniyang mga kakongregasyon at marami siyang naging kaibigan. Gustung-gusto siya ng mga bata, at tuwang-tuwa siyang tulungan sila sa pangangaral.
Paglalaan ng Tulong
Siyempre pa, hindi lahat ng may Asperger’s syndrome ay makapaglilingkod bilang buong-panahong ministro. Pero ipinakikita ng karanasan ni Claire na mas malaki ang magagawa ng gayong mga indibiduwal kaysa sa inaakala nila. Tamang-tama para kay Claire ang regular na iskedyul dahil kailangan niya ng isang rutin, at ang kaniyang pagkamatapat at pagkamaaasahan ay nakatulong sa kaniya na magtagumpay sa kaniyang napiling karera.
Para kay Claire, importanteng malaman ng mga tao na mayroon siyang Asperger’s syndrome para maunawaan nila kung bakit ganoon ang ugali niya. Ipinaliwanag niya, “Dahil hindi mo masabi nang malinaw ang gusto mong sabihin, iniisip tuloy ng iba na mahina ang ulo mo.” Kaya makatutulong kung may iba kang mapagsasabihan ng iyong kalagayan.
Iminumungkahi nina Chris at Claire sa mga taong may ganitong kondisyon na magkaroon ng simpleng mga tunguhin, at isa-isa itong abutin. Mahalagang humingi sila ng tulong sa isang indibiduwal na nakauunawa sa kondisyong ito. Bilang resulta, malilinang nila ang pagpapahalaga sa sarili at mapagtatagumpayan ang mga hamon.
Ipinakikita ng karanasan ni Claire na kung may pagtitiyaga at pampasigla, malaki ang magagawa para matulungan ang mga may Asperger’s syndrome. Pinatutunayan ito ni Claire, sa pagsasabi: “Mga ilang taon na ang nakalilipas, hindi ko iisiping makakaya ko ang mga ginagawa ko ngayon.”
[Larawan sa pahina 24]
Para kay Claire, importanteng malaman ng mga tao na mayroon siyang Asperger’s syndrome
[Kahon sa pahina 22]
ASPERGER’S SYNDROME
Ang kondisyong ito ay isinunod sa pangalan ni Dr. Hans Asperger, na unang nagpaliwanag nito noong 1944. Pero nito lamang kamakailan sinaliksik nang husto ang kondisyong ito para maunawaan at matulungan ang dumaraming bilang ng mga indibiduwal na may ganitong syndrome. Hindi tiyak ng mga mananaliksik sa medisina kung ito ay isang di-gaanong malalang uri ng autismo o iba pa itong uri ng syndrome. Hanggang sa ngayon, hindi pa alam kung ano ang sanhi ng Asperger’s syndrome. Pero hindi kakulangan sa pagmamahal o pagpapabaya ng mga magulang ang sanhi nito.
[Kahon sa pahina 24]
PAGTULONG SA MGA MAY ASPERGER’S SYNDROME
Makipagkilala at makipagkaibigan sa mga may Asperger’s syndrome. Kahit na nahihirapan silang lumapit para makipag-usap, tandaan na gusto nila at kailangan nila ng mga kaibigan. Baka nahihirapan kang pakisamahan sila, pero hindi naman sila nananadya.
Magtiyaga, at sikaping unawain ang kanilang mga problema. Isa pa, huwag kalilimutan na kailangan mong ipaliwanag nang detalyado at malinaw ang mga bagay-bagay dahil baka hindi ka nila maunawaan. Kung kailangang baguhin ang isang rutin, ipaliwanag itong mabuti, baka nga kailangan mo pang ipakita kung paano ito gagawin.
Kung makita mong alalang-alala sila sa isang bagay na kanilang nakita o narinig, akayin mo ang kanilang pansin sa isang magandang larawan o sa isang nakaaaliw na musika.
[Larawan sa pahina 23]
Natutuhan ni Claire na maunang makipagkaibigan
[Larawan sa pahina 23]
Ipinaliliwanag ni Chris kay Claire kung paano makikipagtulungan sa paggawa ng isang trabaho