Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Ilog na Pasalunga ang Agos

Ilog na Pasalunga ang Agos

 Ilog na Pasalunga ang Agos

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA CAMBODIA

NAKAKITA ka na ba ng ilog na pasalunga ang agos, o ng gubat na kalahating taóng lubog sa baha? Alam mo bang may mga taong nakatira sa mga bahay na puwedeng lumutang sa baha at kailangang ilipat kapag kumati na ang tubig? “Imposible,” baka sabihin mo. Pero kung makakapasyal ka sa Cambodia sa panahon ng tag-ulan, baka magbago ang isip mo.

Araw-araw, mula kalagitnaan ng Mayo hanggang Oktubre, nagdidilim ang maaliwalas na kalangitan sa umaga, at sa hapon nama’y bumubuhos ang napakalakas na ulan. Humuhugos ang tubig sa dating tigang at maalikabok na lupa, at umaapaw ang mga ilog.

Bakit Pasalunga?

Tingnan mo ang mapa sa kabilang pahina. Pansinin ang lokasyon kung saan nagsasalubong ang rumaragasang Ilog Mekong at ang Ilog Tonle Sap. Magsasanib ang dalawang ilog na ito at magsasanga patungo sa Ilog Bassac at sa pangunahing bahagi ng Ilog Mekong. Tuluy-tuloy ang agos ng mga ito patimog sa bansang Vietnam hanggang sa malawak na Mekong Delta.

Kapag nagsimula ang tag-ulan, agad babahain ang mabababang lugar ng delta. Aapawan ng humuhugos na tubig ang natuyong mga sangang-ilog. Dahil sa patuloy na pag-ulan, aapaw na rin ang Ilog Tonle Sap at magsisimula itong umagos pahilaga, sa halip na patimog, na siyang karaniwang direksiyon ng agos nito. Ang pasalungang agos na ito ng umaapaw na ilog ay huhugos hanggang sa Lawa ng Tonle Sap.

Ang lawang ito ay nasa mababang kapatagan na mga 100 kilometro ang layo mula sa Phnom Penh, ang kabisera ng Cambodia. Sa panahon ng tag-init, mga 3,000 kilometro kuwadrado ang lawak ng lawa. Pero pagsapit ng tag-ulan, magiging apat hanggang limang ulit ang laki ng lawang ito kaysa dati, anupat nagiging ang pinakamalawak na tubig-tabang sa Timog-Silangang Asia.

Lubog na ngayon sa tubig ang mga palayan, lansangan, punungkahoy, at mga nayon. Ang mga mangingisda na dating namamangka sa tubig na isang metro lamang ang lalim ay namamangka na ngayon sa ibabaw ng mga punungkahoy na hanggang sampung metro ang taas! Sa ibang mga lugar, karaniwan nang itinuturing na sakuna ang gayong napakalawak na baha. Pero para sa mga taga-Cambodia, ito ay isang pagpapala. Bakit?

Pakinabang sa Baha

Ang pasalungang agos ng Ilog Tonle Sap ay nag-iiwan ng mga suson ng burak na nagpapataba sa pinakasahig ng Lawa ng Tonle Sap. Bukod diyan, pagkarami-raming isda mula sa Ilog Mekong ang lumalangoy patungo sa lawa na sagana sa nutriyente at doon ito nangingitlog. Sa katunayan, sa buong daigdig, isa sa pinakasaganang pinagmumulan ng mga isdang-tabang ang Lawa ng Tonle Sap. Pagkatapos ng tag-ulan, napakabilis kumati ng tubig sa lawa, anupat kung minsan ay nakakahuli ang mga mangingisda ng mga isdang nasabit sa mga puno!

Ang taunang pagbahang ito ay lumikha ng mahusay na ekosistema. Ang mga puno at iba pang pananim sa binabahang mga lugar ay naiiba sa mga halamang nabubuhay sa mga lugar na hindi binabaha. Karaniwan na, mabagal ang paglaki ng mga puno sa tropiko at nalalagas ang mga dahon ng mga ito kapag tag-init, at muling nagdadahon kapag tag-ulan. Hindi ganiyan ang mga puno sa rehiyon ng Tonle Sap. Nalalagas lamang ang dahon ng mga punungkahoy rito kapag nalubog ang mga ito sa baha dahil sa malalakas na pag-ulan. At bumabagal ang paglaki ng mga ito sa panahon ng tag-ulan sa halip na bumilis. Kapag bumaba na ang lebel ng tubig at nagsimula na ang tag-init, nagkakausbong na ang mga sanga ng mga punungkahoy at mabilis na yumayabong. Kapag kumati na ang tubig sa lawa, ang pinakasahig nito ay makikitang nababalutan ng suson ng nabubulok na mga dahon na nagiging pataba ng mga punungkahoy at iba pang mga halaman sa panahon ng tag-init.

Mga Bahay na May Mahahabang Tukod at mga Balsa

Kumusta naman ang mga tao rito? Ang ilang nakatira sa lawa ay nagtatayo ng maliliit na bahay na  may mahahabang tukod. Kapag tag-init, hanggang anim na metro ang taas ng mga bahay na ito. Pero sa panahong napakataas ng baha, doon mismo sa tapat ng pinto ng mga bahay humihinto ang mga bangkang pangisda at malalaking batya na ginagamit kung minsan sa paghahatid sa mga bata.

Ang ibang mga nakatira sa lawa ay naninirahan sa nakalutang na mga bahay na itinayo sa mga balsa. Kapag lumaki na ang pamilya, nagdurugtong sila ng isa pang balsa para maging ekstensiyon ng bahay. Mga 170 ang nakalutang na mga nayon sa lawang iyon.

Sa maghapon, nangingisda ang mga bata’t matanda gamit ang mga lambat at iba pang panghuli ng isda. Dahil tumataas at kumakati ang tubig, maaaring iusad nang ilang kilometro ang mga bahay o ang buong mga nayon para hindi sila mapalayo sa bagong baybayin o sa mga lugar na mas maraming isda.

Ang mahahabang bangka ay ginagawang mga tindahan o nakalutang na mga palengke, na mabibilhan ng pang-araw-araw na mga pangangailangan ng komunidad, at ginagamit pa ngang pampublikong mga “bus.” Ang mga batang mag-aarál naman ay pumapasok sa nakalutang na mga paaralan. Ang lahat, mula halaman hanggang sa mga tao, ay sumasabay sa agos ng tubig sa isang lupain kung saan pasalunga ang agos ng ilog.

[Mapa sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Tag-init

Tag-ulan

CAMBODIA

Lawa ng Tonle Sap

Ilog Tonle Sap

Ilog Mekong

PHNOM PENH

Ilog Bassac

Mekong Delta

VIETNAM

[Larawan sa pahina 23]

Batang namamangka sa Ilog Tonle Sap

[Mga Larawan sa pahina 23]

Larawan ng isang nayon—sa panahon ng tag-init at sa panahon ng tag-ulan

[Picture Credit Lines sa pahina 23]

Map: Based on NASA/Visible Earth imagery; village photos: FAO/Gordon Sharpless