Pumunta sa nilalaman

Pumunta sa talaan ng mga nilalaman

“Ayoko Na!”

“Ayoko Na!”

“Ayoko Na!”

Halatang napabayaan na ang bahay. Marami na itong pinagdaanang bagyo. Ngayon, marupok na ang mga pundasyon nito, at mukhang malapit nang bumigay.

GANIYANG-GANIYAN ang pagsasama ng maraming mag-asawa sa ngayon. Nakadama ka na rin ba ng ganiyan? Kung oo, hindi ka nag-iisa. Lahat ng mag-asawa ay nakararanas ng problema. Sa katunayan, sinasabi mismo ng Bibliya na may kasamang “kirot at dalamhati” ang buhay may-asawa.​—1 Corinto 7:28, The New English Bible.

Ayon sa paglalarawan ng isang grupo ng mga mananaliksik, ang pag-aasawa ay parang “napakalaking sugal​—at napakaraming tao ang tumataya rito.” Idinagdag nila: “Sa simula, punô ito ng saya at pag-asa, pero baka sa bandang huli, puro na lang ito luha’t kirot.”

Kumusta ang inyong pagsasama? Kayo ba ay . . .

● Laging nagtatalo?

● Nagpapalitan ng masasakit na salita?

● Hindi tapat sa isa’t isa?

● Naghihinanakit?

Kung marupok na ang inyong pagsasama at mukhang malapit na itong bumigay, ano ang dapat ninyong gawin? Diborsiyo ba ang solusyon?

[Kahon/Larawan sa pahina 3]

“NAGING PANGKARANIWAN NA LANG”

Sa ilang lupain, napakabilis ng pagdami ng mga nagdidiborsiyo. Halimbawa, hindi pa uso noon sa Estados Unidos ang diborsiyo. Pero matapos ang 1960, isinulat ni Barbara Dafoe Whitehead sa kaniyang aklat na The Divorce Culture na “nakakagulat ang mabilis na pagdami ng mga nagdidiborsiyo.” Sinabi niya: “Sa loob lang ng mga sampung taon, dumoble ang bilang ng mga nagdidiborsiyo at patuloy pa itong tumaas hanggang sa pasimula ng dekada ng 1980, kung kailan naitala ang pinakamataas na bilang ng nagdiborsiyo sa mauunlad na lupain sa Kanluran. Kaya ang diborsiyo ay naging pangkaraniwan na lang sa mga Amerikano pagkalipas ng tatlumpung taon.”