Sakay Na sa Rickshaw!
Sakay Na sa Rickshaw!
SA Dhaka, ang kabisera ng Bangladesh, may mapapansin kaagad na kakaiba ang isang turista. Kung gaano karami ang mga tao, halos ganoon din karami ang mga rickshaw! Walang katapusan ang pagpaparoo’t parito ng mga sasakyang ito sa mga kalye at iskinita para maghatid ng mga pasahero at produkto.
Sa Dhaka, karaniwang sasakyan pa rin ang rickshaw. Halos 80,000 rickshaw ang nakarehistro, pero sinasabi ng marami na baka mas mataas pa sa bilang na iyan ang makikita mo sa mga kalsada araw-araw. Sa katunayan, tinawag ang Dhaka na rickshaw capital ng daigdig!
Mga Rickshaw Noon
Bagaman mayroon nang ginagamit na mga silyang hinihila o binubuhat noong panahon ng haring si Louis XIV ng Pransiya (1638-1715), sinasabing si Jonathan Gable, isang Amerikanong misyonero sa Hapon noong dekada ng 1870, ang nakaimbento ng rickshaw na hinihila ng tao. Sinasabing umimbento siya ng sasakyan para sa kaniyang asawa na mahina ang katawan at iyon ang tinatawag sa wikang Hapones na jinrikisha, ibig sabihin ay sasakyang hinihila sa pamamagitan ng lakas ng tao. Nang maglaon, naging “rickshaw” ang tawag dito sa wikang Ingles. Paglipas ng panahon, nauso sa buong Asia ang iba’t ibang klase ng rickshaw bilang abot-kayang uri ng transportasyon. Noong 1912, nang dumalaw sa Hapon si Charles Taze Russell (kanan), na masigasig na nangasiwa sa gawain ng mga Estudyante ng Bibliya (tawag noon sa mga Saksi ni Jehova), rickshaw ang sinakyan niya at ng kaniyang mga kasama sa paglilibot doon.
Noong dulo ng dekada ng 1930, nauso sa Dhaka ang mga rickshaw na tatlo ang gulong. Di-tulad ng mga rickshaw na hinihila ng tao gamit ang dalawang pingga, o tubo, na nakakabit sa katawan ng sasakyan, kahawig ito ng malaking tricycle. Pumepedal sa harap ng rickshaw ang wallah, o drayber. Kaya nakararating siya at ang kaniyang mga pasahero o kargada sa mas malalayong lugar, at mas madali siyang nakakalusot sa trapik at masikip na kalsada.
Sining ng Rickshaw
Puro dekorasyon ang mga rickshaw sa Dhaka. Paano nagsimula ang tradisyong ito? Nang magkaroon ng rickshaw sa Dhaka, ang karaniwang
sasakyan na naghahatid ng mga pasahero at kargada ay mga tomtom, mga karwaheng hinihila ng kabayo. Kaya malamang para makaakit ng mga pasahero, pinaganda ng mga may-ari ng rickshaw ang kanilang sasakyan. Nang maglaon, naging kilala ang mga drowing at anunsiyo sa rickshaw bilang natatanging sining.Talagang hahanga ka sa ganda ng mga dekorasyon sa rickshaw. Ito ay gawang-sining na may gulong. Sa katunayan, sinabi ng kritiko ng sining sa Bangladesh na si Syed Manzoorul na ang mga rickshaw sa Dhaka ay “paroo’t paritong displey ng mga larawan.” Halos bawat bahagi ng sasakyang ito ay may makulay na mga dekorasyon, larawan, at disenyo. May makulay na mga palawit at kumikinang na mga beads na nakasabit sa mga gilid o sa natitiklop na bubong nito.
Kani-kaniya ng istilo at paboritong tema ang mga gumagawa ng dekorasyon sa rickshaw. Parang billboard ang ilan sa kanilang mga gawang-sining. May mga eksenang kuha sa luma at bagong mga pelikula sa India at Bangladesh. Maaalaala mo ang buhay sa nayon at mga tanawin sa kabukiran at, kung minsan, mga isyung panlipunan at pampulitika. Karaniwang tema ang mga hayop, ibon, pangangaso, at luntiang mga tanawin sa lalawigan.
Noong dekada ng 1950, kakaunti lang ang mga gumagawa ng mga dekorasyon para sa rickshaw. Sa ngayon, nasa pagitan ng 200 at 300 artisano ang lumilikha ng naiibang gawang-sining na ito. Ina-assemble ang rickshaw sa mga pagawaan at kadalasang kuha ang mga bahagi nito sa niresiklong mga materyales. Halimbawa, ginugupit ng dalubsining ang lata ng mantika o ibang materyales, at pinipintahan ito ng makulay na tanawin. Ang sining ng rickshaw ay tradisyonal na sining ng Bangladesh at mayroon itong natatanging ganda.
Ang Drayber ng Rickshaw
Gaya ng makikita mo, hindi madaling maging drayber ng rickshaw. Biruin mo, maghapon kang namimisikleta sakay ang mabibigat na pasahero o produkto. May mga pasaherong nanay, estudyante, negosyante, o mga mamimili bitbit ang kanilang mga pinamili. Kadalasan, dalawa, tatlo, o higit pa ang pinagkakasya sa rickshaw. Ikinakarga rin sa rickshaw ang mga sako ng bigas, patatas, sibuyas, o mga pampalasa na ibebenta sa palengke. Kung minsan, santambak ang kargada kaya sa ibabaw na nito nauupo ang pasahero. Sa bigat ng kargada, aakalain ng nagmamasid na hindi mapapausad ng drayber ang rickshaw. Pero umulan man o umaraw, walang reklamo sa mabigat na trabaho ang mapagpakumbabang drayber.
Karamihan sa mga drayber sa lunsod ay mga magsasakang galing sa mahihirap na probinsiya. Dahil walang makuhang trabaho na mas malaki ang kita, iniwan ng marami sa kanila ang kanilang pamilya para maging drayber ng rickshaw. Maaari silang kumita ng halagang katumbas ng ilang dolyar (U.S.) sa isang araw, gamit ang lakas ng katawan bilang puhunan.
Kakaibang Uri ng Transportasyon
Uso pa rin ang rickshaw sa Dhaka dahil patag ang mga daan dito at maraming iskinita at mga kalsadang hindi kayang pasukin ng ibang uri ng pampublikong sasakyan. Gusto ng maraming tao ang rickshaw dahil hindi ito nakakasira sa kapaligiran at enjoy pang sakyan.
Sa karamihan ng mga lunsod sa Asia, umuunti na ang mga rickshaw. Sa mga lugar na iyon, mas gusto ng mga tao ang transportasyon na pangmaramihan at kung ano ang moderno kaya halos maglaho na ang mga rickshaw. Laos man ang tingin ng maraming tao sa rickshaw, pinagaganda ngayon ang disenyo ng mga ito para tangkilikin pa rin ng mga tao.
Sa pamamasyal sa Dhaka, marami kang mapagpipiliang pampublikong transportasyon—bus, taxi, motorsiklo, de-motor na rickshaw, o ang makulay na de-pedal na rickshaw. Pero mas mag-eenjoy ka kung sasakay ka sa de-pedal na rickshaw habang lumilibot sa mataong mga kalye sa Dhaka!
[Buong-pahinang larawan sa pahina 23]