Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

Kung Bakit Walang Huli

Kung Bakit Walang Huli

 Kung Bakit Walang Huli

“May panahong marami kaming huli at may panahon din namang kakaunti, pero ngayon ko lang naranasan ang ganito katinding krisis sa pangingisda,” ang sabi ng 65-taóng-gulang na si George, isang mangingisda sa hilagang-silangang baybayin ng Inglatera. “Nasaid na lahat—salmon, whitefish, gindara, lobster—lahat-lahat.”

HINDI lamang si George ang nababahala; may gayunding nakaaalarmang mga ulat mula sa mga mangingisda sa buong daigdig. Ganito ang sinabi ni Agustín, kapitan ng isang 350-toneladang barkong pangisda sa Peru: “Mga 12 taon nang nagkakaubusan ng sardine. Sagana sa isda ang Peru sa buong taon, pero ngayon, madalas na sunud-sunod na buwan kaming walang huli. Dati-rati, nakakahuli kami ng isda 25 kilometro lang mula sa baybayin, pero ngayon, kailangan pa naming pumalaot nang 300 kilometro.”

Ganito naman ang sabi ni Antonio na nakatira sa Galicia, Espanya: “Mahigit 20 taon na akong nangingisda. Nasaksihan ko ang unti-unting pagkasaid ng yaman ng dagat. Sinasagad natin ang karagatan.”

Di-gaya sa litrato ng kinalbong kagubatan, hindi gaanong mapapansin sa litrato ng karagatang bugbog sa pangingisda ang laki ng pinsala, pero talagang matindi na ang pinsala. Ganito ang ibinabala kamakailan ng United Nations Food and Agriculture Organization hinggil sa walang-patumanggang pangingisda: “Grabe at nakaaalarma ang situwasyon dahil mga 75 porsiyento na ng mga pangisdaan sa daigdig ang inaabuso, labis na inaabuso, o nasaid na.”

Para sa 20 porsiyento ng mga tao sa daigdig, isda ang pangunahing pinagkukunan ng protinang galing sa hayop. Kaya nanganganib maubos ang isa sa pinakaimportante nating pagkain. Hindi pare-pareho ang dami ng isda sa karagatan. Sa katunayan, kaunti lamang ang nabubuhay na mga nilalang sa kalakhang bahagi ng karagatan. Ang pinakasaganang mga pangisdaan ay karaniwan nang  malapit sa baybayin at sa mga katubigang pumapaitaas ang malamig na tubig na sagana sa nutriyente. Ang mga nutriyenteng ito ang pagkain ng mga phytoplankton, na siya namang pangunahing kinakain ng iba pang nilalang sa karagatan. Paano sinisira ng mga mangingisda ang mismong mga pangisdaan na pinagkukunan nila ng ikabubuhay? Nagbibigay ng sagot ang kasaysayan ng isang partikular na pangisdaan.

Grand Banks—Nagsimula ang Paglipol

Limang taon lamang pagkatapos ng makasaysayang paglalayag ni Christopher Columbus noong 1492, tinawid ng manlalayag at manggagalugad na si John Cabot * ang Atlantiko mula sa Inglatera at natuklasan ang pangisdaan sa Grand Banks, na nasa mababaw na bahagi ng karagatan malapit sa baybayin ng Canada. Di-nagtagal, daan-daan ang pumalaot sa Atlantiko para mangisda sa Grand Banks na para bang nagkukumahog sa ginto. Noon lamang nakakita ang mga Europeo ng katubigang namumutiktik sa gindara.

Parang ginto ang halaga ng gindara. Gustung-gusto pa rin ng mga tao sa buong daigdig ang maputing laman nito na halos walang taba. Ang mga gindara sa Atlantiko ay karaniwan nang tumitimbang nang halos isa’t kalahating kilo hanggang siyam na kilo, pero ang ilan sa Grand Banks ay sinlaki ng tao. Nang sumunod na mga siglo, dumami ang huli ng mga mangingisda nang matuto silang gumamit ng malalaking lambat na nakakabit sa barkong pangisda at sumusuyod sa pinakasahig ng karagatan at ng mga longline na may libu-libong kawil.

Epekto ng Industriyal na Pangingisda

Pagsapit ng ika-19 na siglo, nagpahayag ng pagkabahala ang ilang Europeo hinggil sa pagkasaid ng mga isda, lalo na ng mga herring. Gayunman, sa International Fisheries Exhibition sa London noong 1883, ganito ang sinabi ng presidente ng British Royal Society na si Propesor Thomas Huxley: “Kung ikukumpara sa sangkatutak na dami ng mga isda, katiting lang ang nahuhuli natin . . . Kaya sa tingin ko, hindi malilimas ang pangisdaan ng gindara . . . at marahil ang lahat ng malalaking pangisdaan sa karagatan.”

Kakaunti lamang ang nagduda sa pananaw ni Huxley kahit nagdatingan na sa Grand Banks ang industriyal na mga barkong pangisda na pinatatakbo ng singaw. Lumaki ang pangangailangan para sa gindara, lalo na pagkatapos ng 1925 nang maimbento ni Clarence Birdseye ng Massachusetts, E.U.A, ang mabilisang proseso para magyelo ang isda. Dahil sa imbensiyong ito, gumamit na ang mga mangingisda ng mga barkong pinatatakbo ng krudo para mas marami pang mahuli. Pero hindi lamang iyan ang nangyari.

Noong 1951, isang kakaibang barko mula sa Britanya ang dumating para mangisda sa Grand Banks. Walumpu’t limang metro ang haba nito at may kapasidad na 2,600 gross ton. Ito ang kauna-unahang barkong pangisda na may sariling freezer at aparatong agad nakapagpoproseso ng mga isdang kahuhuli pa lamang. Mayroon itong rampa sa popa, na may panghila ng malaking lambat, at sa ibabang kubyerta naman, may mga freezer at mga hilera ng makinang awtomatikong nag-aalis ng tinik ng mga isda. Gumagamit ang barkong ito ng radar, mga fish-finder, at echolocator para makahuli ng pagkarami-raming isda araw at gabi sa loob ng sunud-sunod na linggo.

Nakita ng iba pang mga bansa na malakas pagkakitaan ang industriyang ito, at di-nagtagal, daan-daang gayong barkong pangisda na ang sumusuyod sa karagatan, anupat nakakahuli nang  hanggang 200 tonelada ng isda kada oras. Ang ilang barko ay may kapasidad na 8,000 tonelada at may mga lambat na kasya ang isang jumbo jet.

Pangwakas na Dagok

“Noong huling mga taon ng dekada ng 1970,” ang sabi ng aklat na Ocean’s End, “akala pa rin ng maraming tao, hindi masasaid ang yaman ng dagat.” Parami nang paraming dambuhalang barkong pangisda ang sumuyod sa Grand Banks hanggang sa dekada ng 1980. Nagbabala ang mga siyentipiko na malapit nang maubos ang mga gindara. Pero libu-libo katao na ang umaasa ng ikabubuhay sa pangisdaang ito, at ang mga pulitiko naman ay takót gumawa ng batas na ikagagalit ng mga tao. Sa wakas, noong 1992, ipinakita ng mga siyentipiko na sa nakalipas na 30 taon, 98.9 porsiyento ang ibinaba ng populasyon ng mga gindara. Ipinagbawal ang panghuhuli ng gindara sa Grand Banks. Pero huli na ang lahat. Limandaang taon matapos itong matuklasan, nalimas na ang isa sa pinakasaganang pangisdaan sa daigdig.

Umasa ang mga mangingisda na darami pa ang mga gindara. Pero ang mga gindara ay nabubuhay nang 20 taon at mabagal gumulang. Nang sumunod na mga taon mula 1992, hindi pa rin nangyari ang kanilang inaasahan.

Pangglobong Krisis sa Pangingisda

Ang nangyari sa Grand Banks ay isang nakaaalarmang halimbawa ng pangglobong problema sa industriya ng pangingisda. Noong 2002, ang ministro ng Britanya para sa pangangalaga ng kapaligiran ay nagsabi na “60 porsiyento ng pangisdaan sa daigdig ay malapit nang masaid.” Ang tuna, swordfish, pating, at rockfish ay kabilang sa mga nanganganib maubos.

Palibhasa’y wala na silang mahuli sa kanilang karagatan, maraming mayayamang bansa ang naghahanap ng mapangingisdaan sa ibayong-dagat. Halimbawa, nasa mga baybayin ng Aprika ang ilan sa pinakasaganang mga pangisdaan sa daigdig. Napipilitan ang maraming tagapamahala sa Aprika na magbigay ng mga lisensiya sa pangingisda dahil malaking salaping banyaga ang kinikita rito ng kanilang gobyerno. Kaya naman hindi nakapagtatakang galít ang mga tagaroon sa pagkaubos ng mga isda sa kanilang karagatan.

Bakit Walang-Patumangga Pa Rin ang Pangingisda?

Sa isang ordinaryong tao, parang simple lang ang solusyon—itigil na ang walang-patumanggang pangingisda. Pero hindi ito gayon kasimple. Malaki ang puhunan sa mga kagamitang ginagamit sa komersiyal na pangingisda. Kaya umaasa ang bawat mangingisda na titigil ang iba para makapagpatuloy sila. Ang nangyayari tuloy, karaniwan nang walang humihinto. Bukod diyan, madalas na ang mga gobyerno pa ang pinakamalaking namumuhunan, kaya bahagi sila ng problema. Ganito ang sabi ng magasing Issues in Science and Technology: “Ang mga tunguhin [ng UN] may kinalaman sa konserbasyon ng mga pangisdaan ay kadalasang itinuturing ng mga bansa bilang moral na kodigong dapat sundin ng ibang mga bansa, pero sila mismo ay puwedeng lumabag.”

May pananagutan din ang mga nangingisda bilang isport. Ganito ang ulat ng babasahing New Scientist hinggil sa isang isinagawang pag-aaral ng Estados Unidos: “Sa iniulat na nahuling papaubos nang uri ng mga isda sa Gulpo ng Mexico, 64 na porsiyento ay hinuli dahil lang sa isport.” Yamang maimpluwensiya kapuwa ang komersiyal na mga mangingisda at ang mga nangingisda dahil sa isport, at gustong makuha ng mga pulitiko ang kanilang pabor, hinahayaan na lamang nila ang mga ito sa halip na protektahan ang mga pangisdaan.

Mapoprotektahan kaya ang mga pangisdaan sa daigdig? Ganito ang sabi ni Boyce Thorne-Miller sa kaniyang aklat na The Living Ocean: “Hindi maililigtas ang mga nilalang sa karagatan hangga’t hindi gumagawa ng malalaking pagbabago sa kanilang saloobin ang mga tao.” Mabuti na lamang, ang Maylalang, ang Diyos na Jehova, ay nagtatag ng isang Kaharian na titiyak sa katiwasayan ng buong lupa sa hinaharap.—Daniel 2:44; Mateo 6:10.

[Talababa]

^ par. 8 Ipinanganak si John Cabot sa Italya, kung saan siya kilala bilang Giovanni Caboto. Lumipat siya sa Bristol, Inglatera, noong dekada ng 1480, at mula roon ay naglayag siya noong 1497.

[Blurb sa pahina 21]

Gaya ng kinalbong maulang kagubatan, nasira na nang husto ang karagatang bugbog sa pangingisda

[Blurb sa pahina 22]

“Mga 75 porsiyento na ng mga pangisdaan sa daigdig ang inaabuso, labis na inaabuso, o nasaid na”—United Nations Food and Agriculture Organization

 [Blurb sa pahina 23]

Para sa 20 porsiyento ng mga tao sa daigdig, isda ang pangunahing pinagkukunan ng protinang galing sa hayop

[Larawan sa pahina 23]

Cambodia

[Larawan sa pahina 23]

Komersiyal na pangingisda, Alaska

[Larawan sa pahina 23]

Demokratikong Republika ng Congo

[Picture Credit Line sa pahina 20]

© Janis Miglavs/DanitaDelimont.com

[Picture Credit Lines sa pahina 22]

Top: © Mikkel Ostergaard/Panos Pictures; middle: © Steven Kazlowski/SeaPics.com; bottom: © Tim Dirven/Panos Pictures