Mga Bata at Internet—Ang Dapat Malaman ng mga Magulang
Mga Bata at Internet—Ang Dapat Malaman ng mga Magulang
NOON, tila sapat nang pag-iingat sa paggamit ng Internet ang paglalagay ng computer sa tamang lokasyon sa bahay. Inakala na kung nasa sala ang computer, malamang na hindi na mangangahas ang mga bata na pumasok sa mapanganib na mga site sa Internet. Totoo naman iyon—isang katalinuhan pa rin na huwag maglagay sa silid ng bata ng computer na makakokonekta sa Internet—pero hindi lamang iyon ang pag-iingat na kailangan. Mayroon na ngayong wireless na mga gadyet, kaya puwede nang makapag-Internet ang mga kabataan saanman sila pumunta. Marami nang cell phone na makakokonekta sa Internet. Nandiyan din ang mga Internet café, Internet kiosk, aklatan, at ang matagal nang tambayan, ang bahay ng kabarkada. Sa dami ng mapagpipilian, madali nang maitatago ng mga kabataan ang pinaggagagawa nila sa Internet.
Alamin ang ilan sa mga bagay na kinawiwilihang gawin ng maraming kabataan sa Internet at kung ano ang posibleng mga panganib nito.
Ano ito? Mga liham na ipinadadala sa elektronikong paraan.
Bakit nakakaengganyo? Ang e-mail ay mabilis at matipid na paraan para makipagsulatan sa mga kaibigan at kapamilya.
Ang dapat mong malaman. Hindi lamang nakaaabala ang mga e-mail na galing sa mga hindi kakilala, na karaniwan nang tinatawag na spam. Kadalasan, naglalaman ang mga ito ng pasaring tungkol sa sex o ng lantarang kabastusan. Ang mga link na nasa mga mensaheng ito ay maaaring humingi—maging sa inosenteng bata—ng personal na impormasyong magagamit ng masasamang tao para nakawin ang kaniyang pagkakakilanlan. Kung sasagutin ng gumagamit ng Internet ang gayong mga e-mail—kahit pa mariin niyang sinasabi na itigil na ang pagpapadala ng mga e-mail—matitiyak lamang ng nagpadala na aktibo pa ang kaniyang e-mail address, kaya maaaring paulanan pa siya ng gayong mga e-mail.
WEB SITE
Ano ito? Koleksiyon ng mga impormasyon sa Internet na ginawa at ginagamit ng mga organisasyon, institusyong pang-edukasyon, negosyo, at mga indibiduwal.
Bakit nakakaengganyo? Milyun-milyong site ang mapupuntahan ng mga kabataan para mamilí, magsaliksik, makipag-usap sa mga kaibigan, at maglaro o mag-download ng mga laro at musika.
Ang dapat mong malaman. Sinasamantala ng maraming walang-prinsipyong mga tao ang Web. Marami sa mga Web site ang nagpapakita ng mga taong nagse-sex, at kung hindi maingat ang gumagamit ng Internet, baka mabuksan niya ang mga site na ito nang di-sinasadya. Halimbawa, sa Estados Unidos, 90 porsiyento ng mga kabataang sinurbey na edad 8 hanggang 16 ang nagsabing nakakita sila ng pornograpya sa Internet nang di-sinasadya—karaniwan na, samantalang gumagawa ng takdang-aralin!
May mga Web site din na madaling puntahan ng mga kabataan na gustong magsugal. Sa isang surbey sa Canada, halos 1 sa 4 na mga batang lalaki na nasa ika-10 at ika-11 grado ang umamin na pumunta sila sa gayong mga site, at natural lamang na mabahala ang mga eksperto dahil talagang nakakaadik ang mga sugal sa Internet. May tinatawag ding mga pro-ana Web site. Pinalilitaw ng mga site na ito na wala namang masama sa “pagiging anorectic.” * May mga site naman na nagsusulsol ng pagkapoot sa minoryang mga relihiyon at etnikong grupo. Ang ilang site ay nagtuturo kung paano gumawa ng bomba at lason, at kung paano magsasagawa ng terorismo. Kahindik-hindik na mga karahasan at madudugong sagupaan naman ang mga eksenang makikita sa maraming laro sa Internet.
CHAT ROOM
Ano ito? Site sa Internet kung saan puwedeng mag-usap sa pamamagitan ng text message, karaniwan na tungkol sa isang espesipikong paksa o kawili-wiling bagay.
Bakit nakakaengganyo? Puwedeng makausap ng iyong anak ang mga indibiduwal na hindi niya kakilala pero kapareho niya ng hilig.
Ang dapat mong malaman. Karaniwang nagbababad sa mga chat room ang masasamang tao para akitin ang mga bata na makipag-sex sa Internet o makipagkita sa kanila para mapagsamantalahan ang mga ito. Kuning halimbawa ang nangyari sa isa sa mga awtor ng aklat na What in the World Are Your Kids Doing Online? noong nagsasaliksik siya hinggil sa ligtas na paggamit ng Internet. Bilang bahagi ng kaniyang pananaliksik, nagkunwari siyang 12-anyos sa Internet. “Halos isang iglap lang,” ang ulat ng aklat, “may nag-anyaya sa kaniya na pumasok sa isang pribadong chat room. Nagkunwari ang babaing ito na hindi niya alam kung paano ito gagawin, kaya tinulungan siya ng kaniyang matulunging bagong kaibigan. Saka ito nagtanong kung gusto niyang makipag-sex [sa Internet].”
INSTANT MESSAGE
Ano ito? Pag-uusap ng dalawa o higit pang indibiduwal sa pamamagitan ng text message.
Bakit nakakaengganyo? Sa instant messaging, puwedeng piliin ng gumagamit ng Internet kung sino sa mga kaibigan niya ang gusto niyang kausapin mula sa ginawa niyang contact list. Hindi kataka-taka, iniulat ng isang pag-aaral sa Canada na 84 na porsiyento ng mga kabataang 16 at 17 anyos ang nakikipagpalitan ng mga instant message sa kanilang mga kaibigan sa loob ng mahigit isang oras sa isang araw.
Ang dapat mong malaman. Ang pag-uusap sa pamamagitan ng instant message ay makaaabala sa iyong anak kung nag-aaral siya o may ginagawa na nangangailangan ng pagbubuhos ng pansin. Bukod diyan, paano mo malalaman kung sino talaga ang kausap ng iyong anak, hindi mo naman naririnig ang kanilang pag-uusap?
BLOG
Ano ito? Mga talaarawan sa Internet.
Bakit nakakaengganyo? Sa blog, maisusulat ng mga kabataan ang kanilang naiisip, kinahihiligan, at pinagkakaabalahan. Sa karamihan ng mga blog, puwedeng maglagay ng komento ang ibang mga nagbabasa, at maraming kabataan ang tuwang-tuwa kapag may nagkokomento sa kanilang mga isinulat.
Ang dapat mong malaman. Puwedeng mabasa ng lahat ang blog. Ang ilang kabataan ay basta-basta na lamang naglalagay ng impormasyon tungkol sa kanilang pamilya, paaralan, o adres ng bahay. Isa pa: Puwedeng makasira ng reputasyon ang mga blog, pati na ng reputasyon ng mismong gumawa ng blog. Halimbawa, binabasa ng ilang nagpapatrabaho ang blog ng isang aplikante para gawin ding batayan kung tatanggapin siya sa trabaho o hindi.
ONLINE SOCIAL NETWORK
Ano ito? Mga site sa Internet kung saan puwedeng gumawa ang mga kabataan ng Web page na maaari nilang lagyan ng mga larawan, video, at blog.
Bakit nakakaengganyo? Sa pagbuo at pagpapaganda ng Web page, maipakikilala ng isang kabataan ang kaniyang sarili. Sa online social network, maraming nagiging bagong “kaibigan” ang mga kabataan.
Ang dapat mong malaman. “Parang parti sa Internet ang social networking site,” ang sabi ng kabataang si Joanna. “Puwedeng may pumasok na mga taong talaga namang nakakatakot.” Ang personal na mga impormasyong inilalagay sa mga social network ay maaaring samantalahin ng walang-prinsipyong mga kabataan at adulto. Kaya nga sinabi ng safety expert sa Internet na si Parry Aftab na sa gayong mga site, “pipili na lamang ng bibiktimahin ang seksuwal na mga mang-aabuso.”
Bukod diyan, mababaw ang mga pagkakaibigang nabubuo sa Internet. Ang ilang kabataan ay naglalagay sa kanilang Web page ng mahabang listahan ng mga kontak nila sa Internet kahit na hindi pa nila nakikita ang mga ito nang mukhaan, para lamang magtinging sikat sila sa mga pumapasok sa kanilang site. Sa kaniyang aklat na Generation MySpace, isinulat ni Candice Kelsey na nagiging kalakaran sa mga kabataan na “sukatin ang halaga ng isang tao bilang kaibigan sa dami ng mga taong humahanga sa kaniya.” Idinagdag pa niya na dahil sa kalakarang ito, “bumababa ang pagkatao ng ating mga anak at nagigipit sila na gawin ang lahat para lamang bumango ang kanilang pangalan at magkaroon sila ng mas maraming kaibigan.” Kaya ganito ang makatuwirang tanong ng babasahing What in the World Are Your Kids Doing Online?: “Paano mo ituturo sa mga bata na kailangan nilang magpakita ng empatiya at malasakit, kung sa Internet naman ay nagkakaroon sila ng mga kakilala na maaari nilang ibasura kailanma’t maisipan nila?”
Anim na halimbawa lamang ito ng mga bagay na kinawiwilihang gawin ng mga kabataan ngayon sa Internet. Kung isa kang magulang, ano ang puwede mong gawin para maprotektahan ang iyong mga anak sa mga panganib sa paggamit ng Internet.
[Talababa]
^ par. 12 Maraming mga organisasyon at site na pro-ana ang nagsasabing hindi naman nila itinataguyod ang anorexia. Pero pinalilitaw ng ilan sa mga ito na hindi disorder ang anorexia kundi ito lamang ang buhay na gusto ng isa. Ang mga forum sa mga site na ito ay nagbibigay ng impormasyon kung ano ang puwedeng gawin ng isang kabataan para hindi mahalata ng kaniyang mga magulang na pumapayat siya at hindi kumakain nang regular.
[Blurb sa pahina 4]
Sa India, biglang dumami ang mga gumagamit ng Internet—tumaas nang 54 na porsiyento sa loob lamang ng isang taon—pangunahin na dahil sa mga kabataang nahihilig dito
[Blurb sa pahina 7]
▪ “Para sa isang magulang, ang Web cam ay isang kumbinyente at matipid na paraan para makipag-ugnayan ang isang bata sa kaniyang mga kaibigan o sa kanilang mga kamag-anak, pero para sa isang masamang tao, isa itong bukás na bintana sa silid ng bata.”
—Robert S. Mueller III, direktor ng Federal Bureau of Investigation