Pagmamasid sa Daigdig
Pagmamasid sa Daigdig
▪ Ang opisyal na Web site ng mga Saksi ni Jehova (www.watchtower.org) ay kasalukuyang naglalaan ng impormasyong mababasa sa 314 na wika. Noong nakaraang taon, mahigit 22 milyon ang nagpunta sa site na ito—mahigit 60,000 ang aberids araw-araw.
▪ “Ang hamon ng pagkuha ng malinis at saganang tubig para sa lahat ang isa sa pinakamahirap na problema ngayon sa daigdig. . . . Karaniwan na, kung saan kapos ang tubig, doon maraming baril.”—BAN KI-MOON, KALIHIM-PANLAHAT NG UN.
Kaligayahan at Kalusugan
Noon pa man, sinasabi nang ang mga taong masayahin at positibong mag-isip ay karaniwan nang mas malusog kaysa sa mga taong laging tensiyonado, masungit, o negatibong mag-isip. Sa isang pag-aaral kamakailan, sinabi ng mga mananaliksik na ang mga taong “masayahin” ay may mas mababang antas ng cortisol—isang hormon na likha ng tensiyon at maaaring pagmulan ng iba’t ibang sakit kung mananatiling mataas ang antas nito nang matagal na panahon. Ang gayong mga tao ay may mas mababang antas din ng “dalawang protina na sintomas ng kalát na inflammation sa loob ng katawan.” Ayon kay Dr. Andrew Steptoe ng University College, sa London, “hindi lamang namamana ang disposisyon kundi nakadepende rin ito sa kung paano tayo nakikitungo sa ibang tao at sa pagkakaroon ng kasiyahan sa buhay.”
High-Tech na ang Pagsubaybay sa Buwan
Sa loob ng daan-daang taon, kaugalian na ng mga Muslim na magmasid sa kalangitan para abangan ang paglitaw ng bagong buwan na nagsisilbing hudyat na tapos na ang buwan ng Ramadan at pasimula na ng kapistahang kasunod ng isang-buwang pag-aayuno. Sa ilang lugar, kaugalian nang subaybayan ang buwan nang walang anumang ginagamit na instrumento, at kapag nakita na ang bagong buwan, ipatatalastas ito ng isang lider ng relihiyon sa kanilang mga kapananampalataya. Pero nitong nakalipas na mga taon, inaprubahan ng mga klerigo ang high-tech na mga pamamaraan. Ang mga astronomong taga-Iran, kasama ng mga klerigo na tumitiyak sa kanilang obserbasyon, ay gumagamit na ngayon ng malalakas na teleskopyo, mga kagamitang night vision, at maging ng mga eroplanong may sensitibong mga instrumento sa pagmamasid. Kapag mas maaga nilang namataan ang bagong buwan, mas maaga silang makapagsisimula ng pagdiriwang.
Sanggol Pa Lang, Marunong Nang Kumilatis ng Tao?
Kahit anim na buwan pa lamang na sanggol, marunong nang “kumilatis ng tao bago pa man sila matutong magsalita,” ang sabi ng mga mananaliksik sa Yale University, E.U.A. Pinapanoód sa mga sanggol na anim na buwan hanggang sampung buwan ang isang laruang may malaking mata na umaakyat sa mga burol, samantalang tinutulungan ito ng ibang laruan o itinutulak ng iba para mahulog. Pagkatapos, “ibinigay [sa mga bata] ang mga laruan para tingnan kung alin ang pipiliin nilang paglaruan,” ang paliwanag ng Houston Chronicle. “Pinili ng halos lahat ng sanggol ang matulungin sa halip na ang salbaheng laruan.” Kaya sa paanuman, “alam na maging ng mga sanggol kung sinong mga kalaro ang mababait at hindi, at alam nila kung sino ang pipiliin,” ang sabi ng pahayagan.
‘Pagkauhaw sa Nakabotelyang Tubig’
“Tila hindi mapawi ang pagkauhaw ng mga taga-Amerika sa nakabotelyang tubig, yamang halos 30 bilyong botelya ang binibili nila taun-taon,” ang sabi ng U.S.News & World Report. Pero ang hindi alam ng mga bumibili, karamihan sa mga nakabotelyang tubig ay ordinaryong tubig lamang na galing sa gripo, kaya “ang sinumang umiinom ng nakabotelyang tubig sa halip na ordinaryo[ng tubig] bilang pag-iingat sa kanilang kalusugan ay nadadaya,” ang sabi ng magasin. Ang tubig sa gripo sa maraming bansa ay laging tinitiyak na nakatutugon sa mataas na pamantayan. At kung ihahambing sa “napakamahal” na nakabotelyang tubig, “parang libre” na ang tubig sa gripo!